Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Posibleng “Nuclear Winter”

● Sa kilalang mga panganib ng radyoaktibidad at pagkasira ng ozone layer bilang nakamamatay na mga kahihinatnan ng digmaang nuklear, idagdag pa rito ang isa ​—“nuclear winter.” Ipinakikita ng isang report ng United States National Academy of Sciences na isang malubhang “nuclear winter” ang maaaring sumunod sa isang malaking digmaang nuklear. Sang-ayon sa The New York Times, binabanggit ng report ng Academy na “ang mga pagbaba sa temperatura na 18 hanggang 45 digri [Celsius] ay maaaring tumagal ng mga ilang buwan sa North Temperate Zone, na halos ganap na kawalan ng liwanag sa kalakhang bahagi ng Hilagang Hemispero.” Sampu-sampung milyong tonelada ng uling at usok ang paiilanglang sa atmospera mula sa nuklear na mga pagsabog at apoy, sa gayo’y hinahadlangan ang liwanag buhat sa araw. Kahit na ang timog na hemispero ay maaapektuhan kung ang mga ulap ng alikabok at usok ay tatangayin sa kabilang ibayo ng ekwador. Ang teoriya na ang gayong gawang-taong sakuna ay posible, na unang ipinalagay noong 1983 ng isang maliit na pangkat ng mga siyentipikong nagtatrabaho sa labas ng pamahalaan ng E.U., ay hindi na “pinawawalang-saysay ng ilang mga kritiko bilang haka-haka lamang,” sabi ng Times.

Bagong Planetang Natuklasan?

● Natuklasan ng isang pangkat ng astronomikal na mga mananaliksik ng Estados Unidos mula sa University of Arizona at National Optical Astronomy Observatories ang isang tulad-planetang bagay na kasinlaki ng Jupiter sa labas ng ating sistema solar. Naniniwala sila na ang malaki, gas na bagay na ito na lumiligid sa isang malayong bituin sa konstelasyon ng Ophiuchus ay isang planeta​—ang kauna-unahan na nakita sa labas ng ating sistema ng mga planeta. Gayunman, ang ibang mga astronomo ay hindi sumasang-ayon. Sinasabi nila na ang makalangit na bagay ay hindi isang planeta ni ito man ay tunay na bituin. Bagkus, maaaring ito ang unang katibayan ng isang bagong uri ng mga bagay na tinatawag na “brown dwarfs.” Anuman ang kalagayan, ang magkabilang panig ay nagkakaisa na ang tuklas ay pambihira at nakatutuwa. Ang bagong bagay na nakita ay 21 lightyears​—mga 123 trilyong milya (198 trilyon km) ang layo​—mula sa Lupa.

Dami ng mga Batang Namamatay sa Gutom

● Isang milyong mga bata sa Ethiopia na wala pang apat na taong gulang ang nagugutom, at malamang na kalahati sa kanila ang permanenteng magiging inutil dahilan sa gutom, ulat ng The New York Times. “Maliwanag na magkakaroon ng isang salinlahi ng mga batang Ethiopiano na magiging bansot, kapuwa sa pisikal at mental, dahilan sa tagtuyot na kanilang dinaranas,” sabi ng executive director ng United Nations Children’s Fund. Ang ipinadadalang mga pagkain at medisina ay makapaglalaan lamang ng panandaliang ginhawa. Ganito ang malungkot na hula ng isang report ng U.N.: “Walang nakikitang lunas para sa tahimik na pagdurusa ng di maikakailang pinakamalubhang kapahamakan ng tao sa kasaysayan ng Aprika kamakailan.”

Panganib sa Pagsasalin ng Dugo

● Ang mga pagsasalin ng dugo ay panganib sa kalusugan ng mga pasyente ng kanser, babala ng ilang medikal na pag-aaral ng mga Hapones. Sang-ayon sa pahayagang Hapones na Asahi Shimbun, natuklasan ng mga surbey ng Main Surgery and Blood Transfusion Laboratory ng Juntendo University na “ang mga pasyente ng kanser sa kolon na hindi tumatanggap ng pagsasalin sa dugo ay may mas mataas na antas ng kaligtasan” kaysa doon sa mga tumanggap ng pagsasalin ng dugo. Nasumpungan ng National Fukuoka Central Hospital ang gayunding mga resulta sa kanilang pag-aaral ng mga pasyente ng kanser sa matris. Lumilitaw na pinabababa ng mga pagsasalin ng dugo ang sistema ng imunidad ng katawan, pinahihintulutang mas mabilis na kumalat ang kanser. Si Shozo Murakami, presidente ng Japan Blood Transfusion Society, ay nagsabi: “Pinatutunayan ng isang Amerikanong ulat na ang dami ng nakaliligtas sa kanser sa suso at kanser sa baga ay nababawasan dahilan sa mga pagsasalin ng dugo. Gayunman, maraming doktor ang gumagamit ng mga pagsasalin ng dugo sa paggamot na hindi isinasaalang-alang ang bagay na pinahihina ng mga pagsasalin ng dugo ang imunidad.”

