Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangglobong Gutom—Higit Pa Kaysa Pagkain ang Nasasangkot

Pangglobong Gutom—Higit Pa Kaysa Pagkain ang Nasasangkot

Pangglobong Gutom​—Higit Pa Kaysa Pagkain ang Nasasangkot

“35 milyon ang namamatay sa gutom sa tuyót na Aprika”

“Pinapatay sa gutom ng taggutom at kuskos-balungos ang isang kontinente”

“Tagtuyót, kamatayan at kawalan ng pag-asa”

MARAHIL ay nakita mo na ang maraming paulong-balita na gaya nito kamakailan lamang. Kasama nito, karaniwan nang may mga larawan ng nagugutom na mga bata na may tulirong mga mata at magang mga tiyan, maruming mga kampo ng mga takas o refugee na punúng-punô ng mga tao na pawang buto’t-balat, nagkalat na mga patay na hayop sa tigang na mga lupain​—pawang namamalaging tanawin na hindi makatkat sa isipan.

Ang mga ulat ay nakatatakot din. Nakatatakot na binanggit ng isang pantanging labas ng magasing Courier, isang opisyal na publikasyon ng United Nations, na maraming tao ang optimistiko noong nakalipas na sampung taon at sabi pa: “Gayunman, sa ngayon dapat aminin na ang kalagayan ng mga mahihirap sa daigdig ay patuloy na lumulubha. Halos 500 milyong mga tao, nananatili sa karalitaan, ay nasa ilalim ng banta ng gutom.” Tinataya ng UN World Food Council na “taun-taon sa nagpapaunlad na mga bansa, 15 milyong mga bata ang namamatay dahil sa malnutrisyon,” na nangangahulugan ng 30 ulit na mas mataas na dami ng mga batang namamatay kaysa sa maunlad na mga bansa. At, sang-ayon sa The World Bank, 200 milyong mga Aprikano​—mahigit sa 60 porsiyento ng populasyon ng kontinenteng iyon​—ang kumakain nang kaunti pa kaysa pagkain upang mabuhay.

Sa kabilang dako, marahil ay nabasa mo rin ang tungkol sa mga ulat na pinupuri ang mga pagsulong sa genetikong inhinyerya, na nangangako ng bagong mga uri ng masaganang ani at mga ani na hindi tinatablan ng sakit o tagtuyót. Bago at ganap na modernong mga pamamaraan sa pagsasaka ay ginagawa upang pasulungin ang ani. Ang mga gobyerno at mga ahensiya sa buong daigdig ay naglulunsad ng mga programa na pantulong sa isang uri o iba pa. Tinataya ng Food and Agriculture Organization ng UN na kung ang lahat ng pagkain na nagagawa ng daigdig ay pantay na maipamamahagi, ang bawat tao sa lupa ay tatanggap ng katumbas na 3,000 calories bawat araw, mahigit pa kaysa kung ano ang talagang kinakailangan ng karamihang tao. Sa katunayan, sa ilang bansa, binabayaran pa nga ng mga gobyerno ang mga magsasaka upang bawasan ang kanilang ani para mapanatiling mababa ang talaksan ng sobrang pagkain at mapanatili ang mga presyo. Ang lahat ng ito ay nagpapangyari na para bang ang gutom ay maaalis na.

Habang isinasaalang-alang natin ang mga katotohanan, isang bagay ang nagiging malinaw. Ang problema ng pagpapakain sa mga nagugutom ng daigdig ay waring hindi siyang problema. Ang mga siyentipiko at mga magsasaka ay maaaring may teknolohikal na kaalaman upang gumawa ng higit na pagkain. Ang mga gobyerno at mga ahensiya ng daigdig ay maaaring may mga mungkahi at mga programa na tila tama upang pakitunguhan ang isang problema o ang iba pa. Gayunman, waring may ilang natatagong salik na humahadlang sa anumang tunay na tagumpay, at ang pakikipagbaka laban sa gutom ay nadadaig. Bakit gayon? Ano ang ilan sa natatagong salik na ito? At, tunay nga kayang mapakakain ang mga nagugutom ng daigdig?

[Kahon sa pahina 3]

Kamatayan Dahil sa Gutom

“ISANG malusog na adulto, binibigyan ng tubig ngunit walang pagkain, ay mamamatay sa loob ng 50 hanggang 70 mga araw. Gayunman, pinanghihina ng malnutrisyon, ang biktima ay kadalasang nagkakaroon ng mga komplikasyon. Ang kamatayan ay dumarating pagkatapos na halos maubos ng nagugutom na katawan ng tao ang kaniyang sarili. Ang katawan ay nag-iimbak sa pinakamarami ng halos isang araw na suplay ng pangunahing pinagmumulan ng enerhiya nito, ang glucose, at minsang maubos ang suplay na ito sinisimulan nitong gamitin ang enerhiya sa pamamagitan ng oksidasyon ng taba, bilang fatty acid o proteina. Minsang mawala ang taba ng katawan, kukunin ng katawan ang proteina sa mga kalamnan at iba pang mahalagang mga himaymay, unti-unting sinisira ang puso, mga atay, lapay at iba pang mga sangkap ng katawan. Ang tiyan ay kadalasang nagiging pintog o magâ at banát, dahilan sa di-normal na pagtitipon ng mga likido. Habang ang laman ay natutuyót, ang balat ay natutuyo, ang mga buto ay lumulutong at ang buhok ay nalalagas. Ang presyon ng dugo ay bumababa. Sa mga bata, ang utak ay humihinto ng paglaki. Ang sistema ng imyunidad ay nagsisimulang humina, kadalasang humahantong sa nakamamatay na impeksiyon. Ang mga bituka ay natutuyót. Ang paningin, pandinig at pagsasalita ay nanghihina. Habang sinisikap ng katawan na bawasan ang mga pangangailangan nito ng enerhiya, ang temperatura ng katawan ay bumababa at madalas ang hypothermia. Sa wakas, ang sistema ng katawan ay nagapi at ang kamatayan ay dumarating dahilan sa labis na panghihina ng mga sangkap ng katawan.”​—Science Section, The New York Times, Enero 1, 1985.