Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Panghuhuwad sa mga Credit Card
● Ang panghuhuwad ng mga credit card ay isang sandaang-milyong-dolyar-isang-taon na negosyo sa Estados Unidos at mabilis na lumalago, ulat ng The Toronto Star ng Canada. “Marami sa mga pamamaraan ang nagsasangkot ng tuso, nakakukombinsing mga tawag sa telepono” na nag-aalok ng mga microwave oven, mga bangkang pangisda, mga TV, mga paglalakbay, at iba pa, sa malaking diskuwento, sabi ng report. “Iyan ang pain. Ang layon ay makuha ang numero ng credit card.” Pagkatapos ang numerong iyon ay ilalagay sa palsipikadong card. O maaaring gamitin ng mga masamang loob na nagkukunwang mga negosyante sa huwad na mga kopya ng mga resibo ng credit card, na inihaharap nila sa isang bangko na kapalit ng cash. Sa panahon na matuklasan ng bangko ang pandaraya, ang “negosyante” ay nakaalis na ng bayan. Narito ang payo para sa mga nagtataglay ng credit card: Huwag ibigay ang numero ng inyong credit card sa telepono malibang kayo ay nakikitungo sa isang kagalang-galang na negosyo. Itago ang mga resibo at ang papel na karbon mula sa triplicate form ng credit card at sirain ang mga papel na karbon pagdating ninyo ng bahay. Sa wakas, maingat na suriin ang inyong buwanang credit card statements para sa anumang palsipikadong mga singil.
Banta sa Pangungopya ng Cash
● “Ang mga plano ay nasa panukala na babago sa hitsura ng perang papel ng [E.U.],” ulat ng The Wall Street Journal. Bakit? Sapagkat isang dumarating na salinlahi ng mga makinang tagakopya ang maaaring makagawa ng mga dokumento na mataas ang uri ng kulay na gagawa sa panghuhuwad ng mga perang papel na napakadali at lubhang nakatutukso, sabi ng mga autoridad. Ang malamang na pagpilian, kasama roon sa mga isinasaalang-alang, ay ang iniulat na pagdaragdag ng isang pangalawa, mahirap-gayahin na kulay sa mga perang papel. Ang isa pang mapagpipilian ay maglagay sa gilid ng perang papel ng isang “security thread” na hindi makikita, at sa gayo’y hindi makukopya, maliban na lamang na itapat sa ilaw. O marahil ang mga holograms o maninipis na film na nag-iiba ng anyo o kulay habang minamasdan. Ang Kagawaran ng Pananalapi ay inaasahan na ihahayag ang napili nito sa taóng ito.
Mayroon bang Sinumang May Gusto ng Chopsticks?
● Ang mga Intsik ay malaon nang kilala sa kanilang ugali ng pagkain sa isang mangkok na ginagamit ang mga chopsticks. Ngunit kamakailan si Hu Yaobang, panlahatang kalihim ng Partido Komunista, ay sinipi sa radyo sa Peking na nagsasabi, “Dapat tayong maghanda ng higit na mga kutsilyo at mga tinidor, bumili ng higit na mga pinggan at maupo sa mesa at kumain ng mga pagkaing Intsik sa istilong Kanluranin.” Bakit? “Sa paggawa ng gayon maiiwasan natin ang nakakahawang mga sakit,” sabi niya. Sang-ayon sa isang report sa The New York Times, “ang mga bilang na inilabas kamakailan ay nagpapakita ng nakatatakot na dami ng nakahahawang mga sakit, at nagkaroon ng pagdagsa ng mga artikulo [sa Tsina] tungkol sa pagbabago sa mga pag-uugali sa pagkain.” Ngunit maraming Intsik ang tumatanggi. Sabi ng isang may-ari ng restaurang Intsik sa New York, “Ang kutsilyo’t tinidor ay hindi angkop sa pagkaing Intsik. . . . Talagang hindi mo nakukuha ang tamang halo sa isang tinidor.” Sabi pa ng isa: “Sa palagay ko ang chopsticks ay mananatili magpakailanman.”
