Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aking Karera sa Basketball—Hinalinhan ng Dalawa Pang Pag-ibig!

Ang Aking Karera sa Basketball—Hinalinhan ng Dalawa Pang Pag-ibig!

Ang Aking Karera sa Basketball​—Hinalinhan ng Dalawa Pang Pag-ibig!

PITONG taon ako noon nang magkahilig ako sa basketball. Nagtutungo ako sa isang driveway na malapit sa amin at naglalaro ng basketball ng mga dalawang oras sa isang araw. Nang ako’y tumuntong sa huling taon ng high school, ang taas ko ay 6ʹ 5 1⁄2ʺ at tumitimbang ng 185 libra. Nang taóng iyon nagwagi ang aming team sa aming dibisyon. Nakakuha ako ng scholarship para mag-aral sa UCLA (University of California at Los Angeles), at naglaro sa ilalim ng pagtuturo ni John Wooden, at dalawa sa huling tatlong taon ko roon, nanalo kami sa pambansang laro.

Ang unang taon ko pagkatapos ng kolehiyo, noong 1975, ay magawaing taon. Pumirma ako ng kontrata sa Los Angeles Lakers​—sa halagang 1.6 milyong dolyar o mga gayon nga, sa loob ng limang taon. Pagkaraan ng isang linggo ako ay binenta sa Milwaukee Bucks. Pagkalipas ng isang buwan nagpakasal ako kay Linda, at pagkaraan ng isang buwan siya ay nagdalang-tao.

Sa papaano man, madali kong natuklasan na lubhang kakaiba ang paglalaro sa NBA (National Basketball Association)! Sa UCLA nagkaroon kami ng sunud-sunod na panalo ng 88 na mga laro, ngunit sa aking unang taon sa Milwaukee Bucks ay natalo kami ng 44 laro! Ako ay naglalaro tuwing ikalawang gabi, laban sa mahuhusay na propesyonal na mga manlalaro. Ito ay isang negosyo. Ito ang iyong buhay. Lalo na kung panahon ng laro, madalas ay malayo sa bahay​—uubusin ang panahon mo nito! Ngunit naibigan ko ito!

Gayunman, hindi nagtagal dalawa pang bagay ang namagitan na inibig ko nang higit​—mga bagay na hindi kasuwato ng aking karera sa propesyonal na basketball.

Masasabi mo na ang mga binhing ito na nagtatalo sa loob ko ay naihasik noong 1972 nang una kong makilala si Linda. Kaagad akong umibig sa kaniya. Kababautismo lamang sa kaniya maaga nang taóng iyon bilang isang Saksi ni Jehova ngunit siya’y naging inaktibo. Gayumpaman, madalas niyang banggitin ang tungkol sa relihiyon.

“Ano ang palagay mo tungkol sa Bibliya?” itatanong niya.

“Ito’y isang magaling na aklat sa mitolohiya,” sagot ko.

Ako’y lumaking isang sarado Katoliko, ngunit ngayon ako ay nasa kolehiyo na at naging lubhang mapagparaya at pilosopo. Ang mga diskusyon ay hindi kailanman naging magulo o mahaba.

Pagkatapos ay may nangyari noong 1974 na nagpangyari sa akin na ako’y pumasok sa isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Naroon ang isang batang lalaki​—Brian Good ang kaniyang pangalan​—na naging kaeskuwela ko sa high school. Kinapootan niya ako. Ito’y isang uri ng labanan, magkakompitensiya sa palakasan. Ang kaniyang mga magulang ay mga Saksi. Ngunit wala siyang kinalaman sa kanilang relihiyon. Siya ay nalulong sa droga, nagpahaba ng buhok, at totoong nakakasuya. Pagkalipas ng mga ilang taon nagtungo ako sa bahay nina Linda, at naroon si Brian. May asawa na, maikli ang buhok, nakakurbata, at talagang mukhang malinis. Siya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova.

Nang magtagal siya at ang kaniyang asawa ay nangangaral nang buong-panahon sa Kansas, at samantalang nagmamaneho patungo sa isang asamblea sila kapuwa ay namatay sa isang aksidente. Ang pahayag sa libing ay ginanap sa Kingdom Hall. Nagtungo ako, bilang paggalang kay Brian.

