Kamatayan sa Madaling-araw! Malungkot na Sakuna sa Mexico
Kamatayan sa Madaling-araw! Malungkot na Sakuna sa Mexico
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Mexico
“NAGSIMULA na ang digmaan!” “Hinulugan tayo ng isang bomba!” Iyon ang mga hiyaw ng pagdadalamhati sa isang arabal ng Lunsod Mexico noong madaling-araw ng Nobyembre 19, 1984. Ano ang nangyari?
Apat na pagkalalaking mga tangke, bawat isa’y naglalaman ng humigit-kumulang 1,600,000 litro (420,000 gal) ng lusaw na gas, ay sumabog. Gayundin ang 48 na maliliit na tangke. Ginawa ng sunud-sunod na mga pagsabog ang buong lugar na isang “holocaust.” Pagkaraan ng sampung araw ang opisyal na bilang ng namatay ay 452 at mga 5,000 ang nasaktan, ang marami ay malubha. Bukod pa riyan, halos 1,500 mga indibiduwal ang naglaho.
Oo, ang malungkot na sakuna ay nangyari noong madaling-araw sa San Juanico, isa pang pangalan ng arabal ng Lunsod Mexico na San Juan Ixhuatepec. Sa loob ng isang oras, noong 6:40 n.u., tumanggap kami ng mahalagang tawag mula kay Victor Vazquez, isang naglalakbay na tagapangasiwa. Siya ay lubhang nababahala tungkol sa kalagayan ng mga 150 sa ating mga kapatid na naninirahan sa dakong apektado ng mga pagsabog.
Mula sa aming kinatatayuan mga 25 kilometro (15 mi) ang layo, nakita namin ang matinding animo’y kabuting ulap, katulad niyaong isang pagsabog ng bomba atomika. Ang mga pagsabog ay maririnig pa nga rito. Karakaraka, isinaayos na kaming dalawa ay magtungo sa lugar na pinangyarihan upang malaman kung ano ang kalagayan ng ating mga kapatid.
Sa Harap ng Malaking Kapahamakan
Si Isidro Rodriguez at ang kaniyang pamilya ay nakatira na mga isang daang metro (110 yd) ang layo mula sa mga pagsabog. “Nang mangyari ang mga pagsabog,” sabi niya, “para bang ang aming tahanan ay lumulubog. Agad-agad kong tinipon ang aking pamilya at tumakas.”
“Ang apoy at ang nakapapasong init ay pumuno sa mga lansangan,” sabi sa amin ni Dalio Diaz. “Nasa labas ako kasama ng aking hipag na bumibili ng gatas nang maramdaman namin ang katakut-takot na pagsabog, sinundan ng napakatinding init. Dumuhapang ako sa likuran ng isang pader na tisa para sa proteksiyon, at isa lamang sa aking mga kamay ang nasunog. Ang aking hipag, gayunman, ay inabot ng apoy at nasunog ang kaniyang buong katawan.”
“Sa pagkadama ko sa mga pagsabog, agad akong tumakbo sa kalye,” paliwanag ni Josué Calderon. “Para bang ako’y masusunog. Lalo pa akong natakot nang makita ko ang isang tao na nasusunog nang buháy. Ang kaniyang laman ay naaagnas at ang kaniyang buhok ay nagliliyab. Ako ay nagtatakbo na paikut-ikot hanggang sa makontrol ko ang aking sarili.
“Pagkatapos ay sinabihan ko ang aking asawa, na nasa loob pa ng bahay, na tumakas kasama ng aming mga anak. Naisakay niya ang mga anak naming babae sa isang kotse na huminto sa kanila, ngunit yamang wala nang lugar para sa kaniya, siya ay nagtungo sa ibang daan.”
Ang kanang kamay ni Josué ay nasunog. Nang malaunan nalaman niya na ang kaniyang maybahay ay ligtas at nasa tahanan ng ilang mga kapatid. Ang mga batang babae ay hindi rin nasaktan at ligtas sa tahanan ng iba namang pamilya.
Mahirap ilarawan ang pagkakataranta na kasunod ng mga pagsabog. Ang nahihintakutang mga tao ay nagpanakbuhan, nagbabanggaan sa isa’t-isa. Ang marami ay nasusunog sa
kamatayan; ang iba naman ay namamatay dahilan sa nadaganan ng pagkalalaking piraso ng mga bakal mula sa sumasabog na mga tangke ng gas na humahagis sa himpapawid at bumabagsak sa bubungan ng kanilang mga bahay. Ang isa sa mga piraso ng bakal ay bumutas ng 50 centimetro (20 in) na lalim nang mahulog ito sa isang kongkretong kalsada.Tulong Mula sa Maraming Pinagmulan
Mabilis na pinakilos ng gobyerno ang iba’t ibang sangay ng pulisya at army upang iligtas ang mga biktima at isugod sila sa mga tirahan kung saan maaari silang gamutin at pakanin. Upang maiwasan ang pagnanakaw, naglagay ng mga bantay sa mga dako kung saan ang mga tahanan ay iniwanan. Ang mga taong grabe ang pagkakasunog ay dinala sa kalapit na mga ospital.
