Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nasa Likuran ng ‘Himala’?

Ano ang Nasa Likuran ng ‘Himala’?

Ano ang Nasa Likuran ng ‘Himala’?

SA MGA bakuran ng paaralan at sa mga tarangkahan ng pagawaan sa Hapon, karaniwan nang makikita mo ang isang estatuwa ng isang munting batang lalaki na may pasang kahoy sa kaniyang likod at isang aklat sa kaniyang kamay. Si Ninomiya Sontoku ang ika-19 siglong “Maralitang Pantas ng Hapon.” Ipinanganak sa isang mahirap na pamilyang mambubukid, tinuruan niya ang kaniyang sarili na bumasa at sumulat. Pagkatapos magtagumpay sa bukirin ng kaniyang pamilya, tinuruan niya ang iba kung papaano pangangasiwaan ang kanilang mga bukirin at mga kabuhayan, at kung papaano magtatrabaho na kasama ng iba para sa kapakinabangan ng isa’t-isa. Siya ay naging sagisag ng tagumpay sa pamamagitan ng paggawang masikap at pakikipagtulungan.

Mangyari pa, ang ibang mga bansa ay mayroong kani-kanilang bersiyon ng mahirap-na-batang-napabuti na mga bayani. Subalit marahil walang isa man sa kanila ang makahahambing kay Ninomiya sa impluwensiya na nagawa niya sa paghubog sa kultural at sosyal na mga pagpapahalaga ng mga Hapones​—ang kanilang walang-tinag na etika sa pagtatrabaho, ang kanilang kakayahan na tiisin ang pinakamahigpit na mga hadlang, at ang kanilang pagkukusa na gumawa ng kinakailangang personal na mga sakripisyo sa kabutihan ng lahat. Sa diwa ni Ninomiya, marahil higit sa lahat ng iba pang bagay, mahihiwatigan natin kung ano nga ba ang nasa likuran ng kasalukuyang panahong himalang Hapones.

Maagang Paghubog

Nagsisimula sa tahanan, ang bawat membro ng pamilyang Hapones ay may espisipikong dako. Tinatawag ng nakababata ang kanilang nakatatandang mga kapatid, hindi sa pangalan, kundi bilang “kuya” o “ate.” Bilang pagtugon sa tanong na: “Kuya, ano ang palagay mo tungkol dito?” kakausapin ng kuya ang nakababatang mga kapatid, ginagamit ang kanilang mga pangalan at isang pamilyar, hindi gaanong magalang, na anyo ng “mo,” o “ikaw.” Ang asawang lalaki ay may iba’t ibang terminong mapagpipilian kapag tinutukoy ang kaniyang asawa, na walang isa man dito ang tila magandang pakinggan sa Kanluraning pandinig. Sa kabilang dako, tinatawag ng babae ang kaniyang asawang lalaki nang may paggalang bilang “panginoon ko.” Kaya, mula sa maagang pagkabata, nakikilala ng isa ang kaniyang dako sa grupo at inaasahan na tutulong sa kapakanan ng lahat sa pagganap sa bahagi na iniatas sa isa.

Edukasyon na Kaayon ng Grupo

Ang ideyang ito ay pinatitibay kapag ang isa ay pumasok sa paaralan. Dito muli, ang pagdiriin ay sa pakikiayon at sa mga pagpapahalaga ng grupo. Ang mga estudyante ay nagsusuot ng uniporme sa paaralan. Upang linangin ang kamalayan sa grupo, kabilang sa mga tungkulin ng mag-aaral ang pagpapanatiling malinis at maayos ng kanilang mga silid-aralan, mga pasilyo, at mga bakuran ng paaralan. Ang Hapones na sistema ng paaralan ay kilalang-kilala sa mahigpit at mahirap na mga pamantayan nito. Ilan lamang ang hindi sapilitan sa kurikulum, at lahat sa klase ay inaasahan na gawin ang kanilang pinakamabuti upang makaagapay. Madalas mabanggit na ang pangunahing Hapones na pangmalas sa edukasyon ay nagsasangkot sa pagbibigay kaalaman ng guro at ang pagtanggap dito ng mga estudyante, karaniwan na sa pamamaraang rote o pag-uulit. Ang indibiduwalidad at sariling pag-iisip ay hindi hinihikayat.

