Isang Asawang Babae o Marami—Mahalaga Bang Pag-isipan?
Isang Asawang Babae o Marami—Mahalaga Bang Pag-isipan?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Nigeria
ANG kombensiyon sa Ibadan, Nigeria, ay natapos na, at ang masaya—bagaman pagod—na mga kombensiyunista ay pauwi na. Gayunman, isang lalaking nagngangalang Johnson ay nanatili sa likuran ng kawayang kubo ng kombensiyon kasama ng kaniyang tatlong asawa at sampung anak. Gumagawa siya ng mga kaayusan upang buwagin ang kaniyang poligamong pag-aasawa.
Ang narinig ni Johnson at ng iba pa sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay nakaantig sa kanila anupa’t sila’y napakilos na itakwil ang matandang bahagi ng buhay Aprikano: ang poligamya. Ngunit ano ang kanilang narinig? Ang kanila bang pasiya sa pagbabagong ito ay batay lamang sa praktikal na mga konsiderasyon? O sila ba’y kumbinsido na ang poligamya ay mali?
Poligamya Laban sa Monogamya
Maaaring pag-alinlanganan ng ilang taimtim na mga tao ang mga kilos ni Johnson, walang alinlangan dahil sa bagay na ang poligamya ay umiiral sa maraming kultura sa loob at labas ng Aprika. Ikinakatuwiran ng marami na ito ay may praktikal na mga pakinabang. Halimbawa, kung saan labag sa batas ang poligamya, karaniwan na ang pangangalunya. Ang mga tao sa gayon, sa paano man, ay kumukuha ng karagdagang mga kabiyak—sa pamamagitan ng diborsiyo at pag-aasawang muli. Gayunman, sinasabing inaalis ng maramihang pag-aasawa ang handalapak na pangangalunya. Sinasabi pa nga ng iba na ang poligamya ay isang proteksiyon laban sa prostitusyon at sakit benereo.
Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit nananatili ang poligamya ay sosyal, hindi moral na kadahilanan. Ang isang poligamong sambahayan na may maraming anak na lalaki ay nagbibigay sa isang lalaki ng prestihiyo sa lipunan at seguridad. Ang kaniyang mga anak na babae sa dakong huli ay magkakaroon ng malaki-laking bigay-kaya o dote. Sa mga kabukiran, ang mga anak at mga asawang babae ay nagtatrabaho sa bukid, pinararami ang kayamanan ng pamilya. Ang mga lalaking Aprikano sa gayon ay nagigipit na mag-asawa ng marami. Halimbawa, isang lalaking Aprikano na nagngangalang Moses ay nagsabi: “Naipasiya ko nang mag-asawa lamang ng isa, ang aking unang asawa. Ngunit dahilan sa isang anak na babae lamang ang naibigay niya sa akin, iginiit ng aking ama na ako’y kumuha ng ikalawang asawa, na sinasabi: ‘Paano ka makapapayag na magkaroon lamang ng isang anak? At babae pa!’”
Sa kabila ng gayong tila nakahihikayat na katuwiran, gayunman, ang poligamya ay may maselang na mga problema. Ang pagkakaroon ng maraming asawang babae ay hindi pumipigil sa imoral na mga lalaki sa pangangalunya. Ni maligaya man ang mga babae sa ideya na mayroon silang kahati sa kanilang asawa; ang iba ay nagpapatutot pa nga. Samakatuwid, ang poligamong pag-aasawa ay kadalasang hindi proteksiyon laban sa sakit benereo.
At may iba pang disbentaha. Nagugunita pa ni Moses: “Ang aking ama ay may limang asawa at maraming problema sapagkat laging nag-aaway ang mga babae at sinisikap na saktan ang isa’t-isa.” Ito ang dahilan kung bakit dati’y nais ni Moses ng isa lamang asawa. Kung tungkol naman kay Johnson, na nabanggit sa simula, ganito pa ang sabi ng anak niyang si Rufus: “Madalas may away sa gitna ng mga asawa ng tatay ko sa pagluluto at iba pang gawain. Pinag-aawayan din nila ang pagdidisiplina sa mga bata. Nariyan din ang paninibugho. Ayaw nilang may kahati sa pagtingin ng kanilang asawa. Ito ang gumawa sa
buhay na lubhang miserable para sa aming lahat.”Kaya ang pagkamalapit ay wala sa poligamong mga sambahayan. Ang lalaki ay nauugnay sa pamilya na parang amo o panginoon sa halip na asawang lalaki at ama. Ang pagsasanay at pagdidisiplina sa kaniyang maraming anak ay karaniwang ipinauubaya sa mga asawang babae na may magkakasalungatang paraan at mga pamantayan. Ang mga bata ay lumalaki sa maluwag, nakalilito pa nga, na institusyunal na kaayusan sa halip na sa mainit at malapit na ugnayan.
