Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinananatiling Abala ang Mumunting mga Kamay

Pinananatiling Abala ang Mumunting mga Kamay

Pinananatiling Abala ang Mumunting mga Kamay

MALUNGKOT na mga mata dahil sa kabiguan ang nakatitig sa labas ng bintana. ‘Umuulan na naman,’ sabay na buntong-hininga nina Kim at Leslie. Ang mga bata ay tumakbo sa kanilang ina at nagtanong: ‘Ma, ano ang maaari nating gawin ngayon?’

Pagkatapos ng isang aksidente sa kotse ang munting si Nicki ay naratay sa higaan ng dalawang linggo. “Napakahirap nito sa kaniya,” gunita ng kaniyang ina. “Mga ilang panahon din na wala siyang magawa at talagang siya’y nanlumo.”

Nakikita ni Christy, sampung taóng gulang, ang ibang mga kabataan sa paaralan araw-araw. Ngunit kapag siya ay umuuwi ng bahay, wala siyang gaanong makalaro. “Sabi ng mga magulang ko kailangang matutuhan kong aliwin ang aking sarili.”

Ang mga ama at ina saanman ay nagtatanong kung paano nila mapananatiling abala ang mumunting mga kamay sa kanilang pamilya nang kaaya-ayang gawain. Marahil isa sa maraming mga lunas sa problemang ito ay ang mura, madaling matutuhan na anyo ng sining na ginagamit ang masa ng tinapay.

‘Hindi pa ako nakarinig ng tungkol sa sining na masa ng tinapay kailanman,’ masasabi mo. ‘Ano ba ito?’ Ang masa ng tinapay ay parang luwad na maaaring gamitin upang lumikha ng maraming mga dekorasyon sa tahanan. Ang masa ay maaaring gawin sa dalawang magkaibang paraan. Sa isang paraan, ang arina, asin, at tubig ay hinahalo at saka iniluluto sa isang hurno, gumagawa ng tinatawag na Baker’s Clay. Ang isang paraan naman ay hindi inihuhurno na gumagamit ng tinapay at kola na pinakasangkap nito. Yamang ang kapuwa uri ng mga masa ay maganda sa paningin at masarap ang amoy, ang iyong mga anak ay maaaring matukso na tikman ito. Subalit pakisuyong tandaan na sabihan ang iyong mga anak: HUWAG KAKAININ ANG MASA!

Kung Gayon Hindi Ka Isang Michelangelo? Okay Lang!

Ngayon kung ang aspiranteng artista sa iyong pamilya ay gustung-gustong maglaro sa mga mud pie o magaling sa paglilok ng mga luwad, kung gayon siya, walang alinlangan, ay isang magaling na kandidato sa kaaya-ayang kasanayan na ito. Ngunit kumusta naman ang bata na gugustuhin pa ang magbasa ng aklat o ang isa na mas gustong maglaro ng bola sa labas? Siya man kaya ay makakasumpong ng kasiyahan sa paggawa ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng masa ng tinapay? Bueno . . .

Si Jason at si Jesse ay magkapatid. Samantalang si Jesse ay tuwang-tuwa sa anumang bagay na may kinalaman sa sining, si Jason naman ay hindi interesado rito. Ano ang naging resulta nang sila kapuwa ay hilingin na gumugol nang maikling panahon sa pambihirang anyong ito ng sining? Kapuwa sila nasiyahan! Sa katunayan, sabi ng kanilang tatay: “Wala na silang iba pang pinag-usapan sa loob ng isang linggo!”

Subalit ang paggawa ba ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng luwad na ito ay talagang napakasimple anupa’t masisiyahan ang sinuman dito? Oo, napakasimple nito. Si Ethie Williamson, awtor ng aklat na Baker’s Clay, ay nagpapaliwanag: “Likas na nalalaman ng lubhang walang karanasang baguhan o ng pinakamaliit na bata kung ano ang gagawin sa luwad.” Si Molli Nickell, isa pang dalubhasa sa sining ng masa ng tinapay at awtor ng This Is Baker’s Clay, ay sumasang-ayon: “Walang ibang kasangkapan ang lubhang napakaraming gamit o nangangailangan ng kaunting kaalaman at kaunting mga kagamitan.” Kaya, mga ama at mga ina, bakit hindi gawin itong isang gawain ng pamilya? Nais ba ninyong subukin ito? Kung gayong subukin natin ang paraang tinapay-at-kola.