Sipon Mula sa mga Kamay
● “Ipinahihiwatig ng dumaraming siyentipikong katibayan na ang daan-daang mga virus na sanhi ng karaniwang sipon ay pangunahing kumakalat sa pamamagitan ng pagkakahawa sa kamay sa halip na sa pamamagitan ng pag-ubo o paghatsing,” sabi ng International Herald Tribune ng Paris, Pransiya, sa pag-uulat sa mga resulta ng mga eksperimento kamakailan ng dalawang medikal na mga pangkat. Ipinakita ng dalawang pangkat, ang isa mula sa University of Virginia at ang isa mula sa University of Wisconsin, na ang bagong uri ng facial tissue na nilagyan ng kemikal ay 100 porsiyentong mabisa sa paghadlang sa pagkalat ng sipon sa ilalim ng eksperimental na mga kalagayan. Ngunit, kawili-wili, ipinakita ng pag-aaral sa Virginia na, samantalang ang madalas na paggamit ng karaniwang tissue ay mabisa, ang sipon ay maaaring ipasa kapag ang maysipon ay nakipagkamay sa malusog na mga indibiduwal. Inaakala na ang mga kamay ng isang maysipon, nahawaan sa paghipo sa kaniyang ilong, ay ipinapasa ang virus sa kamay ng malusog na mga indibiduwal na karaniwang nahahawa sa pamamagitan ng paghipo sa kanila mismong mga mata at ilong. Upang maiwasan ang pagkalat ng sipon, iminumungkahi ng report ang isang mura, sinaunang paraan,—“madalas na pagpahid sa ilong ng
karaniwang facial tissue at pagpapanatiling malinis ng mga kamay.”Pangontra sa Kanser
● “Ang mga taong kumakain ng gulay araw-araw ay may mas mababang panganib sa kanser kaysa roon sa hindi kumakain ng gulay.” Gayon ang sabi ng Daily News ng New York sa pag-uulat ng isa sa pinakamalaking mahabang-panahong pag-aaral sa kanser na isinagawa. Pinamumunuan ni Dr. Takeshi Hirayama ng National Cancer Research Institute sa Tokyo, Japan, sinuri ng pag-aaral ang mga kamatayan dahil sa kanser mula noong 1965 hanggang 1981 sa gitna ng 122,000 mga lalaki na mahigit 40 taóng gulang. Ang pinakamataas na bilang ng kamatayan sa kanser—808 sa bawat 100,000 lalaki—ay sa gitna niyaong mga nanigarilyo, uminom ng alak, at kumain ng karne ngunit hindi kumain ng gulay. Kabilang doon sa may gayon ding bisyo ngunit kumakain ng gulay araw-araw, ang dami ng namamatay ay 524 sa bawat 100,000. Sa gitna niyaong mga hindi naninigarilyo, umiinom, o kumakain ng karne ngunit kumakain ng gulay araw-araw ay 324 lamang sa bawat 100,000 lalaki ang namatay.
Bawasan ang Cholesterol
● Ang antas ng cholesterol ng karaniwang Amerikano ay napakataas at dapat bawasan ito. Iyan ang konklusyon ng isang pangkat ng mga dalubhasa na nagkatipon sa National Institute of Health sa Bethesda, Maryland. Napansin ng grupo na ang tipikal na Amerikanong nasa kalagitnaang gulang ay may cholesterol reading na 220 hanggang 260 miligramo sa bawat 100 mililitro ng serum ng dugo. Binabanggit ang antas na ito na siyang nagiging sanhi ng sakit sa puso, na siyang dahilan ng kalahati sa mga kamatayang Amerikano dahilan sa sakit, ito’y naghinuha na ang kanais-nais na antas ay dapat na mababa pa sa 180 miligramo para sa mga tao na nasa kanilang edad 20’s at mababa pa sa 200 miligramo para roon sa mga 30 at mas matanda pa. Kabilang sa mga rekomendasyon nito para sa karaniwang Amerikano ay ang sumusunod: Bawasan ang pagkain ng pulang karne, ihalili ang isda at manok (alisin ang balat nito). Huwag dalasan ang pagkain ng mga langgunisa at bacon, kung maaari. Bawasan ang pagkain ng keso at sorbetes, gayundin ng mantikilya, margarin, langis, at iba pang mga taba. Iwasan ang mga pagkain na inihanda sa tanging paraan na may maraming taba. Takdaan ang pagkain ng pula ng itlog sa dalawa o apat sa isang linggo. Tinawag ng The New York Times ang mga mungkahing ito na “pinakamalawak na rekomendasyon sa kalusugang pampubliko na kailanman ay ginawa tungkol sa cholesterol at sakit sa puso.”
