Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

‘Nakasásamá sa mga Bata’

● “Ang banta ng digmaang nuklear ay nagkakaroon ng nakasasamang sikolohikal na epekto sa mga bata,” ulat ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Tatlong ikaapat ng mga estudyante sa mga gradong 5 at 6 at mga gradong 12 at 13 na kinapanayam ang nagsabi na hindi nila inaasahang mabubuhay nang mahaba, sabi ng saykayatris sa Toronto na si Frank Sommers. Sa isang pag-aaral sa E.U., tinanong ng saykayatris na si Sybille Escalona ang 350 mga bata kung ano ang kanilang inaakala na kahihinatnan ng daigdig sa sampung taon. Pitumpong porsiyento “ay kusang bumanggit tungkol sa bomba . . . ginuguniguni ang nakatatakot na pag-iral sa ilalim ng lupa, o ang lansakang pagkalipol,” sabi ni Escalona. Sa Unyong Sobyet, 80 porsiyento ng 300 mga kabataang tinanong ng mga saykayatris sa E.U. ang bumanggit na apektado ng banta ng digmaang nuklear ang kanilang mga plano sa hinaharap. Ganito ang konklusyon ng pahayagan sa Toronto: “Bilang mga may sapat na gulang at mga magulang, dapat nating unawain kung ano ang ginagawa natin sa mga bata sa paghaharap sa kanila ng isang daigdig na punúng-punô ng gayong nakatatakot, makapangyarihang mga sandata.”

Kapayapaan Pagkatapos ng 2,130 Taon

● Ang Ikatlong Digmaang Punic sa pagitan ng Roma at Carthage, na ipinaglaban mula 149 hanggang 146 B.C.E., na nang panahong iyon ang Carthage ay nalipol, ay opisyal na nagwakas. Noong Pebrero, sa Tunis, Tunisia, si Alkalde Ugo Vetere ng Roma at Alkalde Chadli Klibi ng Carthage ay lumagda ng isang kasunduan sa kapayapaan. “Sa isang daigdig na nagbabaka, halos ang anumang kasunduan sa kapayapaan na nilagdaan, saanman, ng sinuman​—ay dapat papurihan,” sabi ng The Economist. “Hindi bale na ang huli kaysa walang mangyari.”

Pagdami ng mga Espiya

● “Mayroon tayong mas maraming tao na naparatangan ng pag-eespiya ngayon kaysa kailanman sa ating kasaysayan,” sabi ni William H. Webster, direktor ng FBI (Federal Bureau of Investigation). Noong 1984, 9 katao, pati na ang 5 mga Amerikano, ay pinaratangan ng pag-eespiya, dinadala ang kabuuang bilang sa 22 mula 1979. Bakit lubhang dumarami ang mga espiya? Ang pinakamalaking pangganyak ay salapi. Ngunit mayroon pang isang dahilan. Sang-ayon sa The New York Times, sinasabi ng mga imbestigador na “isang mapanganib na bagong lahi ng espiya ang lumitaw nitong nakalipas na mga taon: ang lalaki o babae na kumukuha ng impormasyon na nauudyukan ng pagkilos at intriga ng mga espiya sa mga nobela at mga pelikula at nagpapasiya na tularan ang kathang-isip na mga pantasiya.” Ang mga tao ay nagiging espiya “hindi lamang dahilan sa salapi kundi dahilan din sa katuwaan,” sabi ng report.

Panganib sa Panloloob

● Taun-taon halos isang milyon katao ang nasa bahay kapag nagkakaroon ng panloloob, at 30 porsiyento sa kanila ang nagiging biktima ng karahasan, sang-ayon sa Kawanihan ng mga Estadistika sa Hustisya ng Kagawaran ng Hustisya ng Estados Unidos. Ang nakatatakot na mga estadistikang ito ay batay sa mga report ng 73 milyong mga panloloob na naganap mula 1973 hanggang 1982. Sa 9.5 milyon katao na ginulat ng mga manloloob sa yugtong ito, 1.7 milyon ang sinalakay, 786,000 ang pinagnakawan, at 281,000 ang hinalay. “Isang malaking proporsiyon ng marahas na mga krimen na naganap sa tahanan ay nangyayari sa panahon ng panloloob,” sabi ng direktor ng kawanihan na si Steven Schlesinger.

