Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapakain sa mga Nagugutom ng Daigdig—Anong mga Pag-asa?

Pagpapakain sa mga Nagugutom ng Daigdig—Anong mga Pag-asa?

Pagpapakain sa mga Nagugutom ng Daigdig​—Anong mga Pag-asa?

SA ISANG 160-acre (65-hektarya) na taguang bakal sa ilalim ng lupa sa Missouri, E.U.A., may dingding-sa-dingding at sahig-hanggang-kisame na talaksan ng 2.6 bilyong libra (1.2 bilyong kg) ng mantikilya, keso at pulbos na gatas. Bahagi ito ng isang pambansang imbakan ng labis na pagkain na binibili ng pamahalaan sa mga magsasaka sa halagang mga $3 bilyong isang taon. Nagkakahalaga ito ng karagdagang $58 milyong isang taon upang paandarin lamang ang mga pasilidad sa pag-iimbak. Karagdagan pa, ang pamahalaan ay gumugugol ng bilyun-bilyong dolyar taun-taon upang bayaran ang mga magsasaka kapalit ng kanilang hindi pagsasaka sa 20 porsiyento ng kanilang lupain upang bawasan ang ani ng sakahan.

Gayunman, ipinahihiwatig ba ng larawang ito ng kasaganaan na kung sa ibang paraan ang matuwid na pamamahagi ay masumpungan, ang gayong kasaganaan ay maaaring mangahulugan ng wakas ng gutom sa daigdig? Maaasahan kaya ng mga bansang kapos-pagkain ang tila walang takdang panustos na ito ng pagkain magpakailanman?

Ang kasagutan sa mga tanong na ito ay lubhang mahalaga sapagkat hindi lamang ang nagugutom na mga tao sa Third World ang humihingi ng tulong sa ilang mga bansa na may labis na pagkain kundi kahit na ang maraming maunlad na bansa ay lubhang dumidepende sa mga nabibili mula sa mga bansang ito para sa kanilang panustos na pagkain. Sa katunayan, ipinakikita ng mga report na ang mga maunlad na bansa na gaya ng Unyong Sobyet, Hapon, at ang iba sa pamayanan sa Europa ang bumibili ng karamihan sa mga labis na pagkain sapagkat kaya nilang bayaran ito. Habang ang mga bansa na may labis na pagkain ay makagagawa ng labis at makakakuha ng mabuting halaga mula rito, ang suplay ay magpapatuloy. Gayunman, may mga palatandaan na ang kalagayang ito ay hindi magpapatuloy magpakailanman.

Nakatatakot na Hinaharap

Tumatanaw sa hinaharap, nakikita ng karamihan sa mga tagasuri o analyst na nahihigitan ng pangangailangan ang panustos. Binabanggit ng marami sa kanila na ang panustos na pagkain ng daigdig ay bumababa sa nakalipas na sampung taon, samantalang ang pangangailangan ay patuloy na sumusulong. Nakikita nila ang agwat sa pagitan ng panustos at pangangailangan na nagsasara. Ano ang dahilan ng pagbabang ito?

Masasabing ang masamang lagay ng panahon ay isang salik. Ang mahaba, mainit na tag-init noong 1980 sa Estados Unidos at ang madalas na masamang lagay ng panahon sa Unyong Sobyet ay totoong nagdulot ng malubhang paghina ng mga ani. Gayunman, sinasabi ng mga dalubhasa sa kapaligiran (environmentalist) na ang gayong paghina ay resulta nga ng kilusán para sa mas masaganang ani at mabisang pagsasaka. Noon nang ang mga bukirin ay mas maliit at hindi gaanong mabisa, mas maraming iba’t ibang uri ng pananim ang itinatanim, at ang mga magsasaka ay hindi gaanong dumidepende sa mabuting lagay ng panahon. Sa makabagong komersiyal na pagsasaka, libu-libo o milyun-milyon pa nga na mga acre ang tinatamnan ng iisang pananim.

Ang masinsinang pagsasaka ay kumukuha ng kahuli-hulihang onsa ng saganang ani mula sa lupa, ngunit kakaunti lamang ang ibinabalik dito. Ang lupa ay sinasaka taun-taon na may iisa lamang pananim, at ang mga nutriyente at organikong mga bagay sa maitim, mayamang pang-ibabaw na lupa ay hindi nadaragdagang muli. Kasama na rito ang pagkaagnas ng lupa dahilan sa hangin at tubig ay sumisira sa sakahan sa malalaking bukirin ng daigdig sa isang nakatatakot na bilis. Halimbawa, sa Iowa, isang katamtamang acre ang nawawalan ng sampung tonelada, o isang ikasampo ng isang pulgada (0.25 cm), ng pang-ibabaw na lupa taun-taon. Ipinakikita ng pag-aaral ng Soil Conservation Service na ang pagkaagnas ng isang pulgada (2.5 cm) ng pang-ibabaw na lupa ay nakababawas sa produksiyon ng mais ng mga 6 na porsiyento. Nagbabala ito na kung ang kasalukuyang bilis ng pagkaagnas ay hindi masasawata, ang produksiyon ng mais sa Estados Unidos ay maaaring bumaba ng mga isang katlo sa susunod na ilang dekada.

