Ang Nazismo ay Tinanggihan—Nino?
Ang Nazismo ay Tinanggihan—Nino?
“HEIL Hitler!” ang kahilingang anyo ng pagbati noong panahon ng Third Reich ni Hitler. Subalit, sang-ayon sa Frankfurter Allgemeine Zeitung, ang maraming tao “ay isinama ang makaalamat, pati na ang relihiyoso, na mga ideya sa katauhan ng Führer.” Sa gayon ang pagbati ay nagkaroon ng higit na kahulugan kaysa sa paggalang na nararapat ipakita sa isang pinuno.—Tingnan ang Roma 13:7.
Gayundin, ipinagmalaki ni Hitler na “ang Pambansang Sosyalistang Reich ay mananatili sa loob ng sanlibong taon.” Kinukompitensiya niya ang Mesiyas na binabanggit ng Bibliya, sapagkat si Jesu-Kristo ay nangako ng isang pamahalaan na magpupuno sa lupa sa loob ng sanlibong taon.—Tingnan ang Apocalipsis 20:4, 6.
Sa makadiktador na pamamahala ni Hitler mapanganib ang hindi sumang-ayon sa mga tunguhin ng Nazi nang hayagan. Tanging kapag ang mga patakaran at mga kalabisan ng pamumuno ay naging malinaw, at lalo na kung malinaw na natalo sa digmaan, saka lamang ang hindi pagsang-ayon ay nauuwi sa pagtutol o paglaban.
Ang pagtutol na iyon ay umabot sa sukdulan noong Hulyo 20, 1944, sa isang pagtatangkâ sa buhay ni Hitler. Ang ilan doon sa mga nasangkot ay dating may simpatiya sa Nazismo o aktibong itinaguyod ito. Pagkaraan ng eksaktong 40 mga taon, noong Hulyo 20, 1984, si Hitler ay minsan pang napalagay sa mga ulong-balita nang banggitin ng kansilyer ng Federal Republic of Germany sa isang seremonyang nagpaparangal ang tungkol sa mga pinatay o di kaya’y naging biktima pagkatapos ng hindi matagumpay na tangkang pagpatay.
Kumusta Naman ang Pagtutol ng mga Klero?
Kumusta naman ang relihiyosong mga lider sa Alemanya nang panahong iyon? Tinutulan ba nila si Hitler at ang Nazismo? Ano ang saloobin ng mga klerong Katoliko? Tungkol sa obispong Katoliko na si Konrad Graf Preysing ng Berlin, ganito ang paliwanag ng peryudistang si Klaus Scholder: “Si Graf Preysing, na nang panahong iyo’y obispo pa sa Eichstätt, ay isa sa iilan na, mula sa simula nito, ay nakaunawa na ang Third Reich ay isang mapaminsala at napakasamang pamumuno.” (Aming ang italiko.) Ang kaniyang pagtutol ay hayagan. Subalit ang iba sa Komperensiya ng mga Obispong Katolikong Aleman, pati na ang presidente nito, si kardinal Bertram, ay ayaw magsalita laban sa Nazismo. Sa halip, kanilang itinaguyod ito. Sa gayon, si Scholder ay nagpapatuloy: “Sa paggunita, maaaring masumpungan ng isang tao ang katapatang ito [kay Hitler at sa Nazismo] na hindi maipaliwanag, oo, hindi matiis.”
Sa gitna ng mga Protestante, si pastor Martin Niemöller ay kadalasang tinutukoy bilang isang mahigpit na kalaban ng pamunuang Nazi. Subalit ang awtor na si H. S. Brebeck ay nagsasabi na “ang tanging katanungan na naghihiwalay sa kaniya mula sa pulitikal na mga tunguhin ni Hitler ay: ‘Sino ang mamamahala sa Iglesya? Ang Iglesya mismo o ang Partido?’ Gayunman, sa pulitikal na paraan, ang kaniyang pagtangkilik ay walang pasubali.” Nang okasyon ng kamatayan ni Niemöller noong 1984, ang Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nagkomento: “Gaya ng lahat ng mga pinunong Protestante sa Alemanya, tinanggap niya ang muling pagsilang ng Alemanya na inasam-asam sa ilalim ng liderato ni Hitler.”
