Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Aking Maybahay ay Kailangang Magtrabaho’

‘Ang Aking Maybahay ay Kailangang Magtrabaho’

‘Ang Aking Maybahay ay Kailangang Magtrabaho’

Gumising!: Ano ang trabaho mo, John?

John: Ako ang nag-iingat ng mga rekord sa isang pagawaan.

Gumising!: At ikaw naman, Carrie?

Carrie: Inaalagaan ko ang matatandang tao, nagtatrabaho sa kanila sa kani-kanilang mga tahanan.

Gumising!: Ano ang nagpangyari sa iyo na magtrabaho?

Carrie: Ang ekonomiya. Ang upa sa bahay at ang pagkain ay tumaas, at hindi namin mapaghusto ang mga pagkakagastos sa kinikita.

John: Dito ang mag-asawa ay nangangailangan ng hindi kukulangin $1,200 hanggang $1,400 isang buwan upang mamuhay. Ang aming upa ay mahigit na $400 isang buwan. Ang pagkain ay umaabot ng mga $50 isang linggo. At mayroon pa kaming pinagbabayarang kotse, pananamit at paglilinis.

Gumising!: Kaya agad na nagtrabaho si Carrie?

John: Hindi karakaraka. Sinikap kong mag-obertaim. Kung minsan ako ay nagtatrabaho ng 10 hanggang 11 na mga oras isang araw​—5 o 6 na oras kung Sabado.

Carrie: Oo, napakahirap para sa aming dalawa. Wala man lamang kaming anumang panahon na magkasama. Darating siya, kakain ng kaniyang hapunan, at agad na matutulog. At hindi pa rin kasiya ang aming kinikita.

John: Batid kong hindi ko mapananatili iyon nang matagal. Alam mo, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya na kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit samantalang ako ay sumusulong, natanto ko na wala akong panahon para sa lahat ng trabahong ito. Kailangan ko ng panahon para sa espirituwal na mga gawain gaya ng mga Kristiyanong pulong. Kaya nagpasiya akong itigil ang obertaim. Gayunman, hinintay namin hanggang sa ang aming anak na babae ay lumaki. Talagang gusto kong si Carrie ay nasa bahay hanggang sa siya ay makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit nang siya ay tumuntong ng high school, si Carrie ay pumasok sa ilang part-time na trabaho sa mga department store. At nang maglaon ipinasiya namin na magiging praktikal para sa kaniya na kumuha ng buong-panahong trabaho.

Gumising!: Pinagsisisihan mo ba ang pagtatrabaho, Carrie?

Carrie: Hindi. Nakikita kong nahihirapan si John. Kaya natutuwa ako na ako’y makatulong.

Gumising!: Naapektuhan ba ng iyong pagtatrabaho ang inyong kaugnayan?

Carrie: Bueno, ngayon na hindi na gaanong nag-oobertaim si John, mayroon na kaming panahon para sa isa’t-isa.

John: Sa bagay na iyan, ang pagtatrabaho ni Carrie ay nakatulong nang kaunti, yamang nabawasan ang ilan sa aming mga pinansiyal na pasanin. Ngunit kami ay maingat na hindi namin nakakaligtaan ang isa’t-isa.

Carrie: Nasisiyahan kaming maupo at pag-usapan ang mga bagay-bagay na magkasama. Magkasama kaming namimili. At pinaplano namin ang aming mga dulo-ng-sanlinggo upang kami ay magkasamang gumawa sa bahay-bahay na gawaing pangangaral​—lalo kaming nasisiyahan diyan.

John: Iyan ang pinakamabuting panahon namin na magkasama.

Gumising!: Kumusta naman ang tungkol sa mga gawaing-bahay?

Carrie: Nagtutulungan kami. Bawat isa sa amin ay may kani-kaniyang pananagutan. Ako ang nagluluto, at mabuti na lang hindi pihikan si John pagdating sa pagkain. At kung ako’y pagod ay gagawa na lang ako ng ensalada, at nasisiyahan na siya. Ang aming anak na babae ang naghuhugas ng mga pinagkanan, at si John naman ang naglalampaso at naglalagay ng waks.

Gumising!: Hindi ba mahirap iyang gawin pagkatapos ng maghapong trabaho?

John: Oo. Ngunit karaniwan nang ginagawa namin ang trabaho. At, alam ko na hindi ko gagawin ang marami sa mga gawaing pantahanan na ito kung si Carrie ay nasa bahay buong araw.

Gumising!: Inaakala mo bang mabuti para sa asawang lalaki at babae na magtrabaho?

John: Hindi, kung hindi kinakailangan. Hindi mabuti sa mag-asawa na maging depende sa kita ng babae. Ano kung magkasakit siya o magdalang-tao? At ang ekstrang panggigipit ay maaaring maging isang tunay na problema sa may kabataang mag-asawa. Kaya inaasahan namin na baka isang araw maaari naming baguhin ang aming kasalukuyang kalagayan at kami kapuwa ay magtrabaho nang bahaging-panahon. Sa ganitong paraan maaari naming gugulin ang mga ilang oras bawat araw sa ministeryong Kristiyano.