Isang Mas Mahalagang Konsiderasyon
Ikinakatuwiran ng marami na sinasang-ayunan ng Diyos ang gayong kaayusan, yamang ipinahintulot niya ang poligamya sa gitna ng sinaunang mga Israelita. Totoo, ipinakikita ng Bibliya na ang ilang pangunahing mga lingkod ng Diyos ay nagkaroon ng maraming asawa. Gayunman, ang poligamya ay hindi nagsimula sa bayan ng Diyos. Tandaan na isang asawang babae lamang ang nilikha niya para sa unang lalaki, si Adan, “bilang kapupunan niya.” (Genesis 2:18-24) Noon lamang dumating sa eksena ang marahas na si Lamec na nabasa natin ang tungkol sa poligamya. Siya ay kumuha ng dalawang asawa. Ngunit ang espisipikong pagbanggit nito ay nagpapahiwatig na ito ay hindi karaniwang bagay sa lipunan ng tao kahit na nang panahong iyon.—Genesis 4:19-24.
Nang maglaon, ang mga lalaking gaya ni Noe, ang kaniyang tatlong anak na lalaki, at si Lot ay nagsagawa ng monogamya. Ngunit kumusta naman si Abraham? Hanggan sa siya’y 85 taong gulang, si Abraham ay sumiping lamang sa kaniyang asawang si Sara. Ngunit sapagkat si Sara ay hindi magkaanak, isinagawa ni Sara ang sinaunang kaugalian at iminungkahi ang kahaliling kaayusan. Ang kaniyang aliping si Hagar ang mag-aanak para sa kaniya. (Genesis 16:1-11) Gayunman, walang pahiwatig na si Abraham ay nagkaroon pa ng kaugnayan kay Hagar pagkatapos na maipaglihi niya ang kaniyang anak na si Ismael. Oo, patuloy na binanggit ni Jehova si Sara na natatanging “asawa” ni Abraham, ngunit si Hagar bilang ang kaniyang “aliping babae.” Isa pa, nang dakong huli pinalayas ni Abraham si Hagar sa kaniyang sambahayan.—Genesis 17:19; 21:8-16.
Ang poligamya, gayunman, ay bahagi na ng maraming lipunang pantribo. Kaya nang ang Batas na ibinigay kay Moises ay bumanggit tungkol sa poligamya, hindi ito nagpapakilala ng isang bagay na bago. Inayos lamang ng Batas ang isang umiiral na institusyon at hinadlangan ang pag-abuso nito. Ginawa ito sa pamamagitan ng mga regulasyon at mga pagbabawal, na tila hindi humihimok sa maramihang pag-aasawa. (Exodo 21:9-11; Deuteronomio 21:15-17; 1 Samuel 21:3-5; 2 Samuel 11:11) Kaya ang karamihan ng mga Israelita ay hindi mga poligamo. Ang poligamya ay isinasagawa lamang ng mga mayayaman at ng mga namumuno. Gayunman, si Jehova ay nagbabala na ang hari ay “huwag magpaparami ng mga asawa, upang huwag mailigaw ang kaniyang puso.” (Deuteronomio 17:17) At walang pagbabagong binanggit ni Jehova na huwarang pag-aasawa yaong may iisa lamang asawa.—Awit 128:3; Kawikaan 5:18; 31:10-31.
Hindi, hindi si Jehova ang nagpasimula ng poligamya. Hindi niya ito sinang-ayunan na gaya ng hindi niya pagsang-ayon sa diborsiyo, na isinagawa rin ng kaniyang bayan.—Malakias 2:14-16.