Pinakamaraming Krimen sa Europa

● Sa 14 Europeong mga bansa, ang Britaniya ay nag-ulat ng pinakamaraming krimen ayon sa isang Gallup surbey. Tinanong ng surbey, na itinaguyod ng The Daily Telegraph ng London, ang mga isang libo katao sa bawat bansa tungkol sa mga panloloob, pagnanakaw, at personal na pagsalakay sa nakalipas na limang taon. Nasumpungan ng surbey na ang Pransiya ang may pinakamaraming panloloob, 17 porsiyento; ang Holland ang nanguna sa mga nakawan sa Europa, na 30 porsiyento; at ang Espanya ang nanguna sa mga pagsalakay, 6 porsiyento. Sa bawat isa sa tatlong kategorya, ang Britaniya ay pumangalawa at sa gayon ay nanguna sa Kanlurang Europa kung tungkol sa pangkalahatang krimen.

Ang Iyong Pera o ang Iyong Buhay?

● Isang bagong pag-aaral na isinagawa ng dalawang mananaliksik sa University of Chicago ay nagpapayo: Huwag manlaban kung ikaw ay biktima ng isang pagnanakaw. Lalo ka lamang nanganganib na mapatay kung ikaw ay manlalaban. Sinusuri ng kanilang report, ang “Victim Injury and Death in Urban Robbery,” ang mga isang libong nakawan na iniulat sa pulisya sa nakalipas na isang taon sa lunsod ng Chicago. “Ang pagtanggi ng biktima na makipagtulungan sa maysala ay lumilikha lamang ng pagpapaligsahan ng kalooban,” sabi ng ulat. Sa isang nakawan, hinuha ng mga mananaliksik, “ang wastong sagot sa tanong na ang iyong pera o ang iyong buhay ay, ibigay ang pera.”

Pakinabang Laban sa Mga Tao

● Ang industriyal na mga aksidente sa panggatong (fuel) at kemikal na mga lugar ay yumanig sa tatlong nagpapaunlad ng mga bansa, noong nakaraang taon na pumapatay ng mahigit na 3,000 katao. Sa bawat malaking kapahamakan, ang mga tao​—na nagsisiksikan sa mga slums at naninirahan nang napakalapit sa mga pagawaan​—ang mga biktima. Mga bagyong-apoy na dala ng tumatagas na tubo ng gasolina sa Cubatao, Brazil, at ang sumasabog na mga tangke ng likidong petrolyo sa Lunsod Mexico, Mexico, ay pumuti sa buhay ng mga isang libong mahihirap na tao. At nasaksihan ng kalagitnaang India ang pinakamalubhang kemikal-industriya na kapahamakan sa kasaysayan. Nakalalasong gas ang tumatagas mula sa pagawaan ng pestisidyo at naging maputing ulap ng kamatayan sa di-kukulanging 2,000 katao na nakatira malapit sa pagawaan.

Ang iba sa mga nagpapaunlad na bansa ay alin sa walang mga batas sa pagsosona na naghihiwalay sa mga dakong industriyal sa mga residensiyal na dako o napakaluwag sa pagpapatupad nito. “At ang mga gobyerno ay wala sa katayuan na higpitan ang mga regulasyon yamang sa maraming dako ang industriya na nasasangkot ang pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan,” sabi ng editor ng Hazardous Materials Intelligence Report sa Associated Press. Ang mas mahihirap na bansa na may mababang mga pamantayan ng kaligtasan kaysa sa mga maunlad na mga bansa “ay maaaring maging internasyonal na basurahan,” sabi ng isang report ng United Nations. Lumilitaw na sa labanan na pakinabang-laban sa-mga tao, ang mahihirap ay karaniwang talunan.

Mga Bibliyang Elektroniko

● Una ito’y nasa bato, pagkatapos sa papiro, balat ng tupa, papel, at ngayon, sa mga chip ng computer. Ang Salita ng Diyos ay pumasok sa elektronikong daigdig ng mga computer. Hanggang kamakailan, ang malalaking unibersidad lamang ang gumagamit ng computer bilang kagamitan sa pag-aaral at pagsasaliksik sa Bibliya. “Ngunit ang masalimuot na mga programa ay magagamit na ngayon sa personal na mga computer” para sa gamit sa tahanan samantalang ang bilang ng mga programa sa computer para sa relihiyosong pagtuturo at pag-aaral ng Bibliya ay dumarami, sabi ng The Wall Street Journal. “Maraming kompaniya,” patuloy pa ng ulat, “ang nagpasok ng bersiyong King James sa mga computer diskettes at gumawa ng mga programa na magpapahintulot sa mga gumagamit nito na hanapin ang partikular na mga salita at ilimbag ang nakapaligid na mga sipi.” Ang iba pang mga programa sa computer na pantahanan na ngayo’y mabibili ay ang tapat-tapat na paghahambing ng mga kasulatan mula sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya sa screen ng video, ang konkordansiyang Griego ng “Bagong Tipan,” at mga maikling pagsusulit sa Bibliya at mga laro tungkol sa mga teksto sa Bibliya.