Nagbibigay-liwanag din ang isang ulat ng Deutsches Allgemeines Sonntagsblatt (muling inilimbag sa Ingles sa The German Tribune) tungkol sa komperensiya ng European Baptists Federation na ginanap sa Hamburg, Alemanya, noong 1984. Sabi nito: “Sa kauna-unahang pagkakataon nagkaroon ng mga pagpapaliwanag tungkol sa paggawi ng Baptist Church noong Third Reich. Hanggang sa ngayon, ayaw harapin ng mga parokya ang sensitibong problemang ito. Gayunman, sa kongreso ang pinuno ng pambansang bahagi ay gumawa ng isang ‘pagtatapat’ . . . : ‘Hindi kami hayagang nakisama sa pakikipagbaka [laban sa Nazismo] . . . at sa gayo’y maliwanag na hindi namin natanggihan ang mga paglabag sa mga kautusan ng Diyos. Nahihiya kami na ang ating pangkat na Aleman ay sumuko sa ideolohikal na tukso ng panahon at hindi nagpakita ng higit na tibay-loob upang makipagbaka alang-alang sa katotohanan at katarungan.’” Pinatutunayan ng mga katotohanan na isang maliit na minoridad lamang ng mga klerigo ang tumutol sa pamamahala ni Hitler. At kahit na yaong mga tumutol ay karaniwan nang naudyukan ng kawalang pag-asa o ng eklesiastikal na pulitika sa halip ng maka-Kasulatang mga dahilan. Ang katotohanan ay na hindi nakita ng karamihan sa kanila ang pagkakasalungatan sa pagitan ng pagtataguyod sa pagka-Mesiyas ni Jesu-Kristo at ng pagsigaw ng “Heil” sa huwad na pulitikal na mesiyas at sa kaniyang “sanlibong-taóng paghahari.” Ang kanilang miserable, hindi maka-Diyos, at hindi maka-Kasulatang halimbawa ay sinunod ng kanilang mga kawan—sa kalungkutan nila kapuwa.—Ihambing ang
Yaong mga Hindi Nagkompromiso
Gayunman, may isang grupo sa Alemanya na buong-tapang na itinaguyod ang mga simulaing Kristiyano. Ang grupong iyon ay ang mga Saksi ni Jehova. Di-gaya ng mga klero at ng kanilang mga tagasunod, ang mga Saksi ay tumangging makipagkompromiso kay Hitler at sa mga Nazi. Tumanggi silang labagin ang mga utos ng Diyos. Ayaw nilang sirain ang kanilang Kristiyanong neutralidad kung tungkol sa pulitikal na mga bagay. (Tingnan ang Isaias 2:2-4; Juan 17:16; Santiago 4:4.) Hindi sila nagsasabi ng Heil, o ipinalalagay man ang kanilang kaligtasan, kay Hitler, gaya ng ginawa ng karamihan ng mga klero at ng kanilang mga kawan.
Sa halip, ang mga Saksi ni Jehova ay nakikiisa kay apostol Pedro sa pagsasabi tungkol kay Jesu-Kristo: “Sa kanino mang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12; tingnan din ang Awit 118:8, 9; 146:3.) Walang sinuman sa kanila ang nagbubo ng dugo sa militar na pagkilos para kay Hitler, yamang tumanggi silang maglingkod sa kaniyang sandatahang hukbo.—Juan 13:35; 1 Juan 3:10-12.
