“Pumasok Ka Ba sa Tipunan ng Niyebe?”
“Pumasok Ka Ba sa Tipunan ng Niyebe?”
HABANG ang apoy ay mainit na nagliliyab sa loob, tahimik at marahang tinatakpan ng isang puting blangket ang bahay at ang lupa. Umuulan ng niyebe. Sa ilan, ang mga sandaling gaya nito ay nagpapangyari sa isipan na humanap ng kasagutan sa tanong na ibinangon mga dantaon na ang nakalipas: “Pumasok ka ba sa tipunan ng niyebe?” (Job 38:22, The New English Bible) Kahit na hanggang sa araw na ito, ang niyebe—ang pinagmulan, ang paglaki ng manipis na piraso, at ang disenyo nito—ay nakalilito sa isipan ng mga siyentipiko.
Ngunit ano nga ba ang magaang at malambot na bagay na ito? Sa maikli, ang niyebe ay isang kumpol ng mga kristal na yelo na ginawa mula sa singaw ng tubig sa himpapawid. Ang temperatura, kahalumigmigan (humidity), at barometric pressure ay tumutulong upang lilukin ang pagkagagandang may simetria na mga hugis ng mga kristal na yelo. Kung ang temperatura malapit sa lupa ay mataas sa 32° F. (0° C.) ang niyebe ay maaaring dumating sa atin bilang ulan. Ngunit kung ang temperatura ay mababa sa 32° F., ang maliliit na kristal ay magkukumpulan upang mag-anyo ng isang manipis na piraso ng niyebe.
Ngunit dapat ay may isang bagay na maaaring paligiran ng halumigmig, isang bagay na parang “binhi.” Ano ang maaaring gamitin? Ang anumang pagkaliliit na mga partikulo na lumulutang sa himpapawid ay maaari—alikabok, asin, o kahit na ang polusyon. Sa palibot ng mga nukleong ito, ang mga kristal ng yelo ay lalaki tungo sa lapad na anim-tulis na mga estrelya, heksagunal na mga haligi, o nagkikislapang mga karayom. Habang ang niyebe ay marahang nahuhulog sa lupa mula sa taas na mga anim na milya (10 km), maaari itong bumunggo sa iba pang mga kristal at mapasama rito, o maaari itong sumabog, nag-aanyo ng higit na “mga binhi” para sa mas maraming kristal.
Kakaiba ba ang Bawat Piraso ng Niyebe?
Narito ang dalawang estadistika na maaaring makagulat sa iyo: Ang isang piye cubico (.028 cu m) ng niyebe ay maaaring naglalaman ng 10 milyong piraso ng niyebe. At tinataya na mga kalahati ng ibabaw ng lupa at 10 porsiyento ng dagat, mga 48 milyong milya kuwadrado (124 milyong sq km), ang kung minsan ay nasa ilalim ng blangket na ito ng taglamig. Taglay ang lahat ng niyebeng iyon, posible kaya na walang dalawang piraso ng niyebe ang magkatulad? Oo!
Upang maunawaan kung bakit, isaalang-alang natin ang isa pang katotohanan. Ang milyun-milyong mga molekula ng tubig, na maaaring isaayos sa maraming iba’t ibang paraan, ay maaaring mag-anyo ng isang kristal na yelo. At nangangailangan ng isa hanggang sa mga isang daan ng mga kristal na yelong ito upang gumawa ng isang piraso ng niyebe. Sang-ayon kay Charles Knight, písikó sa U.S. National Center for Atmospheric Research, na kung ilalagay mo ang lahat ng mga bilang na ito sa isang computer, masusumpungan mo na mayroon pang higit na posibleng mga kombinasyon ng molekula sa bawat piraso ng niyebe kaysa mga piraso ng niyebe sa buong kasaysayan ng lupa.
