Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gutom sa Gitna ng Kasaganaan—Bakit?

Gutom sa Gitna ng Kasaganaan—Bakit?

Gutom sa Gitna ng Kasaganaan​—Bakit?

● “Isang katotohanan na kung tutuusin ang kabuuang dami ng mga butil na naani, at ang kabuuang dami ng mga iba pang ani ng pagkain, pati na ang lahat ng iba pang mga naaning pagkain, kung gayon mayroong sapat na dami at kalidad ng pagkain upang tustusan ang lahat ng limang bilyong tao sa daigdig.”​—The Gazette ng Montreal.

● “Mula noong 1974, dumami ang kabuuang produksiyon ng pagkain ng nagpapaunlad na mga bansa ng 3.4 % taun-taon at lumikha ng malaking netong tubo sa makukuhang pagkain. Ang produksiyon ng pagkain sa Latin Amerika at Asia ay sumulong ng mahigit sa 32% noong nakalipas na dekada.”​—Los Angeles Times.

ANG problema ng gutom ay malayong malutas. Gayumpaman, kinikilala ng parami nang paraming mga eksperto sa larangan na ang kakapusan sa pagkain ay hindi siyang tunay na salarin. Waring ang palagay ng karamihan ay na may iba pang bagay bukod sa pagkamakukuha ng pagkain ang siyang may pananagutan sa bagay na ang maraming tao sa buong daigdig ay dumaranas ng gutom at malnutrisyon. Tunay, may pagkakasalungatan: gutom sa gitna ng kasaganaan. Bakit? Bagaman ang problema ay napakamasalimuot, may mga pangunahing salik na nagpangyari sa kabalintunaang ito.

Maling mga Priyoridad

Upang magkaroon ng isang mahusay na sistema sa pagsasaka ay magastos. Ang mga abono, pestesidyo, modernong mga kagamitan sa pagsasaka, at ang pinagbuting mga binhi ay magastos. Nangangailangan ng panahon at salapi upang magtayo ng mga pasilidad ng imbakan, transportasyon, at sistema ng patubig. Maliwanag, para sa isang nagpapaunlad na bansa na gumawa ng anumang pagsulong sa mga dakong ito, dapat ay handa nitong ipagkatiwala ang malaking bahagi ng likas na yaman nito sa kanila. Ang mga bansa na gumawa nito, gaya ng Tsina at India, ang dalawang pinakamataong bansa sa lupa, ay gumawa ng malaking pagsulong tungo sa pagpapakain ng kanilang sarili.

Sa kasamaang palad, hindi ganito sa karamihan ng mga bansa sa Third World, lalo na yaong sa Aprika, kung saan ang matinding kakapusan ng pagkain ay nagiging isang patuloy, at lumalaking, problema. Isang report ng FAO (Food and Agriculture Organization) sa ika-13 panrehiyon na komperensiya na ginanap sa Zimbabwe noong nakaraang Hulyo ay tahasang nagsabi: “Sa pinaka-ugat ng problema sa pagkain ay ang bagay na ang membrong mga estado ay karaniwang hindi nabibigyan ng kinakailangang priyoridad sa pagsasaka.” Bakit ganito?

Ipinakita ng mga nagmamasid na kadalasang ipinakakahulugan ng mga pamahalaan sa maraming bagong nagsasariling mga bansa sa Aprika at saanman ang pagsasaka sa kolonyalismo at pagkasinauna. Inaakala nila na ang paraan upang sumulong ay gawing industrialisado ang kanilang mga bansa. Upang itaguyod ang gayong patakaran, waring pinapanigan ng mga pamahalaan ang pagpapaunlad ng mga industriya sa mga bayan at mga lunsod, sa kapabayaan ng mga magsasaka sa kabukiran. Sa halip na gamitin ang mga pondo upang gawin at pasulungin ang mga sistema ng patubig at transportasyon, o paglaanan ang mga manggagawa ng pangganyak upang gumawa ng higit, hindi makatuwirang ibinababa ng ilang pamahalaan ang mga presyo ng pagkain upang tulungan ang mga manggagawa sa lunsod at ang bagong mga industriya. Pinaliliit ng gayong mga patakaran ang lalawigan tungo sa pagsasaka para may ikabuhay at ginawa ang mga bansa na dati’y nakasasapat-sa-sarili, at mga tagapagluwas pa nga ng pagkain, tungo sa kapos-pagkain at nag-aangkat ng pagkain na mga bansa.

