Kaligayahan—Kung Ano ang Kinakailangan Upang Masumpungan Ito
Kaligayahan—Kung Ano ang Kinakailangan Upang Masumpungan Ito
DAPAT kang huminga. Dapat kang uminom. Dapat kang kumain. Dapat kang matulog. Lahat ng ito ay maliwanag. Hinihiling ito ng iyong katawan upang manatiling buháy. Ngunit higit, higit pa, ang kinakailangan upang ikaw ay lumigaya. Ang pananamit at tirahan, mangyari pa, at, oo, ang ibang materyal na mga pangangailangan, pati na ang ilang simpleng kaginhawaan at kasiyahan. Sinasabi ng marami na ang maraming pera ay makapagpapaligaya sa kanila—gayunman maraming mayaman ay miserable rin.
Ano nga ba ang ating mga pangangailangan para lumigaya?
Isaalang-alang ang ilustrasyong ito. Tayo ay bumibili ng isang kotse. Sinasabi sa atin ng maygawa nito ang mga pangangailangan nito: gatong sa tangke, tubig sa radyetor, hangin sa mga gulong, langis sa crankcase, at iba pa. Tinutugon natin ang mga pangangailangan nito. Ito ay tumatakbo nang maayos.
Ngunit ano ang ating mga pangangailangan? Higit na masalimuot kaysa anumang makina. May espiritu sa loob ng tao na may mga pangangailangan na higit pa sa materyal na mga bagay. Malibang ang mga pangangailangang ito ng espiritu na nasa loob natin ay matugunan, walang kasiyahan, walang kaligayahan. Ang kaligayahan ay isang panloob na gawain, sabihin pa. Ganito ang pagkakagawa sa atin. Ang mga pangangailangan kapuwa ng katawan at ng espiritu ay dapat matugunan. Idiniin ito ni Jesus: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Kailangan ang pagkakatimbang sa pagitan ng materyal at espirituwal. Pabayaan mo ang alinman dito at may kulang. Sa dalawa, ang mas mahalaga ang kalimitang napapabayaan. Ang maligayang buhay ay hindi ang pagpapasasa sa luho. Ang maligayang tao ay hindi kontento sa nabibiling kasiyahan, sa discotheque o night-club na ideya ng paggu-good time. Inuunawa niya ang karunungan ni Jesus na nagsabi: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Nakalulungkot, gayunman, inuuna ng marami ang materyal kaysa espirituwal, nagkukulang ng panloob na kapayapaan at kasiyahan, at hindi kailanman nalalaman kung bakit.
Nalalaman ng ilang iginagalang na mga siyentipiko kung bakit: Ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay mali.
Si René Dubos ay nagsasabi: “Dinadala ng siyentipikong teknolohiya ang kasalukuyang modernong kabihasnan sa isang landasin ng pagpapatiwakal kung hindi ito babaguhin sa panahon. . . . [Ang mayamang mga bansa] ay kumikilos na para bang ang kagyat na pagbibigay-kasiyahan sa lahat ng kanilang mga kapritso at pakiusap ang tanging criteria ng pag-uugali . . . Ang nakataya, samakatuwid, ay hindi lamang ang pagdambong sa kalikasan kundi ang pagdambong sa kinabukasan mismo ng sangkatauhan. . . . Ewan ko lamang kung matitiis pa ng sangkatauhan ang ating kakatuwang paraan ng pamumuhay nang hindi nawawala ang pinakamabuti sa pagkatao. Ang Kanluraning tao ay pipili ng isang bagong lipunan o ang isang bagong lipunan ang lilipol sa kaniya.”
Si Erich Fromm ay sumasang-ayon ngunit inaakala niya na “ang bagong lipunan at bagong Tao ay posible lamang kung ang dating mga pangganyak ng pakinabang, kapangyarihan, at talino ay hahalinhan ng bagong: pagkatao, pagbahagi, pag-unawa.” Tinukoy niya ang mga report na isinagawa ng Club of Rome na binabanggit na tanging sa pamamagitan ng mahigpit na pangkabuhayan at teknolohikal na mga pagbabago “maiiwasan ng sangkatauhan ang malaki at pangwakas na pangglobong kapahamakan.” Sinabi ni Fromm na ang mga pagbabagong ito ay darating lamang kung una’y “magkakaroon ng napakahalagang pagbabago sa kasalukuyang pag-uugali ng Tao. . . . Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ang pisikal na kaligtasan ng lahi ng tao ay depende sa isang lubusang pagbabago ng puso ng tao.” Si Albert Schweitzer ay sumasang-ayon na ang mga problema “ay malulutas lamang ng isang panloob na pagbabago ng ugali o pagkatao.”