Ang saganang ani ay humihina sa isa pang kadahilanan. Ang mabungang bukirin ay mabilis na naglalaho. Ang mataas na halaga ng lupa, ang mataas na halaga ng panggatung, mga kemikal, paggawa, at kagamitan, at ang mababang halaga ng mga inani dahilan sa saganang ani ay pawang nagsasama-sama upang gipitin ang maliliit na mga magsasaka na ibenta ang kanilang lupain. Bunga nito, kasindami ng isang milyong acre (0.4 milyong hektarya) ng sakahan ay ginagawang mga pabahay, mga shopping center, imbakan ng tubig, at mga haywey taun-taon sa Estados Unidos.

“Sa dami ng labis na pagkain, pandaigdig na gutom at walang pakinabang sa pagsasaka, maliwanag na ang kasalukuyang sistema ay hindi gumagana,” sabi ng isang dalubhasa sa kabuhayan sa Kagawaran ng Pagsasaka sa E.U.

Ano ang mga Pag-asa?

Yamang nasuri na natin ang magkabilang panig ng larawan​—ang kalagayan kapuwa sa kapos-pagkain na mga bansa sa Third World at ang labis sa pagkain na maunlad na mga bansa​—ano ang maaari nating mahinuha tungkol sa pag-asa na mapakain ang mga nagugutom ng daigdig? “Sa lahat ng problema na nagpapahirap sa lahi ng tao, wala na yatang higit pang madaling lutasin​—at kasabay nito’y mas mailap​—kaysa gutom. Iyan ang konklusyon na ginawa ng The New York Times sa isang ipinagpatuloy pang serye ng mga artikulo sa paksa hinggil sa gutom. Itinuturo ang “di-pantay na kita at karalitaan” bilang tunay na sanhi ng pandaigdig na gutom, ang artikulo ay nagpapatuloy: “Hanggang hindi nalulutas ang mahigpit na sosyal at ekonomikong mga suliranin, gaano man karaming pagkukutiltil sa mga programa ng kawanggawa o pagkontrol sa populasyon ay hindi makapapawi sa pandaigdig na gutom.”

Ang maliwanag na tanong ay: Sino ang makalulutas sa “mahigpit na sosyal at ekonomikong mga problema” na ito at magdala ng tunay na pag-unlad? Mayroon bang sinumang siyentipiko, dalubhasa sa kabuhayan, magsasaka, o pulitikal na lider na napakatalino at makapangyarihan anupa’t malulunasan niya ang lahat ng sosyal, ekonomiko, at pulitikal na mga sagwil at alisin ang kaimbutan, kasakiman, at hangarin upang tulungan ang mga nagugutom ng daigdig? “Ang pamamaraan upang magkaroon ng higit na ani ay malapit na,” sabi ng nabanggit na artikulo sa Times. “Ngunit walang sinuman ang nakatitiyak kung papaano ito makukuha para roon sa mga nangangailangan nito.”

Ang nakalilitong kalagayang ito ay inihula ni Jesu-Kristo sa mga pananalitang ito: “Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain . . . sa iba’t ibang dako,” at “sa lupa’y manggigipuspos ang mga bansa na hindi alam kung paano lulusutan iyon.” (Mateo 24:7; Lucas 21:25) Bagaman hindi detalyadong inilalarawan kung papaano at bakit nangyayari ang gayong kakapusan ng pagkain, wastong inilalarawan ng mga salita ni Jesus ang katotohanan gaya ng nakikita natin sa ngayon.

Mangyari pa, isang bagay na ihula ang mga kahirapang ito, ngunit kakaibang bagay naman ang pagkakaroon ng isang maisasagawang lunas. Gaya ng nakita natin, ang lunas sa problema ng gutom ay hindi lamang basta magkaroon ng higit na pagkain. Ang kinakailangan ay isang makatarungan at matuwid na pamamahala ng isang matuwid na pamahalaan. Itinuro ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang gayong pamahalaan: “Dumating nawa ang kaharian mo.”​—Mateo 6:10.

Sa ilalim ng matuwid na Kaharian na iyon, ang mga kapangyarihan ng lupa na magluwal nang saganang ani ay maibabalik: “Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa malawak na disyerto. At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal na tubig.” (Isaias 35:6, 7) Ang resulta ay “isisibol nga ng lupa ang kaniyang bunga,” at “magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay magkakaroon ng labis-labis.”​—Awit 67:6; 72:16.

At wala nang magugutom dahilan sa kakulangan ng kapangyarihan na bumili. Ang lahat, mayaman o mahirap, ay magsasalo sa saganang ani ng lupa. Ang paanyaya ay para sa lahat ng sangkatauhan, sa diwa ng Isaias 55:1, na kababasahan: “Oh kayo, lahat kayong nauuhaw! Magsiparito kayo sa tubig. At siyang walang salapi! Magsiparito kayo, kayo’y magsibili at magsikain. Oo, kayo’y magsiparito, kayo’y magsibili ng alak at gatas nang walang salapi at walang bayad.”

Anong laking pagpapala na mamuhay sa Bagong Kaayusan ng mga bagay ng Diyos na doo’y “tatahan ang katuwiran”!​—2 Pedro 3:13.

[Mga larawan sa pahina 10]

“Isisibol nga ng lupa ang kaniyang bunga”