Ang Pagiging Bahagi ng Pamilya sa Pangalawang Asawa ay Sumira Kaya ng Aking Buhay?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ang Pagiging Bahagi ng Pamilya sa Pangalawang Asawa ay Sumira Kaya ng Aking Buhay?
ISA sa bawat anim na mga anak na wala pang 18 anyos sa Estados Unidos ay isang anak sa unang asawa, sabi ng ilang dalubhasa. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng diborsiyo at pag-aasawang-muli, kasindami ng kalahati sa mga bata ngayon ang magiging bahagi ng pamilya sa pangalawang asawa sa ilang panahon ng kanilang buhay. Kaya malamang na ikaw o ang isa sa iyong mga kaibigan ay bahagi ng pamilya sa pangalawang asawa. Kung gayon nga, alam mo na napakahirap makibagay.
Gayunman, ganito ang nasabi ng presidente ng Amerika na si Abraham Lincoln tungkol sa kaniyang tiyahin o madrasta: “Kung ano ako, kung magiging ano pa ako, utang kong lahat sa aking mahal na ina.” Kaya ang ibang mga anak sa unang asawa ay nagtatagumpay sa gayong pamilya. Ang matagumpay na pagharap sa mga panggigipit na natatangi sa pamilya sa pangalawang asawa ay nakasalalay nang malaki sa pagkakaroon ng tamang saloobin.
Ang Kahalagahan ng Tamang Saloobin
Kadalasan kung paano mo minamalas ang isang kalagayan ay maaaring gumawa ng kaibhan sa pagiging miserable o pagiging maligaya. “Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama; ngunit siyang may masayang puso ay may laging kapistahan,” sabi ng Kawikaan 15:15. Sa ibang pananalita, ang isang tao na “nagdadalamhati” dahil sa di-kaaya-ayang mga kalagayan ay minamalas ang bawat araw na masama dahilan sa kaniyang saloobin. Gayunman, sa ilalim ng gayunding mga kalagayan, ang isa na may masayang disposisyon ay maaaring malasin ang bawat araw na isang piging!
“Bilang isang kabataan,” sulat ng awtor na si Elizabeth Einstein sa kaniyang aklat na The Stepfamily, “ang lumikha ng problema sa akin ay hindi ang bagay na ako ay isang anak sa unang asawa; ito’y kung papaano ko minalas ang aking katayuan, ang aking nadarama sa pagiging anak sa unang asawa, at ang pag-iisip ko ng kung ano ang nadarama ng iba tungkol sa akin.” Sabi pa niya: “Yamang kinikimkim ko ang aking galit na ako’y lumaki sa kung ano ang inaakala kong pangalawa lamang sa pinakamagaling na pamilya, hindi ko napahalagahan ang aking mabuting kapalaran sa pagkakaroon ng isang amain na naglaan sa amin ng isang matatag na buhay pampamilya.” Ipagpalagay na, ang pagkakaroon ng tamang saloobin ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Ngunit kinakailangan bang maging “pangalawa lamang sa pinakamagaling” ang pamilya sa pangalawang asawa? Isaalang-alang ang impormasyon na nasa kahon sa pahina 19.
Kaya ang pamumuhay sa isang pamilya sa pangalawang asawa ay hindi kusang nagdadala ng kahirapan. Ang iyong tsansa na magtagumpay sa isang matatag na pamilya sa pangalawang asawa ay napakahusay. Gayunman, yamang 44 porsiyento ng mga pamilyang ito ay nabibigo sa loob ng unang limang taon, ano ang magagawa mo upang tulungang magtagumpay ang iyong pamilya?
Matutong Magkompromiso
Nang ang 15-anyos na si Jamie ay namumuhay lamang na kasama ang kaniyang ina, mayroon siyang sariling kuwarto at nagsusuot ng mamahaling mga damit. Nang ang kaniyang ina ay mag-asawang muli at nasumpungan niya ang kaniyang sarili sa isang pamilya na may apat na mga bata, nagbago ang mga bagay-bagay. Kapuwa ang tirahan at pananalapi ay lubhang limitado. “Ngayon wala na akong sariling kuwarto,” ang pananangis niya. “Kailangang ibahagi ko ang lahat ng bagay.” Ngunit maaaring higit pa kaysa iyong sariling silid lamang ang kailangan mong isuko. Ang iyong katayuan bilang ang pinakamatanda o ang pagiging bugtong na anak
ay maaaring magbago ngayon. Marahil ang mga pananagutan na pinapasan mo sa tahanan ay kukunin na ngayon ng isang “bagong tao.” O maaari naman na ikaw at ang iyong ina ay parang magkapatid, natutulog na magkasama sa iisang kuwarto, ngunit ngayon ikaw ay pinaalis ng iyong amain.Ang Kristiyanong pagkamakatuwiran ang susi. “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao,” ang mungkahi ng Bibliya. (Filipos 4:5) Ang orihinal na salitang ginamit ay nangangahulugang “pagpapahinuhod” at nagpapahiwatig ng diwa ng isa na hindi iginigiit ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga karapatan. Kaya, maging mapagpahinuhod. Kung kinakailangang makasama mo sa isang kuwarto ang isang kapatid na lalaki o babae sa unang asawa, alamin mo na ang bawat isa sa inyo ay dapat na maging makonsiderasyon sa isa’t-isa at sa mga pag-aari ng isang iyon. (Mateo 7:12) Magalak na ngayon ay mayroon nang isa pang may kakayahang maygulang na tutulong upang pasanin ang mga pananagutan sa sambahayan.