Siyam na taon ng elementarya at junior high school na edukasyon ang hinihiling. Ngunit pangkalahatang pinagkasunduan na ng mga Hapones na ang pagpasok sa tamang mataas na paaralan at sa tamang unibersidad ay hahantong sa mabuting trabaho, seguridad, at tagumpay. “Sa Hapon, ang malaking bahagi ng iyong tagumpay sa buhay ay depende sa kung aling unibersidad ka nag-aral,” sabi ng isang vise-presidente ng paaralan. “Ito’y isang pasaporte na dapat ay mayroon ka, at ang paligsahan o labanan upang makuha ito ay nagsisimulang maaga sa buhay.”

Ang “paligsahan” na iyon ay binubuo ng pagpasá sa mahirap na mga entrance examination upang makapasok sa piling mataas na mga paaralan, na, siya namang maghahanda sa isa para sa mas mahirap na mga eksamem upang makapasok sa ninanais na mga pamantasan. Ang mga eksamen na ito ay lubhang pataasan na karagdagan pa sa mahaba nang mga araw sa pag-aaral​—240 mga araw, kung ihahambing sa 180 mga araw lamang sa Estados Unidos​—mahigit sa kalahati ng mga estudyante sa elementarya at junior high school ang nag-eenrol sa tinatawag na mga after-hours cramming school. Ang mahaba, mahirap na mga oras ng pag-aaral at personal na mga pagsasakripisyo ay karaniwan na kahit na sa maagang yugtong ito.

Ang pagtiyak na ginagawa ng mga bata kung ano ang inaasahan sa lahat ng panahon ay pangunahing gawain ng ina, na ang tungkulin ay pilitin, hikayatin, pagpayuhan, o bantaan pa nga ang kaniyang anak, para magpakasubsob sa pag-aaral upang makakuha ng matataas na marka. Sa Hapones, siya ay magiliw na nakikilala bilang kyoiku mama (edukasyong ina). Siya ay nagtutungo sa paaralan para sa mga panahon ng pagmamasid ng mga magulang, ipinakikipag-usap ang pagsulong ng kaniyang mga anak sa mga guro, sinusuri ang mga resulta ng kanilang pagsusulit at mga report kard, at nauupo pa nga sa klase para sa kanila kapag sila ay may sakit. Ang lahat na ito ay ginagawa upang matiyak na ang kaniyang mga anak ay makakakuha ng mataas na mga marka sa mga eksamen.

Kumusta naman kung ang isang estudyante ay hindi nakakaabot sa kung ano ang inaasahan? Ang pagpuna-sa-sarili ay hinihiling. Maaaring ito’y sa anyo ng isang sanaysay o isang talumpati sa harap ng klase. Dapat niyang ipagtapat ang kaniyang kabiguan, ang dahilan nito, at kung ano ang binabalak niyang gawin upang malunasan ang kalagayan. Sa pana-panahon, ang mga magulang ay hinihiling na sagutin ang mga katanungan sa kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak sa labas ng paaralan, ang kanilang mga ugali sa pagkain, ang kanilang mabuti at masamang mga ugali, at ang iba pang personal na mga bagay tungkol sa kanilang buhay pampamilya. Ang gayong kawalang-lihim ay inaakalang tutulong upang sawatain ang anumang hilig sa hindi pakikiayon. Gagawin naman nito na mas madali para sa kanila na makipagtulungan sa iba sa dakong huli.