Nanibago ako. Ang tagapagsalita ay nagpapahayag tungkol sa bagay na ang lahat ay maaaring makitang muli si Brian. Para bang hindi siya patay, gaya ng pagkarinig ko rito. Ang kaniyang pamilya ay nakaupo sa harapan at tahimik na umiiyak, ngunit hindi ako nakadama ng anumang kalungkutan! Pambihira ito. Narito at binabanggit ng tagapagsalita ang tungkol sa positibong mga bagay, at naroon ako’t nakaupong nag-iisip: ‘Aba, talagang magandang pahayag ito! Makikita nilang muli sa Brian, at gagawin nila ang ganoo’t-ganitong bagay na kasama niya!’

Pagkalipas ng isang taon, noong 1975, ako ay naglalaro sa Milwaukee Bucks. Isa sa mga kasamahan ko sa team ay si Elmore Smith, na binenta rin sa Bucks nang taóng iyon. At nang taon ding iyon siya ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova! Ang kaniyang asawa, si Jessica, ay naging Saksi mga tatlo o apat na taon na. Para bang ang mga Saksi ay naglitawan sa lahat ng dako sa buhay ko! Kami ni Elmore ay matalik na magkaibigan, yamang pareho kaming hindi umiinom o nakikipagparti. Bueno, lagi niya akong sinasabihan na makipag-aral ng Bibliya na kasama niya o magtungo sa Kingdom Hall na kasama niya. Hindi pa ako handa rito. Isang araw pagkatapos ng praktis​—nagkaroon kami ng talagang magandang praktis, at kami ni Elmore ay naglalakad sa pasilyo​—at sabi ni Elmore:

“Dave, ibibigay ko ang aking unang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Nais kong sumama ka.” Nagdahilan ako, umuwi ng bahay​—at katakut-takot ang nadama ko! Kinabukasan sa praktis sinabi ko kay Elmore: “Bueno, Elmore. Talagang ikinalulungkot ko. Ganito na lang, pupunta kami ni Linda sa ibang pagkakataon.” At, oh, naibigan niya iyon!

Kaya nang magtagal kami ni Linda ay nagtungo sa isang pahayag pangmadla at pag-aaral ng Watchtower sa Kingdom Hall. Ang mga Saksi ay palakaibigan. Gayunman, hindi ako humanga sa pahayag, at ang Pag-aaral sa Watchtower ay tungkol sa aklat ng Bibliya na Hagai o Habakuc. Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi roon. Ako’y nakaupo roon at nag-iisip, ‘Ano ba ito? Ano ba ang ginagawa ko rito?’

Nang matapos ang panahon ng paglalaro ng basketball, kami ay nagbalik sa California. Kami’y nagkakalayo. Lubha akong nababahala sa aking karera. Patuloy akong naglaro na may pinsalang tuhod, at ngayon ipinakita ng mga X ray na bali ang bayugo ng tuhod ko (kneecap). Ang unang taon ng kontrata ko sa NBA, apat pang taon, at ngayon ay hindi ko alam kung makapaglalaro pa ako! Isang operasyon sa aking tuhod ang iniskedyul, at nang magtungo ako sa ospital dinala ko ang New World Translation.

“Dadalhin mo ang Bibliya?” tanong ni Linda, gulat na gulat.

“Oo. Isa itong mahusay na aklat sa mitolohiya. Nais kong basahin ito.”

Nang gabing iyon sa ospital ay binasa ko ang ilang kabanata ngunit ako ay nainip nang marating ko ang mahabang bahagi ng talaangkanan. Inantok ako at ibinaba ko ang aklat. Kinaumagahan matagumpay na naisagawa ang operasyon. Dinalaw ako ni Linda, ngunit ako ay tulog pa dahil sa anestisya​—hindi ko man lamang alam na naroon siya. Wala siya roon nang ako’y magkamalay, at ikinagalit ko iyon.

Pagkalipas ng mga ilang araw lumabas ako ng ospital, at pagkaraan pa ng isang linggo kami ni Linda ay hindi nagkikibuan sa isa’t-isa.

