Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Mga Tanda Mula sa Langit’—Isang Sanhi ng Kalungkutan?

‘Mga Tanda Mula sa Langit’—Isang Sanhi ng Kalungkutan?

‘Mga Tanda Mula sa Langit’​—Isang Sanhi ng Kalungkutan?

“Sa taóng 2000 maaaring magkaroon na ng lubhang kakila-kilabot na mga armas sa kalawakan, mga armas na maaaring sumalakay kapuwa sa mga satelait at mga istasyon sa kalawakan gayundin sa mga target dito sa Lupa.”

ANG nabanggit na pangungusap ay binigkas noong nakaraang taon ng presidente ng International Academy of Astronautics. Ang mga armas sa kalawakan ay hindi usap-usapan lamang. Matagumpay na nasubok ng isa sa mga superpower ang isang antisatellite na sandata.

Sa isang pahayag na binigkas noong Marso 23, 1983, iminungkahi ng presidente ng Estados Unidos ang paggamit ng mga sandatang base-kalawakan bilang isang depensa. Mangangailangan ito na maglagay ng maraming mga satelait sa orbita​—mga satelait na may kakayahan na tiktikan ang mga missiles ng kaaway at may kakayahan na wasakin ang mga ito. Opisyal na tinatawag na Strategic Defense Initiative, ang plano ay binansagan na “Star Wars.”

Inilarawan ito ng isang babasahing siyentipiko na “isang dakilang pag-asa sa hinaharap,” isa na “makababawas sa kasindak-sindak na banta ng mga armas nuklear.” Isa pa, ang babasahing Nature, ay nagsabi: “Ang pagkakaroon ng sistema ng star wars ay magpapangyari sa pagbabawas ng dami ng mga sandatang nuklear na lubhang lumabo; kung ang iyong kaaway ay may kalasag kailangan mo ng mga palaso.” Gayundin, inilarawan ng isang artikulo sa Scientific American ang “lubhang pagbaba sa pangglobong seguridad” dala ng panahong nuklear at iminungkahi na kung susunod ang “isang di-masawatang paligsahan sa mga armas sa kalawakan,” lalo pa nitong babawasan ang “antas ng seguridad.”

Inihula ang Malungkot na mga Inaasahan

Ang kawalang kasiguruhan na naranasan ng ating salinlahi ay inihula sa Bibliya nang sabihin nito na ang mga tao ay “manlulupaypay dahil sa takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa; sapagkat yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.” (Lucas 21:26) Maraming bagay ang nagpapangyari sa mga tao na “manlupaypay dahil sa takot” sa kinabukasan ng lupa.

Halimbawa, isang pangkat ng limang siyentipiko ang sumulat kamakailan tungkol sa paksang “Ang mga Epekto sa Klima ng Digmaang Nuklear” at ang sabi: “Ang mga tuklas kamakailan ng aming grupo, pinatutunayan ng mga manggagawa sa Europa, ang E.U. at ang U.S.S.R., ay nagpapahiwatig na matagalang mga epekto sa klima ng isang malaking digmaang nuklear ay malamang na maging mas malala at mas malawak kaysa inaakala. Sa pagtatapos ng gayong digmaan malalaking bahagi ng lupa ang mapapasa-ilalim ng mahabang kadiliman, di-normal na mababang mga temperatura, marahas na mga ipuipo, nakalalasong usok at walang tigil na radioactive fallout . . . Maging ang mga makaliligtas sa dakong malayo sa labanan ay manganganib sa gutom . . . at iba pang kakila-kilabot na mga kahihinatnan.”​—Scientific American, Agosto 1984.

Ang pangglobong epektong ito pagkatapos ng digmaang nuklear ay karaniwang tinatawag na “nuclear winter.” Hindi kataka-taka, kahit na ang mga tao sa gawing timog na hemispero ay nababahala bagaman sila ay malayo sa teritoryo ng mga superpower. Sa isang editoryal na pinamagatang “Armageddon,” ang Medical Journal ng Timog Aprika ay nagsabi: “Ang lahat ng iba pang panganib sa kalusugan ng tao ay bale wala kung ihahambing sa tunay na tunay na posibilidad ng pangglobong thermonuklear na digmaan. . . . Sa anumang mas malawak pa kaysa isang limitadong pagpapalitan ng mga armas nuklear, ang medikal na mga paglilingkod na nalalaman natin ay hindi iiral. . . . Sa kasalukuyan, malamang na may higit na pangkalahatang kabatiran sa mga panganib ng nuklear na kapahamakan kaysa kailanman.”

Ang malungkot na kinabukasan ng lansakang pagkawasak ay hindi limitado sa banta ng digmaang nuklear. Likas na kosmikong mga kapahamakan, ng isang uri o iba pa, ay madalas na paksa sa mga aklat at mga magasin. Ang inaasahang dambuhalang makalangit na bagay na tatama sa lupa ang tema ng isang suspense na pelikula kamakailan, ang Meteor. Kamakailan pa nga, isang babasahing Aprikano ang nagtanong: “Gaano kaligtas ang buhay ng tao mula sa pagkawasak ng naligaw na mga asteroids o mga kometa?” At ang pagkalipol ng lupa sa pagsabog ng isang malaking bituin, nagsasabog ng napakaraming dosis ng radyasyon sa ating lupa, ay binanggit din na isang posibilidad.