Ang gayong mahigpit na sistema ay maliwanag na may kaniyang mga kabutihan at mga kahinaan. Sa mabuting panig, ginagawa nito ang mga kabataan na magkaroon ng mataas na antas ng kakahayan sa pagbasa, pagsulat, matematika, at sa iba pang pangunahing mga kasanayan. “Naitaas ng sistema ng edukasyon [ng Hapon] ang kalidad ng kaalaman ng malaking bilang ng populasyon sa mga antas na hindi natamo saanman,” sabi ng Far Eastern Economic Review, at ang “superyor na katangiang ito ng kanilang mga tao” ang may malaking pananagutan sa tagumpay sa ekonomiya pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Sa kabilang dako, ang udyok na umalinsunod, gumawa nang mahusay, at umalinsabay ay lumikha ng maigting na kapaligiran sa hindi gaanong matalinong mga estudyante. Ang kinukuyom na kabiguan ay umakay sa mga pagpapatiwakal at mga silakbo ng karahasan sa mga paaralan. Ang mga ito ay lumikha ng pangit na mga paulong-balita sa mga pahayagan sa pana-panahon.

Unibersidad at Higit Pa

Balintuna, minsang ang isang estudyante ay makapasok sa unibersidad, ang kaigtingan ay nawawala. Ang pinakakanais-nais na mga maypatrabaho​—prestiyosong mga ahensiya ng gobyerno at malalaking korporasyon​—ay karaniwang sinusukat ang mga aplikante ayon sa kung anong unibersidad sila nakapasok, sa halip na kung paano sila puspusang nag-aral sa unibersidad, basta sila ay nakapagtapos. Minsang sila ay nakalap, sila ay tinuturing na mga panangkap (raw material) na kailangang hubugin-muli, sanayin-muli, at turuan-muli ayon sa mga layunin ng kompanya.

Gayunman, ang pagtuturong-muli ay hindi limitado sa bagong mga kaanib lamang. Nababatid ang mabilis na mga pagbabago sa mga larangan ng teknolohiya, ang malalaking kompanya ay gumugugol ng malaking halaga upang paglaanan ang kanilang mga empleado ng nagpapatuloy na edukasyon sa buong karera nila. Ang mga empleado ay nagiging higit na kapaki-pakinabang sa kompanya, at napapangasiwaan ng kompanya na manatiling nangunguna sa sumusulong na teknolohiya.

Bahagyang ipinaliliwanag nito kung bakit ang karamihan ng mga Hapones ay nagtatrabaho sa iisang kompanya habang-buhay. Kung sila ay magbibitiw, halos wala silang mapapasukan na iba pa. Ang bagong mga membro ng kompanya ay kinukuha mula sa mga unibersidad at mga high school, hindi mula sa ibang mga kompanya. Bakit ka kukuha ng isang nagbibitiw sa trabaho, gayong napakaraming bagong mga naghahanap ng trabaho na nag-aasam ng habang-buhay na trabaho? Sa Hapon, malamang na hindi bubuti ang kalagayan ng isang tao sa pagpapalit ng mga trabaho, kahit na gaano pa siya hindi nasisiyahan sa kaniyang kasalukuyang trabaho. Dito, ang buhay ay masaklap para sa isa na nagbibitiw. Ang tinatanggap na huwaran ay isang high school, isang unibersidaad, isang kompanya.

Sa lahat ng tagumpay na ipinalalagay na bunga ng Hapones na sistema ng kabuhayan, ano nga kaya ang nakakatulad ng pagtatrabaho at pamumuhay sa ilalim nito? Ang malalaking kompanya at habang-buhay na trabaho ay maaaring kaakit-akit at matatag, ngunit ang pagiging isang maliit na bahagi kaya sa makinaryang ito na gumagawa ng himala ang sukdulan sa tunay na kaligayahan at kasiyahan? Tingnan natin kung ano kaya ang buhay sa isang malaking kompanya sa Hapon.

[Larawan sa pahina 4]

Ang sistema ng paaralan ay kilala sa mahigpit na mga pamantayan nito

[Pinagmulan]

Hapones na Sentro ng Impormasyon

[Larawan sa pahina 5]

Itinuturo ng mga paaralan ang pakikiayon at pagpapahalaga sa grupo

[Pinagmulan]

Hapones na Sentro ng Impormasyon