Karbón—Isang Mainit na Isyu Noong Una
Karbón—Isang Mainit na Isyu Noong Una
ANG mga kabundukan ay natatabingan ng ulap sa pagbubukang-liwayway habang namimitaktak ang araw sa silangan. Ang kukuti-kutitap na ningas ng mga lampara ay makikita sa mga bintana ng mga hilera ng sira-sirang barungbarong sa gilid ng bundok. Sa loob ng bahay, ang mga asawang babae at mga ina ay naghahanap ng ihahandang pagkain para sa mga baunan upang pakanin ang lalaking mga membro ng kanilang pamilya.
Pagkaraan ng mga ilang sandali, ang pagod na mga lalaki ay naglalabasan sa kanilang mga tahanan. May malabong mga ilaw sa kanilang mga helmet, para silang daan-daang dambuhalang mga alitaptap, sama-sama silang pumapanaog sa mabatong daan sa ibaba. Dahan-dahan, na para bang nasa parada, sila’y nagmamartsa—ang matanda, ang nasa kalagitnaang gulang, ang kabataan, at ang mga batang-bata. Sila’y mga Amerikano, Ingles at mga Itim, Irlandes at Welsh, mga Czech at mga Slovak. Sila’y mga Italyano at mga Hungariano, mga tao mula sa Polandiya at Gresya—halu-halo ng lahat halos ng nasyonalidad sa Europa—pawang mga minero ng karbón.
Ang pagmamartsa ay humihinto. Nagsisimula ang paghihintay sa mabuway na elebeytor upang ibaba sila ng mga daan-daang piye tungo sa ilalim ng lupa. Ang amoy amag na nabubulok na mga kahoy na sumusuporta sa toni-toneladang timbang sa ibabaw ng kanilang mga ulo at ang lubhang nakapipinsalang amoy ng amag ang pumupuno ng kanilang mga butas ng ilong. Walang tigil ang tunog ng tumutulong tubig. Dapat silang masanay sa pumuputok at lumalagitik na tunog ng nasisiksik na lupa.
Gayon nagsisimula ang bawat araw ng minero sa pagkuha ng 16 na tonelada ng karbón sa kailaliman ng lupa.
Nadama ang Pangangailangan sa Karbón sa Buong Daigdig
Nagsimula na ang Ganap na Pagbabago sa Industriya noong 1800’s. Naglitawan ang bagong mga pagawaan sa ibayo ng lupain, at ang mga dati nang pagawaan ay pinalalaki upang punan ang mga pangangailangan ng isang lumalaking bansa. Ang karbón ay mahalagang kalakal upang gatungan ang mga pakuluan (boiler) at lumikha ng enerhiya upang panatilihing buháy ang industriya. Ang pangangailangan sa karbón ay nadama sa buong daigdig, at mula sa Amerika ang panawagan para sa mga lalaki upang magtrabaho sa mga minahan nito ay nadinig sa kabilang ibayo ng mga dagat.
Narinig ng may karanasang mga minero ng karbón sa Inglatera at Wales ang malayong paghingi ng tulong sa kabilang ibayo ng dagat. Ipinalalagay ang “mga kolonya” na lupain ng oportunidad, sila ay nandayuhan sa Amerika. Ang panawagan para sa mga manggagawa sa minahan ay narinig din sa Ireland kung saan ang mga may-ari ng minahan ng karbón ay nagsugo ng mga ahente o salesmen upang ilako ang “Amerikanong pangarap” ng isang lupain ng kasaganaan—mataas na mga sahod, magandang mga tahanan, mga simbahan at mga paaralan, at isang sistema na salig sa pantay-pantay na karapatan para sa lahat. Ang bagay na ang kanilang pamasahe ay babayaran ng mga may-ari ng minahan ay lalo pang nagbigay-diin sa kanilang paniniwala na ang Amerika nga ay isang lupain na inaagusan ng kayamanan at mga oportunidad.
