Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nagsasalita ang Salapi

Kapag Nagsasalita ang Salapi

Kapag Nagsasalita ang Salapi

KILALA mo ba ako? Dapat, sapagkat ako ang pinakahahangad na bagay sa balat ng lupa. Ako’y makikilala sa alinmang halos bahagi ng daigdig, anumang wika. Iilan lamang sa anumang lupain ang mag-iisip na magtungo saanman na wala ako. Ang mga digmaan at ang haba nito ay kadalasang hinuhulaan sa kasaganaan at pagkanagagamit ko.

Ang mga bata ay ninanakaw sa kanilang mga magulang dahilan sa pantubos na ibabayad ko. Ako ay kinukuha sa tutok ng baril o malayang iniaabot sa mga tao na gumagawa ng palsong mga pangako. Ang ilang mga babae ay nagaasawa dahilan sa akin, ang iba ay nagdidiborsiyo dahilan sa akin. Maaari kong papaghiwalayin ang mga pamilya at magdala ng lubhang maraming kaabahan doon sa mga umiibig sa akin. Minsan ay nakita ko ang isang lalaki na ipinagkanulo ang pinakamatalik na kaibigan na maaari niyang matagpuan sa 30 pirasong gaya ko.

Posible na ang mga tao ay nakagagawa ng higit na sakuna at nagtatagal na pinsala sa isa’t-isa sa ngalan ko kaysa sa anumang ibang dahilan. Ang pag-ibig sa akin ay tunay na “ugat ng lahat ng uring kasamaan.”​—1 Timoteo 6:10.

Ang aking pangalan ay Salapi! Minsan ay inilarawan ako ng Amerikanong manunulat, si Washington Irving, bilang “ang makapangyarihan-sa-lahat na dolyar, ang dakilang paksa ng pansansinukob na debosyon sa ating buong bansa.” Ngunit sa iyong bansa ako’y maaaring tinatawag na peso, pound, franc, o forint. Anuman ang tawag sa akin, naririyan ang hibang at halos mahalay na paghahangad sa akin.

Ako’y iba’t ibang bagay sa iba-ibang tao. Ako’y salaping pansuhol, salaping pantikom-bibig, at kickback na salapi. Ako’y salaping ninakaw, salaping buhay ang ipinuhunan, at sustento. Ako’y salaping pandroga, salaping pang-inom, at salaping pantabako. Ilan lamang ito sa mga gamit ng ilan na pinagbabayaran ng buhay at braso. Sa iba, ako ay isang mahalaga ngunit napakailap na pang-araw-araw na salaping gastusin​—pinararatangan ako ng ilan na nagtataglay ng mga pakpak na panlipad. Yaong mga may walang-maliw na pag-ibig sa akin ay kinikiliti ang kanilang mga sarili ng maningning na mga pangitain ng kayamanan at kaligayahan. Ngunit sa aba, kahit na ako’y isang bunton, nakalulungkot sabihin, nasumpungan ng ilan na hindi ako nakapagdulot ng tunay na kaligayahan na inaakala nila, kaya ang dami ng nagpapatiwakal sa gitna nila ay nakalilito. Mga resma ang naisulat upang ipakita na ako ay hindi panlunas sa lahat na inaakala ng mga tao.

Hindi ako gaya ng dati. Ang aking hitsura ay maaaring nagbago sa pisikal. Sa Estados Unidos ng Amerika, ang Kagawaran ng Pananalapi ay nag-iisip na na baguhin ang aking anyo, gaya ng pag-iimprenta sa akin sa iba’t ibang kulay ng papel upang sawatain ang panghuhuwad. Ginagamit ang pinakamodernong teknolohiya sa paglilimbag, ako ngayon ay maaaring buong husay na kopyahin anupa’t mahihirapan kahit na ang isang sanay na mata na makilala ako sa isa na palsipikado. Subalit, anuman ang kulay, mahirap pa rin akong makuha at mapagkasiya na gaya ng dati.

Ngunit ang talagang malaking pagbabago na nasaksihan mo ay may kaugnayan sa aking halaga. Ito ay may kinalaman sa paglaki at pagliit ng halaga ng salapi o ang tinatawag na desimplasyon at implasyon. Kapag ako ay labis-labis, ang aking halaga ay lumiliit. Hindi lamang lumalaki ang iyong mga alalahanin at mga pagkabalisa kundi ang halaga ng mga bagay na ipinagpapalit mo sa akin. Kaya, kung ano ang nabibili mo noon sa isa o ilang gaya ko, sa ngayon ay mangangailangan ng maraming gaya ko.