Pagkatapos may nangyari na nagpalapit sa amin sa isa’t-isa. Isang gabi nanood ako ng sine kasama ng isang kaibigan. Ito ang tinatawag na The Omen. Isa iyon sa nakakatakot na science-fiction na uring pelikula. May kinalaman ito sa mga demonyo. Paglabas ko ng sinihan na iyon, takot na takot ako. Ito’y tungkol sa anak ni Satanas. Dalawang kasulatan mula sa aklat ng Apocalipsis ang itinampok sa telon. Habang binabasa ko ang mga kasulatang iyon, naisip ko, ‘Ganiyan ang sinasabi ng Bibliya? Iyan ay mangyayari?’ Ang isa ay tungkol sa bilang ng hayop, na 666; at ang isa ay tungkol sa malaking liwanag na kumikislap mula sa isang dulo ng daigdig hanggang sa kabilang dulo. Talagang nakatakot ito sa akin. Nagmamaneho pauwi, palinga-linga ako baka may demonyong lumundag sa akin.

Pumasok ako ng bahay, sa aming silid, at binuksan ko ang ilaw. Mga 1:30 na ng umaga. Sabi ni Linda:

“Bakit mo sinindihan ang ilaw?”

“Wala, wala.” Paulit-ulit kong nasabi.

Biglang bumangon si Linda sa kama. “Anong nangyari, Dave, anong nangyari?”

“Natatakot ako!” Sinabi ko sa kaniya ang tungkol sa pelikula.

Kinuha niya ang Bibliya, at kapuwa kami nahiga sa kama. Binasa niya ang Mateo 7:13, 14 tungkol sa malapad na daan patungo sa pagkapuksa at ang makipot na daan patungo sa buhay. Patuloy niyang tinitiyak sa akin: “Dave, hindi mo kailangang katakutan si Satanas. Hindi mo kailangang katakutan siya. Matakot ka kay Jehova. Siya ang mayhawak ng ating buhay.” Pinagpatuloy niya ang pagbabasa, at walang anu-ano para bang ako’y nasa isang madilim na silid at may nagbukas ng ilaw.

Nang gabing iyon hindi ako nakatulog. Kinabukasan naupo ako sa kama at binasa ko ang Bibliya. Una, ang Apocalipsis, pagkatapos ang Una at Ikalawang Timoteo, at ang Una at Ikalawang Tesalonica, at ang Roma. Lahat ng maliliit na aklat na iyon. Nagkaroon ng kabuluhan ito sa akin. Habang ako’y nagbabasa, naiisip ko, ‘Ano’t hindi ko nabasa ito noon? Bakit hindi ko tiningnan ang mga bagay na ito noon?’ Para bang binuksan ni Jehova ang aking puso.

Nang gabing iyon dumalaw ang bayaw ni Linda. Siya’y isang bautismadong Saksi. Tinanong ko siya nang mga apat na oras, at sinagot niya ang lahat mula sa Bibliya. Walang isyu ang naging isyu para sa akin. Walang mga pagsasalin ng dugo, walang Trinidad, walang imortal na kaluluwa​—lahat ay pinatunayan mula sa Bibliya. Iyan ang nagpapanatag sa akin. Para bang nagkaroon ng liwanag nang buwan na iyon ng Setyembre 1976. Tinawag ko si Elmore Smith at ang kaniyang asawa at ang sabi ko:

“Hulaan mo?”

“Ano?”

“Makikipag-aral ako ng Bibliya kasama ng mga Saksi!”

Hindi nila ito mapaniwalaan. Talagang hindi makapaniwala si Elmore. May isang Saksi ni Jehova sa NBA, ngayon magiging dalawa na, at kapuwa pa nasa isang team!

Ako’y nabautismuhan noong sumunod na taon, noong Agosto ng 1977. Gustung-gusto ko ang bahay-bahay na gawaing pangangaral. Noong 1978 ako ay nag-auxiliary payunir​—nangangahulugang ako ay gumugol ng katamtamang 60 mga oras o higit isang buwan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Nang panahon ding iyon ng 1977-78 ang aking pinakamagaling na taon sa NBA. Ngunit hindi ko naiibigan ang panahon na kinukuha ng basketball sa aking gawaing pangangaral! Gusto ko pa rin ang larong basketball, ngunit mas gusto ko ang gawaing pangangaral!

