Paano Ba Ako Pipili ng Isang Karera?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ba Ako Pipili ng Isang Karera?
“NANG dumating ang aking 60-araw na pagtaya,” paliwanag ni Emily, isang kabataang babae na nasa mga edad 20, “ipinaalam sa akin ng aking superbisor na binigyan niya ako ng napakataas na marka . . . anupa’t makatitiyak ako ng isang karera sa kompanya.”
Si Emily ay kailangang magpasiya: tanggapin ang isang umento sa isang trabaho na mahusay ang sahod at lahat ng mga bentaha nito—pantanging pagsasanay, prestihiyo, materyal na mga pakinabang—o humanap ng part-time na trabaho upang maitaguyod ang isa pang karera na pinagsasanayan niya. Ang kaniyang pasiya ay magkakaroon ng malayuang mga epekto sa kaniyang buhay.
Bagaman si Emily ay hindi na nag-aaral, ang kaniyang pipiliing karera ay kinakailangan pang tiyakin. At kung ikaw ay nasa iyong huling taon ng high school (kilala bilang paaralang sekondarya sa ilang mga bansa), malamang na ikaw ay nasa yugto ng pagpapasiya sa iyong buhay. ‘Dapat ko bang ipagpatuloy ang aking edukasyon sa isang unibersidad?’ maaaring itanong mo sa iyong sarili. ‘Dapat ba akong matuto ng isang hanapbuhay?’
Kung Saan Makakasumpong ng Mabuting Payo
Ganito ang sabi ng isang kawikaan: “Siyang nakikinig sa payo ay pantas.” (Kawikaan 12:15) Ang ilang mga paaralan ay naglalaan ng mga tagapayo para sa mga estudyante upang tulungan sila na pumili ng isang karera o tulungan sila na maglagay ng mga tunguhin. Kung ang iyong paaralan ay may gayong programa, masusumpungan mo na ang payong ibinibigay ay kadalasang humihimok sa iyo na samantalahin ang kahilingang mga taon sa pag-aaral at tapusin ang mga ito. Bakit? Sapagkat ang edukasyon ay mahalaga sa pagkasumpong ng dako sa daigdig ng pagtatrabaho. a Ganito ang paliwanag ng Royal Bank of Canada, sa Monthly Letter nito: Ang isa “na hindi sinasamantala ang lahat ng mga pagkakataon na matuto sa paaralan ay nasa disbentaha sa kompetisyon sa iba sa dakong huli ng buhay.”
Ang paghinto mo sa high school ay maaaring makahadlang sa iyong tagumpay sa pagkuha ng isang trabaho. Tahasang ipinakita ng isang report na “ang mga nagsitigil sa pag-aaral ay mas nasa disbentaha ngayon kaysa noong nakalipas na 30 mga taon . . . Samantalang dumarami ang mga humihinto sa pag-aaral, gayundin ang antas ng edukasyon ng mga manggagawa bilang kabuuan, ginagawang mas mahirap ang kompetisyon para sa mga trabaho sa mga huminto sa pagaaral.”
Ang mabuting mga tagapayo, gayunman, ay maaaring mag-akala na ang mas mataas na edukasyon ay kailangan sa teknolohikal na lipunang ito. Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala, ‘Huwag paniwalaan ang bawat salita.’ (Kawikaan 14:15) Oo, isang lalaki ang minsa’y nagsabi: “Wala akong teknikal na edukasyon at wala akong edukasyon sa unibersidad, at natuto lamang ako ng ilang mga bagay sa paglipas ng mga panahon.” Sino ito? Ang estadista at awtor na si Sir Winston Churchill! Natuklasan din ng maraming kabataan na ang isang edukasyon sa unibersidad ay hindi siyang tanging mapagpipilian. Ganito ang sabi ng disiotso anyos na si Jane: “Maraming tin-edyer ang nagsipasok sa kolehiyo dahilan lamang sa inaakala nila na ito ‘ang bagay na dapat gawin.’ . . . Kung sana’y isinaalang-alang lamang nila ang maraming iba pang mapagpipilian at magkaroon ng lakas-loob na mapaiba!”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang aklat na Adolescence ni Eastwood Atwater ay nagsasabi: “Higit at higit na mga kabataan ang nagdadalawang-isip tungkol sa pagpasok sa kolehiyo.” Sa isang bagay, ipinakikita ng isang masusing pagsusuri sa mga trabaho na ang tinatawag na mas mataas na edukasyon ay hindi siyang pinakamabuting daan sa isang trabaho. Marami, kahit na yaong may mga titulo sa unibersidad, ay nagkakaproblema sa paghanap ng trabaho at karaniwan nang ipinalalagay na labis na kuwalipikado para sa mga trabahong may mahusay na suweldo. “Sa ngayon apat sa limang mga trabaho ang hindi nangangailangan ng mas mataas na edukasyon at, higit pa riyan, ang isang titulo ay maaari pa ngang maging isang hadlang sa halip na isang tulong,” iniulat sa San Francisco Sunday Examiner & Chronicle. Ang totoo ay na sa maraming larangan, ang mga kolehiyo ay basta naglalabas ng maraming mga nagsipagtapos kaysa makukuhang mga trabaho.