Nagbabagong Paraan ng Pamumuhay

Ang pagpapabaya sa mga tagabukid ay umakay sa lansakang pandarayuhan ng mga tao mula sa lalawigan tungo sa mga lunsod upang humanap ng mga trabaho. Ipinakikita ng mga pag-aaral na noong 1960 isa sa sampung Aprikano ang namumuhay sa bayan, ngunit noong 1980 isa sa lima ang namumuhay sa bayan. Ang tantiya ay na kung magpapatuloy ang takbong ito, kalahati ng populasyon ng Aprika ang maninirahan sa mga lunsod sa pagtatapos ng dantaon. Ito, mangyari pa, ay mangangahulugan ng higit pang sagwil sa agrikultural na bahagi at sa produksiyon ng pagkain.

Ngunit hindi lang iyan. Ang kakulangan ng sapat na pasilidad sa pag-iimbak at transportasyon ay gumagawa pa ritong mahirap na dalhin ang mga ani sa lalawigan tungo sa mga lunsod upang ipagbili. Isa pa, ang lokal na mga ani, gaya ng binutil at kasaba, ay hindi na mabilí sapagkat ang mga naninirahan sa lunsod ay nagnanais ng mga pagkain na madaling ihanda, gaya ng tinapay at bigas. Kaya, ang mga magsasaka ay walang pangganyak upang magtanim nang higit at ang mga tagalunsod ay bumabaling sa mga pagkaing inangkat. Ipinakikita ng mga rekord na sa pagitan ng 1960 at 1982 ang mga inangkat na butil sa Aprika ay sumulong ng halos apat na ibayo, samantalang ang lokal na produksiyon ng pagkain ay umurong.

Karagdagan pa sa magastos na pag-aangkat ng pagkain, ang mataas na halaga ng enerhiya na kinakailangan upang gatungan ang kanilang bagong tuklas na mga industriya ay nakadaragdag pa sa problema ng pagkain sa maraming mga bansa sa Third World. Halimbawa, ipinakikita ng mga report mula sa Nairobi, Kenya, na “animnapung porsiyento ng foreign exchange ng bansa ang nagtutungo sa mga inaangkat na langis.” Ang kalapit-bansa na Uganda “ay ginugugol ang lahat ng kinikitang dolyar nito, $10 milyong isang buwan upang bayaran ang buwanang pagkakautang nito sa petrolyo.”

Upang bawasan ang pasaning ito, ang mga pamahalaan ng nagpapaunlad na mga bansa ay kadalasang nagtataguyod ng mga patakaran na lalo lamang nagpapalubha sa problema ng gutom. Halimbawa, ipinakikita ng isang pag-aaral na halos kalahati ng bukirin sa Sentral Amerika ay ginagamit upang tamnan ng mailuluwas na mapagkikitaang mga ani gaya ng asukal, kape, at tabako sa halip na magtanim ng lubhang kinakailangang mga pananim na pagkain. Gayundin, maraming bansa sa tropikal na Aprika ang nagtatanim ng mga strawberry at carnation upang ipagbili sa Europa, o sila’y nag-aalaga ng mga baka, tupa, at mga kambing upang iluwas sa mga bansang Arabe samantalang ang kanilang sariling mga tao ay walang sapat na makain.

Ang Pulitika ng Gutom

Pinalulubha rin ng sosyal at pulitikal na pagkamabuway sa maraming nagpapaunlad na mga bansa ang problema ng pagkain. Sang-ayon sa isang bilang, mula noong 1960 nasaksihan ng Aprika ang mahigit sa 12 na mga digmaan, 50 mga panlulupig, 13 pataksil na pagpatay sa mga pinuno ng estado, at malawakang mga kilusan ng mga takas o refugee. Gayundin ang kalagayan sa iba pang dako ng daigdig. Lahat ng ito ay hindi lamang pumipinsala sa mahinang sistema ng pagsasaka kundi inuubos din ang saíd nang kabuhayan dahilan sa malaking pagkakagastos militar. Ang mga bansa ay waring higit na nababahala sa pagtatalaksan ng kanilang mga arsenal kaysa sa paglalaman sa mga tiyan na walang lamán.

Halimbawa, kamakailan ay lubhang napalathala na isang bansa sa Silangang Aprika, na tumanggap ng $2 bilyong (U.S.) na tulong militar, ay ginugol ang mga $100 milyong sa pagdiriwang ng ikasampung anibersaryo ng rebolusyon nito, samantalang ang anim na milyon ng mga tao nito ay nakakaharap ang kagutuman dahilan sa matinding tagtuyót at gutom.