Lalo rin akong napapalapit sa aking pamilya. Napakalapit namin ngayon ni Linda. Mayroon kaming dalawang-taóng-gulang na anak na babae, si Crystal. Pagkalipas ng isang taon, noong 1979, isinilang ang aming anak na lalaki na si Sean. Isang nasirang disk sa aking likod ang nagpahinto sa akin sa paglalaro ng basketball. Napakasakit nito, ngunit ito’y naging isang pagpapala. Nakasama ko ang aking pamilya araw-araw, nagtutungo sa lahat ng mga pulong, gumagawa ng personal na pag-aaral, at nag-auxiliary payunir na muli. Nang tag-araw na iyon ako’y nagpasiya sa aking puso​—ako’y magriretiro mula sa propesyonal na basketball. Tatapusin ko ang aking kontrata, ngunit ako’y magriretiro pagkatapos ng 1979-80 na laro.

Ang pasiyang iyon ang kinakailangan ko! Nagbalik muli ang aking lakas, nagbabalik ang lakas ng aking mga paa, at nagbalik ang dati kong galing sa paglalaro ng basketball! Kaya, pagkaraang hindi maglaro sa loob ng isang taon, balik na naman ako sa simula, at ako’y naglalaro. Nalusutan namin ang mga playoffs. Nanalo kami sa dibisyon.

Sampung araw pagkatapos ng huling laro, nagtungo ako sa tanggapan ng may-ari.

“Dave,” sabi niya, “Ikaw ay makakapamili na kung aling team ang iyong sasamahan,” at binanggit niya sa akin ang tungkol sa salapi. Alam niya na bilang isang free agent maaari akong kumita ng mas maraming salapi.

“Jim,” sabat ko, “Hindi na ako maglalaro.”

“Ano ang ibig mong sabihin, na hindi ka na maglalaro? Hindi mo magagawa iyan!”

“Hindi na ako maglalaro. Ang aking mga tunguhin, mga pagpapahalaga, ay nagbago na, at ang basketball ay sumasalungat sa mga ito.”

“Subalit mahal mo ang basketball!”

“Totoo iyan, mahal ko ang basketball.”

“Bueno, sandali lang,” sabi niya. “Isa kang Saksi ni Jehova, tama? Magagamit ng organisasyon mo ang ilang salapi, tama? Iaabuloy natin ang bahagi ng iyong kontrata sa kanila.”

“Hindi,” sabi ko, “ang pagiging Saksi ay higit pa kaysa pag-aabuloy lamang ng salapi. Ito’y ang pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, pangangaral sa bahay-bahay. At inilalayo ako ng basketball, Jim, sa lahat ng iyan. Anim na buwan na malayo sa aking pamilya ay nagbubukod sa akin diyan. Inilalayo rin ako nito sa aking mga pananagutan sa pamilya, at iyan ay isa ring mahalagang bahagi ng pagsamba kay Jehova.”​—Deuteronomio 6:6, 7; Efeso 5:25, 28, 33; 6:4.

Nagkaroon kami ng isang press conference kinabukasan. Ang mga pahayagan ng Milwaukee ay naroon, at ang istasyon ng TV ay kinatawan. Marami sa mga artikulo sa Milwaukee ay mabuti. (Tingnan ang kahon, sa pahinang ito.) Ngunit sa Los Angeles inilarawan nila ako na medyo nasisiraan. ‘Ang relihiyong ito, ang kultong ito, ang sumira kay Dave, ngunit babalik din siya.’ Ganiyang uri ng bagay.

Kapansin-pansin, nang maibalita ang tungkol sa aking pagriretiro, nagdagsaan ang nakatutuksong mga alok. Pinadalhan ako ng Bucks ng isang mas magandang kontrata para sa susunod na taon. Tumawag ang Los Angeles Lakers, nais nilang maglaro ako para sa kanila. Babayaran nila ang anumang pagkakagastos sa paglipat ko sa California at hahanapan nila ako ng isang bahay. Nakipagkita rin sa akin ang Seattle. Lahat ng ito ay nakatutukso. Naiibigan ko pa rin ang basketball, ngunit ngayon ang pag-ibig ko sa aking pamilya at sa paglilingkod kay Jehova ay mas malaki. Nadarama ko na si Jehova ay naroroon na kasama ko, tumutulong sa akin upang tanggihan ang mga alok na iyon na nagsasangkot ng milyun-milyong dolyar.​—Kawikaan 3:13-18; Zefanias 1:18; 1 Juan 2:15-17.

