Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dati Akong Rastafarian

Dati Akong Rastafarian

Dati Akong Rastafarian

ANG aking buhok ay mahaba at ang aking mga mata ay mamula-mula dahil sa paghitit ng marijuana. Walang silbi sa akin ang mga bagay na gaya ng suklay, mga pinggan o tasang papel, pati na ang pangalan na ibinigay sa akin ng aking mga magulang! ‘Ngunit bakit mo tatanggihan ang gayong praktikal at kapaki-pakinabang na mga bagay,’ maitatanong mo? Sapagkat ako ay dating Rastafarian. Ang Rastafarianismo ay isang kilusang relihiyoso na katutubo sa isla ng Jamaica. Hayaan mong ipaliwanag ko kung papaano ako naging isang Rastafarian at kung ano ang pinaniniwalaan nila.

Nagsimula itong lahat isang araw nang ako ay nauupo sa ilalim ng isang punungkahoy na nagbabasa ng aking Bibliya at humihitit ng ganja (marijuana). Nilapitan ako ng isang Rastafarian at nakisali sa akin sa paghitit ng marijuana. Habang kami ay nag-uusap, idiniin niya na may paraan upang ang tao ay patuloy na mabuhay nang hindi namamatay. Nais kong makarinig nang higit pa. Kaya ibinahagi niya sa akin ang pangunahing mga paniniwala ng Rastafarian.

Mga Paniniwalang Rastafarian

Nang malaunan natutuhan ko na mayroong iba’t ibang grupo ng mga Rastafarian, ang bawat isa ay may kani-kaniyang ideya. Ngunit karaniwan nang silang lahat ay nagkakaisa sa isang bagay​—na ang yumaong emperador Haile Selassie ng Ethiopia ang reinkarnasyon ni Jesu-Kristo, na siya ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon at ang mananakop na “Leon sa tribo ng Juda.”​—Apocalipsis 5:5.

Ang aking sariling tagapagturo ay kasama sa grupo ng Rastafarian na tinatawag ang kanilang sarili na Creation Heights, kaya ako ay nakisama rin sa grupong iyon. Ipinalalagay namin ang aming mga sarili na bahagi ng paglalang​—kung paanong ang mga hayop at mga halaman ay bahagi ng paglalang. Ang kidlat, kulog, at iba pang likas na kababalaghan ay aming pinagpipitaganan at pinakukundanganan​—na para bang ang Diyos ang nagsasalita.

Hindi kami kumakain ng karne, isda, o ano mang bagay na gaya niyaon, ang ideya ay na ang mga bagay na ito ay namamatay at nabubulok, kaya gayundin ang mangyayari sa mga kumakain niyaon. Sa kabilang dako, ang mga gulay, gaya ng espinaca, ay patuloy na sumisibol kahit na pagkatapos matalbusan. Kaya sa akala namin, yaong mga kumakain ng gayong mga bagay ay may potensiyal ng buhay na walang hanggan. Tangi lamang kung ang isang tao ay gumawa ng mabigat na kasalanan na mararanasan niya ang kamatayan.

Minalas ng aking grupo ang mga taong puti na bahagi ng paglalang ngunit mas nakabababa sa taong itim, na ‘panginoon ng paglalang.’ Gayunman, ang ibang grupo ng Rastafarian ay lubhang napopoot sa mga puti dahilan sa mga kasamaan ng pagbibili ng alipin at ang pagpatay, panggagahasa, at maltrato ng mga puti sa mga aliping itim. Ang gayong mga Rastafarian ay naniniwala na ang pang-aalipin sa mga itim ay dapat na ipaghiganti sa pamamagitan ng rebolusyon at pagbububo ng dugo, at sa wakas ang lahat ng mga itim ay dapat na ibalik sa kanilang lupang tinubuan sa Aprika, kung saan silang lahat ay kinuha nang walang pahintulot.

Sa akin ang pilosopyang iyon na aking tinanggap ay payak. Walang ibang lider maliban sa “banal” na si Haile Selassie, na ang pangalan bago ang kaniyang koronasyon ay Ras Tafari (kaya ang pangalang Rastafarian). Ang aking tunguhin sa buhay ay magkaroon ng tamang pangmalas tungkol sa paglalang at ang kaalaman na ako ay isang anak ng Diyos. Ito’y ang paggamit sa pinakamarami ng kung ano lamang ang nilikha ng Diyos at ang paggamit sa pinakakaunti ng kung ano ang nagawa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit walang silbi sa akin ang suklay​—ito ay gawa ng tao. Kaya hinayaan kong humaba ang aking buhok kung paanong ang mga punungkahoy ay nagdadahon.

