Mag-asawang Nagtatrabaho—Ang mga Hamon na Hinaharap Nila
Mag-asawang Nagtatrabaho—Ang mga Hamon na Hinaharap Nila
“INAAKALA kong dapat magtrabaho ang lalaki, at dapat siyang maglaan ng salapi sa pamilya,” sabi ng isang lalaki. “At pagkatapos niyang magtrabaho, dapat siyang maupo at magpahinga na lamang.” Gayunman, sa kabila ng maliwanag na mga pagtutol, ang kaniyang asawang babae ay nagtatrabaho.
Maraming lalaki ang nalalagay din sa emosyonal na alanganin: pangangailangang pangkabuhayan laban sa namamalaging ideya tungkol sa pagkalalaki. Ganito ang puna ng sosyologong si Lillian Rubin: “Sa isang lipunan kung saan ang mga tao sa lahat ng uri ay nasilo sa balisang pagkukumagod upang yumaman, kung saan ang halaga ng isang lalaki at ang pagpapakahulugan niya sa kaniyang pagkalalaki ay nasasalalay sa kaniyang kakayahan na maglaan ng mga pangangailangang iyon, mahirap niyang kilalanin na talagang hindi kinakailangan ng pamilya ang kita ng kaniyang asawa upang mabuhay gaya ng
nais nila.” Ang ibang mga lalaki sa gayon ay lubhang nanlulumo, o mapintasin, nagmamaktol na ang kani-kanilang asawa ay naging labis na mapagsarili o na ang kanilang tahanan ay hindi kasinlinis na gaya ng dati.At kapag ang isang babae ay kumikita ng higit kaysa sa kaniyang asawa o nakakakuha ng mataas na trabaho, ano ang maaaring mangyari? Ganito ang sabi ng Psychology Today: “Para sa ilang di-maasensong asawang lalaki na ang mga asawa ay maasenso, maagang kamatayan mula sa sakit sa puso ay 11 ulit na mas madalas kaysa karaniwan.” Ang The Journal of Marriage and the Family ay nag-uulat pa na kung saan ang mga asawang babae ay may ‘mas mataas na trabaho,’ “ang gayong pag-aasawa ay malamang na magwakas sa diborsiyo.” a
Ang mga asawang babae, man din, kung minsan ay kinakailangang paglabanan ang kanilang sariling hinanakit. Bagaman alam na alam nila ang suliraning pangkabuhayan ng kanilang asawa, nagtatanong pa rin sila, ‘Bakit kailangan ko pang magtrabaho? Hindi ba dapat na pangalagaan niya ako?’ At, maaaring salutin siya ng tinatawag ng sikologong si Dr. Martin Cohen na pinakamalaking pinagmumulan ng panggigipit sa gitna ng nagtatrabahong mga babae—“pagkadama ng kasalanan sa hindi paggawa nang sapat—sa hindi pagiging mabuting asawa at ina na gaya ng kanilang ina noon.”
Kaya, ang pagtanggap sa mga katotohanang pangkabuhayan na nagpangyari sa mag-asawa ng magtrabaho ay maaaring ang kanilang unang hamon. Subalit, tiyak, hindi ito ang kanilang huling hamon.
“Iyo,” “Akin”—Kanino?
Kinilala ito ng mahigit na sangkatlo ng 86,000 mga babae na sinurbey bilang ang pinakamalaking suliranin sa kanilang pag-aasawa: salapi! Sabi ng isang artikulo sa Ladies’ Home Journal: “Ang paksa tungkol sa pera . . . ay nagpapabago sa matinong mga lalaki at mga babae tungo sa hibang na mga baliw.” Sabi ng isang asawang lalaki: “Ang pinakamalubhang problema namin ay pera. Ang basta kawalan nito, ang lubhang kawalan nito.” Oo, maaaring paginhawahin ng kita ng asawang babae ang panggigipit na ito, ngunit kadalasan ay lumilikha rin ito ng bagong mga problema.
Ganito ang paliwanag ni Ed, isang kabataang asawang lalaki: “Nang bagong kasal kami, halos pareho ang kinikita naming salapi ni Ronda. At nang magsimula siyang kumita ng higit na salapi kaysa sa akin, para bang nagkaroon ako ng damdamin na mas-mahusay-siya-sa-akin.” Ang kita ng babae ay tila nagpapangyari sa “pagkakatimbang ng kapangyarihan” na maging mas pabor sa babae. Kaya maaaring ipalagay ng babae ngayon na may karapatan din siya sa kung paano dapat gastusin ang pera.
Gayunman, ang mga lalaki ay atubiling ibahagi ang pangangasiwang ito. “Sasabihin ko pa rin sa kaniya, araw-araw, kung magkano ang kailangan ko sa araw na iyon,” gunita ng isang asawang babae. “At talagang kinaiinisan ko
iyon.” Ang isang asawang lalaki na hindi sanay humawak ng pera o isa, na masahol pa, ay nilulustay ang kanilang pera, ay pinasisidhi ang hinanakit na ito. Ganito ang reklamo ng isang babae na taga-Tanzania: “Ang pera ay ginagasta sa pag-inom, hindi sa amin o sa mga bata. Pareho kaming nagtatrabaho, o higit pa nga ang ginagawa ko, subalit kinukuha niya ang lahat ng pera at sinasabi sa amin na ito’y kaniya—na kinita niya ito.”Gayunman, ang pagkakaroon ng isang kaayusan na nakasisiya sa mag-asawa ay hindi laging madali. Sina Ed at Ronda, halimbawa, ay nagkaisang pagsamahin ang kanilang mga kita sa isang kuwenta sa bangko. “Ngunit pagdating na sa paggastos,” sabi ni Ed, “ang kaniyang mga mata ay ‘mas malaki’ kaysa akin. Mentras mas marami siyang kinikita, mas marami siyang ginagastos.” At ang ibang babae ay sasagot na ang kanilang mga asawa ang may ‘malaking’ mga mata.