At magmula na noon ay pinagpala niya ako. Nagkaroon ako ng panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong. Isa akong matanda (elder) sa kongregasyon, nagbibigay ng mga pahayag pangmadla, at madalas na ginugugol ang aking buong panahon sa pagmimistro na sinasabi sa iba ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo. Ang espirituwal na mga gawaing ito ay nagdudulot ng kaligayahan sa akin. (Mateo 5:3) Mayroon din akong panahon na makasama ang aking anak na lalaki at babae samantalang sila ay lumalaki, at maaari ko silang tulungan sa tunay na pagsamba. At mayroon ako ngayong panahon na inilalaan sa aking asawa at pinananatiling malakas ang aming pagsasama bilang mag-asawa.

Ang hinaharap ay mapanglaw para sa karamihan ng sangkatauhan sa nuklear na panahong ito. Ngunit ang aking pag-asa ay isa na kasiya-siya. Tungkol sa Paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang Apocalipsis 21:4 ay nagsasabi: “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”

Taglay ang pagpapalang ito mula kay Jehova, hindi ko itinuturing na isang sakripisyo na isaisang-tabi ang aking karera sa basketball. Ang pag-ibig ko sa aking pamilya at kay Jehova​—ang mga ito ang aking mga kaligayahan ngayon. Pati na ang aking pag-asa sa walang hanggang buhay sa lupang Paraiso.

Ang gayunding pinagpalang pag-asa ay mapapasa-iyo kung nais mo ito. Ang Apocalipsis 22:17 ay nagsasabi: “Ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.”​—Gaya ng isinaysay ni David Meyers.

[Blurb sa pahina 22]

Ang mga Saksi ay naglitawan sa lahat ng dako sa buhay ko

[Blurb sa pahina 22]

Naisip ko, ‘Ganiyan ang sinasabi ng Bibliya? Iyan ay mangyayari?’

[Blurb sa pahina 23]

Nang tag-araw na iyon ako ay nagpasiya . . . Magriretiro ako sa propesyonal na basketball

[Blurb sa pahina 24]

Nagdagsaan ang nakatutuksong mga alok

[Kahon sa pahina 24]

Ang sports editor ng Milwaukee Journal, si Bill Dwyre, ay sumulat: “Isipin lamang na inaayawan ni Meyers ang halagang $500,000 isang taon para maglaro ng basketball upang siya ay makapangaral sa bahay-bahay bilang isang Saksi ni Jehova ay nakalilito sa isipan. . . . Ngunit bago hatulan ng sinuman si Meyers na nasisiraan ng bait, isang masusing pagsusuri sa tao na nasa likuran ng pasiya ang hinihingi. . . .

“Gustung-gusto niyang ipakipag-usap ang tungkol sa kaniyang pamilya​—ang kaniyang asawa, si Linda, at ang kaniyang anak na lalaki at babae. Ang mga pag-uusap tungkol sa basketball [ang kaniyang mga tagumpay sa isang laro] ay walang-salang hahantong sa isang mabilis na pagbabago ng paksa upang purihin ang kaniyang mga kasamahan sa grupo at pag-usapan ang tungkol sa kanilang katayuan at mga referee. Ngunit ang mga pag-uusap tungkol sa kaniyang pamilya, tungkol sa pag-aaral na lumakad ng kaniyang anak na babae o ang paghinto sa paninigarilyo ng kaniyang asawa, ay magpapasigla sa kaniya na makipagtalastasan.

“‘Aakalain ng maraming tao na ako ay nasisiraan,’ sabi niya noong Miyerkules ng gabi, mga ilang oras lamang pagkatapos ng kaniyang pormal na press conference. ‘Ngunit talagang nais ko lamang gawin ang mas mahalagang mga bagay sa aking buhay, gaya ng aking pamilya at ng aking relihiyon.’

“Dapat siyang hangaan sa pagkakaroon ng tibay ng loob na mamuhay ayon sa kaniyang mga paniniwala.”​—Mayo 1, 1980.

[Larawan sa pahina 25]

Ang pag-ibig ko sa aking pamilya at kay Jehova​—ang mga ito ang aking mga kaligayahan ngayon