Kung mayroon man na nag-aakala na ang kanilang Esmeraldang Isla ay napakaganda upang lisanin at na ang siyam na linggong paglalakbay sa ibayo ng dagat ay napakatagal kahit na para sa isang mas mabuting buhay, ang kanilang pag-aakala ay malapit nang magbago—ang pagkakagutom sa patatas! Ang patatas ang pangunahing pagkain ng mga Irlandes. Ang isang katamtamang adulto ay nakakakunsumo ng 9 hanggang 14 libra isang araw. Noong 1845 isang misteryosong panunuyo ng halaman, na tumagal ng anim na
nakamamatay na mga taon, ang sumira sa ani ng patatas. Mahigit na isang milyong katao sa Ireland ang namatay dahil sa pagkakagutom. Yaong mga naglalako ng Amerikanong pangarap ay biglang dinagsa ng mga paghiling para sa mga paglalakbay sa dagat. Ginamit ang bawat magagamit na barko, kadalasan nang hindi sapat ang mga tuluyan at mga pasilidad sa sanitasyon para sa daan-daan na nagsiksikan sa mga barko. Ang marami ay namatay. Pami-pamilya ang nalipol. Tinataya na 5,000 ang namatay patungo sa Amerika, ang kanilang mga bangkay ay inihagis sa dagat. Gayumpaman, noong mga taon ng pagtatagutom sa patatas, 1.2 milyong mga mandarayuhang Irlandes ang nakarating sa baybayin ng Amerika.Doon ang pangarap ay naglaho para sa marami. Ang panaginip ay naging isang masamang panaginip. Ang “magandang mga tahanan” ay pangit na mga barungbarong na walang pamatse, walang mga kisame o wallpaper, at kung saan madarama ang malamig na hangin sa taglamig. Ang mga muwebles ay binubuo ng mga kama at mga mesa at mga silya na di-pulido ang pagkakagawa. Ang “mataas na mga sahod” ay ilang sentimo sa isang oras—wala pang isang dolyar para sa napakahabang maghapong trabaho. Wala niyaong mga ipinangakong paaralan. Ang mga bata ay nagsilaki na hindi marunong bumasa o sumulat ng kanila mismong pangalan. Marami sa mga minero at ang kanilang mga pamilya ay naging tulad sa mga alipin, na hindi na makaahon pa sa kahirapan.
Halimbawa: Ang bayan na ito ng mga barungbarong ay pag-aari at pinangangasiwaan ng mga minahan. Gayundin ang mga tindahan ng kompanya. Ang karamihan ng mga may-ari ng minahan ay hindi nagpapahintulot ng ibang tindahan sa loob ng sakop nito. Kaya, ang mga minero ay sapilitang bumibili ng lahat nilang mga pangangailangan mula sa tindahan ng kompanya—pagkain, pananamit, at mga kasangkapan—sa presyong mas mataas kaysa ibang mga tindahan, kung minsan ay tatlong ulit na mas mataas. Kung may ibang mga tindahan sa malapit, kung gayon ang mga minero ay hindi babayaran ng cash kundi ng mga kupon at mga token o pera-perahan, na tinatawag na “scrip,” na maaari lamang tubusin sa mga tindahan ng kompanya. Kung ang minero ay hindi bibili sa tindahan, siya ay sinisesante at binuboykoteo, at hindi siya tatanggapin sa trabaho ng ibang mga namamahala sa minahan.
Karaniwan para sa mga anak na magtrabaho upang mabayaran ang mga pagkakautang sa tindahan ng kompanya na minana nila sa kanilang ama. Pansinin, halimbawa, ang isang bahagi ng isang editoryal, na lumabas sa isang pahayagan sa New York noong 1872: “Kung minsan sunud-sunod na salinlahi ang nagtatrabaho upang mabayaran ang mga pagkakautang ng kanilang mga ninuno. Yaong may mga ilang barya sa kanilang mga bulsa ay kinita ito sa pamamagitan ng hamak na mga trabaho pagkatapos ng pagtatrabaho nang mahabang oras sa ilalim ng lupa.”
Kaya dahil sa walang ibang lugar na mapupuntahan at walang salapi upang lumisan, ang mga minero ay naging alipin ng mga may-ari ng minahan.
Yamang wala pa noong batas laban sa pagpapatrabaho ng mga bata, sinamantala ng mga
namamahala sa minahan ang mga batang lalaki, ipinadadala sila sa mga minahan sa napakaagang gulang upang magtrabaho nang mahahabang oras sa siksikang mga espasyo kung saan kasiya lamang ang kanilang maliit na katawan. Ang ilan ay kasimbata ng mga limang taon ang nagtatrabaho sa gawing itaas ng minahan na inihihiwalay ang karbón mula sa pisara (slate) habang nagdaraan ito sa conveyor belt, ang kanilang mga daliri at mga kamay ay kalimitang naiipit at nawawalan ng korte. Ang iba, pagod mula sa 14 oras na trabaho, ay nahuhulog sa mga conveyor at naiipit sa kamatayan. Ang ibang munting bata ay iniiwang nakaupo na mag-isa sa madilim na mga daanan sa ilalim ng lupa sa loob ng 12 oras isang araw na binubuksan ang mga trap door para makaraan ang mga mola—ang mga mola ay mas pinangangalagaan pa kaysa mga tao.Ang mga kalagayan sa trabaho para sa mga bata at matanda ang sa tuwina’y banta sa kanilang buhay. Mga pagsabog sa ilalim ng lupa, mga sunog sa minahan, mga pagguho, mga pagbaha, kamatayan sa pamamagitan ng nakalalasong mga gas o pagpigil sa hininga (suffocation), ang makulong ng mga ilang araw nang walang liwanag, pagkain at tubig—ang mga ito ang pang-araw-araw na mga panganib na pumipinsala sa kanilang katinuan.
