Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?

Aso—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?

Aso​—Laging Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?

“Niluray-luray ng Mamatay-taong mga Aso ang Hardinero”

‘Sinalakay ng Aso at Pinatay ang Batang Babae’

“Pinatay ng Aso ang Sanggol”

ANG mga ulong-balita na gaya nito ay nagpapahiwatig na ang aso ay hindi laging pinakamatalik na kaibigan ng tao. Gayunman, habang mabilis na dumarami ang krimen, dumarami rin ang pangangailangan para sa mga aso na pangalagaan ang mga indibiduwal at ang kanilang ari-arian.

Sa tatlong kasong nabanggit, walang pagpapagalit sa bahagi ng mga biktima na maging dahilan ng gayong mabangis na pagsalakay ng mga aso. Dahilan sa di-inaasahang mga pagsalakay, angkop lamang ng magtanong: Matalino ba o ligtas bang mag-alaga ng aso? Ano ang gumagawa sa ibang aso na maging mabangis? Papaano dapat pakitunguhan ng isa ang mga aso?

Kung Bakit ang Ibang Aso ay Nagiging Agresibo

Ang karamihan ng mga autoridad sa aso ay sumasang-ayon sa dalawang pangunahing dahilan: (1) Halos lahat ng aso ay may protektibong ugali, at (2) ang katutubong ugaling ito ay maaaring paghusayin ng dalubhasang mga tagasanay ng aso. Ang isang aso ay isinisilang na may tiyak na ugali, ngunit ito ay maaaring magbago, depende sa paraan ng pagpapalaki at pagsasanay dito. Sa pagsasanay, nagkakaroon ng natatanging kaugnayan ang may-ari at ang aso. Halos nagkakaroon sila ng ikaanim na pandamdam, nalalaman ng kaniyang kaibigang aso kung ano ang nakalulugod o hindi nakalulugod sa kaniyang amo at madaling tumugon sa kaniyang kalagayan.

Halimbawa, ang isang tagasanay ay nagkomento na ang nerbiyoso o magagaliting tao ay hindi makakaasa ng isang mahinahong aso. Maaari pa ngang ilipat ng mga may-ari ang pagtatanging ito laban sa isang lahi o katayuan sa lipunan sa kanilang hayop. Sa kaniyang aklat na O CÃO em nossa casa (Ang Aso sa Aming Bahay), ganito ang sabi ni Theo Gygas: “Sa wakas, anuman ang kalikasan ng tao, hindi niya dapat itimo sa aso ang mga katangian na hindi niya mismo taglay. Taglay ang napakasensitibong pandamdam nito, madaling nakikibagay ang aso sa ugali ng amo nito, sakdal na ipinababanaag ang kaniyang mental na katayuan, gaya ng isang antena na sumasagap ng mga radio wave.”

Mangyari pa, hindi ito lubusang nagpapaliwanag kung bakit ang ibang aso ay biglang nagiging lubhang agresibo nang hindi ipinakikita ang katangiang ito dati. Sabi ng isang tagasanay: “Gaya ng mga tao, ang mga aso man, ay nagkakamali. Mali ang kanilang pagpapakahulugan.” Upang ilarawan: Isang may-ari ng TV-repair-shop ang nag-aalaga ng kaniyang aso sa tindahan bilang proteksiyon at ayos naman ito sa loob ng ilang buwan. Pagkatapos, isang araw ang may-ari ay yumuko upang damputin ang isang gamit. Mali ang pagpapakahulugan ng aso sa pagkilos at sinakmal ang amo nito.

Mayroon din niyaong mga naniniwala na ang biglang kabangisan ay maaaring namana sa ipinalalagay na ninuno ng aso, ang lobo. Inaakala ng iba ng ito marahil ay dahil sa pagbabago ng amo o kapaligiran. Anuman ang dahilan, kung mayroon kang aso o nag-iisip ka na mag-alaga ng isa, makatitiyak ka na ang mga halimbawa na sinipi sa simula ang eksepsiyon. Ikaw at ang iyong mga anak ay maaari pa ring magtamasa ng kasiyahan at pakikisama ng isang aso.

