Nakita Ba ng Salinlahing Ito ang ‘Mga Tanda Mula sa Langit’?
Nakita Ba ng Salinlahing Ito ang ‘Mga Tanda Mula sa Langit’?
MAGUGUNITA ng ilang matatandang tao ng lahing ito ang maagang mga taon ng abyasyon pagkatapos nang matagumpay na paglipad ni Orville Wright noong 1903. Noon ang eroplano ay itinuturing na isang malaking laruan. Naglaan ito ng abentura sa mga piloto at libangan sa mga pulutong na mga nagmamasid.
Ngunit noong 1911 sinimulang gamitin ng Italya ang mga eroplano upang hulugan ng mga granada ang mga hukbong Turko. Saka dumating ang 1914. “Ang sirkus-at-karnabal na panahon ng pagpapalipad ng tao ay agad nagwakas sa pagsisimula ng Digmaang Pandaigdig I noong 1914,” banggit ng Encyclopædia Britannica. “Ang milyun-milyon na handang ibayad ng mga nakikipagdigmang mga pamahalaan sa mga tagapagdisenyo ng eroplano ay karakarakang gumawa sa abyasyon na isang malaking negosyo.”
Nagsimula ang Labanan sa Himpapawid
Sa pasimula ng digmaan, ginamit ng mga bansang Europeo ang mga eroplano upang tiktikan ang isa’t-isa. Ngunit noong Agosto 26, 1914, isang eroplanong Ruso ang sinadyang sumalpok sa lumulusob na eroplanong Austriano. Namatay ang kapuwa mga piloto. Nang araw ding iyon, pinaligiran ng eroplanong Britano ang isang nagmamanman na eroplanong Aleman at pinilit itong lumapag. Maliwanag, ang mga bansa ay nagsimulang makipagdigma sa himpapawid. Noong Oktubre 5, 1914, isang pilotong Pranses ang lumipad sakay ng eroplano na may de-manong machine gun na ginamit niya upang pabagsakin ang eroplanong Aleman. Di nagtagal ang mga eroplano ay sinangkapan ng mga machine gun, na nagbunga ng nakatatakot na mga labanan sa himpapawid. Sa pagtatapos ng digmaan, mahigit na 10,000 mga lalaki ang namatay sa mga sagupaang ito.
Lalo pang kakila-kilabot ang tanawin ng nahuhulog na mga bomba na mula sa eroplano. Noong Oktubre 8, 1914, binomba ng dalawang mga eroplanong Britano ang estratihikong mga target sa Cologne at Düsseldorf. Pagkatapos, noong Disyembre 1914, sinimulan ng Alemanya ang panghimpapawid na mga pagsalakay sa Britaniya. “Ang mga pagsalakay na pagbubomba ay lalo pang naging kakila-kilabot habang nagpapatuloy ang digmaan,” sulat ni Susanne Everett sa kaniyang aklat na World War I—An Illustrated History.
Sa kaniyang aklat na Flyers and Flying,
sinuma ni Aidan Chambers ang kahulugan ng eroplano noong Digmaang Pandaigdig I: “Ang eroplano ay nauso na sa kawalang habas na paglipol. Sa mga larangan ng digmaan sa Pransiya ay nakatimbuwang ang kagibaan ng maraming mga pagsalakay sa himpapawid; ang London at iba pang mga lunsod, mga bayan at mga nayon ay binomba; ang mga barko ay sinalakay mula sa himpapawid. Ang digmaan . . . ay ganap na nagbago sa pagdating ng mga taong lumilipad sakay ng kanilang di kapani-paniwalang mga makina.”Naunawaan ng marami sa mga ito at sa iba pang mga pagsulong sa digmaan ang katuparan ng hula sa Bibliya: “Titindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; . . . at magkakaroon ng mga bagay na kakila-kilabot at ng mga dakilang tanda mula sa langit.” (Lucas 21:10, 11) Ang kahawig na ulat ng hulang ito ay nagsasabi pa: “Lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga bugso ng kahirapan.”—Mateo 24:7, 8.
“Pasimula ng Matinding Hapdi ng Pagdurusa”?
Ang Digmaang Pandaigdig I ba taglay ang ‘kakila-kilabot na mga bagay at ng mga dakilang tanda mula sa langit’ ay napatunayang “pasimula lamang ng matinding hapdi ng pagdurusa,” gaya ng pagkakasabi rito ng The Jerusalem Bible? Ang kasaysayan ay sumasagot ng oo. Mahigit na isang milyong tonelada ng mga bomba ang inihulog sa kapaligiran ng lupa noong Digmaang Pandaigdig II. Kabilang dito ang napakaeksplosibong mga bomba at iba pang anim-toneladang mga aparato na maaaring tumagos sa mga 16 piye (5 m) ng solidong kongkreto.