Walang Laman na mga Repridyeretor at Maruruming Medyas
“Pagtutulungan.” Maganda itong pakinggan sa teoriya. Inaakala na kung ang mga asawang babae ay nagtatrabaho, natural lamang na gagawin ng mga lalaki ang kanilang bahagi sa gawaing-bahay. b Marahil sa wakas ay maaaring tamasahin ng mga babae ang luho ng pamamahinga pagkatapos ng maghapong trabaho! Ngunit, sa aba, ang “pagtutulugan” ay wala kundi teoriya lamang!
Oh, sinasabi ng mga lalaki na handa silang tumulong. Sa isang surbey, 53 porsiyento ng mga lalaking tinanong ay hindi tumutol sa pagtutulak ng isang vacuum cleaner. Ngunit gaano karami ang aktuwal na gumawa niyaon? Dalawampu’t-pitong porsiyento. Ang kanilang di-pagkilos ay nagpapabulaan sa kanilang mga salita.
Natuklasan din ng mga mananaliksik sa Canada na “sa mga pamilya kung saan ang mga babae ay nagtatrabaho nang buong-panahon, ang mga babae pa rin ang naglalaan ng humigit-kumulang tatlong beses na dami ng panahon sa gawaing-bahay at pangangalaga sa bata” na gaya ng sa kanilang mga asawa. (Amin ang italiko.) Wala ring pinag-iba ang kalagayan sa Europa o sa umuunlad na mga bansa. Kaya pinapasan ng nagtatrabahong mga asawang babae ang masasabing dalawang buong-panahong mga trabaho. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga autor ng Mothers Who Work ay nagsasabi: “Ang pinakamalubhang suliranin sa buhay ng mga inang nagtatrabaho ay ang panahon.”
Ang mga umaga at gabi ay maaaring maging balisang panahon para sa nagtatrabahong babae: paggising at pagbibihis sa mga bata, paghahanda ng almusal, pag-aapura sa mga bata sa eskuela, pagtungo sa trabaho—upang magbalik lamang sa gutom na mga bata at gutom na asawa na maaaring nakaupo lamang sa kaniyang paboritong upuan. Tinatawag ito ng mga mananaliksik na “role strain.” Tinatawag ito ng babae na pagkapagod. Sabi ng isang babae: “Ang aking buhay ay gaya ng isang maselang, mahusay ang pagkakatayong bahay ng mga baraha. Isang bagay ang magkamali at lahat ay gumuguho.” At mentras mas malaki ang pamilya, mas mahirap para sa nagtatrabahong babae.
‘May napapabayaan!’ Maaaring gustong isigaw ng isang nagtatrabahong babae. At kadalasan ang napapabayaan ay ang kalidad ng kaniyang gawaing-bahay. Ganito ang gunita ng isang asawang babae: “Humantong ito sa punto na sa aming bahay ay wala nang sapat na pagkain sa repridyeretor o wala nang masumpungang anumang malinis na medyas. Ang aking asawa ay nagagalit sa akin, ngunit sa wakas suko na ako, naupo ako at umiyak.”
Kahit na ang pag-aasawa mismo ay maaaring mapabayaan. Sabi ng isang babaing nagtatrabaho: “Nasumpungan naming mag-asawa na ang aming kaugnayan ay naaapektuhan hindi dahilan sa kulang kami ng pag-ibig o pagnanais, kundi sapagkat ang mga kahilingan sa trabaho at sa mga bata ay kinakailangang matugunan, at wala na kaming lakas pa para sa isa’t-isa.” Kaya ano ang lunas? Ano ang susi sa tagumpay ng mag-asawang nagtatrabaho?
[Mga talababa]
a Naniniwala ang ilang mananaliksik na ang bagay na ang asawang babae ay nagtatrabaho—hindi ang laki ng kaniyang kinikita—ang nagpapangyari ng panlulumo at kawalan ng pagpapahalaga-sa-sarili sa ibang mga lalaki. Ipinakikita pa nga ng isang pag-aaral na mas matatanggap ng mga lalaki ang mas mataas na trabaho ng asawang babae kung ang trabaho ay dati nang hinahawakan ng mga babae.
b Kung ano ang bumubuo sa tinatawag na “gawaing-bahay” ay iba-iba sa buong daigdig. Dito ibig naming tukuyin ang mga atas na pantahanan na tradisyunal na isinasagawa ng mga babae.
[Blurb sa pahina 8]
Pinapasan ng nagtatrabahong mga asawang babae ang dalawang buong-panahong mga trabaho
[Larawan sa pahina 7]
Mahirap sa ibang lalaki na tanggapin ang bagay na ang kani-kanilang asawa ay kumikita na gaya ng kinikita nila o higit pa