Hindi matatandaan ng marami sa inyo ang taóng 1908, ngunit sa akin ito’y parang kahapon lamang. Kailangan mong paghambingin ang mga halaga sa iyong guniguni. Gusto mo ba ng bigas? Nang taóng iyon (sa perang Amerikano) ang sampung libra ay magkakahalaga ng 65 cents. Ang limang librang kape ay mabibili sa halagang 95 cents. Naiibigan mo ba ang mga pancake at syrup sa almusal? Isip-isipin kung gaano katagal mong gagamitin ang limang-galong lata ng syrup​—ang lahat ay sa napakababang halaga na $1.89. Mahilig ka ba sa tinapang tunsóy? Kung gayon makakayanan ito ng bulsa mo sapagkat ang isang limang-librang timba nito ay nagkakahalaga lamang ng 87 cents, o 69 cents para sa anim na lata ng salmon. Ang anim na lata ng sopas​—maaari kang makapamili ng iba’t ibang klase, pati ang turtle soup, sa halaga lamang na 45 cents; o matamis na mais, ang anim na lata ay 41 cents; o anim na malalaking lata ng kamatis sa halagang 60 cents. Aakalain mo ba na ang isang libra-at-kalahati na lata ng inasnang mani ay 21 cents lamang? Ilan lamang ito sa mga halimbawa.

Marahil nais mong bumili ng mga muwebles para sa iyong silid. Marahil ay isang kamang tanso? Kaya ba ng badyet mo ang $16.45? Kung hindi mo nagugustuhan ang tanso sa taóng ito, kumusta naman itong magandang tatlong pirasong huwego​—apat na kahon, may salamin na tukador, may katernong lababo, at kama na panay encina, ang lahat ay sa napakababang halaga na $14.95? Katiting na halaga lamang sa mga presyo ngayon. Ikaw ba, o ang sinumang membro ng iyong pamilya, ay tumutugtog ng piyano? Kung gayon narito ang isang maganda ang pagkakaukit na modelong kamagong o nogales na Pranses na makukuha mo sa halagang $68.00 lamang. Ah, oo, ang lahat ng ito at marami, marami pang iba ang nabibili ko noong taóng 1908.

Subalit, noong taóng 1930, nagkaroon ng malaking pagbabago sa aking kakayahang bumili. Ang halaga ko ay lumiit sa eksaktong kalahati ng kung ano ito noong 1908. Bilang isang-dolyar na perang papel, ang halaga ko ngayon ay 50 cents. Ang lubhang pagdami ko at ang pagliit ng aking halaga na nakabalisa sa iyo ay hindi na ngayon mapatigil. Nang taóng 1960, ako ay lumiit sa halagang 28 cents. Nang 1982, siyam na cents. At sa taóng 2000, ako ay inaasahan na liliit pa sa halagang apat na kusing.

Habang nangyayari ito sa Amerika, ang Alemanya man ay mayroon ding mga problema sa pananalapi. Bago ang Digmaang Pandaigdig I, ang halaga ng German mark ay napakataas. Ngunit noong taóng 1923, ako, bilang isang German mark, ay lumiit ang halaga anupa’t ang isang karetilyang puno ng gaya ko ay hindi man lamang makabibili ng isang peryodiko. Ipinambabayad ng mga tao ang 20-taóng binayarang mga polisa sa seguro para sa isang tinapay na pan Amerikano. Kung ano ang mabibili ng isang Amerikanong dolyar, nangailangan ng isang trilyon na gaya ko sa Alemanya. Nang lumabas ang perang papel na isang-libong-bilyon-mark upang maging mas kombiniyente para sa gumagasta, ito’y lubhang walang halaga anupa’t iilan lamang ang nag-aabala na maghintay pa sa kanilang sukli. Sa wakas ay kinailangan ang isang ganap na bagong sistema ng pananalapi upang gawing matatag ang bansa.

Sa buong daigdig, ang mga tao ay naglalagak ng kanilang tiwala sa akin. Inaakala nila, kung makakamit nila ako, ako na ang panlunas sa lahat ng kanilang problema. Sa wakas ako ay napatunayan na hindi gayon. Ako’y isa lamang piraso ng papel o ilang mga barya. Ang halaga ko lamang ay kung ano ang aking mabibili. Kapag wala na ang aking kakayahang bumili, kung gayon ako’y walang halaga. Naaalaala ko kung ano ang minsan ay sinabi ng isang matalinong hari, Solomon ang pangalan: “Ang iyong salapi ay maaaring mawala sa isang iglap, parang nagkapakpak at lumipad na gaya ng isang agila.” (Kawikaan 23:5, Today’s English Version) Anong kabalintunaan nga na ang agila, na ang mga pakpak ay nakaladlad na handang lumipad, ay nakatatak sa akin, ang Amerikanong dolyar. Maaari kayang ito’y nagsasabi, sa kaniyang tahimik na paraan, ‘Mag-ingat, ikaw na humahabol sa akin! Ako ay lilipad.’

