Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Elektrisidad—Isang Kapaki-pakinabang na Kaibigan na Dapat Igalang

Elektrisidad—Isang Kapaki-pakinabang na Kaibigan na Dapat Igalang

Elektrisidad​—Isang Kapaki-pakinabang na Kaibigan na Dapat Igalang

ANG elektrisidad ay totoong kailangang-kailangan sa ating modernong kabihasnan. Halos lahat ay gumagamit ng elektrisidad araw-araw. Ngunit dahil sa potensiyal na panganib nito, ito’y dapat igalang. Kung gagamitin nang wasto, ang elektrisidad ay isang lubhang kapaki-pakinabang na kaibigan. Walaing-bahala mo ang mga katangian nito, at ang resulta ay maaaring kasindak-sindak, nakamamatay pa nga!

Sa inyong tahanan may dalawang uri ng elektrisidad. Ang pinakakaraniwang uri ay nanggagaling sa genereytor ng planta ng koryente at nakakarating sa inyong tahanan sa pamamagitan ng mga kawad ng koryente. Ang iba pang uri na ginagamit mo sa inyong tahanan ay mula sa mga bateriya.

Nilikhang Elektrisidad

Una, pag-usapan natin ang tungkol sa nilikhang elektrisidad (generated electricity). Ang mga kawad sa inyong bahay ay nagdadala ng maghaliling koryente, karaniwang 110-120 boltahe o 220-250 boltahe o pareho. ‘Anong pakialam ko diyan?’ maitatanong mo? Isa, ang inyong mga aplayanses sa tahanan ay dinisenyo upang gumana lamang sa isang espisipikong boltahe, o puwersa. Ang mga aplayanses ay karaniwan nang may marka na nagpapakita ng kanilang nagpapatakbong boltahe. Dapat mong pagtugmain ang boltahe ng inyong aplayans sa boltahe ng elektrikal na mga outlet. Kung ang boltahe ay hindi katugma, ang inyong aplayans ay maaaring masira o hindi tatakbo nang maayos.

Isa pa, sa pag-alam ng boltahe ng inyong aplayans, maaari mong matantiya ang dami ng koryente na ginagamit ayon sa amperes. Karaniwan nang inililista ng marka sa inyong aplayans hindi lamang ang boltahe kundi gayundin ang watts, o lakas, na ginamit. Ang ibang mas bagong aplayanses ay gumagamit ng terminong “volt-amps” sa halip na watts. Upang tantiyahin ang kinakailangang dami ng amperahe sa inyong aplayans, hatiin ang watts, o volt-amps, sa volts. Halimbawa: AMPERES = WATTS, o VOLTS-AMPS, hatiin sa VOLTS.

Mga Pahiwatig na Pangkaligtasan

‘Bakit mahalaga ang impormasyong ito?’ maitatanong mo. Sapagkat ang bawat elektrikal na kawad sa inyong bahay ay dinisenyo upang magdala ng ligtas na dami ng amperes ng elektrisidad. Kaya kung ipasiya mo na iplag na sabay ang inyong de-koryenteng toaster at plantsa sa iisang outlet, maaaring hindi makaya ng mga kawad. Ang piyus o circuit breaker sa inyong kahon ng piyus ay biglang pahihintuin ang elektrisidad na dumadaloy sa mga aplayanses na iyon hanggang maiwasto mo ang problema. O mas malala pa, kung maling uri ang piyus at hindi nito pinatigil ang daloy ng elektrisidad, ang mga kawad ay maaaring maging napakainit anupa’t maaaring pagmulan ng sunog sa mga dingding ng inyong bahay.

‘Paano ko malalaman ang ligtas na dami ng amperes, o koryente?’ itatanong mo. Tingnan mo sa inyong kahon ng piyus. Dapat ipakita ng bawat piyus o circuit breaker kung gaano karaming amperes ang ligtas na makadadaloy sa mga kawad sa bawat dako ng inyong bahay.

Ang ekstensiyon na mga kordon ay maaaring gamitin at kadalasang ginagamit. Sa ibang mga kordon maaari kang magplag ng kasindami ng apat na mga bagay. Ngunit lagi bang matalinong gawin ito? Hindi, sa katulad na kadahilanan na ibinigay sa hindi pagpapaplag ng isang toaster at isang plantsa sa iisang outlet sa dingding. Maaaring kumuha ito ng napakaraming amperes na koryente, na hindi mabuti. At hindi matalinong maglagay ng isang ekstensiyon na kordon sa ilalim ng alpombra na madalas daanan. Bakit? Sapagkat sa paglipas ng panahon ang isang kawad sa ekstensiyon na kordon ay maaaring masira na maging sanhi ng short circuit. Ang mga short circuit ay maaaring pagmulan ng sunog.

