“Mabuting mga Pag-ulan” sa Sinaunang Gresya
“Mabuting mga Pag-ulan” sa Sinaunang Gresya
ANG iba’t ibang anyo ng mga sayaw at pagdarasal para umulan ay masusumpungan sa lahat halos ng sinaunang tao, pati na ang mga Griego. Sa marami nilang mga ritwal, isa sa lalo ng popular sa gitna ng mga magsasaka ay ang perperuna, isang paghiling sa mga diyos para sa “mabuting mga pag-ulan.”
Ang perperuna ay isang mapulang bulaklak na tumutubo sa mga lalawigan sa Gresya kung tagsibol. Ngunit ang tagsibol ay panahon din para sa pagbagsak ng ulan upang magkaroon ng saganang ani sa taglagas. Kung hindi uulan, mangangahulugan ito ng kapahamakan sa mga taganayon. Upang magsumamo ng pabor at pagpapala sa mga diyos—at sa kanilang kaloob na pag-ulan—isinasagawa ng mga magsasaka sa mga nayon ang kanilang ritwal na perperuna.
Sa pagdiriwang ang mga batang babae sa nayon ay tinitipon sa lokal na plasa. Isa sa kanila ay pinipili at dinaramtan bilang ang perperuna. Bilang pagsusumamo sa mga kaawaan ng mga diyos, karaniwan nang pinipili ang isang mahirap na ulilang batang babae. Saka ipasusuot sa kaniya ang isang lumang damit at ginagayakan ng mga siit, mga dahon, mga bulaklak, at mga luntiang damo hanggang sa siya ay literal na matatakpan mula ulo hanggang paa. Ang pantakip ay napakakapal anupa’t hindi siya halos makakita. Sa katunayan, ang perperuna ay inaakay sa nayon na para bang isang naglalakad na halaman.
Sang-ayon sa tradisyon, ang perperuna ay sagisag ng tuyong lupa. Upang mapatid ang kaniyang pagkauhaw nang siya’y makapagbigay ng bunga, inaakay siya ng mga taganayon sa bahay-bahay, at sinusundan ng ibang mga batang babae, na inaawit nang malakas ang awiting ito:
Si Perperuna ay lumilibot
Malakas na nananalangin sa Diyos.
Panginoon, magpaulan ka
At buhayin kaming lahat,
Nang ang aming mga punla ay lumaki,
Pati na ang mga ani.
Kapag ang prosisyon ay dumarating sa isang tahanan, binabati ng maybahay ang perperuna sa pagbubuhos sa kaniya ng tubig at pagsasabi: “Mabuting mga pag-ulan! Mabuting mga pag-ulan!” Pagkatapos mabasa, ang perperuna ay tutugon sa pamamagitan ng pagyugyog ng kaniyang katawan anupa’t ang tubig na nasa mga damo at dahon ay titilamsik at mahuhulog na parang ulan.
Sa wakas, pagkatapos malibot ang nayon, aakayin ng mga taganayon ang perperuna sa isang sapa. Doon ilulubog nila siya nang tatlong ulit sa tubig, samantalang sumisigaw: “Mabuting mga pag-ulan! Mabuting mga pag-ulan!”
Hanggan noong unang digmaang pandaigdig, ang kaugalian ng perperuna ay malawakang isinagawa sa buong Gresya. Isinasagawa ito sa iba’t ibang dako sa ilalim ng iba’t ibang katulad na pangalan, gaya ng paparuna, perperitsa, ververitsa. Bagaman ang kaugaliang ito sa ngayon ay sinasabing lipas na maliban sa liblib na mga nayon, sa maraming dako ito ay hinalinhan ng sinang-ayunan ng simbahan na relihiyosong mga prosisyon sa gayunding layunin. Ang pagsasama ng magic, pamahiin, at relihiyon ay malalim na nauugat sa mga buhay ng tao kahit na sa tinatawag na lupaing Kristiyano.