Yamang ako ay mailap, isang bagay na mahirap makuha at mapagkasiya, tila makabubuti na pakaingat kung paano ako gagastahin. Kung ikaw ay palaisip sa badyet habang tinutulak mo ang kariton sa mga pasilyo ng supermarket ngunit nadidismaya ka naman kapag inihahambing mo ang iyong resibo sa iyong badyet, kung gayon magpakatibay-loob. Ang isang kuwenta ng pagkain ay hindi katulad ng isang kuwenta ng supermarket. Gaano karaming di nakakain na mga bagay ang iyong binili​—mga suplay ng papel, mga sabong pampaligo at panlaba, mga pabango at pampaganda, upang banggitin lamang ang ilan?

Yamang nagugol ko ang buong buhay ko sa mga kamay at mga bulsa ng lahat ng uri ng mga mamimili, ang mga matalino at mga mangmang, ang mga eksperto na palaisip sa badyet at ang mga karaniwang tao, nakapulot ako ng maraming tip sa pag-iimpok ng sarili ko. Ang ilan ay maaaring makatulong sa iyo. Narito ang sinasabi ng mga dalubhasa.

Gumawa ng listahan ng kung ano ang kinakailangan mong bilhin bago mamili at bilhin lamang kung ano ang nasa listahan. Huwag mamili ng pagkain kapag ikaw ay nagugutom. Ang iyong tiyan ay maaaring mapatunayan na mas malaki kaysa iyong bulsa. Huwag dalhin ang mga bata kapag ikaw ay namimili, malibang ikaw ay handa na pakitunguhan ang eksena na maaaring mangyari sa checkout counter kapag tinanggihan mong idagdag ang mga bagay na inilagay ng iyong mga anak sa kariton nang ikaw ay hindi nakatingin. At maaaring mas mabuti na huwag isama ang iyong mister​—sa karamihang kaso ang mga lalaki ay padalus-dalos na mga mamimili.

Abangan sa mga peryodiko ang mga sale at bilhin lamang ang mga bagay na baratilyo. Bumili ng may mga kupon para sa karagdagang katipiran. Ang ibang mga tindahan ay nagtatampok ng isang araw kung saan sila ay nagbibigay ng dobleng kupon kung saan ang halaga ng diskuwento ay doble.

Ngunit huwag mamili nang madalas. Ang mga estadistika, sabi ng mga dalubhasa, ay nagpapakita na kapag ikaw ay mamimili minsan o makalawa lamang sa isang linggo malamang na ikaw ay gumasta nang kaunti. Huwag magtatagal. Ipinakikita ng mga surbey sa supermarket na sa bawat minuto na itatagal mo na higit sa 30 minuto, ikaw ay gugugol ng karagdagang 50 cents.

Bilhin ang tamang laki, sabi ng isa pang dalubhasa. Ang pinakamalaking mga lata ng gisantes o beans, kamatis o prutas, at iba pang mga bagay, sa karamihang kaso ay kadalasan nang mas matipid kaysa mas maliliit na lata. Totoo rin ito sa isang galong gatas kung ihahambing sa isang quart na gatas. Ngunit tiyakin na ang iyong pamilya ay sapat ang laki upang ubusin ang economy size.

Yamang ang transportasyon ay magastos, bawasan ang iyong pagtungo sa tindahan o sa ibang mga lugar. Patiunang iplano at pagsamahin ang iyong maiikling biyahe sa kotse. Ang paggamit ng kotse sa pagpunta sa iba’t ibang tindahan upang habulin ang mga baratilyo ay maaaring makapagtipid ng ilang sentimo samantalang nilalaklak ng gasolina ang mga dolyar.

Maliwanag sa lahat, kung gayon, na ako ay labas-masok sa iyong mga bulsa na gaya ng isang kidlat. Gayunman, ako ay mahalagang bagay sa iyong buhay. Maaari kitang dulutan ng panadaliang kaligayahan kung mamalasin mo ako sa kung ano ang tunay kong halaga. Ngunit kung labis ang pagtantiya mo sa aking halaga at gagawin mo akong pangunahing tunguhin mo sa buhay, maaari akong maging mapanganib!

[Larawan sa pahina 25]

Sabi ng iba na ako ay basta lumilipad!

[Larawan sa pahina 26]

Ang isang karetilyang punô ng gaya ko ay hindi man lamang makabibili ng isang peryodiko

[Larawan sa pahina 27]

Kung gagawin mo akong pangunahing tunguhin mo sa buhay, maaari akong maging mapanganib!