Hindi Sapat na Pag-aaral
● Ang Alzheimer’s disease ay walang lunas at tatlong milyon ang mayroon nito sa Hilagang Amerika. Sa pangwakas na mga yugto nito, ang mga biktima ay nawawalan ng kanilang alaala, pananalita, pagkakaugnay-ugnay, at kontrol sa mga kilos ng katawan. Ngunit kamakailan ay tumaas ang pag-asa sa isang nakatutulong na paggamot nang ilathala ng magasing Neurosurgery ang mga resulta ng isang panimulang pag-aaral sa apat na mga biktima ng Alzheimer’s disease na tumanggap ng mga iniksiyon ng bethanechol chloride sa kanilang utak. Ang mga resulta? “Paulit-ulit na mga report [mula sa mga membro ng pamilya] ng nabawasang pagkalito, sumulong ang kasiglahan, at pagsulong sa mga gawaing pang-araw-araw” sa lahat ng apat na pasyente, ulat ng pag-aaral. Isang linggo pagkatapos na ito ay mailathala, ang mga medical center na nagpapakadalubhasa sa karamdaman ay binaha ng mga katanungan. Ngunit inaamin ng mga doktor na ang mga resulta ng kanilang pag-aaral ay hindi sapat, marahil ay nagkataon lamang. “Basta na lamang ito inilathala ng pahayagan, at maraming palsong pag-asa ang itinaas dahilan dito,” sabi ni David Roberts, isa sa mga doktor na nagsagawa ng pag-aaral.
Hinahanap-hanap ang mga Bagyo
● Sa kauna-unahang pagkakataon sapol noong 1941, ang Hapon ay nakaranas ng isang taon na wala ni isang bagyo. Ngunit bunga nito, ang mga uhaw-sa-ulan na mga imbakan ng tubig ay bumaba sa normal na mga antas, ulat na Asahi Evening News. Samantalang ang mga Hapones ay nagagalak na ang kawalan ng mga bagyo ay nagligtas ng mga buhay at ari-arian, si Takashi Nitta, pinuno ng pagpaplano sa Japan Meteorological Society, ay nagsasabi, “Inaakala ko na sa dakong huli, masusumpungan natin na ang hindi pagkakaroon ng mga bagyo ay hindi mabuting bagay.”
Tumaas ng 15,000 Porsiyento!
● “Isa sa pinakamalaking pagbabago sa simbahang Katoliko sa E.U. simula noong Vatican II ay bihirang marinig,” ulat ng National Catholic Reporter. “Ang mga pagpapawalang-bisa sa kasal sa bansang ito ay tumaas ng mahigit 15,000 porsiyento sa 15 taon,” mula 338 noong 1968 sa humigit-kumulang 52,000 noong 1983! Sa ilalim ng batas ng simbahan, ang sinumang Katoliko na ikinasal sa “sakramentong” seremonya ng kasal ay hindi maaaring mag-asawang muli—maliban na siya ay may legal na diborsiyo—na hindi ituturing na isang mangangalunya. “Iyan ang buklod ng simbahan—na ang [orihinal, pinagtibay-simbahan] na pag-aasawa ay hindi maaaring buwagin,” sabi ng abogadong Katoliko na si Joe Zwack. Ngunit kung ang orihinal na kasal ay maaaring pawalang-sala, yaon ay, ipinahahayag na walang bisa, kung gayon ang mga Katoliko ay maaaring mag-asawang muli sa mabuting katayuan. Ang matinding pagnanais ng simbahan na panatilihin ang mga membro nito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga pagpapawalang-bisa ay karaniwan na ngayong ipinagkakaloob. Kung hindi ipagkakaloob sa mga Katoliko ang pagpapawalang-bisa, sabi ni Zwack, kung gayon “naiwala sana namin ang napakaraming tao.”
