Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aking Ama ay Isang “Country Doctor”

Ang Aking Ama ay Isang “Country Doctor”

Ang Aking Ama ay Isang “Country Doctor”

“ANG aking ama ay isang country doctor.” Sa mga pananalitang iyon ay marami ang masasabi tungkol sa isang grupo ng propesyonal na mga tao noong maagang ika-20 siglo. Sila ay isang lahi sa ganang sarili. Marami sa kanila ang nakatalaga sa kanilang propesyon, walang-pagod, at pambihira ang kabaitan sa kanilang mga pasyente. Ang mga country doctor ay lubhang mahalaga sa kanilang pamayanan at lalo na sa mahihirap at maysakit na kanilang ginagamot.

Para bang mayroon silang ikaanim na pandamdam sa pagririkonosi ng mga karamdaman; marahil dahilan ito sa kanilang malawak na karanasan sa napakaraming mga karamdaman. Ito ay ginawa nila nang walang anumang tulong ang modernong teknolohiya. Hindi naman na sila ay isang grupo ng mga walang pinag-aralan o walang kasanayan sa kanilang larangan. Ang aking ama ay unang nag-aral bilang isang maestro at saka nagpatuloy ng pag-aaral sa Starling Medical School sa Columbus, Ohio, na nang dakong huli ay naging bahagi ng Ohio State University.

Hayaan mong sabihin ko sa iyo kung ano ang katulad ng pagiging isang doktor nang panahong iyon​—walang mga antibiotic at himalang mga gamot. Sa katunayan, kadalasan ay nagdadala sila ng mga pildoras at mga gamot sa isang munting bag na itim. O, kung nasa kanilang tanggapan, maaaring bigyan ka nila ng isang berdeng gamot na pampalakas, isang puting pamahid na gamot o isang itim na pamahid na gamot, ayon sa kalagayan. Ang mga gamot ay ipinagbibili kay itay ng naglalakbay na mga ahente ng gamot sa isa sa kaniyang madalas na mga pagdalaw sa tanggapan ng aking ama. Kaya ang country doctor ay nag-aral ding bahagya ng parmasiya, at ang pasyente ay bihirang magtungo pa sa kadalasa’y malayong botika upang bumili ng iniresetang gamot.

Sa simula si Itay ay naglalakbay sakay ng karwahe na hila-hila ng isang kabayo. Nang dakong huli siya ay nagkaroon ng isang Model T Ford, na pinaaandar sa pamamagitan ng pagmamanikete. Natatandaan ko pa ang mga malamig na umaga at kung paano niya minamanikete ang Ford​—na talagang ayaw umandar! Karaniwan nang ang aking ama ay isang taong mahinahon, subalit ang pagsisikap na ito na paandarin ang sasakyan ay maaaring maglabas ng mga salita na sapat na agad magpainit sa makina upang umandar kaagad!

Subalit sa malao’t-madali ang lumang Ford ay aandar, at aalis na si Itay upang dalawin ang maysakit. Kahit na sa madaling araw ay tutunog ang telepono, at siya ay babangon sa gabi mula sa komportableng higaan at aalis upang tulungan ang maysakit. Oo, nang mga araw na iyon ang mga doktor ang pumaparoon sa iyo, kahit na mahusay ang pakiramdam mo at kaya mong magtungo sa kanila!

At ang kanilang pag-uugali sa tabi ng kama ng maysakit! Kapag ang country doctor ay magtutungo sa silid ng pasyente siya ay kakikitaan ng pagtitiwala, siya ay magiliw, talagang nababahala. Maaari niyang aliwin ang isang babae na, natatakot at naghihirap, sa panganganak ng kaniyang panganay. O hihipuin ng kaniyang malamig na kamay ang iyong noo kapag ikaw ay inaapoy ng lagnat. Ikaw ay maysakit, at siya ay nagtutungo upang ihandog ang kaniyang personal na atensiyon, na parang balsamo sa iyong kirot. Saka niya aabutin mula sa kaniyang munting bag na itim, sasalatin ang mga laman nito, maglalabas ng isang pildora, at sasabihin sa iyo na inumin mo ito at na siya ay magbabalik kapag kailangan mo siya.

Ang kaalaman ng country doctor ay malawak. Hindi lamang niya naaayos ang isang nabaling buto o tumutulong sa mga ina sa pagsisilang ng kanilang mga sanggol sa daigdig, kundi kung minsan kailangan niyang sawatain ang nakahahawang mga sakit. Sa isang maliit na bayan na aming tinitirhan sa West Virginia, minsan ay nagkarooon ng isang epidemya ng tipus, na karaniwan noong mga araw na iyon. Inalagaan ni Itay ang marami sa kanila na gumaling. Sa katunayan, nang dakong huli kami ay sinabihan na ang kaniyang pangalan ay nasa talaan bilang natatangi dahilan sa wala siyang pasyenteng namatay dahilan sa tipus!

At Bumubunot Din Siya ng Ngipin!

Oo, bumubunot din siya ng ngipin, at ito’y sa kabayaran na 50 cents. Marahil labis pa nga ang bayad sa kaniya kung isasaalang-alang mo kung gaano kasakit ito kung ihahambing sa makabagong pagbunot ng mga ngipin. Isang maginaw, taglamig na gabi, isang lalaki ang dumating sa aming bahay at nagmakaawa kay Itay na sumama sa kaniya at bunutin ang sumasakit na ngipin ng kaniyang ama. Ang daan patungo sa kaniyang bahay ay napakasama kahit na sa isang karwahe na hila-hila ng kabayo, kaya’t si Itay ay sumakay na lang ng kabayo patungo sa bahay ng lalaki, na anim na milya (10 km) ang layo. Ito’y ginawa niya sa halagang 50 cents!