Isip-isipin ang sindak na dinanas ng mga maninirahan sa Hamburg noong gabi ng Hulyo 1943 nang bombahin ng kulumpon ng mga 700 nasasandatahang mga eroplano ang kanilang lunsod. Ito ay inulit dalawang gabi pagkatapos, na nagpangyari ng isang bagyong-apoy na pumuti ng mahigit 40,000 mga biktima. “Maraming nangangalumata, nahihintakutang mga takas ang dumagsa sa kalapit na mga lalawigan,” sulat ni Adolf Galland. “Ang Kilabot ng Hamburg ay mabilis na kumalat sa pinakaliblib na mga nayon ng Reich.”
Ang Warsaw, London, Coventry, Berlin, Dresden, Tokyo, at marami pang ibang mga lunsod, ay dumanas ng matinding pagbomba. Ang isang pagsalakay sa himpapawid sa Tokyo ay nagpangyari ng isang bagyong-apoy na napatunayang mas mapangwasak kaysa sa bombang ginamit sa Hamburg. Ito ay kumitil ng mahigit 80,000 mga buhay. Pagkatapos ng paulit-ulit na mga pagsalakay sa himpapawid angaw-angaw ang tumakas sa lunsod. “Ang populasyon ng Tokyo ay bumaba mula sa limang milyon tungo sa dalawa at sangkatlong milyon,” ulat ng mananalaysay na si Jablonski. Ganito ang sabi ng isang Haponesa: “Kailanma’t nakaririnig ako ng sirena ng bombero o nakakakita ng naglalagablab na apoy sa isang tsimenea, kinakabahan ako at nagugunita ko ang mga araw na iyon ng kabataan na kakila-kilabot.”
Ipinakilala ng Digmaang Pandaigdig II ang nakasisindak na bagong mga sandata. Noong huling taon ng digmaan, ang Alemanya ay
nagpaputok ng V-2 na mga rocket na naglalaman ng isa-toneladang mga warhead. Naglalakbay sa bilis na 3,500 milya por ora (5,600 km/hr), ang mga ito ay dumating sa lupaing Britano ng mga limang minuto lamang pagkatapos na ilunsad. Pagkatapos ang Estados Unidos ay naghulog ng dalawang bomba atomika sa mga lunsod Hapones na Hiroshima at Nagasaki, lubusang pinapatay ang mahigit na isang daang libo katao. “Katulad ng bomba atomika,” paliwanag ng Encyclopædia Britannica, “inilalarawan ng V-2 ang intercontinental ballistic missiles [mga ICBM] ng panahon pagkatapos ng digmaan.”Pagkatapos ng digmaan, ang mga bansa ay gumawa ng higit na mapangwasak na mga armas nuklear. Maraming pagsubok ang ginawa sa mga ito bago ang paglagda ng Nuclear Test Ban Treaty noong 1963. Ang mga bomba nuklear ay pinasabog pa nga sa kalawakan. Tungkol sa isang gayong eksperimento, si Dr. Mitton ay sumulat sa kaniyang aklat na Daytime Star—The Story of Our Sun: “Ang Starfish na pagsabog noong Hulyo 1962 ay lumikha ng isang radiation belt na umiral sa loob ng mga ilang taon. Ang kahangalan ng gawaing ito ay nakilala nang matanto na ang ilang magastos na mga satelait ay lubusang nawasak.”
Ang kasunduan noong 1963 ay nagtakda sa pagsubok ng mga armas nuklear, ngunit hindi nito nahadlangan ang mga superpower sa paggawa ng higit ng mga bombang ito. Ni nahadlangan man sila nito sa pagpapabuti ng mga pamamaraan ng paghahatid nito. Nagkukomento tungkol dito, si Dr. Jastrow ay sumulat sa Science Digest: “Nang ang mga Aleman ay nagpapaulan ng mga V-2 sa Britaniya 40 taon na ang nakalipas, inaakala nila na mabuti kung ang isang rocket ay tumama ng mga 10 milya [16 km] ng target nito. . . . Ang mga warhead sa Sobyet at Amerikanong mga ICBM ngayon ay tatama ng mga 300 yarda [270 m] ng kanilang target pagkaraan ng mga paglipad ng maraming libong milya.”
Nagpatuloy pa si Dr. Jastrow upang ilarawan ang bagong mga warhead na may radar na mga mata at elektronikong mga utak. Tinatawag na “matalinong mga warhead,” ang mga ito ay sinasabing “tatama ng mga 25 yarda [23 m] ng kanilang target sa katamtaman.” Inaakalang ang “matalinong mga warhead” na iyon ay maaaring iagpang sa intercontinental ballistic missiles.
Hindi ba’t sasang-ayon ka na kung ano ang nagsimula noong 1914 ay “pasimula lamang ng matinding hapdi ng pagdurusa”? Ang paggamit ng tao sa “langit” ay naging lubhang nakamamatay.
[Larawan sa pahina 4]
Ang mga bomba nuklear ay sinubok sa kalawakan bago ang paglagda ng Nuclear Test Ban Treaty