Luwad na Porselana—Hamak Ngunit Mahalaga
Luwad na Porselana—Hamak Ngunit Mahalaga
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Gran Britaniya
KUNG tatanungin kung ano ang gamit ng luwad na porselana, malamang na ikaw ay sasagot, ‘Mangyari pa, sa paggawa ng mga porselana.’ At ikaw ay tama. Ngunit alam mo ba na ito ay ginagamit din sa paggawa ng mga goma at plastik, mga damit at pintura, mga lapis at wallpaper, elektrikal na mga insuleytor at mga tubong paagusan, mga pamatay-insekto at abono, at ito ay karaniwang masusumpungan sa medikal na mga preparasyon na binibili mo sa isang botika? Anong pagkaraming-gamit na bagay! Saan ito nanggaling? Paano ito inihahanda? Ano ang mga katangian na gumagawa ritong angkop para sa gayong maraming-gamit?
Kung Saan at Paano Ginagawa
Ang luwad na porselana ay kilala rin bilang kaolin, na mula sa salitang Intsik na “kao” (mataas) at “ling” (tagaytay), nangangahulugang ang mga burol ng lalawigan ng Kiangsi kung saan ito unang natuklasan. Sa loob ng mga dantaon ginamit ng mga Intsik ang luwad na porselana kasama ng batong porselana upang gawin ang kanilang pagkagagandang mga palayok. Si Marco Polo ay nagdala ng ilang muwestrang palayok pabalik sa Venice noong 1295 at tinawag itong porselana.
Gayunman, noon lamang ika-18 siglo na natutuhan ng Kanluraning mga magpapalayok ang sekreto ng mga Intsik sa paggawa ng porselana. Mula noon ang mga deposito ng luwad na porselana ay nasumpungan sa maraming Kanluraning mga bansa. Sa ngayon, ito ay pangunahing ginagawa sa Estados Unidos, Pransiya, Czechoslovakia, Alemanya, Unyong Sobyet, at Cornwall sa Inglatera.
Kung paano nagkaroon ng mga deposito ng luwad na porselana ay hindi alam. Ang isang teoriya ay nagsasabing nang ang pressurized, mainit, asidikong mga gas o likido mula sa pusod ng lupa ay lumabas sa mga granito, pinaliit nito ang matitigas na batong kristal tungo sa pino, puting luwad na porselana at iba pang mineral. Ang isa pang teoriya ay nagsasabi na, pagkaraan ng ilang pagguho, ang asidikong ibabaw ng tubig ay tumagos sa granito sa loob ng mahabang panahon, inaalis ang ilang mga sangkap nito at nag-iiwan ng malambot, puting luwad na porselana na kahalo ng quartz at mica. Sa totoo, malamang na ang dalawang pamamaraang iyan ay gumanap ng bahagi sa paggawa ng luwad na porselana.
Sa Isang Balon ng Luwad Porselana
Sa ngayon, ang pinakaproduktibong mga balon ng luwad na porselana sa daigdig ay nasa Cornwall at Devon, Inglatera. Halos 2.5 milyong
tonelada ang nakukuha mula sa mga balon taun-taon, at tatlong ikaapat nito ang iniluluwas sa mga 60 bansa sa buong daigdig.Sa mga balon sa Cornwall, ang luwad na porselana ay hinahango na may kasamang tubig. Ang malakas na tubig ay sumasagitsit at babasain at paghihiwalayin ang granito, at ang luwad na porselana ay maaalis kasama ng mas magaspang at mas mabigat na mga bagay, buhangin, at mica. Ang buhangin at mica ay ihihiwalay at ginagamit sa mga silyar at mga kongkretong precast na mga produkto. Ang luwad na porselana, na nasa ganito pa ring kalagayan, ay pinaghahalu-halo para tumibay at maging pino. Inaalis ng sunud-sunod na hakbang ng pagpapatuyo ang natitirang tubig.