Pagkatapos ay dumating ang trangkaso Espanyola noong 1918-19. Ang aking ama ay literal na abalang-abala araw at gabi. Kailangang-kailangan ng mga tao ang tulong ng doktor. Kung minsan kung ang isang bahay ay nasa dulo ng landas, pagkatapos dumalaw doon, siya ay pahihintuin sa lahat halos ng bahay pagbalik niya sa pangunahing kalye. Sa aming sariling pamilya, apat sa amin ang may trangkaso, at sa wakas dahilan sa labis ang pagod si Itay man ay natrangkaso. Ngunit dahilan sa kaniya lahat kami ay nakaligtas.

Ang Country Doctor​—Mahusay ang Kabayaran

At ang kabayaran sa lahat ng ito? Sa isang diwa, si Itay ay tumanggap ng mahusay na kabayaran. Malaking kasiyahan ang tinanggap niya sa pagtulong sa iba. Siya ang paborito, at maraming sanggol ang ipinangalan sa kaniya. Sa katunayan, ipinangalan pa nga ng iba ang kanilang mga sanggol sa pangalan ng kaniyang mga munting anak na babae na kung minsan ay isinasama niya.

Kung tungkol sa pera, bueno, nakaraos din si Itay sa kung ihahambing sa ngayo’y tila maliit na suweldo. Sa paanuman ang karamihan ng mga country doctor ay may sapat na lakas upang pangalagaan ang isang malaking hardin at mag-alaga ng baka at mga manok upang makatulong. Sa panahon ng pag-aani, ang kanilang kabayaran mula sa mga pasyente ay kadalasang nasa anyo ng mga mansanas, mga patatas, langgonisa, mga hamon, at ano pang ibang bagay na tinatanim o inaalagaan ng mga magsasaka. Kung ang isang pasyente ay nagkaroon ng sakuna, gaya ng paghina ng ani, bueno, si Itay ay maghihintay at naghintay para sa kaniyang kabayaran. At madalas na siya pa ang nagbibigay ng pera sa pasyente upang tulungan siya sa panahon ng kaniyang karamdaman kung kailan hindi siya makapagtrabaho.

Isang araw si Itay ay dumating mula sa isang pagdalaw at sinabihan kaming mga bata na lumabas at magtungo sa karwahe upang makita ang isang bagay. Binuksan niya ang isang kahon, at lumitaw ang isang tuta​—ang kaniyang kabayaran sa pagdalaw sa isang bahay. Wala na yatang aso na higit na minahal kaysa kay Bruno, na naging bahagi ng aming pamilya.

Sa aming tahanan sa Elm Grove, West Virginia, ang opisina ng aking ama, na may mga panustos na medisina, ay bahagi ng bahay. Sinuman ang dumating sa opisina sa panahon ng pagkain, sila ay aanyayahan na makisalo sa amin sa aming pagkain. Si Itay ay totoong mapagpatuloy, at walang sinuman ang umaalis ng aming bahay na gutom. Kung minsan kung malayo ang kanilang tinitirhan at umuulan ng niyebe, maaari silang magpalipas ng gabi sa amin.

Ang Dakilang Lunas

Isang malamig na gabi noong 1929. Nang si Itay ay pabalik na mula sa isang pagdalaw sa isang tahanan, ang kaniyang kotse ay binunggo ng isang bus. Pagkaraan ng dalawang linggo sa ospital, siya ay namatay; siya ay 57 taóng gulang. Marami ang dumalaw at nakiramay sa pamilya ng country doctor na pinagkakautangan pa rin nila ng loob. Anuman ang nangyari, kailanman ay hindi kami naghirap dahilan sa kabaitan ni Itay sa iba. Sa katunayan, kapag pinakitaan ako ng kabutihan, inaakala ko na ito’y isang gantimpala mula sa pagkakaroon ng isang ama na isang country doctor.

Ngayon, ang lahat na ito ay hindi upang maliitin ang makabagong doktor at ang kahanga-hangang mga bagay na maaari niyang gawin. Kamakailan lamang isang batang kaibigan ko, sampung taóng gulang lamang, ay inoperahan sa utak. Ang operasyon ay tumagal nang anim at kalahating oras​—nang walang pagsasalin ng dugo. Sa kaniyang panaginip man, maaaring hindi natulungan ng aking ama ang batang lalaking ito sa kaalaman at karanasan na natamo niya noon.

Subalit maging ang modernong doktor ay mayroon ding kaniyang mga limitasyon. Nasasaksihan din niya ang kahirapan at kamatayan. Ang country doctor gayundin ang makabagong manggagamot ay bawat isa’y kabilang sa isang panahon. Subalit ang pinagpalang panahon ay darating kapag ang Dakilang Manggagamot ay magdadala ng isang walang-hanggang lunas, at “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’” (Isaias 33:24) Mayroon ako ng lahat ng dahilan na maniwala na ang aking ama, ang country doctor, ay naroroon at bibigyan ng pagkakataon na magalak sa walang-hanggang kalusugan ng sangkatauhan.​—Isinulat.

[Blurb sa panahon 22]

Nang panahong iyon ang mga doktor ang pumaparoon sa iyo, kahit na mahusay ang pakiramdam mo at kaya mong magtungo sa kanila!

[Blurb sa panahon 23]

Binuksan ni Itay ang isang kahon, at lumabas ang isang tuta​—ang kaniyang kabayaran sa pagdalaw sa isang bahay