Kakapusan ng Sanggol

● “Mahigit na 160,000 mga sanggol ang nilaglag noong nakaraang taon, binabawasang lubha ang bilang ng bagong silang na mga sanggol na maaaring ampunin,” ulat ng The Daily Telegraph ng London. “Ang mga mag-asawang walang anak na nagnanais mag-ampon ay kinakailangang maghintay ngayon ng mga ilang taon para sa isang angkop na sanggol at sa maraming kaso ay hindi makakukuha ng isang bagong silang na sanggol.” Karagdagan pa, mas maraming dalaga ngayon ang inaalagaan ang kanilang mga sanggol kaysa ipaampon ang mga ito. “Nakakaharap ang gayong kakulangan ng bagong silang na mga sanggol para ampunin maliwanag na lubhang kaakit-akit sa mga mag-asawang walang anak na maging tagapag-alaga ng sanggol malibang kung ito’y ipagbawal ng batas,” hinuha ng report.

Walang-Tigil na mga Cesarean

● “Mas maraming sanggol ang ipinanganganak na Caesarean [sic] higit kailanman,” ulat ng Newsweek, sa kabila ng inanunsiyong mabuti na mga rekomendasyon na baligtarin ang hilig na ito. Noong 1975, 10.4 porsiyento ng lahat ng panganganak sa Estados Unidos ay isinagawa sa pamamaraang cesarean. Noong 1980 ang bilang ng mga cesarean ay tumaas tungo sa 17 porsiyento. Ngayon ang bilang ay 20 porsiyento. Si Dr. Norbert Gleicher, awtor ng isang bagong pag-aaral sa The Journal of the American Medical Association, ay nagsasabi na ang sangkatlo ng mga cesarean sa ngayon ay isinasagawa sapagkat ang operasyon ay ginamit na sa dating panganganak ng ina. Ngunit ang kasabihang “minsang cesarean laging cesarean” ay lipas na, sabi niya, idinaragdag pa na “60 porsiyento ng mga babaing ito ang maaaring manganak sa likas na paraan kung bibigyan ng pagkakataon.” Inirirekomenda ni Gleicher na ang mga ospital na may maraming cesarean-section na pag-aanak ay dapat imbestigahan.

Pag-iwas sa mga Panganib ng Dugo

● “Napakaraming [mga manggagamot at mga pasyente] ang nag-aakala na ang tinatawag na ‘donor transfusions’ ay ligtas,” sabi ni Ronald O. Gilcher, direktor ng Oklahoma Blood Institute. “Ang mga pagsasalin ng dugo ng magkauring dugo ay hindi ligtas.” Sumasang-ayon si Dr. Robert Mendelsohn, isang kilalang kritiko sa maraming karaniwang mga gawaing pangmedisina, na iminumungkahi ang sumusunod upang maiwasan ang mga panganib ng pagsasalin ng dugo: “Yamang ang mga bangko ng dugo ay malamang na hindi tanungin ang lahat ng mga katanungan na maaaring mag-alis sa maraming [di-angkop] na mga tagapagbigay, at yamang ang maraming mga tagapagbigay ay malamang na hindi magbigay ng totoong mga kasagutan, inuulit ko ang aking napatunayan-ng-panahon na rekomendasyon​—kung sasabihan kayo ng inyong doktor na kailangan ninyo ng isang pagsasalin ng dugo, sabihin ninyo na kayo ay isang Saksi ni Jehova.” Mangyari pa, iyan ay isang pandaraya. Ngunit maliwanag na inaakala ng doktor na ang katayuan ng mga Saksi ni Jehova laban sa pagpapasalin ng dugo ay matalinong pasiya.

Ireserba ang mga Palakang Iyon

● ‘Ihinto na ang paggamit ng [mga hita] ng palaka’ mula sa Bangladesh, India, at Indonesia.’ Iyan ang hinihiling ng World Wildlife Fund sa mga may-ari ng restauran at mga kusinero sa otel upang mapanatili sa tatlong bansang ito ang pinakamabisang pansawata ng insekto. Ang Bangladesh lamang ay nagluwas ng 70 milyong mga palaka nooong 1983. Subalit ang 70 milyong mga palaka ay kumakain ng 100 toneladang mga insekto araw-araw, pati na ang mga lamok na nagdadala ng malaria, sabi ng Wildlife Fund. Kung wala ang mga palakang ito, darami ang mga lamok. Sabi pa ni Elizabeth Kemf, editor ng W.W.F. News: “Sa Bangladesh ang halaga ng pag-aangkat ng mga pestisidyo [upang sawatain ang mga insekto] ay nakahihigit kaysa kinikitang rentas” mula sa pagluluwas ng mga palaka.

