Karbón—Isa Pa Ring Mainit na Isyu
Karbón—Isa Pa Ring Mainit na Isyu
SA KABILA ng mga pagpapabuti sa pagtatapos ng mga taon ng ika-20 siglong ito, ang pagmimina ng karbón sa ilalim ng lupa ay itinuturing pa rin na pinakamapanganib na hanapbuhay ng bansa. Nagtatrabaho daan-daang piye sa ilalim ng lupa, na may libu-libong tonelada ng karbón, bato, at lupa na handang gumuho at ang madaling sumingaw ng mga gas na hindi maamoy na maaaring sumabog—ang mga kalagayang ito ang gumagawa ritong mapanganib. Tinitiyak na sa Amerika lamang mahigit 114,000 mga lalaki ang nasawi sa mga minahan sapol noong taóng 1910. Mahigit sa 1.5 milyong nakasasalantang kapinsalaan ang dinanas ng mga minero mula noong 1930. Ang bilang ng mga kamatayan na nauugnay sa minahan ay iniulat na mahigit isang libo taun-taon. Ang isa sa mga sanhi ay ang kinatatakutang itim na bagà (black lung), isang karamdaman na dala ng alikabok ng karbón.
“Ang mga Tao ay Mas Mura Kaysa Karbón”
Bagaman ang mga kalagayan sa pagtatrabaho sa ilalim ng lupa ay lubhang napabuti sa paglipas ng mga taon, ang ligtas na mga kalagayan ay patuloy na nagiging isang mainit na isyu. “Ang mga namamahala sa minahan,” sabi ng isang manunulat, “ay tradisyonal na nilalabanan ang karagdagang gastusin para sa mas ligtas na mga pamamaraan bilang isang banta sa kanilang produksiyon at pakinabang.” “Sa mga namamahala, ang mga tao ay mas mura kaysa karbón,” paratang ng ilang kritiko. “Nanaisin pang aksayahin ng malalaking korporasyon ang aming buhay kaysa kanilang salapi,” sabi pa ng isang di-nasisiyahang minero.
Karagdagan pa sa mga hakbang na ginawa upang gawing mas ligtas ang pagmimina kaysa dati, pinaghusay pa nga ang pagmimina ng karbón mismo. Sa halip na pagpapadala ng mga lalaki at mga batang lalaki sa ilalim ng lupa na may mga piko at mga pala, malalaki, kakatwang mga makina ang lumulukob sa mga dingding ng minahan ng mga 12 tonelada ng karbón bawat minuto. Sinasalok nito ang karbón at inilalagay sa mga conveyor belt na nagdadala rito sa gawing itaas ng minahan.
Upang huwag bumagsak ang pinaka-kisame (ceiling) sa mga minahan habang pumapaloob ang makina sa lupa, ang malakas, nakatutulig-tainga na pagbubutas ay bumubutas sa pinaka-kisame na bato, kung saan itinuturnilyo ang mga expansion bolt upang maiwasan ang mga pagguho. Upang masawata ang alikabok ng karbón at maiwasan, hangga’t maaari, ang itim na bagà at ang mga panganib ng pagsabog, iniispreyhan ng mga minero ang mga tunel at mga dakong pinagtatrabahuan ng pinulbos na apog.
Gayunman, sa bawat modernong aparato na nakapagpapaginhawa ng mga gawa at bawat bagong makinang dinisenyo upang gawing mas madali at mas ligtas ang pagkuha ng karbón, ang mga minero ay dumaranas ng kapinsa-pinsalang epekto—kawalan ng trabaho. Kung dati-rati’y limang minero ang binabayaran upang makagawa ng isang toneladang karbón, ngayon sa tulong ng mas malakas na mga makina na nagtatrabaho sa ilalim ng lupa, apat sa mga taong ito ang maaaring maalis sa trabaho. Sa ilang mga dako, humampas ang matinding karalitaan. Namulubi ang mga pamayanan sa pagmimina.
