Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ani sa Ilang na Dako

● Ang dati-rating negosyo ni inay-at-itay ay naging isang $10-bilyon-isang-taóng negosyo na karamiha’y pinamamahalaan ng mga dating bilanggo at pusakal na masasamang tao. Ano ito? Ang pagtatanim ng marijuana, ulat ng The New York Times. Ang mga dakong nangunguna sa produksiyon nito ay ang gawing hilaga ng California, Hawaii, Oregon, Kentucky, Missouri, Arkansas, Oklahoma, Washington, at Idaho. Ginagamit ng pinakamalaking mga tagapagtanim ang mga ilang na dako, karamihan ay mga lupaing publiko, upang magtanim ng isang pambihirang uri ng marijuana​—nagkakahalaga ng $2,000 hanggang $3,500 ang bawat tanim​—na kilala bilang sinsemilla. Binaril ng mga nagtatanim nito sa hilagang bahagi ng California ang mga naglalakad at ang mga nangangaso na di-sinasadyang nagdaan sa kanilang mga taniman at pininsala ang ilan ng kanilang mga patibong. “Ang pagpatay at pagpinsala ng mga tao ay nagaganap halos araw-araw sa bayan,” ang sabi ng The Ukiah Daily Journal, isa sa pinakamalaganap na pahayagan sa dakong iyon. Tungkol sa mga nagtatanim, si John Rooney, direktor ng Idaho Department of Law Enforcement, ay nagsasabi, “Hindi na ito ang mga uring hippie, kundi mga pusakal na masasamang tao na itinuturing itong isang negosyo, at sila’y seryoso at pinagsasanggalang na lubha ang kanilang puhunan.”

Kakulangan ng Panggatong

● “Ang kahoy na panggatong, ang panggatong at pampainit ng mahihirap, ay kapos at patuloy na umuunti sa maraming rehiyon,” sabi ng magasing Science sa pagbubuod ng isang report kamakailan ng Earthscan, bahagi ng International Institute for Environment and Development na base-London. Ang kakulangan​—na unang itinawag-pansin sa publiko mga sampung taon na ang nakalipas​—ay nagpapatuloy sa kabila ng mga pagsisikap ng maraming bansa sa Third World at ng mga ahensiyang tumutulong upang itaguyod ang pagtatanim ng punungkahoy at iba pang mga pakana. Ipinahihiwatig ng isinaplanong kailanganin ang “isang pangangailangan saanman mula sa makalimang ibayo, sa ibang bahagi ng Aprika, tungo sa 20-ibayo o higit pang pagsulong sa mga dakong natamnan” ng mga punungkahoy. “Doon sa talagang mga mahihirap,” hinuha ng Earthscan, “ang pagkaubos ng dating libreng suplay ng panggatong ay nangangahulugan na ang panggatong ay kasali na ngayon sa listahan ng pangunahing mga pangangailangan na gaya ng pagkain, tubig, at pabahay na hindi sapat na natutugunan at may malaking problema.”

Paligsahan sa Kalawakan

● Noong Nobyembre, dalawang araw pagkatapos na ang space shuttle na Discovery ay patalsikin paitaas sa kalawakan upang makuhang muli ang dalawang lumilihis-landas na mga satelait, isang hindi gaanong napabalitang rocket na Ariane V 11 ay pumaitaas mula sa kagubatan ng French Guiana at nagtaas ng dalawang telecommunications satellites sa orbita​—isa sa kanila para sa isang kompaniyang Amerikano. Tinawag ng magasing Time ang misyon na “nagbabantang tagumpay.” Bakit? Sapagkat ito at ang iba pang matagumpay na mga misyon ay gumawa sa Ariane space rocket​—isang produkto ng European Space Agency​—ang pangunahing kakompitensiya ng space shuttle sa mga pakinabang sa kalawakan. Ang gumagawa sa Ariane na lubhang kaakit-akit ay ang mas mataas na antas ng matagumpay na paglulunsad nito ng satelait kung ihahambing doon sa mga shuttle. Isa pa, ang halaga ng paglulunsad ng satelait sa pamamagitan ng mga rocket na Ariane ay paligsahan, isang mahalagang bagay, lalo na yamang ang mga kabayaran sa shuttle sa paglulunsad ng satelait ay nakatakdang tumaas ng 80 porsiyento sa susunod na Oktubre.

