Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Walang May Lalong Dakilang Pag-ibig Kaysa Rito”

“Walang May Lalong Dakilang Pag-ibig Kaysa Rito”

“Walang May Lalong Dakilang Pag-ibig Kaysa Rito”

ALAM na alam ni François, isa sa mga Saksi ni Jehova na naninirahan sa Paris, Pransiya, ang mga salita ni Jesu-Kristo: “Ito ang aking utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t-isa na gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13, Revised Standard Version) Ngunit walang kaalam-alam si François na nang magising siya noong umaga ng nakaraang Setyembre 22 na ang mga salitang iyon ay magkakaroon ng bagong kahulugan para sa kaniya bago matapos ang araw.

Nang gabing iyon, gaya ng kaniyang kinaugalian, siya ay nagtungo sa miting ng mga Saksi ni Jehova sa Paris Center Congregation, na nakaiskedyul noong 5:30 n.h. Sa nakalipas na 25 taon ang kongregasyon ay nagtitipon sa inuupahang bulwagan na nasa ikaapat na palapag ng isang lumang gusali. Ang gusali ay nasa isang kaakit-akit na plasa na nasa dulo ng bantog na Avenue de l’Opera, malapit sa Louvre Museum.

Naglilingkod bilang isang attendant, si François ay nakatayo malapit sa pasukang pintuan upang salubungin ang sinumang nahuhuli. Ang tagapagsalita ay halos nangangalahati na sa kaniyang diskurso sa Bibliya, nang walang anu-ano’y makaamoy si François ng isang bagay na nasusunog. Pagkatapos ay nakita niya ang kaunting usok na nanggagaling sa ilalim ng pasukang pinto. Binuksan ni François ang pinto at nakita niya ang isang berdeng maleta sa labas​—na umuusok.

Sinusunggaban ang maleta, mabilis na bumaba si François sa tatlong hagdanan ngunit natisod nang marating niya ang paanan ng hagdanan. Ang maleta ay bumagsak, bumukas, at isang kulay dalandan na lalagyan ng gasolina ang nahulog. Dali-dali niyang isinara ang umuusok na maleta at, karga-karga itong tumakbo siya na papalabas ng gusali at tumawid ng kalye, kamuntik nang mahagip ng nagdaraang kotse. Inihagis niya ang maleta sa tubig na nasa paunten sa plasa. Saka niya binalikan ang nahulog na lalagyan ng gasolina, ikinatatakot na baka ito man ay isang bomba, at nagmadali siya patungo sa paunten at inihagis din ito sa tubig.

Nang panahong ito dalawa sa mga matatanda ng kongregasyon, na nilisan ang miting upang alamin kung ano ang nangyayari, ang sumama sa kaniya sa paunten. Yamang umuusok pa ang bahagyang nakalubog na maleta, isa sa mga matatanda ang nagsabi na dapat nilang tawagan agad sa telepono ang pulisya. Sila ay nakalalakad pa lamang ng mga ilang hakbang mula sa paunten nang sumabog ang bomba. Ang mga salamin na bintana na nakaharap sa plasa ay nabasag, at ang ilang tao ay bahagyang napinsala ng nahuhulog na mga salamin. Si François at ang mga matatanda na kasama niya ay napuno ng putik at tubig mula sa paunten subalit hindi napinsala. Ang parapeto ng paunten ang malamang na tumabing sa kanila mula sa pagsabog.

Sa itaas sa Kingdom Hall sa ibayo ng kalye ang mga bintana ay nabasag, at ang ilan sa mga tagapakinig ay humagis sa sahig dahil sa pagsabog. Ngunit walang isa man na naroroon ang nasaktan. Karamihan ng mga nahuhulog na salamin ay nasapo ng makakapal na kurtina.

Pinalakas-loob ng tagapagsalita nang gabing iyon yaong mga naroroon na huminahon. Pagkatapos ng taimtim na panalangin ng pasasalamat kay Jehova sa kaniyang proteksiyon, ang miting ay nagpatuloy. Hindi nagtagal dumating ang mga pulis at ang mga bombero sa dako na pinangyarihan. Gayunman, naghintay sila hanggang sa matapos ang miting upang magtanong at alisin ang mga basag na salamin sa bulwagan.

Binati ng mga opisyal ang mga Saksi sa kanilang kahinahunan, at lalo na si François sa kaniyang matapang na pagkilos. Nagkaisa sila sa pagsasabi na utang niyaong naroroon ang kanilang mga buhay sa kaniyang mabilis na pag-iisip at pagkilos. Kung ang bomba ay sumabog sa kahoy na hagdanan sa labas ng pinto at pinagliyab ng lata ng gasolina ang lugar, makukulong sila ng mga apoy.

Ang pagsalakay ng bomba ay malawakang iniulat sa mga pahayagang Pranses. Iniulat pa nga ito ng isang pahayagang Suiso, sa ilalim ng ulong-balitang “Kamangha-manghang Kahinahunan.” Kung tungkol kay François, siya ay humiling at tumanggap ng proteksiyon ng pulis mula sa mga reporter ng TV at pahayagan na nagnanais na siya ay itanghal. Nang tanungin, mapakumbaba niyang sinabi: “Natanto ko na ang aming mga buhay ay nanganganib. Kaya inaakala ko na mas mabuting ako na lamang ang mamatay kaysa lahat kami ay mamatay.”

Isa sa mga pulis ang nagsabi sa kaniya: “Isang himala na ikaw ay buháy pa. Tiyak na iningatan ka ng iyong Diyos. Ikaw ay isang tunay na saksi ni Jehova.”

Sa panahon ng pagsulat, hinahanap pa rin ng pulisya kung sino ang may pananagutan sa bomba.