‘Isang napakahalagang pagbabago sa ugali ng tao? Isang pagbabago ng puso?’ Oo! At binanggit iyan ng Bibliya mga 19 siglo na ang nakalipas. “Huwag kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay,” sabi nito, “kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip.” Muli, “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Roma 12:2; Colosas 3:9, 10.
“Ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito?” Genesis 1:27, 28) Iyan ang larawan na dapat ipabanaag ng tao. Ganiyan ang pagkagawa sa kaniya. Iyan ang tumitiyak sa kaniyang espirituwal na mga pangangailangan. Ang pagtugon sa mga pangangailangang iyon ang kinakailangan upang lumigaya ang tao!
Oo! Ang larawan ng Diyos na Jehova, na sa kaniyang wangis nilikha ang tao! (Si Jehova ay isang Diyos ng layunin, at siya’y gumagawa upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. Ang tao na ayon sa kaniyang larawan ay nangangailangan din na gumawa na may makahulugang layunin. Iyan ay lumilikha ng problema. “Sa ilalim ng modernong industriyal na mga kalagayan,” sabi ng saykayatris na si Smiley Blanton, “parami nang paraming tao ang nakakasumpong na sila . . . ay maliliit na piyesa lamang, sa isang pagkalaki-laking makina na pinangangasiwaan ng malayong manedyer. Ang trabaho ay naging natatangi at baha-bahagi sa punto na ito ay nagdudulot ng kaunting kahalagahan, at ang manggagawa mismo ay nagiging di-kilalang tapakán upang tuntungan ng iba.”
Sa ilalim ng sistemang ito ang karamihan ng trabaho ay lumilikha ng kaigtingan at walang kahulugan. Gayunman tayo ay may lubhang pangangailangan sa buhay na makahulugan. Ang saykayatris na si Viktor Frankl ay sumulat: “Ang pagsusumikap upang makasumpong ng kahulugan sa buhay ang pangunahing gumaganyak na puwersa sa tao. . . . Walang ibang bagay sa daigdig, sa palagay ko, na pinakamabisang tutulong sa isa upang maligtasan kahit na ang pinakamalubhang mga kalagayan, gaya ng pagkaalam na may kahulugan ang buhay.”
Papaano natin madarama na ang ating buhay ay makahulugan? Sa kalawakan ng sansinukob ang ating lupa ay isang maliit na batik. Ang bawat isa sa atin ay isa lamang sa mahigit apat na bilyon sa batik na ito. Ang bawat isa ay wala kundi isang amoeba. Papaano tayo magiging mahalaga? Kahit ang Bibliya ay nagsasabi na ang tao ay gaya ng damo na natutuyo, ng bulaklak na nalalanta, ng anino na nagdaraan, ng singaw na lumilitaw ngunit pagdaka’y naglalaho. (Awit 103:15, 16; 144:4; Santiago 4:14) Maliban . . . maliban na tayo ay makipag-ugnayan sa dakilang makapangyarihang Isa na lumikha ng sansinukob. Maliban sa ang makapangyarihang Isa na iyon na siya ring lumalang sa atin ay may layunin para sa atin. Saka lamang na ang ating buhay ay magiging makabuluhan at magtatagal kaysa damo, bulaklak, anino, at singaw.
At ganiyan nga ang kalagayan. Ang tao ay nilikha ng Diyos, binigyan ng isang gawain na pangangalaga sa lupa at sa mga pananim at mga hayop dito. Isang napakamakahulugang gawain—na hindi naisagawa ng sangkatauhan. Hindi lamang kinaligtaang gawin ito kundi bagkus ay aktuwal na sinisira pa nga ang lupa. (Genesis 1:28; 2:15; Apocalipsis 11:18) Sa paggawa ng gayon pinagkaitan niya ang kaniyang buhay ng tanging nagtatagal na kabuluhan.