Ang Maraming Gamit ng Luwad na Porselana
Waring kataka-taka, utang ng luwad na porselana ang maraming-gamit nito, hindi sa anumang masalimuot o pambihirang katangian, kundi ang kakulangan ng gayon. Ang kemikal na di-nakikilos na katangian nito, ang kadalisayan nito, ang kapinuhan nito, at, hindi dapat kaligtaan, ang mababang halaga nito, ang gumagawa sa hamak na sangkap na ito na lubhang kapaki-pakinabang.
Halimbawa, malamang na batid mo na ang papel ay yari mula sa ubod ng kahoy at iba pang mga himaymay. Ngunit alam mo ba na ang malaking bahagi ng papel ay “pinupunan” ng luwad na porselana? Ang mga himaymay sa ganang sarili ay hindi siksik upang ang papel ay magkaroon ng mahusay na pang-ibabaw. Kaya ang puwang sa pagitan ng mga himaymay ay pinupunan ng pino, puting luwad na porselana. Pinakakapal din nito ang papel, upang ang limbag sa isang panig ng pahina at huwag tumagos sa kabila, at ang resulta ay isang malinis na pahina na may malinaw na limbag.
Sa ibang popular na magasin ang papel ay maaaring mga isang ikalima na luwad. Ang makintab na papel na ginagamit sa mas mamahaling mga magasin ay dahilan sa sangkap na ito. Ang kintab ay aktuwal na luwad na porselana na hinaluan ng ilang uri ng pandikit at ipinahid sa ibabaw ng pilyego.
Yamang ang luwad na porselana ay kadalasang mas mura kaysa ubod ng kahoy, ang pagdaragdag nito sa mga himaymay ay maaaring magpababa sa halaga ng papel. Hindi kataka-taka na ang industriya ng papel ang aktuwal na pinakamalakas gumamit ng luwad na porselana ngayon.
Sa kabilang dako, maaaring akalain ng maraming tao na ang chinaware at porselana ay natatanging yari mula sa luwad na porselana. Sa katunayan, ang mga ito ay naglalaman lamang ng mga 10 hanggang 60 porsiyento ng luwad na porselana. Ang natitira ay binubuo ng buhangin, bato, quartz, at iba pa. Ang layunin ng luwad ay pangunahing upang mahubog, o maanyuan ang bagay, at upang pumuti kapag niluto sa apoy.
Alam mo ba na ang luwad na porselana ay maaaring hindi lamang nasa ilalim ng iyong paa sa lupa kundi nasa mga suwelas na goma o boots na gamit mo upang panatilihing tuyo ang iyong paa? Kung idaragdag sa natural o sintetikong goma, ang luwad na porselana ay hindi lamang magpapababa sa halaga kundi pinatitibay rin ito at hindi gaanong gasgasin. Ang resulta ay mas mura at mas matibay na sapatos. Gayundin, ang luwad na porselana ay ginagamit sa mga pintura bilang isang ekstender. Ang kapinuhan nito ang gumagawa sa pintura na madaling ipahid, at tumutulong ito upang ang mga kulay ay manatili at huwag tumining sa ibaba.
Maaaring magtaka ka sa aming nabanggit kanina tungkol sa luwad na porselana sa medisina. Oo, sapagkat ito ay ganap na di-nakikilos at lubhang pino, ito ay kapaki-pakinabang kung basta ihahalo sa tubig o gagamitin bilang isang base para sa iba pang aktibong mga sangkap sa pildoras o pulbos. Ginagamit pa nga ito sa ibang toothpaste, sabon, at cosmetics.
Ang mga ito ay ilan lamang sa pangunahing mga gamit ng hamak na produktong ito. Namangha ka ba sa maraming-gamit nito? Sino ang mag-aakala na ang gayong hamak at saganang bagay ay magiging totoong kapaki-pakinabang! Narito pa ang higit na katibayan ng isang maibiging Maylikha na gumawa ng paglalaan para sa sambahayan ng tao, oo, sinangkapan ang lupa ng lahat ng bagay na kailangan natin.