‘Hindi Tamang Gawain’

● Ang gawain na pagtanggap ng mga pagsasalin ng dugo upang paghusayin ang paglalaro ay kilala sa tawag na “blood-boosting,” “blood-doping,” at “blood-packing.” Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na maaari nitong pasulungin ang pagtitiis ng atleta sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga pulang selula ng dugo na nagdadala ng oksiheno sa katawan. Kamakailan, hindi kukulangin sa anim, marahil ay mga siyam, na mga membro na koponan ng mga siklistang Amerikano ang umamin na sila ay binigyan ng mga pagsasalin ng dugo bago makipaglaban sa Palarong Olympic sa Los Angeles, ulat ng The New York Times. Samantalang kinikilala na ang mga pagsasalin ng dugo ay hindi naman istriktong ipinagbabawal, hinatulan ni F. Don Miller, ang executive director ng United States Olympic Committee, ang mga ito bilang “hindi tamang gawain sa palakasan.”

Bagsak sa Heograpiya

● “Ang mga estudyante sa kolehiyo sa E.U. ay ‘bumagsak’ sa Kaalaman sa Heograpiya.” Iyan ang paulong-balita noong 1951 sa The New York Times. Noon, 77.5 porsiyento lamang ng mga estudyante sa kolehio sa North Carolina ang nakapagsabi kung anong bansa ang inaagusan ng Ilog Amazon. Higit na nakakaalam ba ang mga estudyante sa kolehiyo ngayon? Hindi ayon sa isang pambuong-estadong eksamen kamakailan. Tanging 27 porsiyento lamang ng mga estudyante sa kolehiyo sa North Carolina ang wastong nakapagsabi kung anong bansa iyon. Wala pang 50 porsiyento ang nakakaalam sa dalawang estado sa Estados Unidos na may pinakamalaking sukat​—ang Alaska at Texas. Ang ilang mga tinanong ay nagsabi na ang Dublin ay nasa Ohio, ang Lima ay nasa Italya, ang Ganges ay nasa Brazil, at ang Amazon ay nasa Egypt. “Para sa isang bansa . . . na ang sosyal na kayarian ay kaugnay sa mga pangyayari sa daigdig, kataka-taka na tayo ay walang alam tungkol sa heograpiya nito,” sabi ni Propesor Richard J. Kopec sa pagsusuri sa kinalabasan ng pagsusulit.

Usapang Lalaki, Usapang Babae

● “Sa isang karaniwang usapan, ang mga babae ay nagtatanong ng 70 porsiyento ng mga katanungan at kadalasang 96 porsiyento naman ang pagsabat ng mga lalaki.” Ganiyan sinusuma ng Science 85 ang mga resulta ng mga pag-aaral na sumuri sa impormal na mga pag-uusap sa pagitan ng mga lalaki at mga babae. Ang mga lalaki ay higit na mahinahon​—sumasabat lamang ng 75 porsiyento​—kapag nakikipag-usap sa mga babae na bagong kakilala. Kung tungkol sa pagsisimula ng pag-uusap sa pagitan ng lalaki at babae, napansin ng public relations consultant na si Pamela Fishman na ang mga lalaki ay nagkaroon ng 28 na tagumpay sa 29 na mga pagsubok samantalang ang mga babae ay nakakuha lamang ng 17 na tagumpay sa 47. “Ang mga lalaki . . . ang may malaking bahagi sa pagsabat (at pagsasalita),” ang konklusyon ng artikulo.