Nang Lunes na iyon, ang mga istasyon ng telebisyon at radyo ay naghahatid ng mga balita sa buong bansa. Ang pagkain, pananamit, medisina, at pera ay bumuhos sa dakong naapektuhan. Sa katunayan, nagpadala rin ng tulong ang ibang mga bansa. Kaya ang proteksiyon at tulong ay nailaan sa daan-daang mga tao na lubhang naapektuhan.
Marami ang nakatakas, kahit na sa gitna ng nagbabagsakang mga piraso ng bakal, kahoy, at mga bato. Ang iba ay nakarating sa Mexico/Pachuca haywey at isinakay ng nagdaraan na mga kotse. Ang iba naman ay iniligtas ng mga manggagawa ng pamahalaan at dinala sa probisyunal na mga tirahan.
Patotoo ng Pag-ibig
Ang mga kapatid sa karatig na mga lugar ay kaagad na kumilos, hinahanap at tinutulungan ang kanilang mga kapatid na mga biktima ng malaking sakuna. Ang nababahala at maibiging mga kapatid na ito ay mapagpatuloy na nagbukas ng kanilang mga tahanan at naglaan ng mga tuluyan at tulong sa paanuman.
Nang malaman na ang marami sa mga
kapatid ay hindi pa nakikita, ang mga matatanda sa dakong iyon ay nag-organisa ng isang sistematikong paghanap sa kanila. Unti-unti, yaong mga hindi nakita ay nagdatingan. Ang isang pamilya ay nagtungo doon sa estado ng Veracruz, 400 kilometro (250 mi) mula sa dako ng sakuna. Ang iba ay dinala sa mga silid-aralan ng National Polytechnic Institute. Mula roon, sila ay inilipat sa mga tahanan ng kaibigan, kung saan sila ay maibiging pinangalagaan.Hindi nagtagal ang lahat ng mga kapatid sa dako ng sakuna ay nakita. Ang isang kapatid na lalaki at ang kaniyang anak na lalaking tin-edyer ay namatay dahilan sa kalubhaan ng kanilang pagkasunog. Ang mga matatanda ang nagsaayos ng libing at ang balo pati na ang kaniyang natitirang mga anak ay tumanggap ng lubusang pagtangkilik, materyal at espirituwal.
Yamang ang balita tungkol sa mga pagsabog ay mabilis na kumalat, nalaman kaagad ng ating mga kapatid ang tungkol sa kalagayan, at wari bang ang lahat sa kanila ay nais na makipagtalastasan agad sa tanggapan ng Samahan. Nais nilang malaman kung ano ang kalagayan ng kanilang mga kapatid at kung paano sila makatutulong sa kanila. Maraming mga damit, pagkain, at salapi ang dumating anupa’t ang komite na binuo upang tumulong sa mga biktima ay abalang-abala sa pagdadala ng mga panustos na ito sa mga nangangailangan.
Ang malaking sakuna na ito ay hindi isang kaaya-ayang karanasan, ngunit nagbigay ito ng pagkakataon sa bayan ni Jehova na magpakita ng pag-ibig, kabaitan, at pagiging mapagpatuloy. Sila’y tumugon gaya ng kanilang mga kapatid noong unang siglo nang malaman nila ang tungkol sa mga kalagayan ng kanilang mga kasamahan na nangangailangan sa Judea.—1 Corinto 16:3; 2 Corinto 8:1-4.
Di gaya ng mga tao sa pangkalahatan, ang mga lingkod ni Jehova ay hindi nababahala hinggil sa kawalan ng materyal na mga ari-arian. Halimbawa, ganito ang sabi ng pamilyang Jara, “Kami ay tinuruan na huwag mag-alala tungkol sa aming materyal na mga ari-arian kundi ingatan ang aming buhay.”
Anong pangunahing epekto ng gayong malungkot na sakuna sa mga tunay na Kristiyano? Bueno, marahil simpleng mailalarawan ito ng apat-na-taóng-gulang na si Michel ng lunsod ng Puebla. Samantalang pinanonood ang tungkol sa sakuna sa TV, hiniling niya sa kaniyang ama na patayin ito upang siya ay makapanalangin. Sa bahagi, sabi niya: “Jehova, kami po ay nananalangin alang-alang sa aming mga kapatid. Sana po’y ingatan mo sila at tulungan mo po sila upang hindi sila magdusa ng gayong katakut-takot na mga bagay. Gayundin po, pakisuyong tulungan mo ang aking kapatid na si Adriana upang hindi siya mabalisa tungkol sa kung ano ang nangyayari sa mga tao sa mga pagsabog. Tulungan mo po siyang mag-isip ng tungkol sa magagandang bagay, katulad ng Paraiso na iyong ipinangako.”
[Mga larawan sa pahina 25]
Apat na pagkalalaking tangke gaya niyaong nasa kaliwa ang unang sumabog. Pagkatapos 48 na mas maliliit na tangke na gaya ng nasa ibaba ang sumabog, ang iba ay humagis nang daan-daang metro