Simboliko o Hindi?
● Ang mga elektronikong kandila ay humahalili sa tunay na mga kandila sa St. Mary’s Roman Catholic Church sa Greektown, Michigan. Ngunit hindi lahat ng mga taga-parokya ay natutuwa sa paggamit nito, ulat ng Detroit Free Press. “Ihulog ang abuloy sa butas,” sabi ng mga instruksiyon na nasa kahon ng koleksiyon. Sa isang dolyar, isang kandila ay mananatiling nakasindi sa loob ng 24 oras; ang dalawang dolyar, 48 oras. “Kumuha
ng isang magic na baton at ilagay ang dulo nito sa alinmang kandilang walang sindi,” patuloy ng instruksiyon. Isang manipis, metal na baton ang nagsisindi sa mga kandilang de-koryente. Ang mga kandila ay aktuwal na kukuti-kutitap at parang tunay na kandila mula sa malayo. Si John Nader, na nangangasiwa sa simbahan, ay nagsasabi, “Ang simbolismo ay hindi sa kandila mismo. Ito’y nasa ilaw nito.” Ngunit si Rose Hartley, isang 68-taóng-gulang na taga-parokya, ay tumatangging gamitin ang mga ito, na nagsasabi, “Ang mga ito’y hindi simboliko sa akin.”Mga Protestanteng Aleman
● “Mas maraming tao kailanman ang seryosong nag-iisip na lisanin ang Simbahan,” sabi ng The German Tribune tungkol sa mga Protestanteng Aleman. At may tunay na pangganyak sa paggawa ng gayon—mas kaunting mga buwis. Sa Alemanya, ang paglisan sa Simbahan ay nagsasangkot ng pag-aalis mo ng iyong pangalan mula sa tanggapan ng lokal na registro at ito ay nagpapahintulot ng hindi mo pagbabayad ng ikapu bilang porsiyento ng buwis sa kita. “Labimpitong porsiyento ng mga Protestanteng tinanong ang nagsabi na pinag-iisipan nilang alisin ang kanilang pangalan mula sa rehistro. Pitong porsiyento ang nagsabi na sila ay nakapagpasiya na o naiplano na nilang gawin iyon sa pinakamadaling panahon,” sabi ng ulat. Tanging 6 porsiyento lamang ng mga Protestanteng Aleman ang regular na dumadalo sa mga serbisyo ng simbahan.
Pinakamatalik na Kaibigan ng Tao?
● Ang mga aso ang may pananagutan sa mahigit na 70,000 mga kaso ng impeksiyon sa tao taun-taon, sang-ayon kay Dr. David Baxter at propesor Ian Lack ng Manchester University. Ang report, na kinuha mula sa Daily Telegraph ng London, ay nagsasabi na ang bilang na ito ay naglalakip ng 31,000 mga kaso ng impeksiyon mula sa mga kagat ng aso, hanggang 14,000 mga kaso ng grabeng diarrhea at 9,000 mga kaso ng ringworm. Kasali rin sa bilang ang 16,000 mga kaso ng toxocariasis, na maaaring umakay sa pagkabulag sa mga tao at lalo na sa mga bata.
Paglilibing ng mga Alagang Hayop
● Ang negosyong paglilibing ng mga alagang hayop sa Hapon ay malakas. Iniuulat ng Asahi Evening News na ang isang kompaniya ay kumikita ng 30 milyong yen ($120,000, U.S.) isang taon mula sa paglilibing ng mga alagang hayop. Ang kamatayan ng isang malaking aso ay maaaring magkahalaga sa nagdadalamhating may-ari ng mahigit sa $800, kasali na ang $152 para sa pagpapatugtog ng “isina-tape na mga sutra na kaniyang napili sa panahon ng paglilibing,” sabi ng artikulo. Ang paglilibing ay ginagawa rin para sa mga pusa at mga ibon, bagaman ang mga aso ang bumubuo ng 70 porsiyento ng negosyo.