Poligamya at Kristiyanismo
Sinabi ni Jesus: “Si Moises, dahil sa katigasan ng inyong puso, ay ipinaubaya sa inyo na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa, datapuwat hindi gayon buhat sa pasimula.” (Mateo 19:8) Gayundin ang masasabi tungkol sa poligamya. Hindi “gayon buhat sa pasimula.” “Hindi baga ninyo nabasa na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula ay lumikha sa kanila na lalaki at babae at sinabi, ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya, kung gayon, ang pinagsama ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao.”—Mateo 19:4-6.
Sa gayon pinatunayan ni Jesus ang orihinal na pamantayan sa pag-aasawa. (Mateo 19:3-8) Ipinakikita pa ng Bibliya na ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon Kristiyano ay dapat, kung may asawa, ay “asawa ng isa lamang babae.” Gayundin, ang “babaing bao” ay dapat na naging “asawa ng isang lalaki.” Ito ay katibayan pa na ang monogamya ang pamantayan para sa lahat ng mga Kristiyano. Ang mga tagapangasiwa, bilang “mga halimbawa sa kawan,” ay hindi makapagsasabi na ang kanilang katungkulan ng pangangasiwa ay nagbibigay-karapatan sa kanila sa isang pamantayan ng pag-aasawa na kakaiba sa pamantayan ng iba sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:2; 5:9; 1 Pedro 5:3) Kaya ang mapagpipilian ng Kristiyano ay maliwanag na alin sa pagiging walang asawa o monogamya. Alinman dito ay lubhang kalugud-lugod sa Diyos. (1 Corinto 7:8, 9) Gayunman, ang poligamya ay hindi kasali sa usapan.
Ang pamantayang ito ng Diyos ay nagbibigay ng dangal kapuwa sa mga lalaki at mga babae. Ang mga babaing may asawa ay hindi kinakailangang matakot na ang kanilang asawang lalaki ay kukuha ng iba pang mga asawa. Ni mag-iisip man ang mga dalagang Kristiyano na maging pangalawang asawa—kahit na kaunti lamang ang mga binata sa kanilang lugar. Ang babae ay maghihintay hanggang siya’y magkaroon ng kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:2) Oo, ang mag-asawa ay tunay na para sa isa’t-isa. May pagkakaisang mailalaan nila ang isang kaaya-aya at timbang na buhay pampamilya para sa kanilang mga anak.—1 Pedro 3:7; Efeso 5:21-31; 6:1-4.
Ang Pamantayang Kristiyano
Ang mga katotohanang ito ang nag-udyok kay Johnson, noong 1947, na gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Nagugunita ng kaniyang anak na si Rufus: “Pinauwi ng aking ama ang dalawa niyang asawa sa kanilang mga magulang. Pinaglaanan niya sila ng pangangailangan sa buhay ngunit pinutol niya ang anumang kaugnayan upang magkabalikan pa. Nais niyang sundin ang mga kahilingan ng Diyos.”
Hindi madali kay Johnson na iwan ang gayong poligamong buhay. Ang paggawa ng gayon ay nangahulugan ng maselang moral, emosyonal, at kultural na mga pagbabago. Higit pa ang nasasangkot kaysa pagpili lamang sa pagitan ng dalawang sistema ng lipunan. Ito’y ang pagsunod sa Diyos at maging malaya na maglingkod sa kaniya. Kaya bagaman ang poligamong kaayusan ni Johnson ay maaaring nagdala sa
kaniya at sa kaniyang mga asawa ng ilang materyal na mga pakinabang, ang pananatili rito ay hahadlang sa kanilang lahat sa pagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.Marami ang sumunod sa may tibay-loob na landasin ni Johnson. Si Théodore, halimbawa, ay nagsasabi: “Dinadaluhan ko ang mga miting ng mga Saksi ni Jehova at nais kong mabautismuhan. Ngunit walo ang aking asawa. Paano ko mapaaalis ang pito sa kanila? Gayon ang aking kalagayan sa loob ng limang taon, nananalangin kay Jehova na tulungan ako. Patuloy akong nag-aral ng Bibliya at nakisama sa mga Saksi ni Jehova. Unti-unting sumulong ang aking kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos at pinatibay ako ng aking pagnanais na paluguran siya na gumawa ng tamang pasiya. Ipinaliwanag ko sa aking mga asawa na sinasabi ng Bibliya na ang aking unang asawa ang ‘asawa ng aking kabataan’ at na dapat na manatili lamang akong kasal sa kaniya. (Malakias 2:14-16) Saka ko pinaalis ang pitong nahuhuling mga asawa sa aking tahanan at pinaglaanan sila ng bukod na tirahan para sa kanila at sa kanilang 12 mga anak. Kaya iniayon ko ang aking buhay sa mga pamantayang Kristiyano at naisakatuparan ko ang aking naisin na maglingkod kay Jehova. Ang aking dating mga asawa man, ay malaya na ngayon na maglingkod kay Jehova at mag-asawang muli kung nanaisin nila.”