Mula sa Tinapay Tungo sa Masa

Sa Paghahalo: Walang gaanong aklat sa paksang ito ang naglalarawan sa maruming kalagayan na papasukin mo, kaya makabubuti na huminga nang malalim. Harapin ang problema, at masahin ang buong limpak sa palad ng iyong kamay. Kung inaakala mo na ito ay magiging malagkit, tama ka. Subalit huwag kang malungkot! Sa loob lamang ng mga sampung minuto ito ay magiging isang maganda, makinis na munting bolang puti na mas maliit sa iyong kamao at ang anumang matira sa iyong mga kamay ay maaalis o maaaring hugasan.

Sa Pagkukulay: Samantalang maaaring masumpungan ng mga maygulang na kaakit-akit ang likas na kulay ng masa ng tinapay, nanaisin ng karamihan sa mga bata na kulayan ang kanilang masa ng matingkad, kaakit-akit na mga kulay. Kung gayon, ikaw ang bahalang mamili kung kukulayan mong patiuna o lililukin mo muna ito at saka mo kukulayan. Sa pagkukulay ng masa, maaari kang gumamit ng mga watercolor, mga pintang acrylic, o mga pangkulay sa pagkain sa anyong likido o pandikit. O​—sumigi ka​—maging abenturoso! Lagyan mo ng pampalasa ang masa ng natural na mga produktong gaya ng kape, cinnamon, paprika, oo, pati na ng mustard. Tipunin ang buong paleta ng mga kulay sa pamamagitan ng paghihiwalay ng maliliit na bahagi ng masa mula sa malaking limpak at pagmamasa ng iba’t ibang kulay sa bawat isa. Naparami ba ang lagay mo? Madaling remedyuhan iyan sa pagdaragdag dito ng higit pang masa na walang kulay. Ang gawa nang mga piraso ay maaaring pintahan ng mga acrylic at mga watercolor na nasa mga tubo, gayundin ng mga tinta, mga pangkulay sa damit, at tempera. a Kung ang mga ito ay mas mahal kaysa nais mong gastusin, kumuha lamang ng puti, itim, at tatlong pangunahing kulay na pula, dilaw, at asul, at paghalu-haluin ang mga ito upang magawa ang anumang kulay na nais mo.

Sa Pagdidisenyo: Sa iba’t ibang piraso ng masa na nasa harapan mo, anong susunod mong gagawin? Mag-eksperimento​—at masiyahan sa paggawa nito! Ang masa ay madaling hubugin. Maaari mo itong ipitin, hubugin, tatakan, palaparin, tirintasin, putulin, at ikirin. Kung ilalagay mo ito sa pagitan ng dalawang piraso ng waxed paper at pipisin ito ng di nababasag na tasa magagawa mo itong napakanipis nang hindi nabibiyak ito. Nakatutuwang mga disenyo ang maaaring magawa sa pamamagitan ng ordinaryong mga kagamitan sa bahay, kaya saliksikin sa iyong mga gamit ang mga kasangkapan na maaaring magamit sa pagbabakas sa masa. Ang mga lapis, tinidor, mga panghiwa ng biskuwit, suklay, turnilyo, paper clip, at mga pantalop ng dalandan, halimbawa, ay magandang gamitin. Ang pampitpit ng bawang ay bagay na bagay sa paggawa ng “buhok,” at tiyak na makatatawag-pansin sa mga bata. (Mga magulang, pakisuyong maingat na subaybayan ang inyong mga anak upang ang lahat ng mga kagamitan ay magamit na wasto at ligtas.)

‘Ngunit ano ang gagawin ko ngayon?’ maitatanong mo. Bueno, ang mga posibilidad ay walang katapusan! Bakit hindi mag-umpisa sa paggawa ng isang set ng simpleng mga argolya ng napkin para kay Tiya Lilly, isang lalagyan ng susi para kay Itay, o isang plake sa dingding? Gusto ba ng mga batang babae ang mga mumurahing alahas at mga pulseras? Maaari siyang gumawa ng kaniyang sariling mga butil o abaloryo para sa kuwintas o maaari siyang gumawa ng magandang mga bulaklak na alpiler para kay Inay. (Pakisuyong tingnan ang kahon sa pahinang ito, na nagbibigay ng instruksiyon kung papaano gagawin ang isang rose.)

