May Pinagbabayaran ang Pagtatrabaho!
May Pinagbabayaran ang Pagtatrabaho!
“AYAW kong magtrabaho ang aking maybahay,” inamin ng isang asawang lalaki. “Ngunit kung ‘kulang ang kabuhayan,’ kailangan mong magkompromiso. Kaya’t siya’y nagtrabaho, at humusay-husay nang kaunti ang mga bagay.”
Sa buong daigdig ang mga mag-asawa ay nagsasabi na napakahirap na mamuhay sa kita lamang ng lalaki. Sa Australia, Pransiya, at Sweden ang halaga ng pagkain at pabahay ay talagang dumoble sa pagitan ng 1975 at 1982. Sa Estados Unidos ang halaga ng pagpapakain sa isang pamilya na binubuo ng apat ay tumaas mula sa mga $67 sa isang linggo noong 1975 tungo sa mahigit $100 noong 1983! Ang halaga ng pagmamay-ari at pagpapaandar ng isang kotse sa Estados Unidos ay halos triple ang itinaas sa pagitan ng 1970 at 1981.
Patuloy pa ang mapanglaw na estadistika. At kapag ang mga sahod ay hindi makaagapay sa implasyon (gaya ng karaniwang kaso), inaakala ng mga mag-asawa na mayroon lamang silang isang mapagpipilian: Papagtrabahuin ang babae. Ang awtor ng pinakamabiling aklat at social analyst na si John Naisbitt ay nagsasabi na kung ang kasalukuyang hilig ay magpapatuloy, “85 porsiyento ng mga babaing Amerikano ang magtatrabaho” sa taóng 2000.
Gayunman, kadalasang ang kita ng babae ay hindi pa rin isang pinansiyal na panlunas sa lahat. Sa isang bagay, karaniwan nang ang mga babae ay binabayaran nang mas kaunti kaysa sa mga lalaki. a Totoo, tinatanggap ng ilang nagsisikap na mga mag-asawa ang anumang maaaring kitain ng babae. Gayunman, ang mga awtor ng Making It Together as a Two-Career Couple ay nagsasabi pa sa atin: “Isa sa mga malamig na katotohanan ng buhay na hindi maunawaan ng maraming mag-asawang kapuwa nagtatrabaho ay na pinagbabayaran ng salapi upang kumita ng salapi. . . . Malibang kilalanin nila ang masaklap na katotohanang ito, ang mga mag-asawa ay malamang na manghawakan sa di-makatotohanang mga inaasahan tungkol sa dami ng magagastang kita na mayroon sila kung sila kapuwa ay nagtatrabaho.”
Kaya ibawas mo sa kita ng babae ang mga buwis sa kita, mga kabayaran sa child-care (pag-aalaga ng bata), mga pagtaas sa badyet ng pagkain (ang mag-asawang nagtatrabaho ay bihirang magkaroon ng panahon na humanap ng mga baratilyo at kadalasa’y kumakain sa restauran o ng kombinyenteng mga pagkain), transportasyon, pananamit, at iba pang mga gastusin—at kadalasang wala halos natitira sa suweldo ng babae. Iyan ang dahilan kung bakit si Joanne, isang bihasang magsalita ng dalawang wika na sekretarya at tagapagsalin, ay tumigil sa kaniyang trabaho. Siya ay nagpapaliwanag: “Pinag-isipan naming mag-asawa . . . na totoong hindi ito sulit.”
Nasusumpungan ng mga pamilya na ang kita ng babae ay pinagbabayaran din sa ibang paraan. At ang iba ay nagtatanong kung ito nga ba ay sulit.
[Talababa]
a Sa Estados Unidos ang karaniwang babae ay kumikita ng 59 porsiyento ng kita ng karaniwang lalaki. Sa Japan ang mga babae ay bumubuo ng 34 porsiyento ng lakas ng mga manggagawa, gayunman ang mga babae ay kumikita ng mga 50 porsiyento lamang ng kung ano ang kinikita ng isang lalaki. Kahit na sa Sweden, na may “pinakamalapit na aproksimasyon sa seksuwal na pagkakapantay-pantay ng sahod sa daigdig,” ang mga babae ay kumikita ng mga 80 porsiyento ng kung ano ang kinikita ng mga lalaki.