Pakikitungo sa Di-Pantay na Pagtrato
Pagkatapos aminin na ang kaniyang amain ay nagpapakita ng pag-ibig, ganito pa ang sabi ng isang kabataang babae: “Ngunit mayroon pa ring kaibhan. Siya ay umaasa nang higit, nagdidisiplina nang higit, at hindi gaanong maunawain sa amin . . . kaysa sa kaniyang sariling mga anak na kasinggulang namin. Ito ang masakit sa amin.” Maraming mga anak sa unang asawa—at, sa ibang pagkakataon, ang mga tunay na anak—ay nagrireklamo sa di-pantay na pagtrato. Gayunman, ang Bibliya ay nagmumungkahi: “Huwag kang madaling magalit, sapagkat ang galit ay nagpapahinga sa sinapupunan ng mga mangmang.” (Eclesiastes 7:9) Iwasan ang pagkikimkim ng galit, kailangan mo ng pang-unawa upang isaalang-alang ang mga dahilan kung bakit.—Kawikaan 19:11.
Ang isang magulang sa pangalawang asawa ay hindi basta nakadarama ng katulad na damdamin sa isang anak sa unang asawa na gaya ng nadarama niya sa kaniyang tunay na anak, hindi dahilan sa kaugnayan sa dugo sa kaniyang tunay na anak, kundi dahilan sa pinagsamahan sa buhay. Kahit na sa isang tunay na pamilya maaaring mahalin ng isang magulang ang isang anak nang higit kaysa sa isa. (Genesis 37:3) Gayunman, may malaking kaibhan sa pagitan ng pagiging pantay at makatuwiran. Ang mga tao ay may indibiduwal na mga personalidad at nagkakaiba-iba ang mga pangangailangan. Kaya imbis na maging lubhang nababahala sa kung ikaw baga ay tinatrato nang pantay, sikapin mong alamin kung ang iyong amain o tiyahin ay nagsisikap na matugunan ang iyong mga pangangailangan. Kung inaakala mo na ang mga bagay na ito ay hindi natutugunan, kung gayon mahinahong ipakipag-usap ang bagay na ito sa iyong amain o tiyahin.
Kung minsan maaaring mayroon kang matuwid na “reklamo,” ngunit maari mo bang palampasin iyon sa pamamagitan ng pag-ibig Kristiyano? (Colosas 3:13) Paminsan-minsan, ang iyong mga kapatid na lalaki o babae sa pangalawang asawa ay maaaring maging isang dahilan ng pag-aaway. Sa Bibliya ang lalaking si Jephte ay di-matuwid na pinakitunguhan ng kaniyang mga kapatid sa ama. Pinalayas pa nga nila siya sa bahay. Gayunman, kahit na ang gayong di-matuwid na pagtrato sa kaniya ay hindi sumira sa kaniyang buhay. Siya ay naging isang lalaki na may napakahusay na mga katangian, at nang dakong huli ang kaniyang mga kapatid sa ama ay nagpakumbaba at nagmakaawa na sila ay tulungan niya! Si Jephte ay maygulang upang patulan sila kundi kaniya ngang ‘dinaig nang mabuti ang masama.’ Magagawa mo rin iyon. Huwag kalimutan na ang lahat ng mga bata sa inyong bagong pamilya, hindi lamang ikaw, ay maaaring nakikipagpunyagi sa ilang emosyonal na mga suliranin, at dapat itong lutasin bago maging kaaya-aya ang bagong kalagayan.—Roma 12:21; Mga Hukom 11:1-9.
Ang Pagtitiis ay Nagbubunga!
“Maigi ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula niyaon. Maigi ang isang matiisin kaysa isang mapagpalalo.” (Eclesiastes 7:8) Totoo ito lalo na sa isang pamilya sa pangalawang asawa! Karaniwan nang kinakailangan ang mga ilang taon upang magkaroon ng pagtitiwala hanggang sa punto kung saan ang mga membro ng pamilya ay nagiging palagay sa isa’t-isa at ang iba’t ibang mga pag-uugali at mga pagpapahalaga ay nagkakatugma tungo sa isang gumaganang rutina. Maging matiisin! Huwag mong asahan na mararanasan mo ang ‘kagyat na pag-ibig’ o na magkakaroon ng isang ‘kagyat na pamilya.’