Sa gayunding pangangatuwiran, walang silbi sa akin ang mga pinggan o mga tasa​—hinalinhan ito ng mga inalisan ng laman na mga melon o kalabasa. Ang mga bagay na yari sa papel ay itinapon din, at kabilang dito ang Bibliya. Naniniwala ako na ang mga bagay na ginawa ng Diyos ay akin at libre, kahit na sino pa ang nagmamay-ari o namamahala nito. Kaya, sa akala ko, ang mga pananim ng iba ay talagang sa akin. Yaong mga nag-aangkin nito at naglalagay ng presyo sa mga ito ay walang karapatan na gawin ang gayon.

Isang Hadlang sa Wika

Ang aking bagong paraan ng pamumuhay ay lumikha ng isang hadlang sa wika sa mga hindi Rastafarian. Kung kami ang tatanungin, kahit na ang mga pangalan na ibinigay sa amin ng aming mga magulang ay dapat na tanggihan bilang produkto ng industrialisadong daigdig. Kaya ang panghalip na panao na “I” (ako) ay nagkaroon ng pantanging kahulugan. Ang Diyos ang unang “I” at ang bawat Rastafarian ay “I” rin. Upang makilala ang pagkakaiba ng isa’t-isa, ang mga pang-uring naglalarawan ng laki, taas, at iba pa, ay isinasama sa “I.” At, dahilan sa ang aking katawan ay maliit, ako ay tinawag na “maliit na I.” Kahit na ang mga pangalan ng mga pagkain ay pinalitan sa pamamagitan ng paghahalili ng titik na “i.” Kaya ang “banana” ay naging “ianana.”

Binago rin namin ang wikang Ingles sa iba pang paraan. Halimbawa, mula sa aming pangmalas ang isa ay hindi maaaring mag“come-back,” nangangahulugang magbalik, yamang imposibleng iatras ang panahon. Kaya ang “coming back” ay naging “coming forward.” Binago rin namin ang mga salita upang umayon sa aming pag-iisip. Ang “oppressor” (maniniil) ay naging “down-pressor,” sapagkat ang “up,” ang tunog ng unang pantig, ay nagpapahiwatig ng isang bagay na mabuti, tumataas, samantalang ang “down” ay katulad ng kahulugan ng maniniil. Sa wakas, dahil sa ganitong uri ng endoktrinasyon, hindi ako halos makapagsalita ng pinakasimpleng pangungusap sa pamantayang Ingles, kahit na ako ay gumugol ng limang taon sa Cornwall College sa bayan ng Montego Bay!

Ang bagong pilosopyang ito ay nagpangyari na hindi kami magkasundo ng aking mga magulang sapagkat ako ay naging walang-galang at tinutungayaw o minumura sila ng pinakamasasamang wika. Ang aking hitsura at paggawi ay nagdala ng kasiraan sa pamilya. Sa wakas, pinalayas ako ng aking ama. Kaya binalot ko ang ilang mga pag-aari at lumayas upang itaguyod ang paraan ng pamumuhay na inaakala kong tiyak na makasisiya sa akin.

Pagtitipon sa ‘mga Bunga ng Paglalang’

Mula noon, ako ay naging malakas humitit ng marijuana. Sa ilalim ng impluwensiya nito nililimot ko ang mga kabalisahan sa buhay. Mauupo ako at magbubulay-bulay hanggang sa inaakala kong ako ay kaisa ng likas na kapaligiran, nagiging bahagi ng paglalang. Ang pagnanasang maupo at magbulay-bulay ay humantong sa katamaran. Iniwan ko ang aking trabaho bilang isang musikero upang makagugol ako ng higit na panahon sa mga burol upang makipag-usap sa Diyos; at doon ako ay tumira sa isang kubo na kasama ng dalawa pang Rastafarian.

Sa paglipas ng panahon, umunti ang aming pera. Kaya sinimulan naming mangolekta ng ilan sa “nilikha ng aming Ama” mula sa mga tao na, ayon sa aming mga paniniwala, ay di-wastong inangkin at prinesyuhan ito. Kaya sinalakay namin ang kalapit na mga bukirin sa gabi. Ang mga pagsalakay na ito ay isinumbong sa pulisya, at kami at ang mga pulis ay naging mahigpit na magkaaway. Itinuring namin sila na mga kaaway na nagnanais na itaboy kaming “paglalang.” Sa araw paliligiran nila ang aming kubo, magpapaputok sa amin, bubugbugin kami, at babalaan kaming umalis ng bayan. Ngunit kakaiba naman sa gabi​—kami ang sumasalakay upang tipunin ang ‘mga bunga ng paglalang.’

