Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Nagpapagaling ang Pulut-Pukyutan
Tagalang pinasasalamatan ko kayo sa artikulong “Nagpapagaling ang Pulut-Pukyutan.” (Abril 22, 1985 sa Tagalog) Ako’y naratay sa silyang de-gulong sa loob ng 18 taon dahilan sa isang aksidente sa kotse. Sa pana-panahon ako ay nagkakasugat dahilan sa kauupo at ako ay naratay sa banig samantalang ginagamot ng iba’t ibang mga pamahid na gamot. Saka dumating ang inyong magasin, at wala namang mawawala sa akin, sinubukan ko ang pagpapahid ng pulut-pukyutan sa mga sugat. Hindi ko alam kung papaano sasabihin ito. Kung ano ang nangailangan ng tatlo hanggang apat na linggo upang gumaling ay gumaling sa loob lamang ng walo hanggang siyam na araw. Ewan ko kung bakit napakatagal na itinago ang paggagamot na ito.
V. M., Mexico
Pakikipagbaka Hanggang sa Wakas
Hindi ko mapigil ang aking kagalakan nang mabasa ko ang inyong artikulong “Ang Pakikipagbaka Ko Hanggang sa Wakas.” (Enero 8, 1985 sa Tagalog) Ako’y 18 taóng gulang at nagkaroon ako ng karamdaman na lubhang nakaapekto sa aking mga paa at gawing ibaba ng likod. Kung minsan ang kirot ay napakatindi. Kapag nanghihina ang aking mga paa, kadalasa’y natutumba ako sa sahig at gumagapang na lamang ako. Ang mga doktor ay hindi naging matagumpay sa pagtuklas sa sanhi o sa lunas. Maitutulad ako kay Monica Siebert—na tumangging tumanggap ng awa at determinadong paglabanan ang kaniyang karamdaman—samantalang patuloy kong inaabot ang aking tunguhin ng buong-panahong pagmiministro. Maraming salamat sa paglalaan ng gayong nakapagpapatibay-loob at nakapagpapalakas na mga artikulo. Inaasahan ko na ang sulat na ito ay tutulong upang pasiglahin ang ibang kabataan na huwag mawalan ng pag-asa kapag napaharap sa kahirapan.
L. K., Denmark
Tinulungan ng Isang “Kidney Machine”
Ang inyong artikulong “Buháy! Sa Tulong ng Isang ‘Kidney Machine’” (Hunyo 8, 1985 sa Tagalog) ay lubhang napapanahon. Kamakailan lamang ang mga bato ng aking biyanang babae ay nanghina. Pinag-aaralan niya ngayon kung paano paandarin ang kaniyang “home machine.” Tinulungan kami ng artikulo na higit na maunawaan kung ano ang kaniyang dinaranas. Ang parapo hinggil sa diyeta ay lubhang nakatulong din. Ngayon alam namin kung anong mga bagay ang dapat iwasan kapag kumakain na kasama siya o kapag pumipili ng regalo.
L. K., Montana
Maraming salamat sa artikulong “Buháy! Sa Tulong ng Isang ‘Kidney Machine’.” Nang ako ay pakasal sa aking asawang babae (1979), hangarin namin na magpatuloy sa buong-panahong pagmiministro. Pagkalipas ng pitong buwan, ako’y sinabihan na mayroon akong talamak na karamdaman sa bato. Sa wakas ako ay kinailangan na magpa-dialysis. Pagkatapos ng dalawang operasyon ako ay nilagyan ng catheter upang pasimulan ang patuloy na peritoneal dialysis. Sabihin pa, kaming mag-asawa ay nagkaroon ng mga suliranin. Tumingin kami ng mga artikulo sa Awake! na tutulong sa amin na pakitunguhan ang karamdamang ito. Pagkatapos pagbabalik namin sa bahay mula sa aming 160-milya (260-km) na paglalakbay sa Lexington, Kentucky, para sa aking dalawang buwang checkup, tinanggap ko ang labas ng Awake! na taglay ang artikulong ito. Kung batid lamang ninyo kung ano ang aking nadama nang makita ko ito. Nadama ko na hindi ako nag-iisa at hindi ako kakaiba. Nadama ko na para bang ang karanasan ni Dorothy Bull ay isinulat para sa akin. Ang pagbasa tungkol sa kaniyang pagtitiis ay nagpalakas sa aking determinasyon na patuloy na paglingkuran si Jehova sa kabila ng aking pisikal na mga limitasyon.
W. R., Kentucky