Sa Pagpapatuyo: Kapag ang mga ito ay handa na, ilagay ang iyong mga ginawa sa isang pinggan na papel sa isang lugar na malayo sa daanan at patuyuin ito sa hangin sa loob ng mga dalawang araw, huwag kaligtaang pihitin ang bawat piraso sa panahong ito. Siyanga pala, ang mga butil o abaloryo ay matutuyo na mahusay sa mga tutpik na nilagyan ng grasa na itinusok na patayo sa isang Styrofoam. Subalit kung wala kang Styrofoam, maaari na ring gamitin ang isang maliit na kahon na karton. Ang masa ay dapat na panatilihing walang pawis o halumigmig, kung hindi ang iyong mga piraso ay aamagin at masisira. Kaya, kung mayroon kang mga piraso na mas makapal at hindi mo matiyak kung ang mga ito ay tuyo na, makabubuting patuyuin pa ito ng isa pang araw.

Sa Pagtatakip: Pinahahalagahan ba ninyong mga magulang ang mga bagay na ginawa ng inyong mga mumunting anak? Kung gayon matutuwa kayong malaman na kung matakpan (seal) nang wasto ang masa ng tinapay ay tatagal ng maraming taon. Ganito ang sabi ng isang awtoridad sa sining na masa ng tinapay: “Ang pangwakas na pantakip (sealer) ay dapat na malinaw at hindi tumatagos upang patibayin ang panlabas ng matigas na protektibong pahid.” Upang matamo itong uring ito ng proteksiyon, gumamit ng katamtamang tatlong pahid ng pantakip na gaya ng barnis, lacquer, shellac, o polyurethane. b Maganda ring gamitin ang malinaw na pinta sa kuko. Mas mabuting gumamit ng tatlong pahid na maninipis kaysa isa o dalawang pahid na makapal. Gayundin, yamang ang panahon ng pagtuyo ay iba-iba sa bawat uri ng pantakip, huwag kaligtaan na sundin ang mga instruksiyon na nakalimbag sa mga etiketa. Ang isang kamangha-manghang bonus na nakukuha sa pagtatakip ng natapos na produkto ay na kamukhang-kamukha ito ng porselana o seramik. Napakaganda nito anupa’t kailangang makita mo ito upang maniwala.

Larong Bata Tungo sa Mahalagang Negosyo

“Ang pinakabagong proyekto ng isang iskultor ngayon na ginagamit ang masa ng tinapay ay ang tansong paunten sa harap na pasukan ng Hyatt Hotel sa Union Square sa San Francisco na ininstala noong 1970,” sulat ni Dona Z. Meilach. “Ano ang kaugnayan ng masa ng tinapay sa tansong paunten? Ang iskultor na si Ruth Asawa, ina ng anim na mga bata, ay laging interesado sa pagpapanatiling abala sa mumunting mga kamay. Sa pamamagitan ng isang serye ng propesyonal na mga karanasan naisip niya ang ideya ng pagmomolde ng modelong masa ng tinapay sa tanso na ginagamit ang gayunding pamamaraan na kilala na sa loob ng ilang mga siglo bilang ‘lost wax casting.’” (Amin ang italiko.)​—Creating Art With Bread Dough.

Ipagpalagay na, ang karamihan sa atin ay hindi magiging tanyag bilang mga iskultor at mga artista, ngunit maaaring magulat ka sa iyong natatagong kakayahan. Halimbawa, isang babaing taga-Canada ang nagsimula sa pag-ukit ng mga sabon na kasama ng kaniyang munting anak na babae. Pagkatapos siya ay nagtungo naman sa “pagmamasa ng puting tinapay sa pagitan ng kaniyang mga daliri at hinuhubog ito sa iba’t ibang anyo.” Ang kaniyang anak na babae ay malaki na, ngunit ano ang resulta mula sa “larong bata” na ito? Sa nakalipas ng apat na taon ang ina ay nagkaroon ng isang regular na negosyo na pagbibili ng kaniyang gawang-sining na masa ng tinapay sa ilang mga tindahan. (Ito ba ay nagmumungkahi sa iyo ng isang bahaging-panahon na trabaho?) “Maging matiyaga at pagbutihin ang sarili mong pamamaraan,” paliwanag niya. “Ikaw ay lalong humuhusay habang ginagawa mo ito.”

Gaya ng anupamang libangan o kasanayan, mangyari pa, madaling lubhang mapasangkot. Batid ng mga taong interesado sa sining na masa ng tinapay kung gaano kapaki-pakinabang ang kasanayang ito at kung gaano kadaling mapabayaan mo ang nagtambakang mga hugasan at makalimutang linisin ang bahay. Ngunit kung ikakapit mo ang pagiging “katamtaman,” maaari mo pa ring gugulin ang maraming maligayang mga sandali na kasama ng iyong anak sa pagtuklas na magkasama sa nakagagalak na maraming gamit ng sining sa pamamagitan ng tinatawag na masa ng tinapay.