Ang Sunggab ng Karalitaan

Sa lahat ng natatagong salik na sanhi ng malaganap na gutom, gayunman, ang karalitaan marahil ang lubhang tumitiyak. “Higit pa ang kakailanganin kaysa labis na butil upang pakanin ang mga nagugutom ng daigdig,” sabi ni Barbara Huddleston, isang awtoridad sa internasyonal na tulong na pagkain. “Ang daigdig ay may labis na butil. Ang kailangang mangyari ay ang ganap na paglipat ng kapangyarihang bumili sa mga dako na gaya ng Aprika.” Kung paano ito mangyayari, ay hindi masabi kahit na ng mga dalubhasa.

Samantala, kahit na may makukuhang pagkain, marami sa mga mahihirap ang basta hindi makayang bilhin ito. Halimbawa, isang ulat mula sa Ghana ay nagpapakita na “ang pagpapakain sa isang karaniwang pamilya na binubuo ng anim katao tatlong beses isang araw ay magkakahalaga ng anim na ulit ng katamtamang kita ng dalawang adulto, na kapuwa nagtatrabaho.” Samantalang ang mga mayaman ay nagpapasasa mismo sa maluhong inangkat na mga pagkain, ang mga mahihirap ay nahihirapang makaraos. Sa mga dako kung saan walang makuhang mga trabaho, o hindi umiiral ang mga trabaho, ang kalagayan ay masahol pa. “Kinakailangan ang pakyawang muling pagsusuri at muling pagsasaayos ng sosyal at ekonomikong mga priyoridad . . . upang ang daigdig ay mapabalik sa isang ekonomiko at demokratikong landas na magbabawas sa gutom sa halip na pasulungin ito,” sabi ni Lester Brown ng Worldwatch Institute.

Tulong at Kawanggawa​—Nakatutulong ba ang mga Ito?

Kung ang mga bansang mahihirap ay walang mga pasilidad sa pagsasaka upang magtanim nang sapat na pagkain o pondo upang bilhin ito sa nagpapaligsahang internasyonal na mga pamilihan, paano nila napapakain ang kanilang sarili? Ang sagot ay na kakaunti sa kanila ang napapakain ang kanilang sarili. Marami sa kanila ang dumidepende sa internasyonal na mga tulong sa pagkain at, sa sukdulang mga kaso, sa mga kawanggawa kung kagipitan. Kamakailan, ang kabuuang bilang ng tulong sa pagkain, pati na ang mga donasyon para sa kagipitan, ay halos 45 milyong mga tonelada sa isang taon, ayon sa teoriya ay sapat upang punan ang agwat sa pagitan ng kung ano ang maaaring gawin at bilhin ng mga bansang mahihirap sa kung ano ang talagang kinakailangan nila. Ngunit kung tinatanggap ba ito niyaong mga talagang nangangailangan ng tulong ay lubhang kakaibang bagay naman.

Ang pagkain ay isang makapangyarihang sandata sa internasyonal na tanawin, at batid ito ng mga bansa na may labis na pagkain. “Dahilan sa limitadong likas-yaman, karamihan ng iyong tulong ay nagtutungo sa iyong mga kaibigan,” sabi ng isang opisyal ng pamahalaan sa E.U. “Gayunding pamantayan ang ikinakapit ng bawat pamahalaan na nalalaman ko,” sabi pa niya. Kaya, ang pulitikal na pagkakahanay ng nagpupunyagi, nagpapaunlad na mga bansa ay malaki ang kinalaman sa kung ano at gaano karaming tulong ang nakukuha nito. Gayumpaman, ang kakulangan ng sapat na mga pasilidad sa transportasyon sa gayong mga bansa ay kadalasang nangangahulugan na ang karamihan ng mga tulong ay hindi naipamamahagi doon sa talagang nangangailangan sa rural na mga dako.

Mahalaga na gaya nito, ang tulong na pagkain ay pinakamabuting kahaliling paraan. “Ang regular na tulong na pagkain sa mga bansang mahihirap,” ulat ng Globe and Mail ng Canada, “ay nagpangyari sa marami na dumipende sa maunlad na mga bansa, umubos ng kanilang pagkukusa na maging nasasapatan-sa-sarili na mga manggagawa ng pagkain at iniwan ang malaking lupain na sasakahin na hindi mapapakinabangan.” Bagaman itinatakda ng nagbibigay na mga bansa na ang tumatanggap na mga bansa ay magtatag ng ilang pagbabago sa kabuhayan at ibang matagalang mga plano, ang gayong mga hakbang ay kadalasang ipinalalagay na isang pakikialam sa panloob na mga suliranin ng ibang bansa at kaladasa’y umaakay sa mga kaguluhan at karahasan. Bukod pa rito, dahilan sa kalikasan ng tao, iilan lamang ang nakakaalam o talagang nababahala tungkol sa matagal, araw-araw na kalagayan ng mga tao sa malayong mga lugar. Sa panahon ng malubhang kagipitan, ang mga tao ay nauudyukan na kumilos, ngunit kung ano ang nagagawa ay kalimitan nang napakaliit at huli na.