Nang mag-asawang muli ang ina ni Thomas, siya ay asiwa, sabihin pa. Ang kaniyang ina ay may apat na anak, kasama na ang tatlong mga tin-edyer, at ang lalaking napangasawa niya ay may tatlong anak na babae—ang dalawa ay mga tin-edyer. “Nagkaroon kami ng mga pag-aaway, mga pagtatalo, mga pagkabuway, grabeng emosyonal na mga kahirapan,” sulat ni Thomas. Ano ang nagdala ng tagumpay sa wakas? “Sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, ang mga bagay ay nalutas; hindi laging madali, ngunit sa paglipas ng panahon at sa pagkakapit ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, ang mga kalagayan ay naayos rin sa wakas.” (Galacia 5:22, 23) Oo, nasumpungan ng maraming pamilya sa pangalawang asawa na ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ang siyang nagdadala ng tagumpay sa katapusan. a
Maraming pakinabang mula sa matagumpay na pamilya sa pangalawang asawa. Ang iyong larangan ng karanasan ay lalong tumitindi at pinagyayaman sa pagtutugma ng iba’t ibang istilo sa buhay. Sa pamamagitan ng makatarungang pakikitungo sa mga hamon ng pakikibagay at paglutas sa mga ito, magkakaroon ka ng mga kasanayan na lubhang mahalaga sa mahirap na daigdig ngayon. Natututuhan mong tanggapin na ang ilang mga bagay ay hindi magiging gaya ng kung ano ang nais mo sa mga ito. “Alam kong makakayanan kong makibagay sa isang milyon pang mga kalagayan dahilan sa aking naranasan,” sabi ni Mandy, isang tin-edyer na babae na anak sa unang asawa. “Mas madali akong makibagay kaysa dati. Mas maunawain ako ngayon sa mga problema ng ibang tao, at inaakala ko na ako’y mas mabuting kaibigan.” Tiyak na hindi sinira ng pagiging bahagi ng pamilya sa pangalawang asawa ang kaniyang buhay—ni kailangan mang sirain ng gayon ang iyong buhay!
[Talababa]
a Tingnan ang “Pagtatayo ng Matagumpay na Pamilya sa Pangalawang Asawa” sa Abril 15, 1985, na Bantayan.
[Kahon sa pahina 19]
Paano Maihahambing ang Isang Pamilya sa Pangalawang Asawa?
“Ang mga batang namumuhay na kasama ng mga amain ay gumagawang kasinghusay o hindi mabuti, sa lahat ng maraming mga katangian ng pag-uugali na pinag-aralan na gaya ng mga anak na namumuhay na kasama ng kanilang tunay na mga ama.” Ito ang narating na konklusyon ng mga mananaliksik na sina Paul Bohannan at Rosemary Erickson sa isang pag-aaral sa 190 mga pamilya, na ang 106 ay may mga amain. Nasumpungan nila na wala sa mga panggigipit na nauugnay sa pamilya sa pangalawang asawa ang “waring nakakaapekto sa mental na kalusugan ng mga bata o sa kanilang mga pagkakataon para sa isang kasiya-siyang sosyal na pagbabago.”
Ipinakita ng isang pag-aaral upang tiyakin kung gaanong panggigipit ang nadarama ng mga tin-edyer sa isang pamilya sa pangalawang asawa “na sa siyam sa labing-isang kategorya na naglalarawan ng mga dako ng kaigtingan sa pamumuhay sa pamilya sa pangalawang asawa, ang mga paksa ay nag-ulat ng higit na ‘hindi maigting’ na mga pagtugon kaysa ‘maigting.’” (Amin ang italiko.) Ang pag-aaral na ito sa 103 na mga tin-edyer sa mga pamilya sa pangalawang asawa ay iniulat sa Family Relations (Hulyo 1983). Ang mga dako ng kaigtingan na isinaalang-alang ay nahahati sa katapatan, disiplina, di-makatotohanang mga inaasahan, mga isyu tungkol sa sekso, at iba pa. Ang pag-aaral ay naghinuha: “Maaaring ipahiwatig nito na kahit na sa mga dako na ikinababahala may mga pamilya sa pangalawang asawa na pinakikitunguhan ang mga problemang ito sa lubhang di-maigting na paraan.” Totoo ito lalo na roon sa mga namuhay sa isang pamilya sa pangalawang asawa na hindi hihigit sa dalawang taon.
[Larawan sa pahina 20]
Narito ang inyong bagong kapatid!