Sa natirang nagtatrabaho pang mga minero isang bagong isyu ang bumangon. Ang dambuhalang mga makinang ito ay magastos, at ayaw makita ng mga may-ari ng minahan ang mga ito na walang ginagawa kahit na isang sandali. Nais nilang patakbuhin ito ng mga minero nang 24 oras isang araw, pitong araw sa isang linggo. Naghimagsik ang mga minero, tumangging magtrabaho kung Linggo.
Naging isa ito sa mga pangunahing isyu sa welga ng mga minero ng karbón noong 1981. Nang panahong ito naalaala ng mga may-ari ng minahan ang welga noong nakaraang tatlong taon na tumagal na 111 mga araw at saka sumuko.Sa pagtatapos ng taóng 1984 sa Inglatera, nakita nito na ang bansang iyon ay nasa bingit ng pinakamalubhang pagbabago sa industriyal na karahasan sa kaniyang kasaysayan pagkatapos ng digmaan—lahat ay nauugnay sa karbón. Pitong libong nagwewelgang mga minero ng karbón ang nakipaglaban sa tatlong libong Britanong pulis sa mga lansangan sa lunsod sa kung ano ang tinawag na “open war.” Sa likuran ng mga barikada ng binunot na mga poste ng koryente, ang mga minero ay naghagis ng mga bato, mga ladrilyo, at mga bote, at naglagay pa nga ng mga patibong upang pinsalain ang mga kabayo ng pulis. Sila ay naghagis ng mga bomba, mga ball bearing, mga tipak ng metal, at mga patatas na tinamnan ng pako, at pinagmasdan nilang lamunin ng apoy ang mga kotse na kanilang niliyaban.
“May mga tagpo ng kalupitan na halos ay hindi kapani-paniwala,” sabi ng presidente ng National Union of Mineworkers, na siyang pumukaw ng welga. Daan-daan ang nasaktan sa mga sagupaang ito. Mula noong kalagitnaan ng Marso 1984, sinalot ng welga ang bansa. Nang taóng iyon, nalumpo ang trabaho sa 132 ng 175 mga minahan ng karbón sa Britaniya at nagpangyaring matigil ang trabaho para sa 130,000 mga minero, na nagkahalaga sa pamahalaan ng mahigit 1.4 bilyong dolyar. Sa wakas, noong Marso 1985 natapos ang welga.
Saka pumasok ang tinatawag na strip-mining. Malaon nang nalalaman ng mga heologo sa Estados Unidos ang napakaraming natatagong karbón, bilyun-bilyong tonelada nito na nakalatag sa makakapal na piraso mga 50 hanggang 200 piye (15 hanggang 60 m) sa ilalim ng ibabaw ng lupa. Habang sumusulong ang Ganap na Pagbabago sa Industriya kasunod ng Digmaang Pandaigdig II, ang pangangailangan para sa karbón upang patakbuhin ang industriya ay naging mas mahalaga, at lumaganap ang strip-mining. Pinaluluwag ng mga pagsabog ang lupa sa ibabaw ng kinalalagyan ng mga karbón, at saka papasok ang malalaking mga trak at kukunin ang mga dumi at karbón.
Gayunman, natatandaan pa ng mga taong naninirahan sa mga rehiyong ito, na ang mga bundok at ang mga burol ay sagana at luntian.
Ngunit ngayon sa kalakhan, ang malalakas na mga makina, pagkalalaki anupa’t maaari nitong hukayin hanggan 325 tonelada ng lupa sa isang kagat, ang umuubos sa gilid ng bundok, kinakain ang malalaking tipak ng lupa. Ang mga sapa sa ilalim ng lupa ay nailihis. Ang mga balon ay natutuyo. Ang mga maiilap na hayop ay humahanap ng bagong mga kagubatan, at mabilis na naaagnas ang lupa sa paglisan ng mga minero sa paghahanap ng bagong mga reserba ng karbón, iniiwan ang malalim, pangit, dinukit na mga bangin sa lupa.Gumawa ng mga batas na humihiling na iwan ng mga minero ang mga dako na gaya nang pagkasumpong nila rito. Ang lupang inalis upang kunin ang karbón ay dapat na ibalik at ayusin na kasuwato ng nakapaligid na tanawin. Kung inalis ang mga punungkahoy, dapat tamnan ng mga punungkahoy. Kung nasira ang mga damuhan, dapat tamnan ng damo. Kung ang tubig na binubomba mula sa lupa ay naglalaman ngayon ng asido na maaaring pumatay ng isda, ang asido ay dapat na ma-neutralize bago ang tubig ay pahintulutang pumasok sa mga sapa. Ang mga kahilingan ay marami at ang pagsasauli ay magastos, subalit sinunod ng karamihan sa mga minero ang batas. Sa kasamaang palad, mayroon pa ring nagmimina at basta aalis, iniiwang sira at pangit ang lupa.
