Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagong Pangmalas sa Tubig-Tabáng

Isang Bagong Pangmalas sa Tubig-Tabáng

Isang Bagong Pangmalas sa Tubig-Tabáng

Mula sa Louisiana World Exposition

MULA Mayo 12 hanggang Nobyembre 11 mga pitong milyon katao ang naglakad sa kahabaan ng pampang ng Ilog Mississippi sa lunsod ng New Orleans, sa Estados Unidos. Ang lunsod, kilala bilang pinagmulan ng musikang jazz, ay tumutugtog ng kakaibang himig nitong nakaraang taon palibhasa ito ang punong-abala sa Louisiana World Exposition, na nasa 84-acre (34-ha) na lugar. Ang tema ng pagtatanghal, “Ang Daigdig ng mga Ilog: Tubig-Tabáng Bilang Bukal ng Buhay,” ang makikita sa mga eksibit mula sa 25 na mga bansa. Ang Exposition ay nakatuon ang pansin sa pambuong daigdig na kahalagahan ng maraming suplay ng tubig-tabáng at ang mga problema na nauugnay sa pagpapanatili nito.

Sa sinumang bisita na waring winawalang-bahala ang suplay ng tubig-tabáng, maraming nakagugulat na mga katotohanan upang baguhin ang palagay na iyan. Halimbawa, alam mo ba na:

○ 100,000 galon a ng tubig ang ginagamit upang gumawa ng isang kotse?

○ 267 galon ang ginagamit upang gumawa ng isang librang asukal?

○ 300 galon ang ginagamit upang gumawa ng isang librang sintetikong goma?

○ 280 galon ang ginagamit sa paggawa ng isang pahayagan kung Linggo?

Maraming pambansang eksibit ang nagtatampok sa papel na ginagampanan ng tubig sa pag-ukit ng kagandahan ng kanilang lupa. Sa katunayan, ang bawat bansa ay may mga larawan upang ipakita ang talagang napakagandang mga tanawin sa kanilang bahagi ng lupa. At ang karamihan sa mga ito ay nauugnay sa mga ilog o mga lawa. Sa gayon tinukoy ng isang komentaryo ang tubig bilang “ang iskultor ng ating tanawin, ang makata ng ating kagubatan.”

Pagmasid sa mga Eksibit

AUSTRALIA: Ganito ang sabi ng isang tagapagsalita, “Bagaman ang Australia ay tumatanggap ng kaunting ulan kaysa anumang ibang tinitirahang kontinente, ang tunay na mensahe ay kung ano ang nagawa ng Australia sa tubig na taglay nito.” Bilang halimbawa, ang Snowy Mountains Scheme sa timog-silangang bahagi ng kontinenteng iyon ay tinatawag na “ang pinakadakilang proyekto sa inhinyerya ng Australia.” Ito ang isa sa pinakamalaking proyekto sa patubig o irigasyon at koryente sa daigdig, gumugol ng 25 taon upang itayo. Kabilang dito ang halos 100 milya (160 km) ng mga tunel, 80 milya (130 km) ng mga akwedukto, 16 mga dam, at 9 mga planta ng koryente.

CANADA: Di-gaya ng Australia ang Canada ay walang kakulangan sa tubig. Ngunit ipinakita ng eksibit ng Canada ang kasalukuyan at lumalagong problema ng pag-ulan ng asido, na pumapatay sa lahat ng buhay sa maraming mga lawa sa kahabaan ng hangganan ng E.U. Inilarawan ito bilang “ang pinakamalubhang problemang pangkapaligiran na nakakaharap ngayon ng industrialisadong daigdig.”

TSINA: Itinanghal ng mga Intsik ang mga aklat na inilimbag noong ika-12 siglo na may kaugnayan sa mga teoriya hinggil sa pagsawata ng baha, ang pagtayo ng mga kanal, dam at mga dike​—kasama ang mga larawan ng ilan sa mga kayariang iyon na ginagamit pa rin hangga ngayon.