Pagpapasulong sa MPG

● Nakakabit sa wiring ng station wagon na 1981 Toyota ng imbentor na si David Hicks ay isang maliit na 13-onsa (370-g) na aparato na nanaising taglayin ng sinumang palaisip-sa-halaga na may-ari ng kotse. Ang aparato ay nagdaragdag ng 14 hanggang 23 porsiyento ng milya por galon. Papaano ito gumagana? Sa pamamagitan ng pagkontrol sa inilalabas na elektrisidad ng alternator ng kotse. Ang alternator ay laging gumagawa ng elektrisidad​—kadalasan na’y napakarami​—kapag tumatakbo ang kotse. Ito’y nakapagpapabigat sa makina. Ngunit ang imbensiyon ni Hicks ay sumasalanta sa alternator maliban na lamang kapag ginagamit ng tsuper ang brake light o kapag mahina ang baterya. Ang alternator ay tumatakbo halos sa lahat ng panahon, anupa’t hindi gaanong nabibigatan ang makina. Tinatawag ito ng mga inhinyero mula sa Kagawaran ng Enerhiya na “isang kapani-paniwalang pamamaraan sa pagpapasulong sa katipiran ng motor na mga sasakyan.”

Pagbabalik ng mga Asno

● Pinasinayanan ng lunsod ng Itu, Brazil, ang bago nitong Exposition Grounds sa pamamagitan ng isang subasta sa 160 na mga asno, nagpasok ng 650 milyon na mga cruzeiros (mga $217,000, U.S.). Ang pinakamagaling na hayop, isang Brazilian Pega, ay umabot ng 24 milyong cruzeiros (mga $8,000, U.S.). Ang mga asno ay nagiging napakahalaga sa Brazil. Hindi gaanong magastos at mas matibay kaysa mga traktora, maaari itong magtrabaho sa matatarik na mga dalisdis, maaaring makaraan sa mahirap na mga kanto, at pinaluluwag ang lupa ng kanilang mga paa habang hila-hila nila ang araro. Ang tumataas na halaga ng gatong ay gumagawa pa sa mga asno na maging lubhang kaakit-akit. Ang karamihan ng mga hayop na sinubasta ay gagamitin sa layuning pagpaparami.

Marahas na mga Laruan

● “Iba’t ibang grupo sa ibayo ng bansa ay humihikayat sa mga mamimili na iboykoteo ang militar na mga laruan,” sulat ng kolumnistang si Lois Sweet sa The Toronto Star. Ang GI Joe, isang popular na manika, ay isa sa pangunahing target ng boykoteo. Ang iba pang mga laruan na tinutulan ay ang A Team, HeMan, at ang mga manikang Masters of the Universe​—lahat ay sunod sa marahas na mga tauhan sa popular na mga programa sa telebisyon. Bakit ang gayong pagkabahala? Sabi ni Sweet na “ang pagdami ng mga laruang pandigma ay tumutukoy sa isang bagong pagkahumaling sa digmaan,” at ang mga laruang ito ay nagtuturo sa mga bata na “ang lakas ang siyang paraan upang lutasin ang mga suliranin.” Ang GI Joe​—na may kabuuang benta na $125 milyon (U.S.)​—ang pinakamabiling laruan noong 1984.

Ang Wala sa Planong Pagtatapat

● Kasasakay lamang ni Frances James sa isang tren pagkaraang dalawin ang kaniyang anak na babae, na pinagnakawan at binaril ng isang di-kilalang sumalakay isang araw lamang ang nakalipas. “Nagkataong napaupo ako sa tabi ng mga batang lalaki na ito,” sabi niya nang malaunan sa The Boston Globe, “at narinig ko na ang isa sa kanila ay nagsabi, ‘Nabaril ko ang isang babae sa Dorchester kagabi kasi ayaw niyang ibigay ang kaniyang bag.’” Tumalas ang pandinig ni Mrs. James. “Napatay mo ba siya?” tanong ng kaniyang kasama, sabi ni Mrs. James. Ang sagot: “Hindi, palagay ko’y hindi. Wala akong nabalitaan sa TV.” Sinundan niya ang mga kabataan, tumawag ng pulis, at itinuro ang mga pinaghihinalaan upang sila ay arestuhin. Ang nadakip, 14 anyos lamang, ay ipinagsakdal sa salang pagkadelingkuwente dahilan sa tangkang pagpatay. Sabi ni Mrs. James, “Isipin lamang na siya ay nagsasalita tungkol sa pagbaril sa aking anak na babae . . . sa tabi ko mismo. Hindi kapani-paniwala, di ba?”