Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtatrabaho
Sinunod ko ang inyong mungkahi sa artikulong “Paano Haharapin ang Kawalan ng Trabaho.” (Disyembre 22, 1984 sa Tagalog) Bilang ina ng isang bata, nangailangan ako ng isang trabaho na hindi kukuha ng maraming panahon at na malapit sa bahay. Pagkatapos basahin ang inyong artikulo naipasiya kong gawin ang paglilinis ng bahay ng ibang tao. Nag-anunsiyo ako sa lokal na mga tindahan ng groseri. Ngayon mayroon na akong tatlong bahay na nililinis bilang trabaho na napakalapit sa aming bahay. Maraming salamat sa mahusay na mungkahi.
P. S., Illinois
“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong”
Maraming salamat sa mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong.” Waring kakatwa ba iyan mula sa isang 47-taóng-gulang na babae? Marami akong problemang pinagdaanan noong aking kabataan at nang ako’y tin-edyer, at hindi ko naunawaan kung bakit gayon ang aking nadama hanggang sa ilathala ninyo ang mga artikulong ito.
N. W., Texas
Ang inyong napapanahong mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” ay isang malaking tulong sa akin bilang isang ina ng 17-anyos na anak na lalaki. Alam ko kung ano ang hinihiling ko sa kaniya ngunit nahihirapan akong ipaliwanag sa kaniya ang aking mga dahilan. Ang inyong mga artikulo ay nagbigay sa akin ng kinakailangang mga salita upang patnubayan siya sa magulong mga panahong ito. Bagaman ang mga artikulo ay nakatuon sa mga kabataan, kaming mga maygulang ay natutulungan din. Sana’y tumanggap din ako ng ganitong payo nang ako ay 17!
S. S., Alabama
Paggalang sa May Kapansanan
Talagang namangha ako sa artikulong “Ako ang Tingnan Ninyo—Hindi ang Silyang may Gulong!” (Nobyembre 8, 1984 sa Tagalog) Mayroon akong isang kaibigan na naratay sa silyang may gulong. Ipinakita sa akin ng inyong artikulo ang kahalagahan ng may paggalang na pakikitungo sa lahat na may kapansanan at ang pakikipag-usap nang tuwiran sa kanila. Maraming salamat sa inyong payo.
L. L., Washington
Kolehio o Edukasyong Pangkabuhayan
Sa inyong artikulong “Mag-aral sa Kolehio . . . o Matuto ng Isang Hanapbuhay?” (Abril 22, 1985 sa Tagalog) inaakala kong maling impresyon na matututuhan lamang ang mga propesyon na pang-opisina sa kolehio. Hindi ito totoo. Ang anumang uri ng obrerong hanapbuhay na maiisip mo ay dapat na matutuhan sa paaralan. Sa maraming programa ng kolehio ang mga estudyante ay tinuturuan ng anumang bagay mula sa pagluluto ng kakanin hanggang sa paghihinang o elektroniks. Di-hamak na mas murang pumasok sa mga programang ito kaysa magtungo sa isang paaralang pangkabuhayan o trade school. Ang kolehio ay maaaring maging isang hindi magastos na kagamitan upang matuto ng isang kakayahan o isang hanapbuhay.
P. M., California
Hindi partikular na binatikos ng artikulong tinututulan ang edukasyong pangkolehio ngunit idiniin nito na maaaring maraming bentaha ang pagkatuto ng isang hanapbuhay kaysa ang maghanda para sa isang propesyong pang-opisina. Samantalang ang ilang programa sa kolehio ay maaaring maglaan ng mabuting pagsasanay sa iba’t ibang hanapbuhay, waring kadalasang ang pangunahing idiniriin ng mga programa sa pagtuturo sa kolehio o sa unibersidad, gayundin ang kapaligiran sa kolehio, ay waring laban sa mabuting espirituwal na mga tunguhin na ibinabalangkas sa Bibliya, gaya ng pagpapasulong ng pananampalataya ng isa sa Diyos at sa kaniyang mga layunin at ang pagpapanatili ng mabuti, malinis na pag-uugali. Ang pagpapasiya sa kung mag-aaral sa kolehio o hindi ay isang personal na pagpapasiya, ngunit naniniwala kami na makabubuting magbabala tungkol sa potensiyal na mga panganib na nasasangkot.—ED.