HAPON: Ang tema ng pabilyon ng Hapon ay “Ang Bahagi ng Tubig Kapuwa sa Kapakinabangan at sa Pagbanta sa Buhay ng Tao.” Inilarawan nito ang pinsala ng baha sa Hapon gayundin ang bagong teknolohiya upang pasulungin at sawatain ang mga ilog.

Iniiwan ng Exposition ang isa na may higit na kabatiran sa ating pagiging depende sa tubig-tabáng. At ang sumusunod na tatlong mga impresyong ito ay nananatili sa isipan: Ang tubig ay mahalaga sa buhay, at na bukas-palad at saganang inilaan ito ng Maylikha. Ang mga tubig ng lupa ay totoong maganda. Ang mga problema tungkol sa tubig ay sa kalakhang bahagi gawang-tao dalihan sa kaniyang kasakiman o kawalang-alam. Para sa mga palaisip na tao, ang Exposition ay tunay na isang bagong pangmalas sa tubig-tabáng.​—Isinulat.

[Mga talababa]

a 1 galon = 3.785 litro.

[Kahon sa pahina 23]

Maikling Pagsusulit Tungkol sa Tubig b

T: Ang pinakamaulang dako sa daigdig ay nasa Estados Unidos. Saan ito?

A. Bundok Rainier, Washington

B. Rains County, Texas

C. Bundok Waialeale, Hawaii

D. Bundok Wetmore, North Dakota

S: Bundok Waialeale, na may katamtamang 471 pulgada c ng presipitasyon sa isang taon.

T: Sa lahat ng tubig sa lupa, gaano karami nito ang nasa anyong likidong tubig-tabáng?

A. 0.6 porsiyento

B. 2.2 porsiyento

C. 49 porsiyento

D. Sirit!

S: Tanging 0.6 porsiyento lamang, na masusumpungan sa mga dagat, lawa, tubig sa ibabaw ng lupa, at tubig sa ilalim ng lupa. Ang mga niyebe sa tuktok ng bundok at mga glaciar ang bumubuo ng 2.2 porsiyento at ang tubig-alat ay 97.2 porsiyento.

T: Kung ang lahat ng halumigmig sa atmospera ay babagsak sa lupa bilang ulan, gaano ang sukat nito?

A. Isang pulgada

B. Isang piye d

C. Isang daang piye

D. Sapat upang sisiran

S: Ang humigit-kumulang 3,100 milya cubico (12,900 cu km) ng halumigmig sa atmospera ay tatakip sa lupa ng isang pulgada ng tubig.

T: Ang mga halaman ay nagbibigay ng halumigmig sa hangin sa paraang tinatawag na transpirasyon o pagpapawis. Gaano karaming tubig ang makukuha sa isang acre ng mais bawat araw sa pamamagitan ng pagpapawis?

A. 30-40 galon

B. 300-400 galon

C. 3,000-4,000 galon

D. Wala, nagbibigay lamang ito ng corn syrup

S: Ito ay magbibigay ng 3,000-4,000 galon isang araw sa kasibulan ng paglago nito. Taunan, ang isang malaking punong encina (oak) ay magbibigay ng mga 40,000 galon ng tubig isang taon sa pamamagitan ng pagpapawis.

T: Upang maglaan ng sapat na koryente sa isang tipikal na tahanan sa loob ng 24 oras, gaano karaming tubig ang dapat mahulog 42 piye sa isang plantang hydroelectric?

A. 1,700,000 galon

B. 3,200,000 galon

C. 5,700,000 galon

D. Sapat na dami upang patuluin ang bubong

S: Ang isang tipikal na tahanang Amerikano ay kumukunsumo ng 24 kilowatt-hours ng koryente isang araw, at nangangailangan ng 3,200,000 galon ng tubig na nahuhulog 42 piye upang lumikha ng 24 kilowatt-hours.

[Mga talababa]

b Ang mga tanong at sagot ay mula sa pabilyon ng Estados Unidos sa 1984 Louisiana World Exposition.

c 1 pulgada = 2.54 centimetro.

d 1 piye = 30.48 centimetro.