Ang mga tao ay may pangangailangan sa Diyos, isang panloob na simbuyo na nag-uudyok sa kanila “upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Ang Dakilang Maylikha na ito ay mababanaag sa kalangitan at sa lupa sa paligid natin. Ang kaniyang di nakikitang mga katangian—kapangyarihan, karunungan, pagka-Diyos—ay nakikita sa mga bagay na kaniyang ginawa. Walang dahilan, walang katuwiran, itinuro ng marami na ang lupa at ang buhay dito ay basta nagkataon na sumulpot na lamang. Sa paggawa ng gayon ikinakaila nila ang pumapatnubay na mga simulain at mga pagpapahalaga na lubhang kinakailangan ng tao. May kabulagang inaakay nila ang kanilang bulag na mga tagasunod na papalayo sa kanilang tanging pagkakataon para sa isang malalim, nasisiyahang kaligayahan.—Roma 1:20; Mateo 15:14.
Gayumpaman, lahat ng sangkatauhan, pati na ang sopistikadong mga intelektuwal, ay umaapuhap sa isang diyos, at maraming beses ay nasumpungan nila ang anumang diyos maliban sa tunay na Makapangyarihan-sa-lahat na Diyos. Kinikilala ng maraming saykayatris ang katutubong pangangailangan ng tao na sumamba sa mas nakatataas na kapangyarihan. Sinabi ni Rollo May na sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos “ang indibiduwal ay nagkakaroon ng pagkadama ng kaniyang kaliitan at kawalang-halaga sa harap ng kadakilaan ng sansinukob at ng mga layunin doon ng Diyos. . . . Makikilala niya na may mga layunin na umiikot sa mga arko na mas malalaki kaysa sa kaniyang iniikutan, at na sisikapin niyang iayon ang kaniyang sarili sa mga ito.”
Ganito ang sabi ni C. G. Jung: “Ang indibiduwal na hindi nakasalig sa Diyos ay walang itatagal sa ganang kaniya sa pisikal at moral na mga pang-aakit ng sanlibutan. . . . Ang relihiyon . . . ay isang katutubong saloobin na natatangi sa tao, at ang mga katunayan nito ay matutunton sa buong kasaysayan ng tao. . . . [Ang] ideya ng isang makapangyarihan-sa-lahat na Diyos ay presente saanman, kung hindi man sadyang kinikilala, kung gayon di-sinasadyang tinatanggap . . . Kaya itinuturing ko na mas matalino na sadyang kilalanin ang ideya ng Diyos; kung hindi ibang bagay ang nagiging diyos, karaniwang isang bagay na lubhang di-angkop at walang saysay.”
Walang alinlangang ipinahahayag ng buong kasaysayan ng tao na ang tao ay may katutubong pagnanais na sumamba. Mula sa kauna-unahang mga tribo hanggang sa pinakaedukadong mga lipunan, ang tao ay naglagay ng mga diyos—maraming beses nang may kahangalan. Mga bato, mga punungkahoy, bundok, mga hayop, mga lider na tao, salapi, ang kanilang tiyan, at pati na si Satanas na Diyablo (na siyang nais ni Satanas na gawin ni Jesus). Ang hindi makasiyentipikong pilosopya ng ebolusyon ay naging isang makabagong-panahong relihiyon para sa angaw-angaw—isang relihiyon na batay lamang sa “diyos ng Mabuting Kapalaran.” Isa pa, ang marami na nag-aangking sumasamba sa tunay na Diyos ay sumasamba lamang sa bibig at naglalagay lamang ng ‘isang anyo ng kabanalan.’ (Isaias 65:11; 2 Timoteo 3:5; Filipos 3:19; Colosas 3:5; Mateo 4:9; 7:21) Malibang magkaroon ng wastong katuparan ang pangangailangang ito na pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, pati na ang lahat ng iba pang mga pangangailangan, hindi magkakaroon ng malalim-ang-pagkakaugat na kasiyahan o nagtatagal na kaligayahan ang tao. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng kung ano ang kinakailangan upang tayo ay lumigaya.
Si Jehova ay isang Diyos ng pag-ibig. Ibinigay ng kaniyang Anak na si Jesus ang kaniyang buhay dahilan sa pag-ibig niya sa atin. Ang dalawang pinakadakilang utos ay ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapuwa. Ang pag-ibig ay tumatakip ng maraming kasalanan. Ang pag-ibig ay nagdidisiplina na nagsasanay sa atin sa katuwiran. Ang pag-ibig ay isang sakdal na buklod ng pagkakaisa sa gitna natin. Ang pag-ibig ang palatandaan ng mga alagad ni Jesus. Itong uring ito ng pag-ibig, ang magandang-loob na agape na pag-ibig ang hindi kailanman mabibigo.—1 Juan 4:8; Juan 15:13; Mateo 22:36-40; 1 Pedro 4:8; Hebreo 12:6, 11; Colosas 3:14; Juan 13:35.
