Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Banal na mga Balon” ng Ireland

Ang “Banal na mga Balon” ng Ireland

Ang “Banal na mga Balon” ng Ireland

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Ireland

ANG matandang lalaki ay bahagyang nangatog. Ang kaniyang kamay ay nanginginig habang sinasalok ito, sinalok ang tubig mula sa balon, at ikinuskos ito sa kaniyang nanghihinang bukung-bukong. Siya’y naparoon gaya ng marami pang iba, upang hadlangan ang pamiminsala ng panahon sa paghingi ng tulong sa mga kapangyarihan ng “banal na balon” na ito.

Ang balon, na nasa gitna ng ilang malumot na putikan sa Donegal, Ireland, ay isa sa 3,000 “banal na mga balon” ng Ireland. Sang-ayon sa isang aklat sa giya, ang mga perigrino ay nagtutungo sa dakong ito na “punô ng pag-asa, masigla at ginagamit ang banal na tubig bilang isang paraan ng espirituwal na paggaling.” Subalit higit pa sa espirituwal na paggaling ang ipinunta nila roon. Ang pulyeto ay nagpapatuloy: “Sa nilakad-lakad ng panahon di-mabilang na mga istorya ang isinaysay tungkol sa pagpapagaling sa lahat ng uri ng karamdaman sa dakong iyon at kung paanong ang baldado o pilay na mga perigrino ay nakalakad-muli at iniwan ang kanilang mga tungkod, mga saklay at mga benda.”

Hindi namin pinag-aalinlanganan na ang mga perigrino ay kapuwa debotado at punô ng pag-asa. Ngunit ang tanawin ay nagbabangon ng mga katanungan sa aming isipan. Gaanong “espirituwal na pagbuti” ang talagang dinadala ng isang peregrinasyon sa isang “banal na balon”? Kung maganap nga ang anumang makahimalang pagpapagaling, mula ba ito sa Diyos?

Minamasdan ang matandang lalaki na nananalangin sa balon, nagtataka rin kami kung batid niya na ang ginagawa niya ay ginawa ng kaniyang mga ninuno sa loob ng libu-libong taon. Ang paniniwala sa “banal na mga balon” ay napakatanda na sa Ireland, bumabalik pa sa relihiyon ng mga Celt noong bago ang Kristiyanismo.

Ang mga Celt Bago ang Kristiyanismo

Ang mga Celt ay nagtungo sa Ireland mga dantaon pa bago ang kapanganakan ni Jesu-Kristo. Sila ay napakarelihiyoso, at ang kanilang pagsamba ay nakasentro sa paniniwala sa kabanalan ng mga ilog, mga bukal, at mga balon. Inaakala nila na ang kanilang mga diyos at mga diyosa ay maaaring tawagan doon upang magpagaling.

Si Anne Ross, isang iginagalang na awtoridad tungkol sa paksang ito, ay naglalarawan sa mga paniniwala at mga gawain ng mga Celt: “Ang mga saserdote, ang mga Druid, ay pinaniniwalaan na nagsasagawa ng kanilang mga ritwal na gawain at naghahandog sa mga diyos sa likas na mga lugar lamang, walang mga kayarian​—sa mga punungkahoy na pinaging-banal ng matagal na pakikipag-ugnayan sa mga diyos, halimbawa, o sa tabi ng sagradong mga balon na ang tubig ay naglalaman ng natatanging mga kagalingan na kung saan maaaring makalapit sa dinudiyos na patron.”​—Everyday Life of the Pagan Celts, pahina 136.

Mailalarawan natin ang mga paganong Celt na iyon na nagkakatipon sa gayong dako na humihingi ng pabor sa kanilang mga diyos. Subalit ang mga taong nakikita namin ngayon ay ipinalalagay ang kanilang mga sarili na mga Kristiyano. Ano ang ginagawa nila rito?

Mula sa mga Druid Tungo sa “mga Kristiyano”

Dati, sinikap na alisin ng mga awtoridad ng sinaunang Iglesia Katolika sa Ireland ang matandang mga paniniwalang pagano na iyon. Ngunit sa wakas ang kanilang paglapit ay nagbago. Ganito ang paliwanag ni Anne Ross: “Nang maglaon, sa ilalim ng proteksiyon ng Iglesia Kristiyano, ang lokal na mga diyos na ito ay hinalinhan ng lokal na mga santo, kadalasa’y nagtataglay ng gayunding pangalan na katulad ng kanilang paganong pinagmulan; at ang pagsamba sa balon ay nagpatuloy.”

