“Si Jehova ang Magpapalago”
“Si Jehova ang Magpapalago”
SINASABI sa atin ng Judiong mga sulat na inawit o tinula ng nakalayang mga Judio ang Awit 113 hanggang 118 sa okasyon ng ilan sa kanilang mga kapistahan. Ang mga awit na ito, kilala bilang Hallel, ay naglalakip ng pangako: “Palalaguin kayo ni Jehova . . . Kayo ang pinagpala ni Jehova.”—Awit 115:14, 15.
Noong 1984 ang mga salitang ito ay inawit na panibago—hindi literal kundi sa simbolikong paraan—sa mga kapistahan na lubhang kakaibang uri. Ang mga ito ang 1984 “Pagsulong sa Kaharian” na Pandistritong mga Kombensiyon na ginanap ng mga Saksi ni Jehova sa maraming bahagi ng daigdig. Mayroon ba silang dahilan sa pagpili ng “Pagsulong sa Kaharian” bilang tema ng kanilang kombensiyon at sa pagkakapit ng mga salita ng salmista sa kanilang sarili?
Napansin ng mga Tagalabas ang Pagsulong
Tungkol sa mga Saksi sa Belgium ang pahayagang Le Jour ay sumulat: “Ang 1984 temang ‘Pagsulong sa Kaharian’ ay angkop na naglalarawan sa grupong ito . . . Mula sa 600 lamang na malalakas noong 1945, sila ay mahigit na 22,000 ngayon, hindi pa kabilang ang mga proselita at ang mga may simpatiya.” At sa Pransiya ang pahayagang Le Provençal ay nag-ulat: “Isang daan at limang taon pagkaraan ng pagsilang ng kanilang kilusan, ang mga Saksi ay mabilis na dumarami.”
Gayunman, ang tumatawag-pansin sa daigdig ay hindi ang basta pagdami ng mga Saksi kundi gayundin ang kanilang walang-katulad na istilo ng pamumuhay. Ang mga tagalabas ay humahanga sa mga taong totoong pinagpala ng mga katangian na bihirang makita sa isang walang pag-ibig, marumi, at di-nagkakaisang daigdig. Ang direktor ng istadyum sa Florence, Italya, halimbawa, ay nagkomento: “Ang sa akin ay isang mapag-imbot na pangmalas, batid ko, ngunit sana’y magdaos ng kanilang mga asamblea sa istadyum na ito ang mga Saksi ni Jehova tuwing ikalawang buwan. Sa gayon ito ay laging malinis. Kahanga-hanga kayo.”
“Kayo ay kahanga-hangang bayan,” sabi ng isang manggagawa sa isang pinagdidispleyhan ng kotse malapit sa pinagdarausan ng kombensiyon sa Southampton, Inglatera. Sabi pa ng manggagawa: “Samantalang ang daigdig ay naglalabanan at nag-aawayan, napakapayapa nila at silang lahat ay nakangiti. Sayang at ang buong daigdig ay hindi gaya nila.”
Inilarawan sila ng peryodistang taga-Finland na si Heli Savin bilang “isang pulutong ng pitong libong mga kabataang babae at lalaki, mga ama at mga ina, mga lola at lolo, [na] . . . bumubuo ng isang malaking pamilya kung saan umiiral ang mabuting pag-uugali at paggalang sa isa’t-isa.” Ang manunulat ay nagpatuloy: “Ang pinakamagandang tanawin, sa aking palagay, ay ang mga batang lalaki na kasinggulang ng ating ‘magulong mga tin-edyer.’ . . . Talagang nais ko silang yakapin at sumigaw: ‘Ang sangkatauhan ay mayroon pang natitirang pag-asa!’”