Prostitusyon sa Malalaking Lunsod

● “Dati’y malalaking grupo ng mga patutot ang naglalakad-lakad sa 5 1/2-milya (9-km) na kahabaan ng Sunset Boulevard sa Hollywood,” ulat ng The New York Times. “Ngunit noong isang Biyernes namataan ng isang patrol ng pulisya ang tatlo lamang, mula sa mga 80” walong buwan ang nakalipas. Ang mga pag-aresto ay bumaba mula 30 o 40 sa isang gabi tungo sa mga 7. Ano ang nangyari? Bukod sa mabisang pagpapatrolya ng pulisya sa mga lansangan, ang paggamit ng mga computer ay bumigo sa mga pagsisikap ng mga patutot na gumamit ng mga alyas. Pinagtugma ng mga computer ang pisikal na mga paglalarawan, kriminal na mga rekord, mga alyas, at mga tatak ng daliri. Ang pagkilala sa umulit na mga manlalabag ay nagbunga ng mas mahabang mga sentensiya sa bilangguan.

● Sa Lunsod ng New York, ang pulisya ay nakagawa ng 17,000 mga pag-aresto dahil sa prostitusyon noong nakaraang taon, karamihan sa mga lansangan. Ngunit 5 porsiyento lamang ng mga pag-aresto ang nagbunga ng mga sentensiya sa bilangguan. Halos kalahati ng mga patutot ang pinalaya sa loob lamang ng mga ilang oras, at ang iba ay pinagmulta. Sang-ayon sa ulat, ang prostitusyon ay “lumalawak na halos walang sagabal.” Ang ibang mga patutot ay nagtatrabaho sa mga tirahan ng patutot na nakatago sa likuran ng mga de-luhong apartment. Ang iba ay nagtatrabaho sa mga escort services o sa kanilang sarili sa pamamagitan ng mga referrals. Sila’y nag-aanunsiyo sa mga sex tabloids, sa mga cable television sa gabi, at sa mga direktoryo ng telepono sa ilalim ng escort services.

● Sa Melbourne, bagaman ang prostitusyon ay nagaganap sa mga parlor na nagmamasahe na binigyan ng pahintulot na umandar sa mga distritong pangkabuhayan at industriyal, labag pa rin sa batas ang pagkuha ng isang patutot sa kalsada. Sa Kanlurang Alemanya, ang mga bahay ng patutot at ang pamamanhik sa mga lansangan ay legal sa “kontroladong mga sona.” Sa Hamburg, Amsterdam, at Zurich libu-libong mga turista ang naaakit sa tinatawag na “red-light zones” taun-taon. Sabi ng isang may-ari ng napakapopular na tirahan ng mga patutot, “Habang nananatili ang mundo, mananatili ang prostitusyon.”

Pagdami ng mga Anak sa Labas

● “Mahigit sa isa sa bawat tatlong sanggol na ipinanganak sa Lunsod ng New York [noong 1983] ay anak sa labas,” ulat ng The New York Times. Ang katumbasang iyan ay tatlong ibayo ang dami sa kung ano ito 20 taon na ang nakalipas. Ito ay nakababalisa sa mga tagaplano ng lunsod, sabi ng ulat, “hindi sa moral na kadahilanan,” kundi sapagkat naniniwala sila na ang mga batang ito “ay malamang na mamuhay sa karalitaan at mahihirapan sa pagpapaaral sa kanilang sarili, pagkasumpong ng trabaho at pagganap ng mga pananagutang adulto.” Ang lubhang pagdami ng imoralidad, sabi ng mga dalubhasa, ay dahilan sa mas mataas na persentahe ng mga pamilyang may mababang kita na namumuhay sa Lunsod ng New York at sa mas mapagpaubayang saloobin sa gitna ng mga tao sa pangkalahatan tungkol sa mga anak sa labas. Binabanggit pa ng sosyologong si Kenneth B. Clark ang isa pang dahilan. “Ang mga kabataan ay halos walang magawa,” sabi niya. “Sila’y walang trabaho. Kakaunti lamang ang mga kasiyahan nila sa buhay maliban sa sekso at mga droga.”