Dapat ka bang palungkutin ng gayong pagbabaka-sakali? At kumusta naman ang tungkol sa tunay na banta ng digmaang nuklear at ang resulta nito? Mayroon bang saligan na maniwala na ang lupa at ang buhay-tao ay mananatiling ligtas?

Mga Dahilan para sa Pag-asa

Ang mga hula tungkol sa lansakang pagkalipol ay kadalasang batay sa paniniwala na kahit na may isang Maylikha, hindi niya kayang panatilihin ang kaniyang sansinukob. Ngunit matino ba ang gayong pangangatuwiran? Kung tungkol sa kakayahan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang salmista ng Bibliya ay kinasihang sumulat: “Purihin ninyo siya, ninyong araw at buwan. Purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituing maliwanag. Purihin ninyo siya, ninyong mga langit ng mga langit . . . Sapagkat siya’y nag-utos, at sila’y nangalikha. Kaniya rin namang pinatatatag sila, magpakailanman, sa panahong walang takda. Siya’y gumawa ng regulasyon, at ito’y hindi mapapawi.”​—Awit 148:3-6.

Ngunit, maaaring magtanong ka, ‘Anong katiyakan ang ibinibigay ng Bibliya na ang lupa man ay matatatag magpakailanman?’ Pansinin: “Kaniyang [ang Diyos] inilagay ang mga patibayan ng lupa; ito’y magiging matatag hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Sa gayon ang pangako ng Diyos ay: “Ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang matuwid mismo ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:11, 29) Sa katunayan, si Jesu-Kristo ay sumipi sa Awit 37, ipinakikita sa gayon na siya ay lubusang naniniwala sa walang hanggang kinabukasan ng tao sa lupa.​—Mateo 5:5.

Inihula pa nga ni Jesus ang salinlahi na makakakita sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Kasama sa pagsasabi tungkol sa kasalukuyang ‘dakilang tanda mula sa langit,’ sinabi niya na ang mga kakapusan sa pagkain, mga salot, mga lindol, katampalasanan, at iba pang mga sakuna ay magiging bahagi ng mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. (Lucas 21:10, 11; Mateo 24:6-12) Tiyak na isang sanhi ng kalungkutan, mahihinuha ng isa. Ngunit pakinggan si Jesus: “Pagsisimula ng mga bagay na ito,” sabi niya, “tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan. . . . Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.”​—Lucas 21:28-31.

Bakit ang pag-asang ito? Sapagkat alam ni Jesus na hindi na kinakailangang makibahagi ang kaniyang tunay na mga tagasunod sa pangkalahatang “takot at paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.” (Lucas 21:26) Bagkus, may pagtitiwalang maitataas nila ang kanilang mga ulo sapagkat ang kaligtasan mula sa lahat ng mga banta ng kapahamakan ay nalalapit na. Ang gayong pagliligtas ay hindi kailanman darating sa pamamagitan ng gawang-taong pulitikal na mga pamahalaan. Subalit darating ito sa pamamagitan ng “kaharian ng Diyos.” Kaya tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Ngunit maaari kang magtanong: ‘Kailan darating ang ipinangakong pagliligtas na ito?’ Tungkol sa salinlahin na makakaranas ng ‘dakilang mga tanda mula sa langit,’ sabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko, Hindi lilipas sa anumang paraan ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.” Kaya, ang ilan sa salinlahi ng 1914 na nakasaksi sa “mga tanda” na iyon ay buháy pa pagka ganap na namahala na ang Kaharian ng Diyos sa lupa.​—Lucas 21:32.

Kabilang Ka ba sa mga Makaliligtas?

Maaari kang maligtas sa panahong ito ng takot sapagkat sinabi ni Jesus: “Kaya nga, manatili kayong gising sa tuwina na dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mga mangyayaring ito, upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.” (Lucas 21:36) Oo, maaari kang “makaligtas.” Ngunit papaano?

Una, mahalaga na magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa kalooban at layunin ng Diyos. Nangangailangan ito ng seryosong pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Kahanga-hangang mga pagpapala ang resulta, gaya ng sabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Kung iisipin mo ito, anong mas dakilang dahilan ng kaligayahan mayroon kaysa ang tiyak na pag-asa ng buhay na walang hanggan? Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”​—Mateo 5:3; Juan 17:3.

Ngunit ang kaalaman sa Bibliya sa ganang sarili ay hindi sapat upang ang isang tao ay makaligtas sa panahong ito ng takot. Sabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nakikinig ng salita ng Diyos at ito’y ginaganap!” Oo, mahalagang ganapin, o mamuhay na kasuwato ng, Salita ng Diyos. Sa ibang salita, dapat nating patuloy na gawin ang kalooban ng Diyos. Ang Bibliya ay nangangako: “Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—Lucas 11:28; 1 Juan 2:17.

Ang mga namamahagi ng magasing ito ay magagalak na tumulong sa iyo. Magagalak silang ipakita kung papaano maaari kang mag-aral ng Bibliya sa iyo mismong tahanan. Ang nagbibigay-buhay na kaalaman na matatamo ay maaaring magbunga ng iyong pagkakamit ng buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Awit 37:29) Tiyak, may saligan sa pagtanaw sa hinaharap taglay ang pag-asa.

[Mga larawan sa pahina 6]

Ano ang iyong kinabukasan​—Isang sunóg na lupa? O isang paraiso?

[Mga larawan sa pahina 8]

Itinuro ni Jesus na ‘ang maaamo ay magmamana ng lupa’