Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Normal Bang Magdalamhati na Gaya Ko?

Normal Bang Magdalamhati na Gaya Ko?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Normal Bang Magdalamhati na Gaya Ko?

ANG ama ni Mitchell ay namatay sa isang aksidente mga ilang buwan na. Nangungulila pa rin sa kaniya si Mitchell​—na lubha. Nagugunita niya ang nadama niya noong araw na mamatay ang itay niya.

“Natulala ako. Nang buong araw na iyon, kung walang bumanggit na ang aking ama ay namatay, hindi ko maaalaala. Kahit na nang ibinabalita ko sa iba, hindi ko ito mapaniwalaan. ‘Hindi ito totoo,’ patuloy kong sinasabi sa aking sarili. ‘Si itay ay dati nang nagmamaneho ng trak bilang hanapbuhay, daan-daang milya sa bawat linggo, sa mga bagyo ng ulan at niyebe, gayunman ay lagi siyang umuuwi. Hindi maaaring maging totoo ito.’”

Marahil nakaranas ka na nang ganiyan. Ang isa na mahal mo ay namatay​—isang magulang, kapatid na lalaki, kapatid na babae, o isang kaibigan. Inaakala mong ikaw ay nakadarama ng kalungkutan at wala ng iba pa. Ngunit, prangkahan, maaaring marami kang nadarama​—mula sa galit hanggang sa kalituhan at takot.

Saka, sa-darating ang iyong mga kaibigan na nakadaragdag sa iyong paghihirap sa pagsasabi sa iyo na: “Magpakatapang at magpakalakas ka.” “Dapat kang maging halimbawa sa iba.” “Ayaw ng iyong ina [o ng sinumang namatay] na ikaw ay umiyak.” Ngunit anuman ang gawin mo ay hindi mo mapigil ang mga luha. O patuloy mong kinikimkim ang kirot.

May diperensiya ka ba? Sa kabaligtaran, ang pagkadama nito ay lubhang normal. Maging si Jesu-Kristo man, nang mabalitaan niya ang tungkol sa kamatayan ng isang malapit na kaibigan, “ay umiyak” at “nanangis.” (Juan 11:33-37) Ang kabatiran na ang iba ay nakadarama rin na gaya mo ay maaaring tumulong sa iyo na higit na maunawaan ang iyong mga damdamin at pakitunguhan ang iyong kawalan.

Parang Isang Masamang Panaginip

Sa simula, gaya ni Mitchell, maaaring makadama ka na ikaw ay manhid. Marahil sa kaibuturan inaasahan mo na ito ay isa lamang masamang panaginip, na may darating at gigising sa iyo at ang mga bagay ay magiging gaya na naman ng dati.

“Parang hindi totoo,” paliwanag ni Brian, na ang ama ay namatay mga ilang buwan na. Ang pagsasabi ng mga tao na, ‘Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyong ama.’ Para bang ito’y hindi talagang nangyayari.” Sumasang-ayon si Cindy. Ang kaniyang ina ay namatay dahil sa kanser. Paliwanag ni Cindy: “Hindi ko talaga matanggap na siya’y patay na. May mangyayari na maaari kong ipakipag-usap sana sa kaniya noon, at nasumpungan ko ang aking sarili na nagsasabi, ‘Kailangang sabihin ko iyan kay Inay.’”

Kaya pagkamatay ng isang mahal sa buhay, normal na masumpungan mo ang iyong sarili na hindi makapaniwala. Ginawa ng Diyos ang tao upang mabuhay, hindi upang mamatay. (Genesis 1:28; 2:9) Kaya hindi kataka-taka na ang kamatayan ng isa na minamahal natin ay napakahirap tanggapin at kay daling ikaila.

“Paano Niya Magagawa Iyon sa Akin?”

“Halos baligho na magalit sa isa na namatay,” paliwanag ng 15-anyos na si Karen, “ngunit nang mamatay ang aking kapatid na babae, wala akong magawa. Ang mga kaisipan na gaya ng, ‘Paano niya maiiwan akong mag-isa? Paano niya magagawa iyon sa akin?’ ay laging sumasagi sa aking alaala.”

Kaya huwag mong ikagulat kung may mga sandali na ikaw man, ay nakadarama ng kaunting galit sa taong namatay. Halimbawa, kung ang namatay ay isang magulang, maaaring akalain mo na ikaw ay iniwan, pinabayaan, kahit na alam mo na walang magagawa ang iyong inay o itay sa kung ano ang nangyari sa kaniya. Ganito ang natatandaan ni Cindy: “Nang mamatay si Inay, may mga panahon na naiisip ko, ‘Hindi mo man lamang ipinaalam sa akin na ikaw ay mamamatay. Basta ka na lamang umalis.’ Iniwan mo ako.”

Ang kamatayan ng isang kapatid na lalaki o babae ay maaaring pumukaw ng galit sa ibang kadahilanan. Nasumpungan ng iba ang kanilang mga sarili na nagagalit sa namatay sa lahat ng kirot na naidulot ng kaniyang kamatayan sa mga magulang. O ang iba ay nakadarama na pinabayaan, marahil naghihinanakit pa nga, dahil sa lahat ng panahon at atensiyon na tinanggap ng maysakit na kapatid na lalaki o babae bago namatay.

Kung minsan ang mga magulang ay labislabis na nangangalaga kapag naiwala nila sa kamatayan ang isa sa kanilang anak. Maaaring gawin niyan ang nabubuhay na anak na magalit nang kaunti sa kaniyang yumaong kapatid na lalaki o babae na dahil sa kaniya ay ginagawa ito ni Inay at Itay. Kung ito ang kalagayan ngayon sa iyong pamilya, sikapin mong maunawaan na maaaring sinisisi ng iyong mga magulang ang kanilang sarili sa kung ano ang nangyari at sa gayon ay natatakot na ikaw man ay mawala. Kaya maging matiisin sa kanila.