. . . At Talmud

● Kapuwa ang 36-tomo na Babylonian Talmud, isang autoritibong kalipunan ng batas at tradisyong Judio, at ang 248 mga kalipunan ng responsa, isinulat na mga interpretasyon at mga sagot sa 47,000 bagong mga katanungan tungkol sa Talmud, ang naipasok na rin sa computer sa Bar Ilan University, Tel Aviv. Gayunman, ang paggamit ng pangalan ng Diyos sa tekstong nasa computer ay nagbangon ng malubhang suliranin sa malawakang pagsisikap na ito. Ipinagbabawal ng tradisyunal na batas Judio ang pagbura ng pangalan ng Diyos. “Kailangan naming magtungo sa mga rabi,” sabi ng direktor ng proyekto sa The New York Times, “at tanungin kung ang pangalan ng Diyos na nasusulat sa magnetikong computer tape at mga disk o kahit na sa screen ng video ay maaaring burahin. Sa kabutihang palad, sinabi nila na ang magnetikong tape ay hindi itinuturing na nasusulat at sa gayon ay ayos lamang na burahin ito.”

Kaligtasan sa Kidlat

● Sang-ayon sa isang pangkat ng mga siyentipikong taga-Singapore na nagtitipon sa Oxford, Inglatera, ang mga tao ay malamáng na mapatay ng kidlat kapag nasa palaruan ng golf, sa mga larangan ng putbol, sa maliliit na bangka, sa mga silungan ng bus, o, gaya ng alam na alam, kapag ang isa ay nakatayo sa ilalim ng isang punungkahoy. Kapag may bagyo na may kulog at kidlat, ano ang pinakamabuting gawin? Sumilong sa isang gusali at lumayo sa mga bagay na metal, sa mga tubo o sa mga basang dingding. Iniulat ng The Daily Telegraph: “Kung wala kang masilungan, yumukyok o dumapa. Mas mabuti nang mabasa kaysa mamatay.”

Lunas sa Ingay

● Ang mga naninirahan sa lunsod ay karaniwang nagrereklamo tungkol sa maingay na mga kapitbahay. Ano ang magagawa tungkol dito? Si Propesor Kazuo Yamamoto ng Keio University sa Tokyo ay maaaring may lunas. “Sang-ayon sa kaniyang surbey,” ulat ng Mainichi Daily News, “kapag ang mga kapitbahay ay hindi nagkakakilala sa isa’t-isa, halos 65 porsiyento sa kanila ang nakadarama na ang ingay ay nakayayamot. Ang bilang ay bababa sa 35 porsiyento kapag ang magkakapitbahay ay nagtatanguan at bababa pa sa 20 porsiyento kung sila ay magkakilala at nag-uusap sa kalye.” Kaya, sabi ng propesor, kilalanin ang inyong mga kapitbahay.

Paggamit ng mga M.D. sa Gamot ng Kalikasan

● Bagaman pinag-aalinlanganan ng medikal na propesyon sa ilang bansa, nakita ng karamihan ng mga doktor sa Alemanya na ang mga gamot ng kalikasan ay mabisa. “Mahigit sa 60 porsiyento ng 67,000 mga doktor ng medisina sa Federal Republic of Germany ang paminsan-minsang gumagamit ng gamot ng kalikasan,” sabi ng The German Tribune. “Dalawampung porsiyento ang regular na nagrireseta ng mga damong-gamot at sa pagitan ng 5 at 10 porsiyento ang wala nang ginagamit pang iba.” Sang-ayon sa Stuttgarter Nachrichten, si Dr. Veronika Carstens, isang tagapagtaguyod ng pluralismo sa siyensiya, ay nagsabi: “Ang mga doktor sa ngayon ay kinakailangang maging masigasig na pagsamahin ang mahalagang nagawa ng modernong medisina at ang banayad, di nakasasama at kadalasan nang lubhang mabisang mga pamamaraan ng gamot ng kalikasan.”

Mga Sasakyang Pinatatakbo ng Alkohol

● Sinabi ng mga opisyal na Braziliano na ang kabuuang benta ng mga sasakyang pinatatakbo ng alkohol ay lumampas ng isang milyon sa pagtatapos ng 1983 at na halos 90 porsiyento ng lahat ng sasakyang naipagbili sa bansa ang ngayon ay may mga makina na pinaaandar ng alkohol. Kasabay nito, ang programa sa alkohol ng bansa, ang PROÁLCOOL, ay tumulong upang halinhan ang 35 porsiyentong kunsumo ng gasolina ng alkohol, binabawasan ang pag-aangkat ng langis ng 100,000 mga bariles isang araw at sa pamamaraan ay lumilikha ng 360,000 mga trabaho. Binanggit ng pulyeto ng pamahalaan na The National Alcohol Program PROÁLCOOL na ang produksiyon ng alkohol ay hindi pa rin makakakompitensiya sa presyo ng disel na langis, gayunman hindi mausok ang alkohol at hindi gaanong lumilikha ng polusyon sa hangin.