Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
40,000% na Katumbasan ng Implasyon!
● “Ang katumbasan ng implasyon ng Bolivia ang pinakamataas sa daigdig,” ulat ng The Wall Street Journal. Noong 1984, ang mga presyo ay tumaas ng 2,700%, kung ihahambing sa 329% lamang noong nakaraang taon. Hinuhulaan ng mga dalubhasa na ang katumbasan ng implasyon ay maaaring tumaas pa ng 40,000% sa taóng ito.” Ang mga presyo ng bilihin ay tumataas araw-araw at sa bawat oras. Sa huling report, ang isang bareta ng tsokolate ay nagkakahalaga ng 50,000 pesos—isang dalawang-pulgada (5-cm) na talaksan ng mga perang papel na mas mabigat pa sa tsokolate. Sinabi ng isang parmasiyotika na siya ay bumili ng isang bagong de-luhong kotseng Toyota tatlong taon na ang nakalipas sa katulad na halaga na hinihingi niya para sa tatlong kahon ng aspirin. “Mga eroplanong punô ng salapi ang dumarating makalawa sa isang linggo mula sa mga tagapaglimbag nito sa Kanlurang Alemanya at Britaniya,” sabi ng ulat. “Ang mga pagbili ng salapi ay nagkakahalaga sa Bolivia nang mahigit sa $20 milyong noong nakaraang taon, ginagawa itong pangatlo sa pinakamalaking pag-aangkat ng bansa, kasunod lamang ng trigo at mga kagamitan sa pagmimina.”
Mga Pamilyang Gutom
● Higit pa kaysa pagbabanta sa buhay ang nagagawa ng gutom. Sinisira rin nito ang matatanda nang tradisyon. Sa Chad na sinasalot ng taggutom, ang pinalawak na sistema ng pamilya, na umuobliga kahit na sa malayong kamag-anak na pangalagaan yaong mga nasa bingit ng kaligtasan, ay pinagbabantaan, ulat ng The New York Times. Gayundin, ang malalakas na mga magulang na sinasamahan ang kanilang nagugutom na mga anak ay pangkaraniwang tanawin na lamang, sabi ni Dr. Jan van Erps, isang taga-Belgium na ngayo’y nakatira sa kalagitnaang Chad ng mga ilang taon, at ni Catherine Joguet, isang nars na Pranses na nagtatrabahong kasama niya. Ipinalalagay nila na ang ilang mga magulang ay hinahayaang mamatay ang kanilang maysakit nang mga anak upang ibigay ang kaunting pagkain sa ibang membro ng pamilya na mayroong mas mabuting tsansa na mabuhay. “Sa mga pamilya, ang mga lalaki ang unang kumakain, susunod ang mga babae, at saka ang mga bata,” sabi ni Van Erps. “Ang mga pinsan ay hindi na tinatanggap sa tahanan kung sila ay makikisalo sa kakaunting pagkain.”
Mga Pila, mga Pila
● Ang mga mamamayang Sobyet ay gumugugol ng 65 bilyong oras taun-taon sa pagtayo sa mga pila, 80 porsiyento ng panahong iyon sa mga pila ng pagkain, sulat ni Vasily D. Patrushev, sa Izvestia ng Moscow. Si Patrushev, na nagtatrabaho sa Work and Leisure Time Department ng Institute of Sociological Research at isang dalubhasa tungkol sa mga pila, ay nagsasabi pa na ang kabuuang panahon ng paghihintay ay katumbas ng mga oras ng pagtatrabaho ng 35 milyong buong-panahong mga empleado. Ngunit “kung iisipin na ang mga pila ay dahilan sa kakapusan ng mga pagkain ay isang maling akala,” sabi niya. “Ang mga pila na kinaiinisan naming lahat ay magandang benta sa panig ng mga negosyante. Sa katunayan, ang pila ay kumakatawan sa kita, walang patid na mga mamimili, at tumitiyak na tinutupad ng mga tindahan ang mga plano nito sa pagbibili.” Inilathala rin ng Izvestia ang isang liham mula sa isang dalubhasa sa ekonomiya na nagsabi na ang mga tindahan ay walang pagnanais na magbenta nang labis sa kanilang buwanang mga benta “sa takot na ang mas maraming paninda ay maaaring dumating sa hinaharap,” sa gayo’y lumilikha ng higit na trabaho para sa tindahan.