[Mga talababa]

a Maraming tindahan ng sining at kasanayan at art supply ang nagtitinda ng hindi nakalalasong mga watercolor, acrylics, at tempera.

b Mga magulang, pakisuyong pangasiwaan ang pamamaraang ito, yamang ang mga pantakip (sealer) ay nakalalason.

[Kahon sa pahina 25]

Batayang Resipi c

3 hiwa ng puting tinapay

3 kutsarang hindi nakalalasong likidong kolang puti

3 patak ng katas ng limón

Mga Instruksiyon: Una, alisin ang ibabaw ng tinapay. (Maaaring itabi mo ito para magamit sa paggawa ng puding.) Susunod, pira-pirasuhin ang puting bahagi ng tinapay at ilagay ito sa isang mangkok (ang pira-pirasong tinapay ay maalsa at nangangailangan ng lugar). Sa wakas, idagdag ang kola at katas ng limón, at masahing sama-sama.

[Talababa]

c Ang resiping ito ay inilalahad na nasa isipan ang mga bata yamang ang lahat ng mga sangkap ay di nakalalason. Kung ikaw ay talagang interesado sa iba pang resipi o higit pang impormasyon, pakitingnan sa lokal na aklatan.

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

Kung Paano Gagawin ang mga Rosas at mga Dahon

1. Kumuha ng maliit na piraso ng masa, saka palaparin ito at gawing pabilog na parihaba. Pagsalikupin ang mga dulo.

2. Kumuha ng mas malaking bahagi ng masa at pispisin ito sa pagitan ng mga daliri upang gawing hugis talulot.

3. Ibalot ito sa paligid ng unang piraso upang ito ay tumayo ngunit malayo nang kaunti mula sa gitnang piraso.

4. Gumawa pa ng dalawang talulot sa ganitong paraan, sinusunod ang ikatlong hakbang.

5. Minsang ang piraso sa gitna at ang tatlong talulot ay magkahanay, gawin ang iba pang mga talulot, mas malaki, ibinabalot sa paligid upang ang mga ito ay tila nakabukang talulot.

6. Ang paggawa ng mga dahon ay madali at nakatutuwang gawin. Kumuha ng maliit na bahagi ng masa at gawing hugis-dahon sa pagitan ng iyong mga daliri.

7. Gumamit ng isang instrumento na may manipis na dulo at maingat na gawin ang mga ugat ng dahon. Huwag patatagusin sa masa.

Hindi magtatagal ikaw ay magkakaroon ng iyong sariling pamamaraan. Ngunit sa pasimula, gumawa ng mga rosas na may ilan lamang talulot, yamang ang maraming talulot na bulaklak ay nagmumukhang siksik. Para sa ibang uri, rolyuhin ang panlabas na gilid ng mga talulot upang magmukhang totoo.

[Kahon sa pahina 27]

Nakatutulong na mga Pahiwatig

● Gamitin ang tinapay na isa hanggang tatlong araw na ang tagal.

● Bago masahin, lagyan ng losyon ang iyong mga kamay upang huwag dumikit ang masa.

● Kung itatabi sa isang plastik bag sa loob ng isang plastik na sisidlan at ilalagay sa repridyereytor, ang masa ng tinapay ay magtatagal ng mga ilang linggo. Ilagay ang anumang hindi nagamit na masa ng tinapay sa isang plastik bag upang huwag pasukin ng halumigmig at manatiling malambot.

● Kung ang masa ay matuyo habang ikaw ay gumagawa, haluan ng ilang patak ng tubig o puting kola.

● Gamitin ang kola sa pagkakabit ng mga masa. O Pahiran ng tubig ang mga dakong pagkakabitin, at saka pagkabitin.

● Ang pitpitan ng bawang ay masisira kung lalagyan mo nang labis, kaya turuan ang mga bata kung papaano ito gagamitin nang wasto.

● Kung pipintahan mo ang iyong nagawang piraso, tiyakin na ang pintura ay tuyo bago mo ito takpan.

● Huwag ilagay ang mga nagawang mga masa ng tinapay sa mahalumigmig na mga dako gaya sa banyo o sa lababo sa kusina. Linisin ang bawat piraso sa pamamagitan ng pagpunas dito ng medyo basang basahan.