Ganito pa ang sabi ng isang kilalang manunulat tungkol sa mga tradisyon ng mga Irlandes: “Marami sa mga pamahiing ito ang malalim ang pagkakaugat anupa’t hindi ito nasawata ng daan-daang taóng oposisyon mula sa Iglesia Kristiyano, at samantalang naitaboy nito ang ilang mga gawain na maging lihim tinangkilik naman nito ang iba. Kumakapit ito, halimbawa, sa kulto ng sagradong mga balon.”​—Irish Heritage, ni E. Estyn Evans, pahina 163.

Sa gayon, ang Iglesia Katolika ay nagwakas sa pagtanggap sa sinaunang mga pamahiing ito. Ganito ang paliwanag ni Anne Ross: “Ang alamat ng kulto ay nagpatuloy at ang dating mga diyos at mga diyosa, ngayon marahil ay sinasamba nang palihim, o ginugunita na lamang sa mga kuwento na isinasaysay sa mga tsimenea, at binago ng [ngayo’y] simpatetikong Iglesia Irlandes tungo sa mga bayani at mga demonyo ng mga libis at ng hangin, at sa bahagyang mga pagbabagong ito ang dating mga alamat ng kulto ay pinanatili.”​—Pagan Celtic Britain, ni Anne Ross, pahina 384.

Ano ang Iisipin Nila?

Kami ay nagtataka, ano kaya ang gagawin ng kasalukuyang mga perigrino na ito sa lahat ng ito? Magigitla kaya sila na malaman ang tungkol sa paganong pinagmulan ng kanilang ginagawa? Magugulat kaya ang taimtim na mga perigrinong ito na nag-iwan ng mga barya o iba pang mga handog dito o malapit sa balon na malaman na ginagaya nila ang sinaunang gawain na pag-iiwan ng handog sa Celtikong mga diyos?

Kumusta naman ang tungkol sa dalawang babae na nasa kalagitnaang gulang na naglakbay nang mahigit 60 milya (95 km) upang dumalaw sa dakong ito​—isang paglalakbay na ginagawa nila ng maraming beses sa nakalipas na mga taon? Alam kaya nila na habang ginagawa nila ang mga pag-ikot sa balon sa direksiyon na gaya ng sa orasan, sinusunod ang direksiyon ng araw, naghahandog ng kanilang mga panalangin habang umiikot sa balon, na isinasagawa nila ang ginawa ng kanilang mga ninunong Celtiko na hindi mga Kristiyano mga ilang siglo bago pa ang kapanganakan ni Kristo? At ang ina ng isang bata na nakita namin na malayo nang kaunti sa balon, na nananalangin habang lumalakad siya sa paligid ng isang thornbush na natatakpan ng mga piraso ng damit, mga benda, at iba pang mga alaala ng mga kahilingan ng dating mga perigrino​—alam kaya niya na ang thornbush ay sagrado sa paganong mga Celt?

Ang awtor na si Patrick Logan ay nagkomento na ang gayong mga balon ay “kadalasang pinananatili ang katibayan ng mga paniniwala at gawain noong bago ang Kristiyanismo, at kung minsan ang Kristiyanong pang-ibabaw ay napakanipis.” (The Holy Wells of Ireland, pahina 62) Ngunit ang katanungan ay bumabangon, Mahalaga ba ito? Gaya ng sabi sa amin ng isang perigrino sa kaniyang kaakit-akit na puntong Irlandes: “Nagtungo na ako rito sa loob ng maraming taon, at walang anumang pinsala ang nangyari sa akin!”

Kung wala namang masama sa mga ito, bakit dati’y sinikap na alisin ng simbahan ang gayong mga gawain? Marahil ang mga pinuno ng simbahan nang mga araw na iyon ay pamilyar sa mga salita ni Jeremias nang sabihin niya ang tungkol sa mga gawain ng mga bansang pagano sa palibot ng Israel: “Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa.”​—Jeremias 10:2.