Ipinasiya ng mga minero na ang kalagayan ay dapat pagbutihin, kapuwa sa ibabaw at sa ilalim ng lupa. Gumawa ng mga pagsisikap upang magtatag ng mga unyon, at ang mga karaingan ay dinala sa mga may-ari ng minahan, humihiling ng mga pagpapabuti at mas ligtas na mga kalagayan sa trabaho, mas mataas na kabayaran, at ang pag-aalis ng patakaran na doon lamang bibili sa tindahan ng kompanya, ang di pagsasama sa mga bata na magtrabaho sa mga minahan, lahat ng ito ay winalang-bahala ng mga may-ari ng minahan.
Sumunod ay tumangging magtrabaho ang mga minero. Nauso ang mga pagwewelga sa minahan ng karbón. Ang mga minahan ay napilitang magsara, at inupahan ng mga may-ari ng minahan ang mga butangero upang buwagin ang mga welga. Ang mga pamilya ay pinalayas sa kanilang mga barungbarong sa matinding lamig. Ang mga lalaki ay binugbog, ang mga babaing manganganak na ay pinaalis sa kanilang mga tahanan. Sa utos ng mga may-ari, ang mga doktor ng kompanya ay tumangging magbigay ng anumang medikal na tulong.
Ang mga Molly Maguires
Bago pa man mandayuhan ang mga Irlandes sa Amerika, umiiral na ang matinding pagkakapootan sa pagitan ng Protestanteng mga Ingles at ng Katolikong mga Irlandes. Kaya nang masumpungan ng mga Irlandes ang kanilang mga sarili sa lupaing Amerikano subalit sa ilalim ng Ingles na mga panginoon at amo sa minahan, para itong mapait na lason na hindi nila malulon. Noong panahon ng malaking labanan sa pagitan ng mga minero at ng mga may-ari ng minahan, ang mga Irlandes ay nagtatag ng isang lihim na kapisanan na tinawag na Molly Maguires. Ang mga ito ay isang maliit na grupo ng mga minerong Irlandes na naghiganti sa mga may-ari ng minahan, mga amo, at mga namamahala, pinapatay sila sa kanilang mga tahanan, sa mga lansangan, at sa mga minahan.
Ang pamamahala ng malaking takot ay kumalat sa mga bayan ng minahan. Ang mga minahan ay binomba, ang mga kotse ng tren na nagdadala ng karbón ay pinasabog sa mga riles at sinira. Ang Ingles na mga opisyal ng minahan ay lubhang napinsala. Pagkalipas ng isang mahabang panahon, pagkatapos makapasok ang isang espiya sa kanilang grupo, ang Molly Maguires ay sumapit sa kapinsa-pinsalang wakas—20 sa mga membro nito ang binitay, 10 sa isang araw.
Ang “Mollies” ay para lamang isang ngipin sa engranahe ng makina ng paghihimagsik ng mga minero na nagpatunog ng agunyas sa diktatoryal na pamamahala ng mga may-ari ng minahan sa mga minero. Sa wakas isang malakas na unyon ang natatag na namahala sa mga minero sa buong bansa, tinitiyak ang mas mabuting kabayaran, mas ligtas ng mga kalagayan sa trabaho, pag-alis ng mga bata bilang manggagawa, at iba pa. Sa ngayon, ang pagmimina ay isang iginagalang na trabaho na may mga pakinabang na umaakit sa libu-libo tungo sa ilalim ng lupa sa paghahanap ng karbón.
[Blurb sa pahina 16]
Mga pagsabog, sunog, pagguho, nakalalasong gas—ang mga ito ang pang-araw-araw na mga panganib
[Larawan sa pahina 15]
Isang tindahan ng kompanya at ilang pera-perahan o “scrip” na ginamit bilang salapi