Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ko Maihihinto ang Labis na Panonood ng TV?

Papaano Ko Maihihinto ang Labis na Panonood ng TV?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Papaano Ko Maihihinto ang Labis na Panonood ng TV?

BINUBUKSAN mo ba ang TV pagdating na pagdating mo ng bahay? Nananatili ba itong nakabukas hanggang gabi​—o hanggang madaling-araw? Nauupo ka bang nahihipnotismo, na nanonood sa programa na hindi mo naiibigan​—o na alam mong hindi mo dapat panoorin? Nanonood ka ba kahit na ikaw ay may mas mahalagang mga bagay na aasikasuhin​—gaya ng gawaing-bahay?

Kung gayon, mag-ingat! Ang mga ito ay ilan lamang sa palatandaan ng kung ano ang tinatawag ng iba na pagkasugapa sa TV. a Hindi naman na ang TV ay walang pakinabang. Sabi ng 12-anyos na si Debbie: “Nanonood ako ng TV sapagkat ito ay nakalilibang sa akin, tinuturuan ako nito at pinarerelaks ako nito.” Gayumpaman, ang kalabisan ng kahit na mabuting bagay ay maaaring makapinsala. At ang karamihan ng mga lumalabas sa TV ay hindi mabuti. Ang tumitinding karahasan at seksuwal na imoralidad ay nagpalawak sa mga hangganan ng ‘basurahan’ ng TV. Ang cable na telebisyon ay naghahatid pa nga ng pornograpiya sa mga tahanan. Papaano, kung gayon, ang isang kabataan ay magiging katamtaman sa pag-uugali pagdating sa panonood ng TV?

Mas Madaling Sabihin Kaysa Gawin

“Halos hindi ko malabanan ang pang-akit ng TV. Kapag ang TV ay nakabukas, hindi ko ito mawalang-bahala. Hindi ko ito mapatay. . . . Kapag inaabot ko upang patayin ang TV, nawawalan ng lakas ang aking mga kamay. Kaya’t ako’y nauupo roon sa loob ng mga ilang oras.” Isang walang gulang na kabataan? Hindi, ito ay kahabag-habag na suliranin ng isang instruktor ng Ingles sa kolehio! Isaalang-alang ang mahirap na karanasan ng ilang kabataan na sumang-ayon sa isang “LINGGONG WALANG TV”:

“Nagkaroon ako ng panlulumo . . . Masisiraan ako ng bait.”​—12-anyos na si Susan.

“Sa araw na ito ako ay nandaya na parang baliw . . . Nanood ako ng mga dalawampung palabas​—bueno, marahil ay hindi gayon karami. Palagay ko hindi ko maaalis ang bisyo. Gustung-gusto ko ang TV.”​—13-anyos na si Linda.

“Ang panggigipit ay grabe. Naroon lagi ang pagnanasa. Ang pinakamahirap na panahon ay sa gabi sa pagitan ng alas otso at alas diyes.”​—11-anyos na si Louis.

Totoo, sa gitna ng lahat ng mga ‘matinding kirot ng paghinto’ nasumpungan ng mga kabataan ang ilang positibong mga panghalili sa TV. Nagunita ng isang batang babae: “Nakipag-usap ako kay inay. Siya ay naging mas kawili-wiling persona sa aking palagay, sapagkat ang aking mga atensiyon ay hindi nahahati sa kaniya at sa telebisyon.” Ang isa pang batang babae ay nagpalipas ng panahon sa pagsubok na magluto. Natuklasan pa nga ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Jason na masayang magtungo “sa parke sa halip na manood ng TV,” o mangisda, magbasa, o magtungo sa tabing-dagat.

Gayumpaman, ipinagdiwang ng karamihan sa mga kabataan ang pagtatapos ng “LINGGONG WALANG TV” sa pamagitan ng pagsugod sa TV. Hindi ibig sabihin nito na imposibleng isuko ang TV. Isang pamilya ang nagpasiya na ipagbili ang kanilang TV at sila ay nagsabi: “Ang hindi pagkakaroon ng TV ay parang isang ganap na paggaling mula sa mahaba, mabigat na karamdaman.” Gayunman, maaaring akalain ng marami na sa kanilang kaso ay hindi na kailangan na lubusang alisin ang TV. Para sa kanila ang katanungan ay . . .

