Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Panganib na Sunog—Dalamhati ng Nigeria

Ang Panganib na Sunog—Dalamhati ng Nigeria

Ang Panganib na Sunog​—Dalamhati ng Nigeria

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Nigeria

WALANG nakakaalam kung paano talaga ito nangyari. Isang kabataang lalaki na nagngangalang Sunday at ang kaniyang dalawang kaibigan ay madalas na matulog sa maliit na botika na kanilang pinagtatrabahuan. Gayunman, mga bandang hatinggabi ay hindi pa sila natutulog. Marahil sila ay nagbabasa o basta nag-uusap nang biglang magdilim sa kanilang silid. Gayunman, ang mga naninirahan sa Lagos, Nigeria, ay sanay na sa madalas na pagkawala ng koryente. Kaya malamang na nangapa-ngapa si Sunday patungo sa lugar kung saan ang mga posporo at mga kandila ay nakatago at sinindihan ang isang kandila. Walang alinlangan na ang init ng gabi ang nagpatulog sa kaniya at sa kaniyang mga kaibigan. At habang sila ay natutulog, ang kandila ay nauupos . . .

Maguguniguni lamang ng isa ang malaking takot na malamang ay nadama nila nang sila ay maalimpungatan dahil sa init at usok ng nagngangalit na apoy. Ang mga kabataan ay nagtititiling humingi ng tulong at balisang sinikap na buksan ang pinto​—ngunit huli na. Sila ay naglaho sa apoy at usok ng sumabog na mga kemikal.

ANG malungkot na mga sakunang gaya nito ay pangkaraniwan sa Nigeria. Isang bata ang naglalaro ng posporo, isang lalaking nakatulog na hawak ang nakasinding sigarilyo, isang basahan na naiwang malapit sa mga ningas ng kalan​—at biglang-bigla ang mabait na apoy ay naging isang mamamatay-tao. Oo, sinira ng malalaking apoy kamakailan ang maraming palengke sa maraming bahagi ng bansa. Ang malalaking tanggapang mga gusali ay naging abo, ang mga tahanan ay natupok, at mga buhay ay nawala.

Ang dalamhati ng bansa ay umapaw noong Lunes, Enero 24, 1983, habang ang NECOM (Nigerian External Communications) House ay natupok sa apoy. Itong 37-palapag na gusali ay naglalaman ng computerized at mamahaling mga kagamitan​—ang sentro ng sistema sa telekomunikasyon ng Nigeria. Ang kaakit-akit na gusaling ito, ang pinakamataas sa Kanlurang Aprika, at tinatawag na kapurihan ng Nigeria, ay pinagliyab at pinag-alab ng hanging harmattan. a

Si Joe ay nagtatrabaho sa gusaling ito at kaniyang nagugunita: “Karakaraka pagkatapos magkasunog noong bandang 9:30 N.U., ang natarantang mga manggagawa ay nagluksuhan mula sa ikalimang palapag at bumagsak na napilayan sa daan. Isa ang namatay. Ang ibang mga manggagawa ay nasukól sa bubungan habang nilalamon ng apoy ang sunud-sunod na palapag. Libu-libong walang magawang mga nagmamasid ang nag-iiiyak at nagtititili. Marami ang nanalangin nang malakas, lumuluhod at itinataas ang kanilang mga kamay sa pagdurusa. Ang mga bombero, na ang mga kagamitan ay hindi sapat para sa gayong mataas na gusali, ay walang magawa. Ang nasukól na mga manggagawa ay humingi ng tulong, nawalan ng pag-asa hanggang sa apat na helikopter ng Nigerian Air Force ang nagligtas sa kanila.”

“Tama na,” sabi ng mga taga-Nigeria. Nagsimula silang humiling ng mga pamamaraang panlaban sa sunog sa mga gusaling pampubliko at humingi ng mas mabuting mga kagamitan na panlaban-sunog. Samantalang tiyak na ito’y makatutulong, mahirap nitong maalis ang ilang pangunahing sanhi ng problema.