Pagtugon sa mga Kahilingan ng Pagsulong
Noong sinaunang panahon, ang bigay-Diyos na pagsulong ay nakasalalay sa pagtanggi ng bayan ng Diyos na sumamba sa diyus-diyusan, paglalagak ng buong “tiwala kay Jehova,” at “pagkatakot” sa kaniya. (Awit 115:4-13) Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay buong sikap na tinutugon ang mga kahilingang ito. Na talagang natatakot sila kay Jehova ay ipinakita ng isang tagapagsalita sa kombensiyon na nagpaliwanag: “Ang mga Saksi ni Jehova sa buong dako ng daigdig ay masigasig na mga estudyante ng Bibliya. Talagang ‘nanginginig’ sila sa Salita ng Diyos habang patuloy na kumukuha sila ng tumpak na kaalaman tungkol sa maibiging mga layunin ng kanilang Dakilang Tagapagturo.”—Tingnan ang Isaias 66:2.
Ang pagnanais na ito na palugdan si Jehova ay masasalamin sa napiling materyal na pinag-usapan sa programa sa kombensiyon. Idiniin ang banal na mga pamantayan ng asal. Ipinakita ng isang makabagbag-damdaming drama sa Bibliya kung papaano naiwala ng Israel ang pagpapala ng Diyos nang itakwil ni Achan ang maka-Diyos na takot at tumahak sa landasin ng kawalang-katapatan. Nais ng mga Saksi ni Jehova na iwasan ang anumang nakakatulad niyaon na mangyari sa kongregasyong Kristiyano ngayon.
Ang kombensiyon ay nagbigay ng sapat na mga pagkakataon sa mga Saksi ni Jehova na ipakita ang kanilang pagtitiwala sa kanilang Diyos. Halimbawa, isang Saksi sa Switzerland ang sinabihan noong Mayo na siya ay aalisin sa trabaho sa dulo ng Hunyo sa mga kadahilanang
nauugnay sa relihiyon. Sa kabila ng pinansyal na sagabal na ito, hindi niya ikinumpromiso ang kaniyang paninindigan at nagpatuloy sa paggawa ng mga plano sa kombensiyon para sa kaniyang pamilya na binubuo ng siyam. Pagkatapos, noong huling linggo niya sa trabaho, siya’y sinabihan na hindi siya maaalis sa trabaho, sa katunayan, bibigyan siya ng isang mas mabuting trabaho, at na ang mga araw na kakailanganin niya para sa pagdalo sa kombensiyon ay kakaltasin sa kaniyang panahon ng bakasyon. “Ang problema na lamang,” sabi niya, “ay ang paggising sa mga bata nang maaga upang makarating sa pinagdarausan ng kombensiyon na nasa oras.”Ito at ang kahawig na mga karanasan ay nagpapakita kung papaano lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang espirituwal na instruksiyon na inilalaan sa kanilang mga kombensiyon. Sa katunayan, isang kartero sa Finland na ang kahilingan para sa bakasyon ay tinanggihan ay nagbayad sa isa sa kaniyang mga kamanggagawa ng $35 isang araw upang gawin ang kaniyang gawain. Pagkatapos siya ay nagsabi: “Ang asamblea ay sulit sa halagang iyon. Isip-isipin lamang kung ano ang naiwala ko kung ako ay nanatili sa bahay!”
Sa 127 na mga kombensiyon sa 15 mga bansa sa Europa, may 11,918 na bagong bautismadong mga Saksi, ang marami ay kailan lamang tumalikod sa pagsamba sa mga diyus-diyusan.
Kabilang sa mga gumawa ng gayong pangmadlang pagpapahayag, kinikilala na ngayon ay itinuturing nila si Jehova na “kanilang tulong at kanilang kalasag,” ay si N. K. at ang kaniyang 19-anyos na kapatid na babae na si E. G. mula sa Sweden. (Awit 115:11) Sila ay mga Gypsy. Ang pagbabago ng kanilang tradisyunal na paraan ng pamumuhay ay nangahulugan ng pagkalas sa napakahigpit na mga ugnayang panlipunan at pagpapalaya sa kanilang sarili mula sa malalim ang pagkakaugat na mga tradisyon, kasama na ang ilang anyo ng mga pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkatapos mabautismuhan, si E. B., isang membro ng kilalang koro sa katedral sa Graz, Austria, ay nagkomento: “Pagkatapos lamang na makapag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova na natanto ko na ang mga gawain sa koro ay tuwirang nauugnay sa idolatriya.”
