Mas Mabuti Kaya ang Kalabasan Ko Kaysa Aking mga Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mas Mabuti Kaya ang Kalabasan Ko Kaysa Aking mga Magulang?
“GAANO man kahamak, walang gaya ng tahanan.” Gayon ang sabi ng isang popular na awitin noong una. Gayunman, sa ngayon, bagaman tinatamasa ng maraming kabataan ang isang maligaya at masiglang buhay pampamilya, ang iba ay hindi. Para sa mga nagtitiis ng magulong tahanan—mga pagtatalo ng pamilya, diborsiyo, isang magulang na alkoholiko o may karamdaman sa isipan—ang buhay ay hindi kaaya-aya.
Pag-ahon sa Kinaugaliang Paraan
Napakahirap isipin na ikaw ay hindi makaahon, halos hinatulan ng mga kalagayan ng pamilya o pamayanan. “Sa gulang na 14,” sabi ng isang kabataang babae, “ako’y kumbinsido na hinding-hindi ako magkakaroon ng maligayang pag-aasawa.” Bakit? Ang kaniyang mga magulang ay marahas na nagtatalo sa maliliit na bagay. Sila ay magsisigawan, magmumurahan, at maghahagisan ng mga bagay sa bahay nang walang tigil ng mga ilang oras. “Ikinatakot pa nga namin ng aking nakababatang kapatid na babae ang pagmamana ng karamdaman sa isipan! Tinunton namin kung alin sa aming mga kamag-anak ang waring may karamdaman sa isipan. Natatakot kami na mag-asawa at maging gaya ng aming mga magulang.”
Ngunit ano ang aktuwal na nangyari? Sila kapuwa ay maygulang na at maligayang may mga asawa na. Natatalos ngayon na labis ang kanilang reaksiyon sa kalagayan ng kanilang mga magulang, nakita nila ang halaga ng kanilang mga magulang.
Kaya gaano kahalaga ang uri ng pasimula na nakukuha mo sa buhay? Tunay, lubhang naiimpluwensiyahan ng ating mga pamilya kung paano tayo lumalaki, ngunit hindi nila
tinatatakan ang ating kapalaran. Sa katunayan, namangha ang mga dalubhasa na matuklasan na may mga kabataan na napagtagumpayan ang matinding mga dagok, gaya ng lubhang karalitaan at mga magulang na diborsiyado o may karamdaman sa isipan. ‘Sa kabila ng nakapanlulumong mga kalagayan sa buhay at nakapangingilabot na mga karanasan sa buhay, kataka-taka na napakitunguhan nang mahusay at napakibagayan ng mga batang ito ang mga problema,’ sabi ng isang saykayatris.Kinikilala at pinag-aaralan ngayon ng mga mananaliksik ang mga batang madaling makibagay sa mga kasawian. a At ang sekreto ng tinatawag na mga superkid na ito ay maaaring mauwi sa simulain na Bibliya, “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Waring ang tumutugon, mapagbigay na mga bata—pati na ang mga sanggol—ay naglalabas ng pinakamabuti sa kanilang mga magulang. Ang gayong mga kabataan ay mas napapalapit sa kanilang mga magulang kaysa sa iba sa pamilya na hindi tumutugon, maka-ako, o mahirap pakitunguhan.
Upang ilarawan, ipinakita ng isang pag-aaral na ang ‘mga sanggol na madaling makibagay’ ang siyang ‘masarap kalungin, magiliw, napakaaktibo, at madaling pakitunguhan.’ Gaya ng sabi ni Dr. Emmy Werner, “Maaaring bihagin ng tumutugon at aktibong mga sanggol ang pag-ibig at pansin ng dati’y hindi tumutugon o nanlulumong mga ina.”