Kaya kung ikaw ay naghahanap ng payo, pinakamabuting magtungo roon sa talagang isinasapuso ang iyong pinakamabuting mga kapakanan at na may mahalagang karanasan sa pagtatrabaho. Malamang na malaki ang maitutulong ng iyong mga magulang sa bagay na ito. (Kawikaan 23:22) Alam nila ang iyong mga kakayahan. At kung sila ay mga may takot sa Diyos, mayroon silang kakaibang pangmalas sa mga karera kaysa sa mga pangmalas na taglay ng mga tagapayo sa paaralan. Ang mahinahon at prangkang pakikipag-usap sa kanila ay maaaring maglaan sa iyo ng patnubay na kinakailangan mo upang makasumpong ng isang matagumpay na karera.
Ang mga kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay mayroon ding bentaha na makahingi ng payo mula roon sa mga may karanasan sa kongregasyon na kanilang kinaaaniban. Nasubukan mo na ba ang pinagmumulang ito ng payo?
Ang Maihahalili sa Kurso sa Unibersidad
Pagkatapos sangguniin ang kanilang mga magulang, maraming mga kabataan ang nagpasiya laban sa mahabang-panahong edukasyon dahilan sa di-katiyakan ng hinaharap. “Ang panahong natitira ay maikli na,” sabi ng Bibliya. (1 Corinto 7:29) At hindi ba totoo na ang pagsasanay sa pagpapakadalubhasa sa ilang larangan ay maaaring maging lipas na pagkaraan lamang ng ilang mga taon dahilan sa mabilis na takbo ng teknolohiya? Kaya isaalang-alang na maingat ang iyong kinabukasan. Si Stephanie, isang tin-edyer, ay nagpasiya na kumuha ng mga kurso sa high school na tutulong sa kaniya na mapaunlad ang mga kasanayan na magagamit niya sa paghanap ng isang trabaho. Gaya ng sabi niya: “Sa gayong paraan ang panahon na ginugol ko sa high school ay hindi sayang.” Nang tanungin kung ang kaniyang mga kurso sa high school ay talagang naghanda sa kaniya sa pagtatrabaho, ganito ang tugon ng isang kabataang nagngangalang Alice: “Natutuhan ko ang praktikal na mga kasanayan at nakakuha ako ng trabaho.” Anong mga kasanayan? “Accounting at secretarial,” sabi ni Alice.
Nasuri mo na ba ang mga kurso na inaalok sa iyong paaralan? Inaalok ba ang pagsasanay sa bokasyunal na mga kasanayan? O mayroon bang high school na malapit sa iyong tahanan na maglalaan ng praktikal na pagsasanay sa isang kasanayan na inaakala mong angkop sa iyo? Halimbawa, maraming paaralan ang nag-aalok ng pagsasanay sa pagmimekaniko, computer programming, pagtutubero, at iba pa.
