Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kapalit ng ‘Himala’

Ang Kapalit ng ‘Himala’

Ang Kapalit ng ‘Himala’

WALANG alinlangan, ang himalang Hapones ay isang pambihirang bagay. Kamangha-manghang makita ang isang buong bansa na itinatayo ang sarili mula sa pagkatalo at kagibaan at maging isa sa pinakamalakas na kapangyarihan sa kabuhayan ng daigdig, at ito ay sa isang salinlahi. Lahat ng ito, gaya ng nakita natin, ay nakamit sa pamamagitan ng napakahigpit na edukasyon, puspusang pagtatrabaho, at personal na sakripisyo, na malamang ay hindi matularan ng ibang mga bansa.

Ngunit ano ang naidulot ng himalang ito sa mga Hapones? Sa kabila ng pang-ibabaw na kaningningan, ito ba’y nakapagdala sa kanila ng tunay na kaligayahan at kasiyahan? Sa ilalim ng kasaganaan at kayamanan, may nakaliligalig na mga palatandaan na naiwawala ng lipunang Hapones ang tradisyunal na mga pagpapahalaga nito at unti-unting napapasangkot sa mga problema at mga karamdaman na sumasalot sa ibang industrialisadong mga bansa.

Sa malaking bahagi, ang marami sa mga problema nito ay mga kakambal na produkto ng sistema mismo. Halimbawa, napansin ng mga dalubhasa ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng panlulumo at pagpapatiwakal sa gitna ng mga lalaki na nasa edad 40’s at 50’s na nasa mga katungkulan ng pangangasiwa. Sinipi ng The Daily Yomiuri ang awtor na si Von Woronoff na nagsasabi: “Isinisiwalat ng mga surbey na maraming Hapones ang hindi maligaya sa kanilang mga trabaho at magbibitiw kung mayroon silang pagkakataon.” Subalit inaakala nilang sila’y nasilo ng sistema na batay-ranggo na suweldo at pag-asenso. Isang dahilan ito kung bakit ang habang-buhay na trabaho ay hindi na siyang ultimong pangarap sa gitna ng mga nakababatang salinlahi. “Sa mga taong nasa kanilang edad 20’s at 30’s, ang katapatan sa kompanya ay sero,” sabi ng isang management consultant sa Tokyo.

Gayundin, ang kawalan ng ama sa tahanan, ang hindi pagkanasisiyahan ng ina sa kaniyang mahirap na bahagi, at ang panggigipit sa paaralan ay nagpalubha sa tumataas na bilang ng delingkuwenteng mga kabataan sa Hapon, na kamakailan ay naging isang pambansang isyu. Ang mga salik na ito ay may pananagutan din sa tumataas na dami ng diborsiyo, na dumoble sa nakalipas na sampung taon.

Ang tagumpay sa kabuhayan ay naglaan din sa mga Hapones ng higit na salapi at higit na malayang panahon upang gugulin ito. Pinaunlad nito ang bagong daluyong ng maka-ako, na kabaligtaran ng mapagsakripisyo-sa-sarili na etika sa trabaho at pagtutulungan na siyang naging sekreto ng kanilang tagumpay. Ang mga nagmamasid ay nababahala na ang hilig na ito, na hindi nagpapakita ng paghupa, ay maaaring mangahulugan sa wakas ng paglipas o pagkamatay ng himala.

Mangyari man ito o hindi, isang bagay ang tiyak. Tayo ay nabubuhay sa isang panahon nang walang-katulad na pangglobong mga suliranin​—pulitikal, militar, pangkabuhayan, pangkapaligiran, panlipunan, relihiyoso, at iba pa. Malulutas kaya ng isang himalang pangkabuhayan sa isang bansa, kahit na kung ito ay magtatagal, ang lahat ng mga problemang ito? Hindi. Ang kinakailangan ay isang himala sa pambuong daigdig na lawak.

Ibinabalita sa mga tao ng 96,000 mga saksi ni Jehova sa Hapon ang tungkol sa gayong himala​—ang Mesianikong Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa ilalim ng Kahariang iyon, ang sinabi ng salmista tungkol sa Diyos na Jehova ay magaganap: “Iyong binubuksan ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay maliligayahang ibahagi sa iyo ang “mabuting balita” upang ikaw ay mabuhay at tamasahin ang mga pagpapala ng Kaharian na malapit nang dumating.