Kahit na ang ilan sa atin na hindi masarap kalungin at magiliw bilang mga sanggol ay makababawi ngayon sa pagiging maligaya, mapagbigay na mga tao na pinagyayaman ang tinatawag ng Bibliya na “ang bunga ng espiritu . . . pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Gaya ng salapi sa bangko, ang mga “mapagbigay” na mga katangiang ito ay magpapangyari sa iyo na “maglabas” nang higit kaysa iyong inaasahan sa tahanan.
Pakikinabang Nang Higit sa Tahanan
Kahit na ang pinakahamak na tahanan ay pumupuno ng isang pangunahing pangangailangan para sa pamilyar na mga kapaligiran habang tayo ay lumalaki. Sa tahanan ikaw ay natutong magsalita nang ikaw ay maliit pa. At doon ikaw ay patuloy na natututo tungkol sa mga tao at kung paano sila nakikitungo, kahit na ngayon habang ikaw ay tumatanda. Gaya ng sulat ng isang awtoridad: ‘Ang tahanan ang dako kung saan ang isa ay nagdadala ng
pang-araw-araw na takbo ng sosyal na mga karanasan, upang salain, upang kalkulahin, upang halagahan, upang unawain, o upang pilipitin, upang inisin, upang palakihin, o walaing bahala, gaya ng kinakailangan.’Kung ano ang natututuhan mo sa tahanan ay depende, gayunman, sa kung gaano kahusay mo gagamitin ang “mapagbigay” na mga katangiang iyon—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, at pagpipigil-sa-sarili. Nasumpungan ni Dr. E. James Anthony na ang mga batang madaling makibagay kahit na niyaong ang mga magulang ay may mga problemang pangkaisipan ay maaaring lumikha ng isang oasis ng pagiging normal sa isang buwag na sambahayan. “Maaari silang gumawa ng isang bagay mula sa napakaliit,” sabi niya. “Sila ang uri na makasusumpong ng isang bulaklak sa disyerto.”—Parents, Nobyembre 1983.
Pagkatuto na Gumawang Mas Mahusay
Ang kakayahan na masumpungan ang “bulaklak sa disyerto” na iyon ay maaaring matamo. “Ako’y hindi isang ‘superkid,’” sabi ni Warren. “Natutuhan kong masiyahan sa aking pamilya. Mapaniniwalaan mo ba iyan?” Si Warren ay mula sa isang napakahirap, panlahing minoridad na pamilya na nakatira sa isang mayamang pamayanan. Ang kaniyang alkoholikong ama, nang nagtatrabaho pa, ay isang obrero na kaunti ang kinikita. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang pinakamatandang kapatid na lalaki ni Warren ay naging delingkuwente, napasok sa bilangguan, at nakaranas ng mental na panlulumo. O na ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ay inirekomenda na patingin sa isang saykayatris.
Paano mapagtatagumpayan ni Warren ang lahat ng ito? Nakatulong ang ibang bagay. Una, si Warren ay nagpakita ng pagkagiliw sa pag-aaral. Nang makita ng kaniyang mga guro ang kaniyang mabuting mga marka, pinasigla nila siya. Sa gulang na sampu siya ay naging higit na palakaibigan. Naging interesado siya sa pagtugtog ng isang instrumento sa musika. Mahalaga sa lahat, siya at ang kaniyang ina ay naging interesado sa mensahe ng Bibliya. Sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, nagkaroon sila ng isang masiglang grupo ng mga kaibigan mula sa lahat ng gulang na tumanggap sa kanila bilang mga kapantay nila. Sa gayon napangasiwaan ni Warren na makaahon sa kinaugaliang pamamaraan ng kaniyang pamilya. At sa tulong ni Warren, ang kaniyang nakababatang kapatid, na nasa tahanan pa, ay sumusulong na mahusay nang walang propesyonal na tulong. Sabi ni Warren, “Napakahusay na makatulong sa mga tao, at ang hinaharap ay nagiging mabuti.”