Sa Likuran ng Panganib na Sunog

Bakit, kung gayon, napakapangkaraniwan ng mga sunog sa bansang ito? Sa isang bagay, nariyan ang di-ligtas na mga kalagayan sa pamumuhay. Ang karamihan ng mga pamilya sa mga lunsod sa Nigeria ay nakatira sa siksikang bahay-paupahan na mga gusali. Sila’y nagluluto sa mga kalang de-langis sa mga pasilyo na punô ng nagkalat na mga bagay na madaling magliyab. Ang madalas na pagkakawala ng koryente ang nag-uudyok sa kanila na gumamit ng mga kandila at mga lampara na may nagdiringas na apoy. Ang mga nakatira sa isang silid ay kadalasang nagsasaksak ng napakaraming aplayanses sa kakaunting mga outlet ng koryente. Ang labis na pagkakargang ito ay maaaring maging sanhi na ang mga kawad ng koryente ay mag-init at pagsimulan ng sunog.

Ang mga palengke sa Nigeria ay malamang na pagsimulan din ng isang sunog. Ang kumakalat at siksikang mga tindahan na yari sa kahoy ay punúng-punô ng mga materyales na madaling masunog. Gayundin, ang mga tanggapang pampubliko ay hindi lamang siksikan at punô ng nagkalat na mga materyales na madaling masunog kundi kulang din ng sapat na mga kagamitan na pamatay-sunog. Ang mga kalagayang ito ay mga panganib sa sunog. Ngunit mayroon pang isang posibleng dahilan: panununog o arson!

Ang ilan sa mga tanggapang pampubliko na nasunog ay naglalaman ng mga impormasyong may kinalaman sa isinasagawang mga imbestigasyon ng panghuhuwad. Ikinakatuwiran sa gayon ng iba na ang mga sunog na ito ay sinimulan ng mga taong nagnanais na sirain ang nakapipinsalang ebidensiya. Ang paghihinala sa panununog ay bumangon din dahilan sa maraming mga sunog sa palengke ang naglaan ng pagkakataon para sa malawakang pagdarambong. Isang editoryal ng pahayagang New Nigerian ang bumanggit tungkol sa “kamangha-manghang huwaran ng malaking sunog, pandarambong at pagkakagulo” sa mga pagkakasunog ng palengke at ang sabi: “Ang lahat ng palatandaan ay tumuturo sa bagay na ang mga pagkakasunog na ito ng mga palengke ay gawa ng isang lubhang organisadong mga gang ng kriminal.”

Samakatuwid ang panganib na sunog ay tunay. Ngunit mayroon bang anumang bagay na magagawa ang mga taga-Nigeria upang bawasan ang panganib? Oo, ang ilan sa mga mungkahi sa kahon (sa pahina 16) ay maaaring mapatunayang praktikal din sa iyong bahagi ng daigdig.

Ang nakatutulong na mga mungkahi kung papaano pakikitunguhan ang sunog ay inilathala sa Setyembre 8, 1980, na labas ng Awake! Ginamit ng dalawang manggagawa sa NECOM House, sina Joe at Bose, ang payong ibinigay roon. Ganito ang naalaala ni Joe, na nagtatrabaho sa ikasiyam na palapag: “Nang sabihin sa akin ng isang junior officer na ang gusali ay nasusunog, binuksan ko ang aking pinto at nakita ko ang mga taong nagdadagsaang pababa sa mga hagdan sa kalituhan. Pinag-iisipan ko ngayon ang tungkol sa pagtakas, naalaala ko ang nabasa ko sa Awake! Naalaala ko na dapat akong manatiling mahinahon at huwag mataranta, na hindi ko dapat gamitin ang elebeytor kundi sa halip ay gamitin ang fire escape, sapagkat ang mga elebeytor ay madaling maging mga firetrap. Isa pa, inalam ko na antimano ang mga hagdanan at labasan. Tinungo ko ang fire escape, ngunit nang makarating ako sa ikaanim na palapag, hindi na ako nakababa pa dahilan sa usok. Natatandaan ko pa na mayroong rampa para sa mga kotse na nasa likuran ng gusali, kinuha ko ang rutang ito at nakaligtas.”