Papaano Ko Masusupil ang Aking Panonood?

Ganito ang sabi ng manunulat na si Linda Nielsen: “Ang pagpipigil-sa-sarili ay nagsisimula sa pagkatuto na magtakda ng mga tunguhin.” Upang masupil ang iyong panonood ng TV kakailanganin mo samakatuwid na magtatag ng makatuwirang mga hangganan sa iyong panahon ng panonood. Ang aklat na Breaking the TV Habit ay nagmumungkahi na ikaw na magsimula sa pagsusuri ng iyong kasalukuyang kinaugalian. b Marahil sa loob ng isang linggo maaari mong ilista kung anong mga palabas ang pinanood mo at kung gaano karaming panahon ang ginugol mo sa bawat araw sa harap ng telebisyon. Saka suriin mong mabuti kung anong mga palabas ang iyong pinanonood. “Hindi baga sinusuri ng pandinig mismo ang mga salita gaya ng ngalangala na lumalasa sa pagkain?” tanong ng Bibliya. (Job 12:11) Kaya gamitin ang pang-unawa (pati na ang payo ng iyong mga magulang) at suriin mo kung anong mga palabas ang talagang sulit na panoorin.

Inaalam ng ilan nang patiuna kung anong mga palabas ang kanilang panonoorin at bubuksan lamang ang TV sa mga palabas lamang na iyon! Ang iba naman ay kumukuha ng mas mahigpit na mga hakbang, nagtatatag ng mga tuntunin na walang-telebisyon-sa-panahon-ng-pag-aaral o mga takda na isang-oras-isang araw. (Iminumungkahi ng ilang mga guro na ang sampung oras isang linggo ang maging hangganan ng panonood ng TV para sa mga kabataang nagaaral.) Ang mahalagang bagay ay na ikaw ay magtakda ng hangganan sa iyong panonood. Ngunit ano kung ang walang tunog na TV ay malakas pa ring tukso? Ganito nilutas ng isang pamilya ang problemang ito: “Inilagay namin ang aming TV sa silong (basement) upang hindi ito madaling mabuksan . . . Sa silong hindi malakas ang tukso na buksan ito pagpasok mo ng bahay. Kailangan mo pang sadyain ito sa ibaba upang mayroong mapanood.” Ang paglalagay ng iyong TV sa closet o aparador, o ang basta hindi pagsasaksak nito sa koryente, ay maaaring maging mabisa.

‘Ngunit ano kung ako ay mainip?’ maitatanong mo. Bueno, ang pagpatay ng TV ay magpapalaya sa iyo na gumawa ng maraming bagay na hindi mo magawa kapag ikaw ay nakadikit sa TV. (Tingnan ang itaas ng pahina 20.) Isa pa, ang TV ay may lakas na humikayat. Kaya nangangailangan ng malakas na pangganyak upang lumayo rito. Sa nakaraang artikulo, nakilala natin ang binatang nagngangalang Wyant na may gayong pangganyak. Kaya ipagpatuloy natin ang ating pakikipag-usap sa kaniya.

‘Naalis Ko ang Bisyo ng TV’

Gumising!: Maliwanag na ikaw ay isang sugapa sa TV, hindi ba?

Wyant: Opo. Nang ako po’y bata-bata, nanonood ako ng TV pagdating na pagdating ko ng bahay hanggang gabi. Ngunit sinimulan kong lumayo sa TV pagtungtong ko ng high school. Alam ninyo, mga ilan taon na ang aking pamilya ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngunit hindi kami gaanong sumulong sa aming pag-aaral, at pagtungtong ko ng high school, lubusan kaming huminto sa pagdalo sa mga Kristiyanong pulong. Kaya hindi ako nakabagay sa mga anak ng Saksi sa eskuelahan. Kung tungkol sa ibang mga bata, ang tanging mga bagay na pinagkakaabalahan nila ay ang sekso at palakasan. Gayunman, marami akong nalalaman tungkol sa Bibliya upang malaman na hindi ako maaaring makabagay sa kanila.

Gumising!: Kaya ano ang ginawa mo?

