Pagtatrabaho sa Bahay—Para Ba sa Iyo?
Pagtatrabaho sa Bahay—Para Ba sa Iyo?
MARAMING babae na nangangailangan ng ekstrang kita, gayunman ay ayaw iwan ang kanilang bahagi bilang mga maybahay, ang sumubok ng isang kawili-wiling mapagpipilian: pagtatrabaho sa bahay. Sa Japan mahigit sa isang milyong katao ang gumagawa ng gayon. Ang mga babae ay gumagawa ng mga kimono o iba pang mga damit, naglililip ng mga panyo o nagbuburda. Ang iba pa nga ay nagbubuo ng mga elektrikal na piyesa para sa mga aplayanses o mga kotse. Kung inaakala mong naubos na ang mga posibilidad, narito pa ang ilan: paghahanda ng pagkain para sa mga restauran; pagkakabit ng mga tali sa mga payong; pagmamakinilya; paggawa ng artipisyal na mga bulaklak; paggawa ng mga supot na papel, mga etiketa, o mga bag at kahon ng prutas.
Gayunman, bago sunggaban ang pagkakataon na gawin ang gayon, isaalang-alang ang ilang babala: Mag-ingat sa anumang anunsyo na nangangako ng biglang yaman. Mag-ingat din, kung malaking puhunan ang kinakailangan sa makinerya o gamit. Ang gayong mga kompaniya ay kadalasang ‘malungkot na ipaaalam sa iyo na hindi nila mailalaan sa iyo ang trabaho sa kasalukuyan’—pagkatapos mong magastos ang iyong pera. O maaaring hindi ka nila bayaran ng ipinangakong suweldo para sa di-umano’y mahinang klase na trabaho.
Mag-ingat din, na kapag ikaw ay nagtrabaho sa bahay karaniwan nang ikaw ay hindi saklaw ng seguro kung may mangyaring sakuna. At nariyan din ang pananagutang Kristiyano na magbayad ng mga buwis, kaya kung ikaw ay nagtatrabaho sa iyong sarili, mag-ingat ng talaan para sa mga layunin ng pagbubuwis. (Mateo 22:21) Gayundin, ang isang tao na nagtatrabaho sa sarili sa tahanan ay dapat na laging magtanong sa lokal na mga maykapangyarihan kung tungkol sa mga ordinansa ng pagsosona, mga regulasyon sa pangangalakal, mga kahilingan sa edukasyon o paglilisensiya, o iba pang mga kahilingan ng batas.
Sa wakas, alamin na ang pagtatrabaho sa bahay ay nangangailangan ng disiplina-sa-sarili. Ang gayong trabaho ay maaaring matagal at nakapapagod. At nariyan din ang tukso na mapabayaan ang mga pananagutan sa sambahayan upang makaalinsabay sa trabaho. Ngunit kapag wastong nasusupil, ang pagtatrabaho sa bahay ay maaaring maging isang praktikal na paraan upang mabalanse ang pinansiyal na mga pananagutan at mga pananagutan sa tahanan.