Karagdagan pa, hinuhubog ng hangin sa palibot ng isang piraso ang paglaki nito. Gaya ng nabanggit kanina, ang halumigmig, temperatura, at barometric pressure ang lumililok sa niyebe. Gayunman, hinuhubog din ng hangin ang hugis nito. Ang lahat ng apat na salik na ito ay maaaring iba-iba sa pana-panahon. Ang nahuhulog na niyebe ay maaaring dumaan sa mga kumpol ng hangin na iba-iba ang temperatura. Maaaring itaboy ito ng hangin sa anumang bilang ng temperatura at kahalumigmigan
habang ito ay pababa sa lupa. At yamang walang dalawang piraso ng niyebe ang malamang na susunod sa iisang landas patungo sa lupa, ang bawat isa nga ay naiiba.Ang Ating “Thermal” na Blangket
Kung paanong ang marami ay nasisiyahan sa isang malambot, mainit na blangket sa isang malamig na gabi kung tagginaw, ang lupa ay mayroon ding kaniyang sariling blangket sa taglamig. Dahilan sa niyebe, ang mga pagbabago sa temperatura ng lupa ay alalay lamang. Napananatili ng lupa ang init na taglay nito bago ito natakpan ng niyebe. Sa gayon ang mga binhi ay napangangalagaan at ang mga pananim ay tutubo para sa susunod na panahon ng pag-aani.
Gayunman, ang lupa ay hindi lamang naiinsula sa pamamagitan ng blangket na niyebe; ito rin ay nalalagyan ng abono o pataba. Papaano? Dahilan sa mahalagang mga nitrato na idinideposito ng niyebe. Noong 1970s tinataya na ang katamtamang bagsak ng niyebe sa mga bukirin ay magdideposito ng mga halagang $20 ng nitrato sa bawat acre (.4 ha).
At alam mo ba na ang niyebe ay tinutukoy na ang pinakamabisang “dam” ng anupamang uri? Ang tubig ay napipigil o iniimbak sa anyo ng niyebe. Sa ganitong anyo maghihintay ito hanggang ito ay matunaw sa tagsibol. Kaya, pinipigil ng niyebe ang tubig na gaya ng pagpigil ng dam sa tubig. Gayunman, dahilan sa kakayahan nito na ibanaag ang mga silahis ng araw, ang niyebe ay unti-unting matutunaw, at sa paraang ito ang marami sa tubig ay tumatagos sa lupa sa halip na basta umagos dito.
Mahigit na 2,500 taon na ang nakalipas, ibinalangkas ng Bibliya ang mga pakinabang na ito ng ulan at niyebe sa pagsasabing: “Ang bumubuhos na ulan ay lumalagpak, at ang niyebe . . . [at] ay aktuwal na dinidilig ang lupa at pinasisibulan at panatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain.” (Isaias 55:10) Oo, para sa marami sa mga naninirahan sa lupa, ang tubig na kanilang iniinom at ang pagkain na kanilang kinakain, at pati na ang elektrisidad na kanilang ginagamit, ay maaaring tuwiran o di-tuwirang resulta ng paggamit sa “tipunan ng niyebe.”
[Kahon sa pahina 21]
Naitanong Mo Ba . . .
Ano ang kulay ng niyebe?
“Puti,” ang isasagot ng karamihan. Gayunman ang niyebe ay naaaninag; ito ay malinaw. Binubuo ito ng bilyun-bilyong pagkaliliit na mga prisma. Habang naglalagos ang liwanag sa bawat prismang kristal, inilalabas nito ang lahat ng kulay ng bahaghari. Ang ating mata, hindi kayang pangasiwaan ang lahat ng kulay na ito na minsanan, ay basta sinusuma itong lahat na—puti.
Bakit sumasakit ang aking likod pagkatapos magpala ng niyebe kung ang mga piraso ng niyebe ay napakagaang?
Ang timbang ng milyun-milyong piraso ng niyebe na nakasalansan sa isa’t-isa ay malaki. Halimbawa, kung ikaw ay nagpala ng niyebe mula sa isang tabing-daan na 50 piye ang haba (15 m) at 5 piye ang lapad (1.5 m) pagkatapos ng 15-pulgadang bagsak ng niyebe (38 cm), nabuhat mo ang mga 2,000 libra (900 kg) ng niyebe!
[Larawan sa pahina 21]
Ang mga kristal na yelo ay may simetria na lahat at anim-tulis ang hugis, gayunman walang magkatulad