Tsismis na Binuhay-muli

● “Noong 1982, ang tsismis ay unang ibinunsod ng mga pundamentalistang Protestante,” sabi ng The Wall Street Journal. “Ngayon, ang pinakamalaking pangkat na pinagmulan . . . ay ang mga madre at paring Romano Katoliko.” Ano ba ang tsismis? Na ang presidente ng Procter & Gamble, ang pinakamalaking tagagawa ng mga produktong pambahay ng bansa, ay nagpahayag daw na siya mismo ay isang mananamba ni Satanas at na ang logo ng kompaniya na “ang tao sa buwan” ay naglalaman ng mga tanda ni Satanas. Dalawang taon na ang nakalipas, ang P&G ay gumawa ng lahat ng magagawa nito sa paglalathala ng mga pagtatatwa dito, pagtunton ng mga pinagmulan, pagsasaayos ng mga katibayan mula sa mga lider ng relihiyon, at pagsasampa ng anim na mga asunto bago naglaho ang istorya. Ngunit noong Setyembre ang istorya ay muling lumitaw. Isang madre sa gawing kanluran ng Pennsylvania ang tumanggap ng isang pulyeto na naglalaman ng istorya​—walang pangalan ng nagpadala​—at nagpadala ng mga kopya sa iba. Bunga nito, noong Oktubre 1984 lamang, ang P&G ay tumanggap ng mahigit 5,000 mga tanong sa mga tanggapan nito. Nang sabihin na ang tsismis ay hindi totoo, marami sa nagkalat nito ang humingi ng paumanhin. “Ngunit ang iba na naniniwala sa tsismis ay ayaw maniwala rito​—anuman ang katibayan,” sabi ng ulat.

CPR para sa Aso

● “Ang inyong aso ay natumba mula sa kaniyang kainan at tuluyang namatay. Ano ang gagawin ninyo?” tanong ng The Wall Street Journal. Buhayin siyang muli, sabi ni Dr. Gabor Vajda, isang beterenaryo sa Phoenix, Arizona, na nagsanay ng mga 200 nagmamay-ari ng aso at mga beterenaryo sa “canine CPR” (cardiopulmonary resuscitation ng aso). Ang mga kliyente ay tinuruan kung papaano hihingahan ng buhay ang kanilang mga aso sa pamamagitan ng pag-ihip ng maikling mga hininga sa kanilang mga butas ilong. Bukod pa riyan, isang manggagawa ng edukasyunal na mga kagamitan ang gumawa ng isang bersiyon ng aso na resusci-Annie doll​—na ginagamit sa ilang mga kurso sa CPR​—na tinatawag na resusci-dog. Ito ay kumpleto na may “balahibo, kawad at lahat ng uri ng bagay,” sabi ng kinatawan ng kompaniya. Kung tungkol sa pag-aalis ng bara sa daanan ng hangin ng hayop, si Dr. Vajda ay nagsasabi, “Huwag gamitin ang inyong mga daliri upang alisin ang nakabarang pagkain.” Ang mga aso ay nangangagat.

Europeong AIDS

● “Ang mga kaso ng AIDS ay sumulong ng halos 100% sa 8 buwan” sa sampung Europeong bansa na regular na nagbibigay ng datus, ulat ng Morbidity and Mortality Weekly Report, hanggang sa 215 mga kaso ang iniulat noong 1983 hanggang Oktubre at umabot ng 421 mga kaso hanggang noong Hulyo 15, 1984. “Tungkol sa mga pasyente mula sa 10 Europeong mga bansa, 87.4% ang mga homoseksuwal na lalaki, 3.4%, mga pasyente ng hemophilia, at 1.4%, mga sugapa sa droga,” sabi ng ulat. Ngunit sa lahat halos ng pasyente mula sa Caribbean at Aprika na napansin sa Europa, walang makitang kilalang salik ng panganib.