Kilusan Upang Bawasan ang Populasyon
● Ang pamahalaang Mexicano ay nagsisikap na himukin ang mga tao na umalis sa “siksikan at mahirap pamuhayang kabisera ng Mexico,” ulat ng The New York Times. Ang Lunsod ng Mexico, na may halos 18 milyong mga maninirahan, ay lumalaki pa sa bilis na mga isang daang libo bawat buwan. Ang maralitang mga magsasaka ay patuloy na lumilipat sa lunsod na nakadaragdag sa mga kahirapan sa mga paglilingkod-bayan at mga pasilidad ng lunsod. Kamakailan, ipinahayag ng Presidente Miguel de la Madrid Hurtado na mahigit sa 50 mga ahensiya ng pamahalaan at mga industriyang pinatatakbo ng gobyerno, na nagsasangkot sa 40,000 pederal na mga empleado, ang ililipat mula sa lunsod tungo sa mga lalawigan. Hindi lamang nito aalisin ang mga tao sa Lunsod ng Mexico kundi ito ay idinisenyo upang ikalat ang pederal na salapi at kapangyarihan at gawing mas kaakit-akit ang ibang lugar.
Mga Plastik sa Karagatan
● “Ang mga dagat at karagatan ng daigdig, na narumhan na ng natapong langis, nakalalasong mga kemikal at radyoaktibong mga basura, ay dinudumhan ngayon ng isang bago at lihim na mapaminsalang anyo ng polusyon—basurang plastik,” report ng The New York Times. Sang-ayon sa National Academy of Sciences, taun-taon ang komersiyal na mga pangkat ng mga bangka sa pangingisda—isang pangunahing tagapagparumi—ay nagtatambak ng mahigit 52 milyong libra (24 milyon kg) ng mga supot na plastik sa dagat at nawawalan ng mahigit 298 milyong libra (135 milyon kg) ng plastik na mga gamit sa pangingisda, pati na ng mga lambat, mga
bingwit, at mga palutang. Tinatayang isa hanggang dalawang milyong mga seabird at mahigit na isang daang libong mga mamal sa dagat ang namamatay taun-taon sa pagkain ng mga pirasong plastik na lumulutang o nasisilo sa mga lambat na plastik.Dumarami ang mga Transplant
● “Hinuhulaan ng mga doktor na nagkakatipon sa Stanford University [kamakailan] na hanggang 700 na mga heart transplant ang isasagawa taun-taon sa E.U. sa pagtatapos ng dekada,” ulat ng New Scientist. “Ito ay halos limanabi ng report. Ang operasyon mismo ay nagkakahalaga ng $80,000. Karagdagan pa rito ang $45,000 para sa mga pagsubok bago ang operasyon at ang pangangalaga pagkatapos ng operasyon. Isinasaalang-alang ngayon ng pamahalaan kung sino ang magbabayad sa mga operasyong ito sa hinaharap.
Negosyong Pagpapangalan sa mga Bituin
● Sapol noong 1979 isang daang libo katao ang bawat isa’y nagbayad ng $25 hanggang $35 sa isang kompanya sa Illinois—isa sa maraming gayong mga kompanya sa Estados Unidos—para sa pribilehiyo na pagpapangalan sa isang bituin na sunod sa pangalan nila o ng kanilang mahal sa buhay. Sinasabihan sila na ang mga pangalan “ay ililista sa isang aklat na iko-copyright sa dakong huli sa Library of Congress,” sabi ng isang press release ng Library of Congress. Ngunit ang isang copyright na aklat ay hindi nagbibigay ng opisyal na katayuan sa pagpapangalan ng mga bituin, paliwanag ng release. Ang opisyal na mga pangalan ay ibinibigay lamang ng IAU (International Astronomical Union) na nasa Paris, Pransiya. Sabi ng isang opisyal ng IAU: “Malabo ang palagay namin sa negosyong ito ng pagpapangalan sa mga bituin.”