Mangyari pa, anumang bagay na umaagaw sa ating mga buhay at pag-iisip sa ating Maylikha at sa kaniyang pagsamba ay isang anyo ng idolatriya. Ganito ang pagsusugal kung para sa isang masugid na manlalaro ng poker. Ngunit ang kaniyang buhay ay punô ng kawalang-kasiguruhan! Taglay ang libu-libong dolyar isang araw, siya ay walang-wala naman kinabukasan. Pinahahalagahan ang tunay na mga kayamanan—ang espirituwal na mga kayamanan—tinalikdan niya ang kaniyang idolatrosong buhay ng pagsusugal at nabautismuhan sa Mo-i-Rana, Norway.
Ang iba ay nagiging biktima sa idolatriya ng pagtitiwala sa mga teoriya, pilosopya, at mga pamahalaan ng tao sa halip na sa Diyos, na ang pag-iral mismo ay kanilang ikinakaila o winawalang-bahala. Inilalarawan ni Vito, isang 37-anyos Awit 115:2, 3.
na inhinyero sa tren na nabautismuhan sa Avellino, Italya, ang puntong ito. Isang ateista, komunista, at masugid na naniniwala sa ebolusyon, itinuring niya ang relihiyon na “opyo ng tao.” Ngunit ang kaniyang ateistikong pananampalataya ay nayanig nang kumbinsihin siya ng mga Saksi tungkol sa pagkakasalungatan ng teoriya ng ebolusyon. Isang pag-aaral sa Bibliya ang naging resulta. Hindi na siya nagtatanong na gaya ng mga bansa: “Saan nadoon, ngayon, ang kanilang Diyos?” ngunit bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, siya ay nagsasabi: “Ang aming Diyos ay nasa mga langit.”—Pagsulong sa Gitna ng mga Mababa at Dakila
Si Jehova ang “Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng uri ng tao.” (1 Timoteo 4:10) O gaya ng pagkakasabi rito ng Awit 115:13: “Kaniyang pagpapalain yaong mga natatakot [sa kaniya], ang mga mabababa at dakila.” Kaya sa gitna ng bagong bautismadong mga Saksi ay ang maraming ordinaryong mga mamamayan, alalaong baga’y ang mabababa, gayundin naman ang iba na, mula sa pangmalas ng sanlibutan, ay maaaring ituring na mga dakila. “Lahat ng uri ng tao” ay kinakatawan. Isaalang-alang ang ilang mga halimbawa.
Isang taon na ang nakalipas isang pangunahing atleta at lubhang iginagalang na tagapagsanay ay nabautismuhan sa Helsinki Finland. a Siya’y nagsimulang magpatotoo sa 14-anyos na babae na kaniyang sinasanay. Sa tatlong oras na atletikong pagsasanay ng batang babae, isinama niya ang isang oras na pag-aaral sa Bibliya! Noong nakaraang taon, noong 1984, sa kabila ng pagsalansang ng pamilya, siya ay nabautismuhan sa isa sa mga kombensiyon sa Finland.
Nang malaman ng superintendente ng Sunday schools sa isang Simbahang Baptist sa Estados Unidos ang katotohanan, kaniyang sinisimulan ang klase sa pamagitan ng panalangin kay Jehova. Sabi niya: “Mahusay ang pagtugon diyan ng mga estudyante, ngunit sa aking pagtataka ang ilan sa mga guro, gayundin ang mga kamembro ng simbahan, ay nabalisa. Marami sa kanila ang umalis sa aking mga klase, sinasabi na ako ay nagtuturo na lubhang kaiba sa kung ano ang itinuro ni ‘Reberendo.’ Totoo, ito ay kakaiba sapagkat ang ginagamit kong materyal ay mula sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Bumili ako ng 30 mga kopya ng aklat na Mga Kuwento sa Bibliya, kinukuha ito mula sa ikapo ng klase. Ibinigay ko ang isang kopya sa ‘Reberendo,’ hinihingi ang kaniyang pagsang-ayon. Nang malaunan siya ay lumapit sa akin, na sinasabi: ‘Napakahusay ng pagkakasulat ng aklat, talagang nagustuhan ko ito, ito ay maganda. . . .’ Biglang nagbago ang kaniyang saloobin nang mabasa niya kung sino ang naglathala ng aklat—ang Watchtower Society.” Ang pagpapaimbabaw na ito ay tumulong sa kaniya na makalaya mula sa pagkagapos sa Babilonyang Dakila, at siya’y nabautismuhan sa kombensiyon sa Cicero, Illinois.