Noong minsan ako ay naaresto at pinaratangan ng pagkidnap ngunit sa dakong huli ako ay napalaya. Nagpalakas-loob ito sa akin at lalo akong nakatitiyak na ako nga ay isang ‘anak ng Diyos.’ Gayunman, ako ay naaresto nang ikalawang beses sa limang iba’t ibang paratang​—pagnanakaw na may pangyayamot, karaniwang pagsalakay, pagtataglay ng nakaw na mga bagay, pagtataglay ng ganja, at pagmamaneho ng may-sirang sasakyan.

Nang panahong ito para bang kinalimutan ako ng Diyos, sapagkat ako’y binugbog nang husto ng mga pulis at ibinilanggo sa loob ng tatlong buwan nang walang piyansa. Pagkatapos ako ay nilitis. Ngunit maraming malakas na tao na nakakakilala sa akin ang nakiusap alang-alang sa akin, kaya hindi ako nabilanggo. Gayunman, ang dalawang Rastafarian na matalik kong kaibigan ay hindi sinuwerte. Ang isa ay nahatulan ng apat na taon ng mabigat na pagtatrabaho, at ang isa ay inilagay sa ilalim ng restriksiyon na manatili sa kaniyang sariling distrito sa lahat ng panahon. Nang malaunan, dalawa pang kapuwa Rastafarian ang nasumpungang patay, na nakatali sa mga bag; malamang na sila ay nasangkot sa banyagang nagbibili ng bawal na droga.

Pag-aalinlangan sa Aking Paniniwala

Ang mga problemang ito ay nagpangyari sa akin na mag-isip kung baga ang aking mga paniniwala ay tama. Idagdag pa rito, ang ilan sa aking mga kapuwa Rastafarian ay nagkaroon ng bagong ideya​—na sila ay hindi na mga anak ng Diyos, kundi ang bawat isa ay Diyos mismo. Hindi ko tinanggap iyon. Ito at ang iba pang pagkakasalungatan ay nagbunga ng alitan sa gitna namin. Kaya sa wakas ipinasiya kong umuwi ng bahay​—ngunit isa pa rin akong Rastafarian sa aking pag-iisip. Ako ay nakikipag-alam, paminsan-minsan, sa kapuwa mga Rastafarian.

Ngayon ninasa ko na makipag-usap, ngunit hindi maintindihan ng hindi Rastafarian ang aking wika. Naalaala ko ang kaaliwan na dati’y nakuha ko sa pagbabasa ng Bibliya, kaya binasa ko itong muli. Habang nagbabasa ako mayroon akong nabasang kasulatan na nagpangyari sa akin na mag-isip. Halimbawa, sa Awit 1:1, nabasa ko: “Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama.” (King James Version) Nakita kong ang aking mga kasamang Rastafarian na “masama” dahilan sa kanilang bagong pag-aangkin sa pagka-diyos. Isa pa, sa 1 Corinto 11:14, nabasa ko: “Hindi baga ang kalikasan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalaki, ay kahihiyan sa kaniya?” Subalit ako ay may mahabang buhok.

Unti-unti lalo ko pang pinag-alinlanganan ang aking mga paniniwala. Sumibol sa akin ang pagnanasang sumamba sa tunay na Diyos, sa tamang paraan. Naging kumbinsido ako na ang Rastafarianismo ay hindi makasapat sa aking mga pangangailangan: ang aking pangangailangan para sa isang malinaw na pagkaunawa ng kung sino ang Maylikha, ang aking pangangailangan para sa tiyak na saligan sa buhay na walang hanggan, ang aking pangangailangan para sa tunay na pagkakapatiran na salig sa pag-ibig at pagkaunawa, at ang aking pangangailangan na maunawaan ang dahilan ng mga kawalang-katarungan sa sosyal na sistema ng daigdig.

Pagkasumpong ng Kasiya-siyang Kasagutan

Gayunman, hindi ko alam kung saan babaling para sa tunay na kasiyahan. Kung minsan ako ay mauupo at hihingi ng tulong, nagmamakaawa sa Maylikha, kung sino man siya, na tulungan ako. Pagkatapos isang araw dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa tahanan ng aking mga magulang at nagsalita tungkol sa Bibliya. Hindi ko gaanong pinansin hanggang mabanggit ang Armagedon.

“Alam kong lahat iyan,” sabi ko sa kanila. “Masasaksihan ko ito.”

“Naniniwala ka ba sa pagiging isang saksi para kay Jehova?” tanong ng isa sa kanila.

“Sino si Jehova?”