Ang Kabilang Panig

Ipinakikita ng ating maikling pagsusuri na ang problema ng gutom ay tunay na isang kabalintunaan. Ngunit ang naisaalang-alang pa lamang natin ay ang isang bahagi ng larawan​—ang nagugutom at mahirap na mga tao sa Aprika o saanman sa nagpapaunlad na mga bansa. Kumusta naman ang kabilang panig, ang maunlad na mga bansa? Ang karamihan ng mga bansa sa Third World ay humihingi ng tulong sa mga bansang ito, kapuwa ngayon at sa hinaharap. Patuloy kaya nilang mailalaan ang tulong? Masusumpungan kaya nila ang lunas sa masalimuot na kalagayan ng pagkain? Ano kaya ang mangyayari sa hinaharap? Oo, anong pag-asa mayroon na mapakakain ang mga nagugutom ng daigdig?

[Kahon sa pahina 5]

Naghahanap ng Pagkain ang Desesperadong mga Aprikano

SAMPU-SAMPUNG angaw sa di kukulanging 20 Aprikanong mga bansa ay nagugutom, malnoris, o namamatay sa gutom. Angaw-angaw sa kanila ay mga bata. Sila’y kumakarimot ng takbo sa ilalim ng mga paa ng mga babae na nagtitinda sa palengke, sinasala sa mga dumi ang ilang mga butil o mga balatong na maaaring nahulog sa lupa. Ang kaunting makita nila ay nagtutungo alin sa kanilang bibig o sa kanilang mangkok na panlimos. Paminsan-minsan isang itinapong mahiblang tangkay ng gulay ang nginunguya upang kunin ang katas nito, at ang mga labí ay idinudura.

Ang mga punso ay hinahalughog sa paghahanap ng mga piraso ng butil. Maghapong sinisibak ng mga babae ang malalaki, matitigas na mga punso ng anay upang kunin ang mga butil na tinipon ng mga insekto. Tinitipon naman ng marami ang mga dumi ng kambing upang alisin ang di natunaw na mga laman ng mga binhi ng palma na nilulon ng mga hayop nang hindi nginunguya. Binabayo ng mga babae ang tuyong dahon at mga damo hanggang maging pulbos na wala namang sustansiya​—ang tanging pagkain para sa marami. Inaasnan at iniluluto ng iba ang mga dahon na nakuha mula sa mga punungkahoy. Kadalasang kinakain ng mga magsasaka ang binhi na kanilang binili para itanim.

Ang mga bata ay nadaramtan ng mga basahan​—ang iba ay walang saplot maliban sa balat ng kambing na nakabalot sa kanilang payat na katawan. Ang mga gabi ay kadalasang maginaw, at ang mga malnoris ay madaling ginawin at madaling kapitan ng pulmunya, ubo, at lagnat.

Mga sentro para sa pamamahagi ng pagkain ay itinayo ng iba’t ibang mga ahensiya ng kawanggawa, ngunit ang mga panustos ay limitado at kakaunti lamang sa nagugutom ang nakakakuha ng pagkain. Sa isang sentro ng kawanggawa, isang daang mga bata na hindi makakuha ng pagkain ang nakatayo sa likuran ng isang lubid na pinagmamasdan ang iba na kumakain. Isang apat-na-taóng-gulang na bata, na tumitimbang lamang ng sampung libra, napakahina upang makalakad, ay karga-karga ng kaniyang ina.

Sa isa pang sentro na namamahagi ng pagkain, karga-karga ng isang ina ang kaniyang tatlong-taóng-gulang na anak na babae na tumitimbang lamang ng anim at kalahating libra. Sabi ng ulat: “Ang mga tadyang at buto sa dibdib ng bata ay para bang uusli sa kaniyang banát na balat dahilan sa gutom. Ang kaniyang mga braso at paa ay parang mga patpat.”

Sa mga kalagayang gaya nito, ang pagkagutom ay umabot sa kalagayang tinatawag na “marasmus,” isang karamdaman kung saan kinakain ng nagugutom na katawan ang kaniyang sarili. Ang mga mukha ng mga bata ay parang mga matatanda. Ang mga ito ay makikita saanman sa mga bansang pininsala ng gutom sa Aprika.

[Mga larawan sa pahina 6, 7]

May sapat na pagkain para sa lahat . . . gayunman angaw-angaw ang nagugutom

[Pinagmulan]

FAO Photo/B. Imevbore