Wyant: Napagwari ko na kailangang mamili ako alin sa kanilang dalawa. Kaya pinili ko ang pakikisama ng mga kabataang Saksi. Bunga nito, sumulong ako sa espirituwal. Nagsimula akong makipag-aral muli ng Bibliya at dumalo sa mga Kristiyanong pulong.

Gumising!: Ngunit ano ang kaugnayan nito sa iyong panonood ng TV?

Wyant: Habang sumusulong ang aking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, natanto ko na marami sa mga palabas na dati’y pinanonood ko ay talagang hindi para sa mga Kristiyano. At, inaakala ko na kinakailangan kong higit na pag-aralan ang Bibliya at maghanda sa mga Kristiyanong pulong. Nangangahulugan iyan ng pagbabawas ng karamihan ng panahon sa panonood ng TV. Gayunman, hindi ito madali. Gustung-gusto ko ang mga cartoon kung Sabado ng umaga. Subalit inanyayahan ako ng isang kapatid na Kristiyano sa kongregasyon na sumama sa kaniya sa bahay-bahay na gawaing pangangaral kung Sabado ng umaga. Naihinto niyan ang aking panonood ng TV kung Sabado ng umaga. Kaya sa wakas natutuhan kong bawasan ang aking panonood ng TV.

Gumising!: Kumusta naman ngayon?

Wyant: Bueno, mayroon pa rin akong problema kapag nakabukas ang TV, wala akong nagagawa. Kaya kadalasang hindi ko ito binubuksan. Sa katunayan, mga ilang buwan nang sira ang aking TV at hindi ko ito ipinaaayos.

Napansin mo ba kung ano ang nasa likod ng kamangha-manghang pagbabago ni Wyant? Ito’y ang kaniyang “pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay” na sumulong sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya. Gayundin, si Wyant ay tinulungan ng Kristiyanong mga kaibigan na makita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “maraming gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Siya ay naging napakaabala, wala siyang panahon sa walang pakinabang na mga palabas sa TV.

Ikaw man, ay makakasumpong na ang paglapit sa Diyos at pagiging abala sa kaniyang gawain ay tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang pagkasugapa sa TV. (Santiago 4:8) Tunay, ang pagtatakda ng iyong panonood ng TV ay mangangahulugan na hindi mo mapapanood ang ilan sa iyong paboritong mga programa. Ngunit bakit dapat mong gamitin ang TV ‘na labis,’ na parang aliping sinusundan ang bawat programa? (Tingnan ang 1 Corinto 7:29, 31.) Mas mabuti na “supilin” ang sarili na gaya ng minsa’y sinabi ni apostol Pablo: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin.” (1 Corinto 9:27) Hindi ba mas mabuti ito kaysa pagiging alipin ng TV?

[Mga talababa]

a Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Sobra ba ang Panonood Ko ng TV?” na lumabas noong Mayo 22, 1985, ng Gumising!

b Ang aklat ding ito ay nagrirekomenda na susunod ay alisin mo ang panonood ng TV sa loob ng isang linggo! Ito, sabi niya, ay gagawa sa isang pamilya na maging higit na may kabatiran sa “mga pagkakataon para sa pagpapatibayan at ang kasiya-siyang mga gawain na maaaring gawin kung ang telebisyon ay wala roon.” Pagkatapos, ang isang pamilya ay maaaring magbalik sa panonood ng TV ngunit sa panahong ito ay sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa.

[Kahon sa pahina 20]

Mga Bagay na Magagawa Kapag Nakasara ang TV

Makipag-usap sa mga kaibigan

Magpatugtog ng mga rekord

Maglaro sa labas ng bahay

Maglaro sa loob ng bahay

Dumalaw sa lokal na interesanteng mga lugar (mga museo, mga zoo, mga aquarium, atbp.)

Matutong tumugtog ng isang musikal na instrumento

Matutong magluto

Matutong manahi

Tumulong sa mga gawain sa bahay

Sumulat ng mga liham

Matutong magkumpuni ng awto

[Larawan sa pahina 19]

Kapag ang telebisyon ay nakalagay sa isang inkombenyenteng lugar, walang gaanong tukso na buksan ito