‘Ang Aking Maybahay ay Tumigil sa Kaniyang Trabaho’
‘Ang Aking Maybahay ay Tumigil sa Kaniyang Trabaho’
Gumising!: Ang iyong maybahay ba ay nagtrabaho?
Cleve: Siya ay nagtrabaho noong mga isang taon pagkatapos na kami ay makasal. Pagkatapos siya ay nagdalang-tao at kailangang tumigil sa kaniyang trabaho.
Gumising!: Nagbalik ba siya pagkatapos na maisilang ang sanggol?
Cleve: Nakakatuwa. Pagkatapos na tumigil siya sa pagtatrabaho, nasumpungan ko na hindi ko naman kailangan ang kaniyang pera.
Jeane: [Natatawa] Hindi naman talagang nakita ni Cleve ang marami nito! Bumibili ako ng mga sapatos, mga damit, at iba pa—ayos naman sa kaniya. Mangyari pa, lagi kong tinitiyak na ang aming mga pagkakautang ay nababayaran. Ngunit kung gusto ko ng dalawa o tatlong damit, basta bibili ako ng dalawa o tatlong damit.
Gumising!: Kailangan mo bang mag-obertaim?
Cleve: Natandaan ko minsan ay nangailangan ako ng pera para sa pagpapaayos ng kotse. Kaya ako ay nag-obertaim. Ako ay nagtrabaho sa lahat ng uri ng oras at gumawa ng ekstrang salapi. Gayunman sa loob ng anim na buwan hindi pa rin ako nakaipon ng kahit isang pera.
Gumising!: Anong nangyari?
Jeane: Para bang mentras mas marami ang kinikita niya ay mas marami ang ginagasta namin.
Cleve: Basta na lamang nawala ang pera. Isa pa, ang lahat ng mga obertaim na iyon ay nakakasagabal sa aking mga Kristiyanong pulong. Kaya pagkaraan ng anim na buwan tumigil ako ng pag-oobertaim, at sa loob lamang ng mga ilang buwan ay nakaipon ako ng sapat na pera upang ipaayos ang kotse sa paano man.
Gumising!: Jeane, ikaw ba ay nagbalik uli sa trabaho?
Jeane: Oo. Noong nakaraang tag-init naipasiya ko na kailangan ko ng higit na pera, at ako ay nagtrabaho sa isang day-care center. Ngunit ako ay nagtrabaho lamang ng tatlong buwan. Napansin ko ang pagbabago sa aming munting anim-na-taóng anak na babae. Si Cleve ay nagtatrabaho sa gabi at nangangalaga sa kaniya kung araw. At nang isang gabi kailangan kong magtrabaho nang gabi na.
Cleve: Ako ay nakatulog, at nang magising ako ay hindi ko siya masumpungan. Tinawag ko siya. Walang sumasagot. Tiningnan ko ang mga bintana, ang mga pintuan, ang mga pasilyo—tiningnan ko ang ilalim ng mga kama—nataranta ako! At pagkatapos siya ay lumabas sa aparador na natatawa. Gayon na lamang ang nerbiyos ko anupa’t hindi ko siya naparusahan.
Jeane: Nang marinig ko ang tungkol dito at inisip ko ang tungkol sa pangungunyapit sa akin ng aking anak, natanto ko na hinahanap niya ang aking atensiyon. Kaya ipinasiya ko na hindi sulit na magtrabaho. Tutal ang perang kinikita ko ay nauubos lamang sa mga buwis, pagkain, at mga gastusin sa pananamit. Kaya ako ay tumigil.
Gumising!: Gayunman, hindi ba isang sakripisyo sa kabuhayan ang paghinto sa trabaho?
Jeane: Ang Diyos na Jehova ay laging nangangalaga sa amin. At inaakala namin na ibinigay ni Jehova sa mga magulang ang pananagutan na pangalagaan ang kanilang mga anak. Nakikita namin na ang aming anak ay hindi napapangalagaan at na kinakailangan na makasama ko siya nang higit. Iyan ay mas mahalaga sa amin kaysa ilang trabaho.
Cleve: At ang ekstrang salapi ay talagang hindi naman gaanong nakatulong. Kami ay kontento sa kung ano ang mayroon kami. Hindi kami mayaman, ngunit hindi naman kami mahirap. Nakita ko ang ilang mga lalaki sa aking trabaho na kung minsan ay nagtatrabaho ng pitong araw sa isang linggo. Sinubok ko ito. Hindi ito umubra sa akin.
Jeane: Alam ko na ang mga panahon ay masama, ngunit kami ay naniniwala sa pangako ng Bibliya sa Mateo 6:33 na kung uunahin mo ang Kaharian, ang Diyos ay maglalaan sa iyo.
Gumising!: Kaya ano ang ginagawa ninyo ngayon sa inyong panahon?
Jeane: Nitong nakaraang tatlong buwan ako ay naglalaan ng 60 oras sa isang buwan upang turuan ang mga tao ng Bibliya. Ito ang tunay na kagalakan!
Gumising!: Kung gayon inaakala mo na ang mga ina ay dapat na manatili sa bahay?
Jeane: Kung maaari. Ang isang lola ay hindi nga maihahalili sa isang ina.