Kung may panahon na ikaw ay nagagalit, huwag mong sarilinin. Sikapin mong ipagtapat sa isa na iyong pinagkakatiwalaan at iginagalang. Ang isa sa pinakamabuting paraan upang pakitunguhan ang iyong mga damdamin ay ipahayag ito. Tandaan, ang pinatagal na galit ay makasásamá lamang sa iyo.​—Kawikaan 14:29, 30.

Mag-ingat sa “kung Sana’y”!

Saka, nariyan din ang mga akalang “kung sana’y,” gaya ng, ‘Kung sana’y nasabi ko lamang ito’ o, ‘Kung sana’y hindi ko nasabi iyon.’ Ipinaliliwanag ni Mitchell ang kaniyang nadarama kung minsan: “Sana’y naging mas matiisin at maunawain ako sa aking ama. O sana’y gumawa ako ng mas maraming bagay sa bahay upang maging mas madali sa kaniya pag-uwi niya ng bahay.” At ganito ang sabi ng 17-anyos na si Elisa: “Nang magkasakit si Inay at biglang mamatay, naroon ang lahat ng kinukuyom na damdamin namin sa isa’t-isa. Nakadarama ako ng kasalanan ngayon. Iniisip ko ang lahat ng mga bagay na dapat sana’y nasabi ko sa kaniya, ang lahat ng bagay na hindi ko dapat sinabi, ang lahat ng pagkakamaling nagawa ko.”

Maaaring may mga panahon na gayundin ang nadarama mo. Marahil nakipagtalo ka sa iyong mahal sa buhay bago siya namatay. O maaaring kung minsan ay naghinanakit ka sa iyong kapatid na lalaki o babae dahilan sa kinukuha niya ang higit na pansin kaysa sa iyo, at ngayon ang isang iyon ay pumanaw na. Ang pagkakasalang nadarama mo ang pinakamahirap pakitunguhan.

Maaari mo pa ngang sisihin ang iyong sarili sa kung ano ang nangyari. Nagugunita ni Cindy: “Nakadama ako ng pagkakasala sa lahat ng pagtatalo namin, sa problemang naidulot ko kay Inay. Inaakala ko na ang lahat ng problemang naidulot ko sa kaniya ang naging sanhi ng kaniyang karamdaman.”

Gayunman, alamin mo na bagaman may mga bagay na dapat kang sabihin o hindi dapat sabihin o nagawa, sa maraming pagkakataon hindi iyon ang mga dahilan ng pagkamatay ng iyong mahal sa buhay. Isa pa, ipinaaalaala sa atin ng Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming beses. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay isang taong sakdal, may kaya rin namang makapigil sa kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Hindi ba’t totoo na lahat tayo ay nakapagsasabi ng mga bagay na sa dakong huli ay ating pinagsisisihan? “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos,” ang sabi pa sa atin ng Bibliya. (Roma 3:23) Kaya, oo, walang alinlangan na may mga bagay kang nagawa o hindi nagawa na ngayon ay ikinalulungkot mo. Ngunit, buong katapatan, sa pagiging di-sakdal, hindi ba tayong lahat ay nakadarama ng ganiyan?

“Ano ang Sasabihin Ko sa Aking mga Kaibigan?”

May mga panahon din kung minsan na ikaw ay napapahiya, hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo sa iba. Gaya ng puna ng isang balo tungkol sa kaniyang anak na lalaki: “Hindi ipinakipag-usap ni Jonny ang tungkol sa kaniyang mga damdamin, gayunman ay nasabi niya sa akin kung gaanong kinapopootan niyang sabihin sa ibang mga bata na ang kaniyang ama ay patay. Napahiya siya at nakagalit ito sa kaniya, dahilan lamang sa napahiya siya.”

Nadarama mo ba kung minsan na ikaw ay nag-iisa ngayong wala na ang iyong mahal sa buhay? Karaniwan ito, gaya ng ipinaliliwanag ng aklat na Death and Grief in the Family: “‘Ano ang sasabihin ko sa aking mga kaibigan?’ ay isang tanong na napakahalaga sa maraming bata [nabubuhay na mga kapatid na lalaki o babae]. Karaniwan, inaakala ng mga bata na hindi nauunawaan ng kanilang mga kaibigan ang kanilang nararanasan. Ang mga pagsisikap na makiramay ay maaaring tugunin ng malayong titig at kakatuwang itsura. . . . Samakatuwid, ang naulilang bata ay nakadarama ng pagtanggi, nag-iisa, at, kung minsan, kakaiba pa nga.”

‘Bakit gayon ang reaksiyon ng iba?’ maitatanong mo. Bueno, unawain na ang kamatayan ay mahirap na karanasan para sa lahat. Kung minsan hindi alam ng iba kung ano ang sasabihin kaya hindi sila nagsasalita. Ang iyong kawalan ay nagpapaalaala rin sa kanila na sila man, ay maaaring mawalan ng mahal sa buhay. Hindi nais na paalalahanan niyan, maaari silang lumayo sa iyo.

Paglipas ng mga linggo at buwan, tiyak na ang katotohanan ng iyong kawalan ay mapapaayos din. Kapag nangyari iyon baka kimkimin mo ang iyong mga damdamin sapagkat natatakot ka na hindi ka mauunawaan ng iyong mga magulang o ng iba pa. Gayunman, mahalaga na matutuhan mong pakitunguhan ang iyong mga damdamin. Kung paano mo gagawin ang gayon ay tatalakayin sa hinaharap na labas ng Gumising!

[Larawan sa pahina 23]

“Hindi talagang nangyayari ito sa akin!”