‘Ngunit sino ba ang gustong maging karpintero o tubero?’ tanong ng ilang kabataan. Bilang isang kabataan, si Jesus ay tinuruan ng pagkakarpintero. Bagaman hindi ito ang kaniyang magiging karera, natutuhan niyang mabuti ang pagkakarpintero anupa’t siya’y nakilala bilang “ang karpintero.” (Marcos 6:3) Nakita ni Solomon ang pakinabang ng pagiging bihasa sa isang trabaho: “Nakikita mo ba ang taong may kasanayan sa kaniyang gawain? Siya’y tatayo sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.” (Kawikaan 22:29) Ngayon, kakaunting tao ang nagpapahalaga sa mga trabaho. Bunga nito, ang pangangailangan sa mga kasanayang ito ay dumarami! Si Paul McCracken, isang propesor ng Graduate School of Business Administration, University of Michigan, ay nagkomento: “Sa tamang panahon, ilalagay ko ang higit na pagdiriin sa bokasyunal na pagsasanay para sa mga trabaho na gaya ng pagmimekaniko. Ipagpalagay nang ang ekonomiya ay magpapatuloy na lumawak, marami sa gayong uri ng mga trabaho—at ang mga ito’y mahusay na mga trabaho—ay magbubukas.” Ang bokasyunal na kasanayan ba ang kinakailangan mo upang paglaanan ang iyong mga pangangailangan sa kasalukuyan at sa hinaharap?
Pagiging Makatotohanan Tungkol sa Hinaharap
Ang Kristiyanong pangmalas tungkol sa hinaharap ay dapat ding makaapekto sa kaniyang napiling karera. Palibhasa ‘ang sanlibutan ay lumilipas,’ ang isang karerang batay sa makasanlibutang mga ambisyon ay hindi makatotohanan. (1 Juan 2:17) Ipinakikita ng hula ng Bibliya kung gaano kaikli ang itatagal ng gayong karera.—Lucas 21:29-35.
Sa dahilang ito, maraming kabataan sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ang pumipili ng isang karera sa buong-panahong edukasyon sa Bibliya—isang boluntaryong gawain na tulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya. ‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘papaano makapaghahanapbuhay ang isa sa gayong paraan?’ Upang pinansiyal na matustusan ang kanilang mga sarili, marami ang kumuha muna ng praktikal na mga pagsasanay sa isang trabaho. Ganito ang ginawa ni apostol Pablo. (Gawa 18:3) At ang kaniyang payo, batay sa kaniyang personal na karanasan ay: ‘Magpagal ka, na iginagawa ang iyong mga kamay ng mabuting bagay.’—Efeso 4:28; 1 Tesalonica 4:11.
Ang pagpili ng isang matagumpay na karera ay samakatuwid isang resulta ng paghingi ng payo mula sa tamang mga tao, pagsasanay sa mga kurso na tutulong sa iyo na maabot ang iyong mga tunguhin, at pagiging makatotohanan tungkol sa iyong hinaharap. Kawili-wili, si Emily, na nabanggit kanina, ang sa simula’y tinanggap ang prestiyosong trabaho bilang isang executive secretary. Gayunman, natalos niya na hindi siya maaaring magtagumpay sa dalawang magkasalungat na mga karera. (Ihambing ang Lucas 16:13.) Kaya nagpasiya siya na pabor sa buong-panahong karera na pagtulong sa mga tao sa edukasyon ng Bibliya. Nangangahulugan ito ng pagkuha ng isang part-time na trabaho upang tustusan ang kaniyang sarili. Ang kaniyang mga damdamin tungkol sa pagbibitiw sa isang kapaki-pakinabang na trabaho para sa kaniyang napiling karera? “Maligayang-maligaya ako na naabot ko ang aking tunguhin na buong-panahong pagmiministro,” sabi ni Emily. “Nagkaroon ako ng tunay na pag-ibig sa gawaing ito.”
Taglay ang maingat na pagpaplano at may pananalanging pagsasaalang-alang, ikaw man ay makapipili ng isang karera na kung saan ikaw ay magiging maligaya—isang matagumpay na karera na may kinabukasan!
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Huminto Na ng Pag-aaral?” sa Hulyo 22, 1984, na labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 16]
“Sa ngayon apat sa limang mga trabaho ang hindi nangangailangan ng mas mataas na edukasyon at, higit pa riyan, ang isang titulo ay maaari pa ngang maging isang hadlang sa halip na isang tulong.”—San Francisco Sunday Examiner & Chronicle
[Larawan sa pahina 17]
Nasumpungan ng marami na ang pagkatuto ng isang trabaho ay isang praktikal na paraan upang maghanda para sa hanapbuhay sa hinaharap