Sa Sweden kinuha ng isang 20-anyos na babae ang isa sa mga aklat ng Samahan mula sa istante ng kaniyang ina at binasa ito. Nabighani sa kaniyang natutuhan, sinimulan niyang sagutin ang mga katanungan sa ibaba ng bawat pahina at isinulat ang mga kasagutan sa isang notebook. Binasa niya nang limang beses ang
aklat at pinuno ang dalawang notebook ng kaniyang mga kasagutan. Pagkatapos magbitiw mula sa estadong relihiyon ng Sweden, tinawagan niya ang lokal na Kingdom Hall at nakipagkita sa mga Saksi.Kabilang sa iba na nabautismuhan ang isang guro sa paaralan mula sa Portugal na, sa kaniyang sariling pananalita, ay dating “ lubusang nakatalaga na ibagsak ang gobyerno.” Isa pang uri ng boksingero, ang dating direktor ng paaralan sa karate at isang nagwagi mismo sa karate, ay nabautismuhan sa Austria. Sa Espanya isang kabataang babae, na may rekord ng labag sa batas na pagbibili ng droga, pagnanakaw, at imoralidad, ay sa gulang na 22 nilayasan ng asawa at nagdadalang-tao. Halos susuko na siya ng pakikipagbaka, sapagkat siya’y nagbabalak na magpatiwakal bago niya nakilala ang mga Saksi ni Jehova.
Tinanggap ng ilan ang katotohanan sa loob lamang ng ilang buwan. Ang iba ay nangailangan ng higit na panahon. Isang ina na nabautismuhan sa Alemanya ay kapitbahay ng isang Saksi ni Jehova sa loob ng 11 taon. Ngunit noon lamang makipag-usap ang mga anak ng Saksi sa kaniyang 8- at 11-taóng-gulang na mga anak na siya ay nagkaroon ng interes sa kanilang mensahe. At sa pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova, isang 91-anyos na Aleman ang sumunod sa halimbawa ng kaniyang ama, na nabautismuhan nang mas maaga—88 taon na mas maaga—noong 1896!
Naranasan ng iba sa kamangha-manghang paraan na ang “Pagsulong sa Kaharian” ay nagaganap sa ilalim ng patnubay ng mga anghel. (Tingnan ang Apocalipsis 14:6, 7.) Isang 25-anyos na lalaki mula sa Netherlands ang naniwala sa reinkarnasyon at nagsagawa ng espiritismo. Sinamba niya ang araw at umaasa pa nga na isang araw ay maging bahagi nito. Upang makamit ang tunguhing ito, siya ay disididong mamatay, gaya ng pagkakasabi niya, ‘sa paanuman sa Marso 1983.’ Nasumpungan siya ng mga Saksi noong Pebrero!
Dahilan sa malaking pagsulong mula sa “lahat ng uri ng mga tao,” kapuwa mababa at dakila, ano ang maaasahan natin sa hinaharap?
Higit pa ang Darating!