Pagtatayo ng Iyong Pagtitiwala
Kaya bakit dapat kang salutin ng pag-aalinlangan sa sarili? Alisin mo ang mga pag-aalinlangan sa pamamagitan ng pagharap sa mga hamon. Palawakin mo ang iyong mga interes, kapuwa sa mga bagay at sa mga tao. Magkaroon ka ng isang libangan. Linangin mo ang mabuting mga kaibigan sa pagiging matulungin. Ang Kawikaan 17:17 ay nagsasabi: “Ang mga kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon. Ano nga ba ang magkakapatid kung hindi magtutulungan sa panahon ng kagipitan?” (Today’s English Version) Ang bawat nagawa, gaano man kaliit, ay magpapasulong sa iyong kasanayan at pagtitiwala-sa-sarili.
Oo, ang iyong mga magulang at ang iba pang mga may sapat na gulang ay may mga di-kasakdalan, ngunit marami rin ang maitutulong nila. Matutong lumapit sa mga may sapat na gulang sa halip na lumayo sa kanila. Kung magpapakita ka ng interes sa mga guro, mga kamag-anak, at mga magulang ng mga kaibigan, lalo silang magpapakita ng interes sa iyo. At sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, masusumpungan mo ang matulungin, maygulang na mga Kristiyano na interesado sa mga kabataan.
[Talababa]
a Halimbawa, isang 20-taóng pag-aaral ang isinagawa sa 300 mga ipinanganak sa Hawaii noong 1955 sa ilalim ng lubhang maralitang mga kalagayan. Gayumpaman, halos 10 porsiyento ang naging lubhang may kakayahang mga adulto. Iniulat din, sila’y “gumagawang mabuti, naglalarong mabuti, umiibig na mabuti at umaasang mabuti.”
[Kahon sa pahina 12]
Sina Eleanor, Albert, at Thomas ay Nakagulat sa mga Eksperto!
‘Si Eleanor ay isang pangkaraniwang bata na tinanggihan ng kaniyang ina,’ sasabihan ni Dr. Victor Goertzel ang kaniyang mga tagapakinig na mga estudyante na nagdadalubhasa sa edukasyon. Karagdagan pa, ang ama ni Eleanor, isang alkoholiko, ay hiwalay sa kaniyang ina. Bilang isang bata siya’y kilala na nagnanakaw ng mga kendi at sinungaling—minsan nilulon pa nga niya ang isang barya upang makatawag ng pansin. Pagkamatay ng kaniyang ama, siya ay ibinigay sa kaniyang balong lola. Nakatira roon ang apat na may kabataang mga tiyo at tiya. Ang isang tiyo ay naglasing at lumayas sa tahanan. Ang isang tiya, na nabigo sa pag-ibig, ay nagkulong sa kaniyang silid. Si Eleanor ay hindi pinapaglaro, hindi pinag-aral, at kakatwang binihisan ng kaniyang lola.
‘Ngayon hulaan ninyo kung ano ang gagawin ng 16-taóng-gulang na si Eleanor sa loob ng limang taon,’ hahamunin ng mananaliksik na saykayatris na si Dr. Goertzel ang mga tagapakinig. Siya ay napabuti kaysa inaasahan—si Eleanor Roosevelt, kilalang manunulat at lektyurer na Amerikano, at asawa ng pangulo ng Estados Unidos.
Binanggit din ni Dr. Goertzel ang batang si Albert [Einstein] at si Thomas [Edison] bilang mga halimbawa ng mga kabataan na nakaahon o nagtagumpay sa kalunus-lunos na mga pagkabata. Ang leksiyon o aral ay hindi basta tularan ng mga kabataan ang kilalang mga taong ito, kundi na maaari nilang mapagtagumpayan ang mabuway na pasimula sa buhay. Sabi ng Bibliya: “Ang bata man ay nagpapakilala sa kaniyang mga gawa.”—Kawikaan 20:11.
[Larawan sa pahina 11]
Maraming kabataan ang nagtatanong kung maaari silang makaahon sa mga kalagayan ng kanilang tahanan at pamayanan