Mga Abo sa Orbita
● Sa Florida isang samahan ng mga nangangasiwa ng libing at mga inhinyero na tinatawag na Celestis Group ay kumasundo ng isang pribadong kompanya, ang Space Services, Inc., upang ipadala ang mga abo ng mga namatay na tao sa orbita sa dakong huli ng 1986 o 1987. Upang magawa ito, muling susunugin ng Celestis ang mga labí ng bawat namatay na tao na nakatala sa biyahe na patungo sa orbita hanggang sa ang mga abo ay magkasiya sa isang kapsula na sumusukat lamang ng tatlong ikawalo ng isang pulgada por isa at sangkapat ng pulgada (1 cm por 3.2 cm). Kasindami ng 13,000 mga kapsulang ito ang magkakasiya sa satelayt ng Space Services. Taglay ang mga teleskopyo, makikita ng mga kamag-anak ng namatay ang satelayt habang ito ay dumaraan sa ibabaw. Ang halaga ng paglilibing sa kalawakan ay sintaas-langit na $3,900 sa bawat parokyano.
Takot sa Britanong AIDS
● “Ang kamatayan ng isang kapelyan sa bilangguan ng Church of England na may AIDS ay naging dahilan na isang pangunahing pangkalusugang takot sa Britaniya,” report ng The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Ang 38-taóng-gulang na klerigo ang ika-52 biktima ng AIDS sa Britaniya. “Tumatanggap kami ng mga tawag sa telepono mula sa kagalang-galang na mga babaing membro ng simbahan na uminom ng alak sa iisang kopa” na ginamit ng kapelyan, sabi ni Dr. Anthony Kirkland, isang opisyal ng kalusugan ng distrito. “Nababahala sila na maaaring makuha nila ang impeksiyon, ngunit tiniyak ko sa kanila na wala silang dapat alalahanin.” Sinasabi ni Kirkland na ang kapelyan ay isang homoseksuwal. Ngunit, sabi pa niya, “iningatan niyang lubusang magkahiwalay ang dalawang panig ng kaniyang buhay.”
Ang mga Braziliano ay Namamatay sa Paninigarilyo
● Ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Brazil, sabi ng WHO (World Health Organization). Noong 1979 ang paninigarilyo ang naging sanhi ng tinatayang sangkapat ng 90,000 mga kamatayan dahilan sa ischemic na sakit sa puso at sangkatlo ng 60,000 mga kamatayan dahilan sa kanser, bukod pa sa pagpatay sa 40,000 bagong silang na mga sanggol. “Gayunman ang pamahalaan, nakakaharap ang pinakamalaking krisis sa utang sa daigdig, ay malamang na hindi pasiglahin ang mga mamamayan nito na huminto ng paninigarilyo,” ulat ng New Scientist. “Mga 75 porsiyento ng presyo ng mga sigarilyo ay napupunta sa pamahalaan, ang pinakamataas na buwis sa tabako sa daigdig. Sa kabila ng pinansiyal na pasanin, ang mga Braziliano ay bumibili ng mahigit na 370 milyong sigarilyo sa isang araw, tinutustusan ng 11.6 porsiyento ang nalilikom na buwis ng bansa.”
Pag-inom at mga Droga
● Nasumpungan ng isang surbey na isinagawa ng Kagawaran ng Kalusugan ng Estado ng New York na 20 porsiyento ng mga tin-edyer sa New York ang nagsisigarilyo, 55 porsiyento ang umiinom ng mga inuming de alkohol, at 65 porsiyento ang sumubok sa mga droga. Ang surbey, batay sa mga panayam sa telepono ng 1,214 mga tin-edyer na ang mga edad ay 13 hanggang 19, ay kumakatawan sa 2.1 milyong mga tin-edyer sa estado. Sa batayang ito, sa 1,183,000 na mga tin-edyer na umiinom ng inuming de alkohol, 36 porsiyento ang umiinom minsan sa isang linggo at 21 porsiyento ang malakas na mga mang-iinom, nakakalima o higit pang mga pag-inom sa bawat pag-upo. Sang-ayon sa surbey, 30 porsiyento ng mga tin-edyer sa New York ang sumubok ng marijuana.