Tayo ay nakatitiyak na higit pa ang darating. Una sa lahat, si Jehova ay nangako ng higit na pagsulong. (Tingnan ang Isaias 60:22.) Ikalawa, gaya ng ipinakikita ng mga bilang sa kalakip na kahon, mayroon pang pagkalaki-laking potensiyal para sa pagsulong. Pansinin ang persentahe ng mga tao na dumalo sa mga kombensiyon sa peak na bilang ng aktibong mga Saksi ni Jehova noong 1984. Pansinin din, ang bilang ng mga Saksi na bagong bautismo sa loob ng nakaraang taon ng paglilingkod, na lahat ngayon ay tutulong sa pangangaral ng mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos sa iba. Walang alinlangan, ang mga kombensiyon ay naglagay ng wastong saligan para sa higit pang pagsulong. Pagkatapos ng kombensiyon sa Hannover, Alemanya, ganito ang sabi ni K. V.: “Sa maibigin at mariing paraan, itinawag-pansin ng programa sa kombensiyon ang pangunahing mga kalagayan sa pagkakaroon ng pagsulong sa Kaharian—ang mga bagay tungkol sa ating personal na pamumuhay, mga kaugnayan sa loob ng kongregasyon, mga saloobin sa organisasyon at buhay pampamilya.”
Hindi inaangking ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang sarili ang pagsulong na ito. “Hindi sa amin, Oh Jehova, hindi sa amin,” inaamin nila. Bagkus ito’y “dahil sa kagandahang-loob [ng Diyos], ayon sa [kaniyang] katotohanan,” at sa kaniyang pagpapala na ang pagsulong na ito ay naganap at magpapatuloy pa sa hinaharap.—Awit 115:1; tingnan din ang Zacarias 4:6.
Nagagalak sa kanilang paglilingkod sa kanilang Diyos, inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang “lahat ng uri ng mga tao” saanman na personal na maging bahagi ng pagsulong ng Kaharian sa pagsama sa kanila sa pagbigkas ng mga salita ng Hallel: “Ngunit aming pupurihin si Jah mula ngayon at hanggang sa walang hanggan.”—Awit 115:18.
[Talababa]
a Tingnan ang 1984 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 9.
[Kahon sa pahina 20]
KUNG ANO ANG SABI NG MGA KOMBENSIYUNISTA:
“Inaakala kong hindi sapat ang 100,000 mga salita upang ilarawan ang aking mga nadaramang pagpapahalaga kay Jehova at sa espirituwal na piging na ito.”—R. S., Luxembourg
“Nakita ko ang isang patotoo ng pagpapala ni Jehova sa paglalabas ng broshur na The Divine Name That Will Endure Forever. Matagal ko nang inaasam-asam na magkaroon ng ganito. Maraming-maraming salamat!”—A. L., Federal Republic of Germany
“Ang paglalabas ng reference Bible ay isang personal na pagpapala sa akin mula kay Jehova . . . Kamangha-mangha! Nabasa ko na ang Bibliya nang tatlong ulit. Ang bagong Bibliya ay isang pangganyak upang basahin itong muli.”—A. P. at J. J., Estados Unidos
[Graph sa pahina 22]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1984 “PAGSULONG NG KAHARIAN” NA PANDISTRITONG MGA KOMBENSIYON SA ESTADOS UNIDOS AT SA ILANG MGA BANSA SA EUROPA
Peak na bilang Porsiyento ng Bagong bautismadong
ng mga Saksi dumalo sa mga Saksi noong 1984
noong 1984 kombensiyon taon ng paglilingkod
sa 1984 na peak
Austria 15,618 37% 790
Belgium 20,499 39% 1,009
Britaniya 97,495 40% 5,166
Denmark 14,337 62% 391
Finland 15,263 54% 629
Pransiya 82,458 34% 4,708
F.R. of
Germany 109,102 29% 4,288
Italya 116,555 45% 9,060
Luxembourg 1,129 18% 54
Netherlands 27,812 51% 841
Norway 7,670 48% 328
Portuga l27,220 71% 1,859
Espanya 56,717 49% 3,671
Sweden 19,526 29% 845
Switzerland 12,378 41% 713
Estados Unidos 690,830 53% 35,618
Kabuuang 69,970
[Mga larawan sa pahina 19]
Itaas: Mga kombensiyunista na patungo sa larangan upang mangaral sa Hannover, Alemanya
Ibaba kaliwa: Ang bagong reference Bible na inilabas sa Edinburgh, Scotland
Ibaba kanan: Walang pagtatangi ng lahi—mga Saksing Hapones na dumadalo sa Dortmund, Alemanya