Ang Pangmalas ng Isang Tagaloob sa Daigdig ng Pornograpya
Ang Pangmalas ng Isang Tagaloob sa Daigdig ng Pornograpya
SA NGAYON ang pornograpya ay isang umuunlad na negosyo na nagsasangkot ng malawakang produksiyon ng mga aklat, kaakit-akit na mga magasin, mga videocassette, mga pelikula, mga programa sa cable-television, at pati na ang ‘dial-a-porn’ na mga mensahe sa telepono. Sa Estados Unidos ang tinatayang rentas o buwis nito ay umaabot mula $7 bilyon hanggang $8 bilyong isang taon.
Mga ilang taon na ang nakalipas ang dating pornograpong si Burton Wohl ay sumulat ng isang malinaw na paglalarawan tungkol sa nakaririmarim na industriyang ito sa magasing Harper’s. Tinatawag ang kaniyang lugar na pinagtatrabahuan na isang “porno-fac,” isiniwalat ni Wohl na “ito ay talagang isang pagawaan, gumagawa ng toni-tonelada, mga bunton ng mga walang kuwentang bagay buwan-buwan.” At sabi niya na “ito ay napakalaki, kumakalat, sumasaklaw ng maraming mga acre, nakabahay sa maraming mga gusali, ang ilan ay magkakalapit, ang iba ’y nakakalat sa mahigit sangkapat-milya na paikot, na ang lahat ay nasa isang industriyal na sona.”
Anong uri ng mga tao ang mga modelo sa “porno-fac” na ito? Ganito niya inilarawan sila: “Karamihan ng mga tao na lumalabas sa mga magasin—hindi sa aking departamento—ay mga pakawala. Hindi lamang sila sugapa sa isa o higit pang mga droga, kundi sila ang uri na mga malalalim-mata, nalinlang, wala sa sarili na mga kabataan na dati’y nakikita mo—at nakikita pa rin—na naglipana sa California at patungo, ang marami sa kanila, at di-mapakiusapan, sa ganap na pagkalito.”
“Ang pornograpya ay marumi,” pagtatapat niya, “isang mantsa, hindi lamang indelible kundi hindi na mababawasan pa” kung ano ang ginamit bilang kalupkop dito, maging ito ay “sining, antropolohiya, sosyolohiya, relihiyon, sikolohiya.” Bilang isang tagaloob, inamin ni Wohl na ang “pornograpya, gaya ng dumi sa imburnal, ay pinagdurugo ang lahat ng bagay na hawakan nito. Pinagdurugo, oo, sapagkat ang pagbububo ng dugo, karahasan, ang saligan ng pornograpya at kahit na ang walang kasiyahang marquis [de Sade na labis na ikinatuwa ang katakut-takot na karahasan] ay hindi malalagpasan ito. Ang kapangyarihan ay depende sa karahasan, pagbububo ng dugo. Ang kapangyarihan ang siyang ibinubunyi, pinatitingkad—higit sa lahat, pinasusulong ng pornograpya.
Iniwan ni Mr. Wohl ang nakasusuklam na negosyong ito pagkatapos ng isang taon sapagkat, gaya ng iniulat niya, “Hindi ko na magagawa iyan. Inaakala ko na ang pornograpya ay hindi tama, hamak, na ang aming pakinabang ay nagmumula sa kahinaan, sakit, at malungkot na sakuna pa nga ng tao.” Siya’y naghinuha, “Natutuhan ko na ang halaga na ibinayad sa mga pasahod na iyon ay tumataas sa lahat ng panahon. Salamat na lang ngunit hindi ito sulit.”
Anong pagkaangkop nga ng paglalarawan na ito sa negosyo ng pornograpya sa paglalarawang masusumpungan sa Banal na Bibliya sa Roma 1:24, 28 tungkol sa kaimbihan ng mga tao na tumatanggi sa mataas na mga pamantayang moral ng Diyos: “Kaya hinayaan sila ng Diyos sa kanilang maruming pita at sa mga gawain na nakasisirang-puri sa kanila mismong mga katawan. . . . Sa ibang salita, sapagkat ayaw nilang tanggapin na makatuwirang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanila mismong masamang pag-iisip at sa kanilang kakila-kilabot na asal. Kaya’t sila ay punô ng lahat ng uri ng kasamaan, kabulukan.”—The Jerusalem Bible.