Babala sa Halang sa mga Bata
● Kamakailan, anim na mga kompanya ang huminto sa paggawa ng istilong akordiyon na mga halang para sa bata sa ilalim ng isang kasunduan na isinagawa sa Consumer Product Safety Commission, ulat ng Daily News ng New York. Ang mga halang, karaniwang ginagamit upang huwag gumala ang mga bata, ay naugnay sa mga kamatayan ng walong mga bata nitong nakalipas na mga taon. “Ang mga opisyal sa kaligtasan ay nagbabala na kasindami ng 10 milyon na mga halang ang nananatili pa sa mga tahanang Amerikano, at hinimok nila ang mga magulang na itigil ang paggamit sa mga ito,” sabi ng report.
Pagmamakinilya sa Pamamagitan ng Mata?
● Ang mga inhinyero sa Ottawa, Canada ay nakagawa ng isang pares ng salamin sa mata na gumagawang posible na magmakinilya sa pamamagitan ng ‘utos ng mata,’ report ng
The Medical Post ng Toronto. Papaano ito gumagana? Ang mga salamin sa mata ay konektado sa isang computer at sa isang printer. Sa isang salamin ay nakadispley ang 60 iba’t ibang mga karakter o tipo—ang abakada, kinakailangang mga pananda, at isang set ng mga pag-uutos—na may sensor na tumitiyak kung sa anong karakter nakapokus ang mata ng gumagamit. Pagkatapos ng ilang “dwell time,” karaniwan nang kalahating segundo, sisindi ang pulang ilaw sa napiling karakter upang tiyakin ang napili. Pagkatapos ng kalahati pang segundo, tutunog ang computer na tumitiyak sa gumagamit na ang kaniyang napili ay nailagay na sa memorya ng computer. Ang mensahe ay maaari ring ilimbag sa papel kailanma’t itutuon ng gumagamit ng salamin ang mata sa karakter na nagsasabing printer. “Ang kagamitan ay inaasahang magbubukas ng isang bagong daigdig para sa lubhang may kapansanang mga tao,” sabi ng report.Mga Panganib sa Paraiso
● Ang mga aksidente sa kotse ang pangunahing sanhi ng mga sakuna sa karamihan ng mga lunsod sa daigdig. Hindi gayon sa liblib na mga dako. Sa ilang bahagi ng Papua New Guinea, halimbawa, ang pangunahing panganib ay mga punungkahoy, report ng British Medical Journal. Nasumpungan ng mga mananaliksik na sumusuri sa mga tinatanggap na mga pasyente sa Provincial Hospital sa Lalawigan ng Milne Bay na 41 porsiyento ng mga sugat at mga pinsala ay nauugnay sa punungkahoy. Kabilang sa mga aksidente ang pagkahulog sa isang punungkahoy samantalang umaakyat at ang pagkatama ng isang nahuhulog na sanga ng punungkahoy o nahuhulog na niyog—na maaaring tumama sa isang tao na nasa lupa taglay ang puwersa na halos 2,000 libra (900 kg). Samantalang ang popular na kaso ay yaong tagaisla na nahihiga sa ilalim ng kaniyang punungkahoy, ang mga mananaliksik ay naghihinuha: “Ang karamihan ng mga taganayon ay nagtatrabahong masikap sa pagtatanim sa kanilang mga hardin at kadalasan ay isinasapanganib ang kanilang mga buhay sa pag-akyat sa matataas ng pu-nungkahoy upang anihin ang bunga ng kanilang pinakamataas na mga punungkahoy.”
Tadhanang Parusa sa Lasing na mga Tsuper
● Ang mga kamatayan na dala ng mga lasing na mga nagmamaneho ay lumikha ng matinding mga reaksiyon sa iba’t ibang mga awtoridad na nagpapatupad ng batas. Sumisipi mula sa Health News Digest, ang The Medical Post ng Canada ay nag-uulat na sa Turkey “dinadala ng mga pulis ang lasing na mga tsuper na 32 km (20 milya) mula sa bayan, na mula roon (sinasamahan) sila ay sapilitang maglalakad pabalik.” Sa Finland ang “ikalawang paglabag ng pagmamaneho na lasing ay nagbubunga ng permanenteng pagkumpiska ng lisensiya sa pagmamaneho.” Sa Kentucky, E.U.A., ang lasing na mga tsuper ay dapat na tumulong sa pulisya at sa mga tripulante ng transportasyon sa paglilinis ng mga bungguan na nauugnay sa pagmamaneho ng mga lasing. Sa El Salvador “sila ay pinapatay sa pamamagitan ng firing squad,” sabi ng artikulo.