Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Herpes

Nabasa ko ang inyong artikulo tungkol sa herpes (Pebrero 8, 1985 sa Tagalog) at ako’y nagtataka kung bakit hindi ninyo binanggit na ang herpes ay hindi lamang nagpapahirap sa mga taong imoral. Kailangan kong magpakuha ng isang herpes test bago ang isang operasyon, at bagaman hinding-hindi ako nagkaroon ng mahalay na mga kaugnayan sa sekso, positibo ang lumabas sa pagsusuri.

C. D., Michigan

Oo, ang isa ay maaaring magkaroon ng genital herpes nang hindi nagiging imoral. Ang puntong ito ay pinatotohanan sa talababa ng aming mga artikulong nabanggit sa itaas, sa mga pahina 4 at 7. Ngunit ang genital herpes ay karaniwan nang naililipat sa pamamagitan ng seksuwal na pagsisiping, at inaakala na ang mabilis na pagkalat ng sakit na ito ay dahilan sa lubhang pagdami ng kahandalapakan sa sekso nitong nakalipas na mga taon.​—ED.

Karanasan sa Dachau

Ako’y nasindak ng artikulong “Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau.” (Hulyo 8, 1985 sa Tagalog) Pakisuyong alisin ang mga bagay na naglalarawan ng seksuwal, pagpapahirap na uri (huling parapo sa pahina 17) at huwag nang ulitin pa ito.

K. F., California

Sumasang-ayon kami na hindi namin dapat ilathala ang anumang seksuwal na paglalarawan sa aming magasin. Gayunman, hindi namin itinuturing ang huling parapo sa pahina 17 na seksuwal na paglalarawan. Totoo, ang parapo ay may tindi, ngunit ito ay umaakay sa isang malakas na puntong nakapagtuturo sa susunod na parapo. Kung naligtasan ng batang babaing iyon ang karanasan, tiyak na maliligtasan din natin ang pag-uulat tungkol dito. Mas maliwanag pa ang paglalahad ng Bibliya sa ilang mga kalagayan.​—ED.

Namayani sa akin ang maraming emosyon habang ako ay nagbabasa: awa, galit, kaligayahan. Nang mabasa ko ang tungkol sa mga kalupitan na nakita niyang dinanas ng kaniyang ina, ako’y naiyak. Ang kaniyang kuwento ay nakapagpapatibay sa akin. Ako’y tuwang-tuwa sa kinalabasan ng kaniyang karanasan, labis na natutuwa na siya ngayon ay mayroong gayong kahanga-hangang hinaharap na inaasam-asam. Ang kaniyang halimbawa ng saloobin ay tiyak na isa na karapat-dapat tularan. Maraming salamat sa paglilimbag ng gayong kahanga-hangang artikulo.

J. F., Illinois

Elektrisidad

Nasiyahan ako sa inyong artikulo tungkol sa elektrisidad (Hulyo 22, 1985 sa Tagalog), ngunit hindi ba dapat ay ipinaliwanag ng paglalarawan at ilustrasyon sa pahina 27 na mahalaga kung ano ang paraan ng pagkakabit ng mga kawad ng koryente? Ang baligtad na pagkakabit nito ay maaaring lumikha ng mga problema.

C. P., Florida

Hindi namin layon na gawin ang gayong detalye. Inilagay lamang ang kulay sa isang kawad upang maiba ito sa isa pang kawad sa buhol, ngunit ito ay maaaring makalito. Upang makaayon sa U.S. National Electrical code para sa ganitong uri ng tatlong-kawad na plag, ang kawad na neutral, na puti, ay dapat na ikabit sa flat blade na ipinakita sa kanan sa ilustrasyong ito. Ang blade na ito ay mamarkahang “puti” o may kulay pilak na turnilyo. Ang itim o matingkad na kulay na kawad ay dapat na ikabit sa isa pang flat blade. Tanging ang berde o berde-at-dilaw na ground wire ay dapat na ikabit sa bilog na ground pin na nasa harapan. Tinitiyak nito ang kaligtasan. Ang ibang mga bansa ay mayroon ding mga pamantayan para sa pagkakabit ng mga kawad, na dapat ding sundin.​—ED.