Ang elektrisidad ay dumadaloy sa landas na pinakamadaling daanan. Ang tubig ay isang conductor, at gayundin ikaw. Kaya mag-ingat nang pagtayo sa isang basang banyera samantalang may hawak na anumang aplayans o radyo na nakaplag sa koryente ng bahay. Dapat ding mag-ingat kailanma’t ginagamit ang mga kagamitang de-koryente, gaya ng isang de-koryenteng lagari o pantabas ng damo, sa labas ng bahay. Ang ground connection, ang ikatlong hibilya (pin) sa plag ng koryente, ay hindi dapat putulin o alisin.

Mga Bateriya

Ang mga bateriya ay isa pang pinagmumulan ng elektrisidad sa inyong bahay. Malamang na mayroon ka ng maliliit na bateriya sa iyong kamera, relo, o sa orasan sa dingding. Mayroon din nito ang iyong nabibitbit na radyo at tape recorder; gayundin ang iyong plaslait. Kung nais mong makinig ng musika samantalang nasa bathtub o banyera, ligtas na mapatutugtog mo ang isang radyo na umaandar lamang sa pamamagitan ng mga bateriya.

Hindi iminumungkahi na ingatan ang gastado nang mga bateriya sa kagamitan, sapagkat maaari lamang itong makapinsala. Ang ibang mga bateriya ay maaaring muling kargahan ngunit mag-ingat. Sinasabi ng ilang tagagawa na ang kanilang mga bateriya ay maaaring sumabog kung muling kakargahan.

Ang elektrisidad ay iyong kaibigan. Tamasahin ang maraming pakinabang nito, ngunit igalang ito.

[Kahon sa pahina 26]

Boltahe, Watts, Amperes

Ang boltahe ay ang yunit ng elektromotib na puwersa na nagpapadaloy sa koryente sa isang kawad. Sa maikli, ang boltahe ay nagpapahiwatig ng puwersa.

Ang amperes ay ang yunit ng elektrikal na koryente; ito ang dami ng koryente na dumadaloy sa isang sirkito. Sa maikli, ipinahihiwatig ng amperes ang bilis ng pagdaloy.

Ang watt ay ang yunit ng elektrikal na lakas, ang bilis na doon ang gawain ay nagagawa. Sa maikli, ang watts ay nagpapahiwatig ng dami ng lakas na nakunsumo ng anumang elektrikal na kagamitan.

Upang ilarawan: Ang tubig na ginagamit upang diligin ang isang hardin ay pumapasok sa sistema ng bahay sa ilalim ng puwersa (boltahe) mula sa mga tubo. Ang tubig ay dumadaloy sa hose sa bilis ng mga ilang galon sa bawat minuto (amperes). Ang dami ng lakas (watts) na ginagamit ay ang puwersa (boltahe) na pinarami sa bilis ng pagdaloy (amperes).

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

Pagkumpuni ng Plag​—Kung Paano Ito Gagawin

Ang mga plag ng aplayans ay baka kailangang kumpunihin o halinhan dahilan sa isang sirang kawad. Ang mga plag ay iba-iba ang disenyo sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, ngunit kung ang plag ay kagaya ng nasa larawan, ganito ginagawa iyon:

● Ilabas ang mga kawad sa plag.

● Maingat na alisin ang mga kalahating pulgada ng insulasyon ng kawad na ginagamit ang isang kutsilyo.

● Mahigpit na pilipitin ang mga hibla ng bawat kawad.

● Itali ang mga kawad sa paraang underwriters knot. (Tingnan ang larawan.) Iniingatan nito ang mga kawad na mabanat kapag hinahaltak ang plag mula sa outlet.

● Hilahin ang kordon hanggang sa ang buhol ay nasa puno ng plag.

● Ibalot ang nakalantad na dulo ng mga kawad sa paligid ng mga turnilyo sa ilalim ng mga ulo ng turnilyo sa direksiyon din ng mga turnilyo kapag hinihigpitan.

● Ang ground wire ay dapat na ikabit sa pangatlong turnilyo.

● Higpitan ang mga turnilyo.