Si Bose ay may nahahawig na karanasan: “Nang matuklasan ko na ang usok ay tumataas sa hagdan patungo sa ika-14 na palapag kung saan naroon ang aking opisina, hinudyatan ko ang aking mga kamanggagawa at, iniiwan ang aming mga pag-aari, hinanap namin ang daang papalabas ng gusali. Ang mga tao ay nagdadagsaan pababa sa mga hagdan at nagpapaikut-ikot sa kalituhan. Yamang alam ko nang patiuna ang mga labasan, sinigawan ko ang iba, ‘Dito tayo magdaan!’ Sa gayon marami sa amin ang nakarating sa ibaba.”

Sa kabutihang palad, dalawa lamang katao ang namatay sa sunog, pangunahin nang dahilan sa ang gusali ay maraming labasan at ang apoy ay, sa simula, doon lamang sa isang pakpak ng gusali. Ang mga namatay, gayunman, ay dahilan sa hindi alam ng mga biktima kung ano ang gagawin.

Huwag gawin ang gayunding pagkakamali. Walang alinlangan na ang mga sunog ay patuloy na magdudulot ng dalamhati sa Nigeria, gaya ng ginagawa nito sa maraming panig ng daigdig. Ngunit ang panganib ng sunog ay maaaring mabawasang lubha kung ikaw ay kukuha ng makatuwirang mga hakbang upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya.

[Talababa]

a Ang “harmattan” ay isang tuyong hangin sa taglamig na umiihip mula sa Disyerto ng Sahara tungo sa Kanlurang baybayin ng Aprika.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16]

Pag-iwas at Pagkaligtas sa Sunog

Ang magulong mga silid at mga pasilyo ay mga panganib sa sunog. Itabi nang maayos ang mga papel, mga aklat, at pananamit sa kanilang dako. Alisin ang di-kinakailangang mga muwebles. Maingat na gamitin ang mga kagamitang de-koryente at huwag kargahan nang labis ang mga outlet. Kung ginagamit ang plantsa, tiyakin na ito ay nakapatong sa isang tuntungang bakal at panatilihing hindi nakasaksak sa koryente kapag hindi ginagamit. Ang mga kandila ay likas na mapanganib, ngunit kung ito ay kailangang gamitin, tiyakin na patayuin ito sa tuntungan na hindi tinatablan ng apoy at malayo sa mga kurtina at iba pang mga bagay na nasusunog. Tiyakin din, na patayin ito bago matulog.

Ang paninigarilyo ay hindi lamang panganib sa kalusugan kundi isa ring delikadong panganib sa sunog. Kaya HUWAG MAGSIGARILYO! “Tandaan,” sabi ng Bibliya, “kung gaano kalaking gubat ang pinag-aalab ng lubhang maliit na apoy.” (Santiago 3:5, Weymouth) Isa pa, itabi ang mga posporo, petrolyo, at iba pang mga bagay na madaling magliyab sa lugar na hindi naaabot ng mga bata. Ipaliwanag sa kanila kung gaano kapanganib ang sunog.

Kung magkasunog sa kabila ng lahat ng mga pag-iingat na ito, ang patiunang paghahanda ay maaaring makaligtas ng iyong buhay. Maaaring praktikal na magkaroon ng mga pagsasanay sa sunog ang pamilya. Isaplano ang mga daan na tatakasan (at ang mga mapagpipilian) mula sa bawat silid sa inyong bahay. Karagdagan pa, ikintal sa isipan ng iyong pamilya na kung magkasunog, dapat silang karakarakang lumabas sa nasusunog na gusali. Ang pagsisikap na mailigtas ang ilang materyal na mga pag-aari ay maaaring makamatay. Manatiling mahinahon at ituon ang isip sa paghanap ng daan na lalabasan. Minsang ikaw ay nasa labas, maaari kang humingi ng tulong.