‘Panlaban-Lindol’ na Bayan

● Ang bayan ng Ech-Cheliff (dating El Asnam), Algeria, ay di-kukulangin sa anim na beses na sinira ng mga lindol. Ang pinakamaagang pagkawasak nito, sang-ayon sa alamat, ay noong ikalimang siglo. Makalawang beses itong sinira noong ika-19 na siglo. Ang bayan ding iyon ay muling winasak noong 1936, pagkatapos noong 1954​—iniiwan ang 470,000 na mga mamamayan nito na walang tirahan. Ang pinakabagong lindol, na naganap noong 1980 ay nag-iwan ng 3,000 mga patay​—sa kalakhang bahagi ay dahilan sa pagguho ng kongkretong pagkatataas na mga apartment na gusali na itinayo pagkatapos ng lindol noong 1954. Sa panahong ito ang bayan ay muling naitayo na gumagamit ng 23,000 na isahang palapag na prepabrikadang mga tahanan na itinayo sa mababaw na mga pundasyon. “Kung ang lupa ay muling kikilos,” sabi ni Rachid Artouf, ang punong opisyal ng pangasiwaan sa Ach-Cheliff, “ang mga bahay ay tatalbog na gaya ng mga kahong metal.” Siya ay nagtitiwala na babawasan nito ang mga sakuna.

Mapanganib na mga Huwad

● Ang paggawa ng mga produktong huwad ay hindi lamang naging $19-bilyon-isang-taon na negosyo, sabi U.S. Customs Service​—hanggang sa $4.5 bilyon noong nakalipas na apat na taon​—kundi isang mataas na persentahe ng mga produktong huwad sa ngayon ay potensiyal na nakamamatay. “Isang bagay ang mag-usap tungkol sa huwad [may pangalan] na mga shirt, hindi ito nakapipinsala sa iyong katawan,” sabi ni James Bikoff, presidente ng International Anticounterfeiting Coalition sa San Francisco. “Subalit hindi iyan totoo sa mga huwad na sapin ng preno, mga bomba sa puso at mga gamot na ginagamit sa ospital.” Sa Inglatera nagkaroon ng sunud-sunod na kamatayan dahilan sa palsipikadong mga brake shoes. Isa pa, ang palsipikadong mga gamot ay naging dahilan ng hindi kukulanging 12 na mga kamatayan. Ang American Medical Association ay naglabas ng babala tungkol sa palsipikadong mga trangkilayser at amphetamines na substandard.

Hindi Nakatatawang Komiks

● “Ang bagong mga komiks na pang-adulto ay hindi katawa-tawa,” sabi ng Toronto Star. “Nagtatampok ng mga larawang hubo’t-hubad at tahasang karahasan at ang mga kuwento na malamang ay istilong de Sade kaysa Disney, nahihigitan nito ang lahat ng dating ipinagbabawal at binabangon ang multo ng pagsensura.” Kadalasang iniimprenta sa matitingkad na kulay at mataas na uring papel at ipinagbibili sa katamtamang $2 isang kopya, ang mga komiks na ito ay nilimbag para sa mga mambabasa na nasa kanilang huling mga taon ng pagkatin-edyer at nasa mga edad 20. Ngunit binibili rin ito ng mga bata. Isang nagmamay-ari ng tindahan sa Toronto, na nababahala tungkol sa posibilidad ng pagsensura ng mga autoridad sa mga babasahing ito, ay tumatangging mag-imbak ng ilan sa mga titulo nito. Ibinigay niyang dahilan “ang dami ng karahasan at dugo at paglaslas at pagsugat at pagwalang-bahala sa pagkatao” na nilalaman nito.

“Kuha-Lahat na Paglalarawan”

● “Ang PMS [premenstrual syndrome] ay naging isang kuha-lahat na paglalarawan para sa mga problema [ng maraming babae] . . . bago dumating ang regla.” Ganiyang binubuod ng Globe and Mail ng Toronto, Canada, ang isa sa mga punto na ginawa ni Dr. Anthony Clare, isang propesor ng saykolohikal na medisina, sa isang PMS na simposyum kamakailan sa Toronto. “Ang bilang ng mga babae na may karaniwang PMS, na may matinding mga palatandaan na nangangailangan ng medikal na paggamot,” sabi ng doktor “ay mga . . . 5 porsiyento.” Sinabi niya na maraming babae na nagrireklamo tungkol sa PMS ay sa katunayan nahihirapan dahilan sa kaigtingan, mga alitan, o mga problemang pangmag-asawa na maaaring pinalulubha ng, o dahilan sa, siklo ng regla. Bagaman ang PMS ay unang nakilala noong 1931, sinasabi ni Dr. Clare na ang sanhi nito “ay malabo at mailap na gaya ng dati.”