Karbón—At ang Pag-ulan ng Asido
Pagkatapos ay dumating ang mga pag-ulan—mga pag-ulan ng asido! Ito ang pinakamainit na isyu kamakailan na may kaugnayan sa karbón. Kapag nasusunog ang karbón, ang sulfur dioxide at mga nitrogen oxide ay inilalabas. Kapag ibinubuga ng mga planta na lumilikha ng koryente at ng iba pang mga industriyang nagsusunog ng karbón ang kanilang usok sa hangin, ang sulfur dioxide at mga nitrogen oxide ay maaaring baguhin tungo sa sulfuric at nitric acids, na pumapailanglang sa himpapawid at nadadala sa malalayong distansiya, kung minsan libu-libong milya, at saka bumabagsak sa lupa sa anyong ulan.
“Kumbinsido ang maraming siyentipiko,” sulat ng U.S.News & World Report, “na inaalis ng pag-ulan ng asido at ulap na asido ang mahalagang mga nutriyente sa lupa at sa mga dahon ng punungkahoy.” Ang problema ng pag-ulan ng asido ay hindi limitado sa Hilagang Amerika. “Sa Europa,” patuloy pa ng report, “ang walang katulad na pagkaubos ng katatagan ng kakahuyan ay tinatawag na ‘kamatayan ng kagubatan.’ . . . Ang ganap na pagkasira ay umabot sa buong Alemanya, Czechoslovakia, Poland, Hungary at Sweden. Sa Switzerland, ang pagkasira ng mga kagubatan ay nagbangon ng panibagong mga pagkabalisa tungkol sa mga pagguho sa naaagnas na mga gilid ng bundok.”
Ang sinuman na ang libangan ay mag-alaga ng isda sa isang akwaryum ay nakakaalam na ang tubig na lubhang asidiko ay maaaring makapatay sa isda. Samakatuwid kapag bumagsak ang ulan na may mahigit 700 ulit ng dami ng asido kaysa normal na dami, gaya ng nasukat mga ilang taon sa isang silanganing estado, ang resulta ay ang ganap na pagkalipol ng mga isda. “Daan-daang mga lawa sa Estado ng New York at ang libu-libo sa Scandinavia at Canada ay napakaasidiko anupa’t hindi maaaring mabuhay roon ang mga isda,” ulat ng magasing Good Housekeeping noong Hunyo 1984.
Kaya ang aspekto at mga pagsamo ay maririnig sa buong daigdig. Ang pag-ulan ng asido ay isang lumalaking problema. Ang mga dalubhasa sa kapaligiran at ang industriya ay hindi magkasundo tungkol sa isyu.
Gayumpaman, ang karbón ay nagbabalik ngayon bilang isang pinagmumulan ng enerhiya. Maraming mga industriya ang nagbabalik ngayon sa karbón upang paandarin ang kanilang mga genereytor at mga turbina. Maraming bagay ang magagawa mula sa karbón—langis, gasolina, mga manika, pabango, aspirin, sakarin, nylon, plastik, at marami pang ibang kakambal na produkto.
Dahil dito, lumilitaw na ang karbón, taglay ang lahat ng mainit na isyu nito, ay mananatili nang mahabang panahon.
[Blurb sa pahina 19]
Saka dumating ang mga pag-ulan—mga pag-ulan ng asido. At kasunod nito ang namamatay na mga kagubatan, namamatay na mga lawa
[Larawan sa pahina 18]
Dinudukit ng malalaking makina ang 12 tonelada bawat minuto
[Larawan sa pahina 18]
Ipinapasok ang mga expansion bolt upang maiwasan ang mga pagguho