Ang maka-Diyos na pag-ibig ang napakagandang inilalarawan ni apostol Pablo sa 1 Corinto 13:4-8: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob. Ang pag-ibig ay hindi naninibugho, ito’y hindi nagmamapuri, hindi nagpapalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis. Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”
Itong maka-Diyos na katangian ng pag-ibig ang dapat nating ipabanaag. Ito’y isang espirituwal na pangangailangan na dapat punán upang tayo’y lumigaya. “Ang simulain na pinakasaligan ng kapitalistang lipunan at ang simulain ng pag-ibig ay hindi magkasuwato,” sabi ni Fromm, at dagdag pa niya: “Ang pag-ibig lamang ang matino at kasiya-siyang sagot sa problema ng pag-iral ng tao . . . , ang pangwakas at tunay na pangangailangan ng bawat tao.” Ito ay isang mahalagang pangangailangan, sang-ayon kay Smiley Blanton: “Kung walang pag-ibig, mawawalan tayo ng pagnanais na mabuhay. . . . Ang pag-ibig-sa-sarili ay isang normal na katangian ng bawat malusog na tao. Ang pagkakaroon ng wastong pagpapalagay sa sarili ay kailangang-kailangan sa lahat ng gawain at tagumpay. Kung tayo ay lubhang mabagsik at palapintasin sa sarili nating paggawi, maaaring panghinain ng ating pagkadama ng kasalanan ang pagnanais na mabuhay at, sa sukdulang mga kaso, ay maging sanhi ng pagpapatiwakal.”
Matagal na bago pa nito, binanggit ni Jesus ang pag-ibig sa sarili gayundin ang pag-ibig sa iba nang kaniyang sabihin: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Ang pag-big, gaya ng isang kalamnan, ay lumalakas sa paggamit. Sa kabilang dako, ang pag-ibig, gaya ng pananampalataya, ay patay kung walang gawa. Maghasik ng pag-ibig upang umani nito. Ang pag-ibig ay pagbibigay. “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao.” Gayunman, ang isa na umiibig at nagbibigay ay hindi gumagawa ng gayon upang tumanggap ng ganti. Ang pagbibigay ay may kaniyang gantimpala. Gaya ng sabi ni Jesus, “May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.” Ikaw ay nagbibigay, ikaw ay tumatanggap, ngunit hindi ka nagbibigay upang tumanggap.—Mateo 22:39; Lucas 6:38; Gawa 20:35; Santiago 2:26.
Nahahawig sa pagbibigay ang pagbahagi, hindi ng materyal na mga bagay, kundi ng mga ideya, mga karanasan, mga kaligayahan, pananabik, panloob na damdamin, pati ng mga kalungkutan. Ganito ang sabi ng isang saykayatris: “Isa sa pinakamatinding anyo ng kaligayahan ng tao ay: ang ibinahaging kasiyahan.” Naranasan mo na bang mag-isang masdan nang may paghanga ang kagila-gilalas na paglubog ng araw at ninasa mo na sana’y naroon din ang mahal mo upang makibahagi sa iyong kasiyahan? O mayroon ka bang kapana-panabik na balita ngunit wala kang mapagsabihan nito? O ikaw ay hangang-hangang nakatitig sa isang mabagyong karagatan na may malalakas na alon na sumasalpok sa mabatong baybayin at pumapaitaas sa himpapawid, at nanghihinayang ka sapagkat wala kang kasama upang makibahagi sa kapana-panabik na tanawin? O Roma 12:15.