Tatlong Yugto ng Pagsasanay

Karaniwan na, ang pagsasanay ay nauuwi sa tatlong kategorya, ang una at pinakapayak ay ang pagtuturo ng ugali. Kabilang dito ang pagtuturo sa aso na lumapit kapag tinatawag, maupo, mahiga, kaunin ang mga bagay, at tumalon sa mga halang. Kasama rin dito ang mga HUWAG: huwag luksuhin ang mga tao, huwag habulin ang mga kotse, huwag habulin ang mga manok ng kapitbahay at gulpihin sila, huwag tumanggap ng pagkain sa mga estranghero, at, mangyari pa, huwag guguluhin ang bahay. Ang pagkatuto ng mga payak na paguugaling ito ay gagawa sa buhay na mas ligtas para sa aso at mas kasiya-siya para sa may-ari nito.

Pasulong, ang aso ay dapat na tumanggap ng pagsasanay sa pagsunod. Kabilang dito ang pagtuturo na gumawa ng ilang nakatutulong na paglilingkod, gaya ng pagbabantay sa ilang mga bagay, pagbibigay ng hudyat kung may pumasok na walang pahintulot sa ari-arian, at gayundin “pagsaklolo.” Ang protektibong ugali ng aso ay dapat ding mapasulong upang tulungan at pangalagaan ang amo niya at ang pamilya ng kaniyang amo kung kinakailangan.

Ang maagang pagsasanay na ito ay maaaring gawin mismo ng may-ari sa tulong ng isang sanayang-aklat. Gayunman, nangangailangan ito ng higit na pagtitiyaga, pati na ng mabuting pagkaunawa sa ugali, mga kakayahan at mga reaksiyon ng aso. Ang mga utos ay dapat na matatag ngunit hindi kailanman pasigaw.

Sinasabing ang mga aso ang tanging mga hayop na maaaring matutong sumunod bilang kapalit ng papuri at paghaplos. Mula sa unang araw ng kaniyang pagsasanay, siya ay uunlad sa papuri at hindi magtatagal malalaman niya na ang masiglang tapik sa ulo at ang mga salitang “mabuting aso!” ay kaagapay ng kaniyang pagsunod. Iminumungkahi ng ibang tagasanay ng aso ang paggamit ng tiniklop na diyaryo kapag sinasanay ang isang tuta. Maaari itong gamitin upang hampasin ang sahig para sa atensiyon o, kung kinakailangan ng ilang pagtutuwid, tapikin ang puwit ng aso nang hindi pinipinsala. Ang pagsasanay ay nangangailangan ng panahon. Ngunit gaya ng sabi ng isang tagasanay, “Ang isang nagmamay-ari ng aso ay dapat na gumugol ng panahon at pagsisikap na sanayin ang kaniyang aso o kung hindi ay magbayad ng isang propesyonal na gawin ito.”

Para sa iba, ang pangatlong hakbang sa pagsasanay ay sanayin ang aso na sumalakay. At dito maaaring piliin ng maraming Kristiyanong nagmamay-ari ng aso na huminto. Ang isang suwetadong bantay-aso ay isang bagay; ang ganap na sinanay na sumalakay o magbantay na aso ay iba naman. Ang huling banggit ay kakaiba sapagkat ang aso ay sinanay na sumalakay, samantalang ang bantay-aso ay nagbibigay ng hudyat. Ang isang tunay na bantay-aso ay sinanay upang pangalagaan ang sarili nito at ang may-ari nito mula sa pagsalakay, kahit na kung ang nasasangkot ay nakamamatay na mga sandata. Ang kagat ng gayong aso ay maaaring makabali sa kamay ng isang tao o maaari pa ngang pumatay sa isang tao. Madaling maunawaan na ang gayong aso ay maaaring maging panganib kung hindi sasanaying maingat at kukontrolin. Itinulad ito sa may balang baril. Ang inyong bang pag-aari ay mas mahalaga kaysa buhay o braso ng isang tao?

Kung Ano ang Gagawin Kapag Sinalakay

Higit sa lahat, huwag matataranta o tatakbo. Tandaan na ang ugali ng aso ay habulin ang anumang bagay na gumagalaw. Kaya kahit na ang iyong tuhod ay nangangatog, tumayong matatag at kausapin ang aso na para bang aso mo: ‘Ano ba ang nangyayari, boy?’ Kung ito ay umungal, mabuting palatandaan iyan; sa paano man binibigyan ka niya ng pagkakataong lumayo. Gawin mong marahan, hindi padalus-dalos. Huwag mo siyang babatuhin. Kung may dala kang pitaka o payong, maaari itong maging pananggalang sa iyo mula sa aso kung kinakailangan.