Mga Resulta sa Kabila ng Pagsalansang
Ang gayong mga pagbabago ay kadalasang pinagmumulan ng matinding pagsalansang mula sa mga kamag-anak at mga kapitbahay. Inilalarawan ito ng karanasan ni Warigbani: “Pangalawang asawa ako ng aking asawa at may dalawang anak sa kaniya. Nang matutuhan ko na ang unang asawa ang matuwid na asawa sa paningin ng Maylikha, nakaharap ko ang mga katanungang ito: Dapat ko bang iwan ang aking asawa? Kung hihiwalay ako at ipahihintulot na isama ko ang mga bata, paano ko pakakanin sila at ako? Dapat ko bang sansalain ang aking budhi at pagkaitan ang aking sarili ng malaking kagalakang ito ng pagkasumpong sa tunay na relihiyon? Alam mo, ako ay nakikipag-aral ng Bibliya na kasama ng mga Saksi ni Jehova, Humingi ako ng tulong kay Jehova sa panalangin.
“Nang sabihin ko sa aking asawang lalaki na kailangan kong umalis at nais kong ipagsama ang mga bata, siya ay galit na galit at ayaw makinig sa akin. Sa wakas, pinayagan niya akong umalis kasama ng mga bata, subalit walang pinansiyal na tulong—ni pamasahe man.
“Sumunod kailangang harapin ko ang galit ng aking pamilya. Sabi nila na ako’y nasisiraan. Tinawag ako ng aking kapatid na lalaki na isang ‘alibughang anak na babae’ at pinagtawanan ako. Ngunit patuloy akong nangangaral sa kanila at, paglipas ng ilang panahon, ang ilan sa kanila ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Ngayon lima sa mga membro ng pamilyang ito ang nakikisama sa akin sa paglilingkod kay Jehova. Tunay, kailangan kong pagtiisan ang maraming bagay na dati’y tinatamasa ko. Kailangan kong magtrabahong mabuti upang kumita ako para sa aking sarili at sa aking dalawang anak. Ngunit ang kagalakan sa pagkaalam ng katotohanan at ang pagsunod dito ay nakahihigit sa materyal na mga bagay. Ang kayamanan ay hindi maihahambing sa pagbibigay-lugod kay Jehova.”
Ganito ang hinuha ni Moses: “Mayroon ako ngayong kagalakan ng isang malinis, magkasuwatong kaugnayan. Ang aking mga anak ay nagsilaking mga nag-alay, tapat na mga mananamba kay Jehova. Ito’y lubhang nakapagpapaligaya sa akin.”
Binubulay-bulay kung paanong ang pagkilos ni Johnson ay nagdulot ng mga pakinabang, ganito ang sabi ng kaniyang anak na si Rufus: “Wala nang awayan sa bahay, at nabibigyan kami ni itay ng pangangasiwa at pagsasanay na kasuwato ng mga turo ng Bibliya. Siya’y naging isang payunir [buong-panahong mangangaral] ng mga 20 taon, at nanatiling tapat kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan dalawang taon na ang nakalilipas.”
Nais mo bang matuto nang higit tungkol sa mga pamantayan ng Diyos? Inaanyayahan ka namin na hilingin ang mga Saksi ni Jehova na makipag-aral sa iyo ng Bibliya. Magagalak silang sabihin sa iyo ang tungkol sa dumarating na Paraiso sa lupa kung saan ang mga pamantayan ng Diyos ay iiral!—Isaias 11:9.
[Blurb sa pahina 10]
Sa poligamya ang isang babae ay may kahati sa pagtingin ng kaniyang asawang lalaki
[Larawan sa pahina 11]
Sa monogamya ang mag-asawa ay tunay na para sa isa’t-isa at may pagkakaisang mailalaan nila ang isang kaaya-ayang buhay pampamilya para sa kanilang mga anak