Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pang-aabuso sa Bata—Masamang Panaginip ng Bawat Ina

Pang-aabuso sa Bata—Masamang Panaginip ng Bawat Ina

Pang-aabuso sa Bata​—Masamang Panaginip ng Bawat Ina

PARA sa may kabataang ina, ito’y isang masamang panaginip na nagkatotoo. Nang ang kaniyang apat-na-taóng-gulang na anak na babae ay magreklamo ng mga kirot sa puso̗n, pinatingnan niya ito sa isang doktor. Pagkatapos ng isang masusing pagsusuri, malungkot na sinabi ng doktor sa ina na ang kaniyang munting anak na babae ay biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Siya ay ginahasa. Ipinagbigay-alam ito ng ina sa mga maykapangyarihan sa Lunsod ng New York, na agad tumiyak na ang pang-aabuso ay nangyari sa isang day-care center sa Bronx, New York.

Ang mga imbestigasyon sa center ay umani ng nakasisindak na mga resulta. Una’y isa, pagkatapos ay isa pa, saka iba pang bata ang nagsiwalat na sila man, ay inabuso. Hindi kukulangin sa 30 mga bata ang sa wakas ay nagsabi na sila ay inabuso sa center din na iyon. Ang isa sa kanila ay may gonorrhea. Saka lumitaw ang mga report na ang mga bata ay inabuso sa isa pang day-care center. Pagkatapos ay sa isa pa. Sa wakas pitong day-care center ang kinailangang imbestigahan sa Lunsod lamang ng New York.

Habang inilalathala ang bawat bagong kaso, ang mga report tungkol sa pang-aabuso sa bata ay nagsimulang dumating mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Kumalat ang iskandalo. Ang mga magulang ay nagtatanong sa isa’t-isa: “Ano ang nangyayari?” Ano nga ba! Ito ba’y isa lamang kakatwang pagdami ng mga pang-aabuso? O ito ba’y lubhang palasak subalit ngayon lamang napapansin?

Isang Palasak na Problema

Ang totoo ay, ang seksuwal na pang-aabuso sa mga bata ay malaon nang nangyayari at ito ay palasak sa ngayon. Noong 1983, iniulat ng hepe ng Advisory Task Force on Rape ng Lunsod ng New York ang ‘isang lubhang pagdami sa bilang ng mga batang mga biktima ng panggagahasa, insesto, at iba pang anyo ng seksuwal na pang-aabuso.’ Si Dr. David Finkelhor ng Family Violence Research Program sa University of New Hampshire ay nagsagawa ng malawakang pag-aaral tungkol sa paksang ito. Nasumpungan niya na ang mga anak ng 9 na porsiyento ng mga magulang na kinapanayam ay seksuwal na inabuso. Labinlimang porsiyento ng mga babae at 6 na porsiyento ng mga lalaki ang seksuwal na inabuso mismo nang sila’y mga bata!

Mahirap malaman ang eksaktong bilang. Sa Estados Unidos, ang National Center on Child Abuse and Neglect ay may rekord ng 55,399 na mga kaso ng mga batang seksuwal na inabuso sa isang taon. Ngunit ang mga ito ay mga kaso lamang ng insestosong pang-aabuso. Ang pang-aabuso ng mga kaibigan, kapitbahay, guro, at iba pa​—gayundin ng mga estranghero​—ay lubhang makadaragdag pa sa bilang. Sinabi ng isang tagapagsalita para sa Child Welfare League of America sa Awake! na “ang bilang ay ganggakalingkingan lamang.”

Ganito ang tantiya ng isang report sa magasing Ladies Home Journal: “Ang seksuwal na pang-aabuso sa mga batang babae ay apat na ulit na mas pangkaraniwan kaysa panggagahasa sa mga babaing adulto. Sa pagitan ng mga edad na lima at 13, isa sa apat na mga batang babae ang nabibiktima ng ilang anyo ng seksuwal na pang-aabuso ng mga adulto​—ito man ay exhibitionism (malaswang pagbibilad ng katawan), di-angkop na pagkarinyo, panggagahasa, o insesto. Bagaman ang mga batang babae ang pinakakaraniwang mga biktima, 20 hanggang 25 porsiyento niyaong mga binibiktima ay mga munting batang lalaki.”

Kumbinsido ang mga doktor sa panganib at matagalang mga epekto ng gayong pang-aabuso. Kaya, ang mga magulang ay nagtatanong: ‘Nanganganib ba ang aking mga anak? Anong mga hakbang ang maaari kong kunin upang pangalagaan sila? Anong uri ng mga tao ang pipinsala sa kanila?’