At, agad niyang binuksan sa Awit 83:18, na kababasahan: “Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay Jehova, ay Kataas-taasan sa buong lupa.”

Sa kauna-unahang pagkakataon ang pangalang mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng kahulugan sa akin. Ang akala ko dati ang mga Saksi ay isa lamang relihiyosong lipunan, na lahat ay itinuring kong huwad. Ngunit ngayon maligaya kong tinanggap ang aklat na The Truth That Leads to Eternal Life mula sa kanila. Binasa ko ito karakaraka.

Labis na nakainteres sa akin ang kabanatang “Sino ang Diyos?” Natatandaan ko pang ako’y naupo at paulit-ulit na binanggit ang pangalang “Jehova,” na gaya ng isang sanggol na natututo ng isang bagong salita. Nang maglaon, ang aking pangangailangan na makilala ang tunay na Diyos ay natugunan.

Pagkatapos ang kabanatang “Nagiging Paraiso ang Lupa Dahil sa Matuwid na Pamamahala” ay nakasiya sa pangangailangan na nadama ko para sa isang matuwid, makatarungang sistema ng mga bagay sa lupa. Ganoon na lamang ang aking pasasalamat na aking natutuhan na hindi na magtatagal ang buong lupa ay magiging isang paraiso na may malinis, walang polusyong kapaligiran! At ako ay sabik na sabik sa pag-asa na mabuhay magpakailanman na hindi na dumadayo pa sa nabubukod na mga burol upang matakasan ang balakyot na kabihasnan!​—Awit 37:9-11, 29; Lucas 23:43; Apocalipsis 11:18.

Kaya nahinuha ko na ang landasin na pinili ko bilang isang paraan upang sambahin ang Diyos ay hindi kasiya-siya. Kaya hiniling ko sa isa sa aking kamag-anak na gupitin ang aking mahabang buhok, at pinutol ko ang lahat ng kaugnayan sa aking mga kasamang Rastafarian. Ngunit ito ay hindi madali. Itinuring nila akong isang traidor at pinagbantaan akong papatayin. Gayunman, hindi iyan nakapigil sa akin. Inaakala ko na walang makakahadlang sa akin mula sa pag-aaral ng Bibliya, sapagkat nasumpungan ko ang isang bagay na tunay na nakasapat sa aking mga pangangailangan.

Pagkatapos maglinis ng sarili ay nagtungo ako sa lokal na Kingdom Hall. Hindi nagtagal, isang payunir (buong-panahong tagapangaral ng mga Saksi ni Jehova) ay nakipag-ayos na regular na makipag-aral sa akin ng Bibliya. Napakabait niya at matiyaga. Kailangang maging gayon siya. Kung minsan hindi nga ako maintindihan dahilan sa aking bukabularyong Rastafarian!

Sa pagkasumpong ng katotohanan na nakasapat sa aking espirituwal na mga pangangailangan, nakadama ako ng pananagutan na ibahagi ang mabuting balitang ito sa aking mga magulang. Ang aking ina ay tumugon na mainam at di-nagtagal ay dumadalo na sa mga pulong sa Kingdom Hall na kasama ko. Ang aking ama, man din, ay lubhang humanga sa pagbabago ng aking hitsura at personalidad. Mga anim na buwan pagkatapos na ako’y mag-aral, inialay ko ang aking buhay upang maglingkod sa Diyos na Jehova at nabautismuhan. Nagkaroon ako ng karagdagang kagalakan na makitang ang aking ina ay nabautismuhan mga ilang buwan pagkatapos ko.

Kapag ginugunita ko at iniisip ko na ang dalawa sa aking matalik na mga kaibigan na Rastafarian ay pinatay at ang iba ay nasa bilangguan pa, ako ay lubhang nagpapasalamat kay Jehova na ngayon ako ay naglilingkod sa kaniya! Ang pagbahagi ng katotohanan ng Salita ng Diyos sa iba at ang pakikisama sa maibiging Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay tunay na nagbigay sa akin ng isang maligaya, kasiya-siyang paraan ng pamumuhay ngayon. Karagdagan pa, mayroon akong kahangahangang pag-asa na buhay na walang hanggan sa isang matuwid na Bagong Kaayusan na doon ang lahat ng mga pangangailangan ng tao ay walang hanggang sasapatan. (Awit 145:16)​—Isinulat.

[Blurb sa pahina 15]

Naniniwala ako na ang mga bagay na ginawa ng Diyos ay akin at libre, kahit na sino pa ang nagmamay-ari nito

[Blurb sa pahina 17]

Sabik na sabik ako sa pag-asang mabuhay magpakailanman