sabihin pa’y isang napakalungkot na tagpo na umantig sa iyong damdamin, ngunit hindi mo lubusang masabi sa iba? Tayo ay nananabik na ipahayag ang ating mga damdamin, gaya ng sabi ni apostol Pablo: “Makigalak kayo sa mga taong nagagalak; makiiyak kayo sa mga taong nagsisiiyak.”—Waring iyan ay simple. Totoo rin ito. Ang saykayatris na si James Fisher ay nagsabi: “Ang dakilang palaisip na mga tao . . . ay nagbabala sa panganib ng paghahangad ng makalupang mga kayamanan, at masugid na iminumungkahi ang simpleng pamumuhay.” Ang tunay na mga kasiyahan ay nasusumpungan sa simpleng mga bagay at sa kamangha-manghang mga bagay na ginawa ng Diyos: ang itim na bobidang pelús kung saan ang laksa-laksang mga bituin ay kumukutitap at kumikislap, ang init ng araw, ang lamig ng simoy ng hangin. Ang halimuyak ng mga bulaklak, ang awit ng mga ibon, ang magandang kilos ng mga hayop. Ang mga kabundukan at ang matatarik na mga dalisdis. Ang matuling agos ng mga dagat at marahang lagasgas ng mga batis, ang mayabong na kaparangan at ang masukal na mga kagubatan, ang kislap ng niyebe sa araw. Ang tagiktik ng ulan sa bubungan, ang huni ng kuliglig sa bodega sa silong, ang kokak ng palaka sa lawa, ang saboy ng isda na lumilikha ng mumunting alon na kumakalat nang pabilog sa ilalim ng liwanag ng buwan.
Higit pang kasiyahan ang nasumpungan sa mabubuting kasama, sapagkat ang tao ay nilikhang maibigin sa pakikipamuhay sa kapuwa, na may pangangailangang umanib. Ang mabait na alaala, ang maawaing haplos, ang mayuming kilos, ang matamis na ngiti, ang maibiging kilos, ang halakhak ng mga naglalarong bata, ang paglaguklok ng sanggol sa kuna, ang dangal at karunungan ng matanda na mayaman sa mga karanasan sa buhay—ang mga bagay na ito ang nakasisiya.
Ito ang mga bagay na mahalaga, hindi kung ano wari tayo. Ito ang pag-big na taglay natin, hindi ang sosyal na katayuan na ating nakakamit. Ito ay kung ano ang ating maibibigay, hindi kung ano ang ating makukuha. Ito ang kayamanan sa langit na taglay natin, hindi ang tinitipong mga ginto sa lupa. Ang kasiyahan sa maliliit na bagay sa halip na ang pagkabalisa sa malalaking bagay ang siyang mahalaga. Ang mayaman at batang pinuno ay mayroong mga bagay-bagay, ang mga Fariseong kunway banal, ngunit ang mayaman at batang pinuno ay hindi maligaya at ang mga Fariseo ay hindi banal. Ang pagkakaroon natin ng mga kaisipan ng Diyos upang magpatalino sa atin, ang paggamit ng karunungang ito upang ituon ang ating kapangyarihan, ang pagsunod sa kaniyang mga simulain upang tiyakin ang katarungan, ang pagtulad sa kaniya sa pagpapakita ng pag-ibig—lahat ng ito ay kinakailangan upang punán ang hangaring ito na nilikha niya sa atin.
At lahat ng ito ang siyang kinakailangan upang tayo ay maging maligaya.
[Blurb sa pahina 5]
Ang kaligtasan ay “depende sa lubusang pagbabago ng puso ng tao”
[Blurb sa pahina 7]
“Ang pagsusumikap na hanapin ang kahulugan sa buhay ang pangunahing gumaganyak na puwersa sa tao”
[Blurb sa pahina 9]
“Kung walang pag-ibig, mawawalan tayo ng pagnanais na mabuhay”
[Kahon sa pahina 10]
Kaligayahan sa Pamamagitan ng Karunungan ng Diyos
“Maligaya ang sinuman na nagpapakundangan sa dukha.”—Awit 41:1
“Maligaya silang nag-iingat ng kahatulan, siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.”—Awit 106:3
“Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”—Awit 144:15
“Maligaya ang tao na nakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang kalakal niya ay maigi kaysa kalakal na pilak, at ang pakinabang niyaon kaysa dalisay na ginto.”—Kawikaan 3:13, 14
“Maligaya siya na naaawa sa dukha.”—Kawikaan 14:21
“Maligaya siya na nananalig kay Jehova.”—Kawikaan 16:20
“Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3
Ang kaligayahan ay nagmumula sa isa na naglagay ng pangangailangang iyon sa atin, ang ating Maylikhang si Jehovang Diyos
[Larawan sa pahina 6]
Ang tao ay nilikha ng Diyos, binigyan ng gawain na pangalagaan ang lupa at ang mga pananim at hayop dito
[Larawan sa pahina 8]
Ang tunay na mga kasiyahan ay masusumpungan sa mga simpleng bagay