Kung sa kabila ng lahat ng pag-iingat ikaw ay nakagat ng isang aso, matalinong matungo kaagad sa doktor. Ipagbigay-alam din sa pulisya, ibigay ang mga detalye tungkol sa kung ano ang nangyari gayundin ang paglalarawan sa aso. Malaki ang magagawa nito sa pagtanggap mo o hindi ng ineksiyon sa rabies. Laging tandaan na ang mga aso, gaano man kaamo o kapanganib, ay dapat pakitunguhan nang may pagkaunawa at pag-iingat.

Pangangalaga sa Iyong Aso

Kasama sa wastong pagsasanay ng iyong aso ang pagbibigay sa kaniya ng sapat na tirahan pati na ng wastong pagkain. Para sa mabuting kalusugan kinakailangan niya ang isang mainit, mahanging dako na matutulugan, protektado sa hangin at ulan. Ang kaniyang kulungan ay dapat na panatilihing malinis, tuyo, at, mangyari pa, walang dumi. Taglay ang wastong pagsasanay makikipagtulungan siya sa bagay na ito. Ang buhok ng aso, gaya ng ating sariling buhok, ay nangangailangan na suklayin nang regular, araw-araw kung ang buhok ay mahaba. Ang mga pang-inis sa insekto na de-pulbos at mga bakuna ay kakailanganin sa pana-panahon, gayundin ang isang pana-panahong paligo. Ang mga manual tungkol sa aso ay nagbibigay ng detalyadong impormasyon sa mga bagay na ito. Sundin ang kanilang mga mungkahi at ang iyong aso ay mananatiling malusog at nasisiyahan.

Ang isang aso ay dapat na may regular na rutina sa pagkain, kumakain sa gayunding panahon at gayunding dako araw-araw. Hindi siya nito pasisiglahin na tumanggap ng pagkain mula sa mga estranghero at tutulong sa kalinisan. Ang mga tuta ay nangangailangan ng pagkain tatlo o apat na beses sa isang araw, ang may sapat na gulang na aso ay makalawa lamang. Ang natirang pagkain ay dapat na alisin pagkatapos ng 15 minuto upang huwag mapanis. Ang pagkain ay dapat na maligamgam ngunit hindi mainit, at dapat na laging maraming nakalaang tubig sa lahat ng panahon. Gaya natin, makabubuting iwasan ng mga aso ang mga matatamis gayundin ang mga pagkaing pinirito at matataba. Ang ilang mga gulay at prutas ay mabuti sa kanila. Mag-ingat na huwag silbihan ang iyong aso ng maliliit na buto; ngunit pasasalamatan niya ang malalaking buto upang ngatngatin. Higit sa lahat, huwag pansinin ang nagmamakaawang mata kapag ikaw ay may kinakain. Manghawakan sa iyong mga tuntunin sa pagsasanay!

Nais Mo bang Magmay-ari ng Isang Aso?

Isang sulat na ipinadala sa isang kolumnista sa pahayagan ang nagsasabi, “Mentras madalas kong makita ang mga tao, lalo kong naiibigan ang aking mga aso.” (Latin America Daily Post) Kalabisan? Marahil. Gayumpaman, ang mga aso ay tiyak na nakasumpong ng kanilang dako sa daigdig. Sila ay sinanay bilang mga giyang aso para sa mga bulag at kamakailan lamang upang tulungan ang mga bingi. Sila ay ginagamit bilang bantay-aso gayundin bilang mga alagang hayop na terapi para sa may kapansanan at mga pasyente na may suliranin sa isipan. Nailigtas nila ang di-mabilang na buhay sa panahon ng mga sunog, snowslides, at lindol. At kumusta naman ang mga asong nagbabantay ng tupa? Maging ang tapat na si Job ay bumanggit tungkol sa “mga aso ng aking kawan,” malamang na ginamit upang bantayan ang kaniyang 7,000 tupa mula sa mga maninila.​—Job 30:1; 1:3.

Kung ikaw ay magpasiya na kumuha ng isang aso, marami kang mapagpipilian. Mayroong di kukulanging 140 iba’t ibang uri na kilala ngayon. Masusumpungan mo na sa pamamagitan ng maibiging pangangalaga, pati na ng mabuting pagsasanay, ang iyong aso ay magiging iyong tapat na kaibigan, kasama, at bantay​—at marahil isang terapi pa nga. At ang hinihiling lamang niya sa iyo ay ang iyong kabatiran sa kaniyang mga pangangailangan at na siya ay gantihin ng kaunting pagmamahal at pag-unawa.