Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pagsusuri sa ‘Himalang Hapones’

Isang Pagsusuri sa ‘Himalang Hapones’

Isang Pagsusuri sa ‘Himalang Hapones’

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hapon

PINANUNOOD ng isang lalaking Ingles ang kaniyang paboritong programa sa TV sa isang Sony. Isang taga-Uganda ang nagmamaneho sa maalikabok na daan ng kaniyang Toyota. Tinutuos ng isang despatsador sa Indonesia ang kuwenta sa isang Canon. Kinukunan ng litrato ng isang turista sa Atenas ang bantog na Parthenon na ginagamit ang isang Nikon. Sa mga kalye ng Brooklyn, isang kabataan ang kakawag-kawag sa indayog ng tugtugin na nagmumula sa kaniyang nabibitbit na JVC.

Ang listahan ay maaari pang magpatuloy. Ang mga ito at ang iba pang dati’y kakatwang tunog na mga pangalan ay naging pangkaraniwang mga salita. Inilalarawan nito ang mga produktong Hapones na bumaha sa pamilihan ng daigdig, anupa’t ang mga bisitang Hapones sa ibang bansa ay kadalasang nagrireklamo na nahihirapan silang makasumpong ng mga subinir na hindi yari sa Hapon.

Mga 40 taon lamang ang nakalipas, ang Hapon ay nagpupunyaging makabangon mula sa mga kagibaan ng Digmaang Pandaigdig II. Ngayon ito ay isang dambuhala sa kabuhayan na dapat kilalanin ng iba pa sa daigdig. Halimbawa, nahigitan ng Hapon ang produksiyon ng Amerika sa bakal. Ang Britanong mga manggagawa ng motorsiklo ay napag-iwanan na ng mga Hapones. Ang mga relong Suiso at mga kamerang Aleman ay nalantad din sa gayong uri ng kompetisyon. Mula sa mga kotse hanggang sa mga siper, isang mahabang listahan ng gayunding mga istorya ng tagumpay ng mga Hapones ang maisasaysay. Bagaman apektado rin ng internasyonal na krisis sa langis at ng pag-urong ng kabuhayan, gayumpaman, naligtasan ng Hapon ang kapahamakan at lumitaw na mas malakas kaysa kailanman. Hindi kataka-taka na tinawag ito ng marami na ang ‘Himalang Hapones.’

Ngayon, ang mga dumadalaw sa bansang ito ng 120 milyon katao ay kadalasang nagugulat, namamangha pa nga, sa materyal na pag-unlad. Ang mga tao ay mukhang bihis na bihis, malusog, at matagumpay. Ang karamihan ng mga tahanan, bagaman maliit, ay may mga telebisyong de-kolor, mga telepono, mga air-conditioner, at di-mabilang na mga aplayanses at elektronikong mga gamit na nagtitipid-gawain. Ang malalaking mga lunsod ay punúng-punô ng nagkikislapan, matataas, modernong mga gusali at walang katapusang daloy ng maayos, tila bagong mga kotse.

Ang pag-unlad ay hindi limitado sa materyal na uri. Ang Kanluraning sining, musika, at mga laro ay nahigitan ng mga Hapones. Halimbawa, ipinagpaparangalan ng lunsod ng Tokyo ang walong malalaking symphony orchestra, dinadaig kahit na ang tatag na mga kabisera sa musika na gaya ng Vienna, Paris, at New York. Ang Amerikanong laro na baseball ang ngayo’y naging pinakapopular na laro ng Hapon, tinatayang may 20 milyong mga kasali sa Little League, mga koponan ng kompanya, o propesyonal na mga koponan sa buong bansa. Sa kabuuan, ang dami ng mga walang trabaho sa Hapon ay kabilang sa pinakamababa sa daigdig, at ang bilang ng mga marunong bumasa at sumulat ng bansang ito ay kasinghusay niyaong sa alinmang bansa.

Maliwanag, ang pinakamahalagang tanong ay: Ano ang nasa likuran ng himalang Hapones? Ang kasagutan ay pinakahahangad ng mga lider sa maraming bansa na sabik na sabik na ikapit ito upang palakasin ang kanilang bumabagsak na produksiyon at ekonomiya. Oo, magiging lubhang kapaki-pakinabang na alamin kung ano ang nagpangyari sa himalang ito at kung anong mga leksiyon ang matututuhan ng iba mula rito.