Dahilan sa kanilang di-pagkukompromisong paninindigan laban kay Hitler at sa Nazismo, ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-usig at ipinadala ang libu-libo sa kanila sa mga kampong piitan. Ang kanilang matibay na pananampalataya at integridad sa harap ng di-makataong kalupitan ay kinomentuhan ni Anna Pawelczynska, isang Polakong sosyologo at nakaligtas sa ubod ng samáng kampo ng kamatayan sa Auschwitz. Sumusulat sa kaniyang aklat na Values and Violence in Auschwitz, sinabi niya na ang mga Saksi ni Jehova ay “isang matibay na ideolohikal na puwersa at napagtagumpayan nila ang kanilang pakikipagbaka laban sa Nazismo.” Tinawag niya sila na isang “isla ng walang tigil na lakas na umiiral sa gitna ng nasindak na bansa.” Sabi pa niya: “Taglay ang tibay ng loob sila ay aktibo sa kampo sa Auschwitz. Natamo nila ang paggalang ng kanilang kapuwa mga bilanggo . . . , ng mga may katungkulan sa bilangguan, at pati ng mga opisyal ng SS. Lahat ay nakakaalam na walang Saksi ni Jehova ang gagawa ng isang utos na labag sa kaniyang relihiyosong paniniwala at mga kombiksiyon.” Siya ay naghinuha: “Walang imik na ipinaglaban ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang paniniwala, na tutol sa lahat ng digmaan at karahasan.”
Hindi, hindi nagkompromiso ang mga Saksi ni Jehova kay Hitler at sa kaniyang Third Reich. Hindi sila naglagak ng kanilang tiwala at pag-asa sa Nazismo o sa anumang ibang pulitikal na sistema ng daigdig na ito. Tinanggihan nila ang pamamahala ng tao para sa isang bagay na mas mabuti. Kaya, di-gaya ng
mga klero at ng kanilang mga tagasunod, hindi sila naging espirituwal na mga biktima ng Nazismo.Isang Mas Mabuting Bagay
Gayundin sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naglalagak ng kanilang tiwala at pag-asa sa pulitikal na mga ideolohiya ng anumang uri. Tinatanggihan nila ang mga ideolohiyang ito para sa isang mas mabuting bagay na ipinangako ng Diyos: isang pamahalaan na gawa ng Diyos na magdadala ng isang matuwid na bagong sistema, isa na lulutas sa lahat ng mga suliranin ng sangkatauhan. Ang pamahalaang iyon para sa buong lupa ay ang Kaharian ng Diyos, na naitatag na sa mga langit sa ilalim ng kaniyang Mesiyas, si Kristo Jesus.—Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13.
Noong Pebrero 1, 1933, binigkas ni Hitler ang kaniyang unang pahayag sa radyo. Ipinagmamalaki kung paanong babaguhin niya ang Alemanya, siya’y nagtapos sa pamamagitan ng pagsamo sa kaniyang mga tagapakinig na bigyan siya at ang kaniyang partido ng panahon at saka sila hatulan sa pamamagitan ng mga resulta. Pagkalipas ng labindalawang taon, ang kaniyang “sanlibong-taóng paghahari” ay kahiya-hiyang nagwakas. Ang hatol ay naigawad laban sa kaniyang pamamahala: Ito’y isang malaking kabiguan, sapagkat sa pagtatapos ng digmaan iniwan nito ang kaniyang bayan, ang kaniyang bansa, at ang daigdig na lubhang napinsala, na halos hindi makilala.
Anong laking kaibhan mula sa Sanlibong Taóng Paghahari ng Mesiyas ng Bibliya, si Kristo Jesus! Sa pagtatapos nito, ang mga tao at ang lupa—kung ihahambing sa kanilang abang kalagayan ngayon—ay mahirap makilala. Basahin para sa iyong sarili ang paglalarawan nito sa Bibliya sa Apocalipsis 21:4, 5. Saka ilarawan sa iyong isipan ang sakdal na mga tao na nagtatamasa ng buhay sa kaganapan sa isang paraisong lupa, lubusang malaya mula sa anumang teroristang pagsalakay, digmaan, nakasasakit na ideolohiya, o anumang bagay na maaaring sumira sa kanilang kaligayahan! Saka wariin na ikaw man, ay maaaring maging isa sa kanila sa kahanga-hangang tanawing iyon!—Isaias 35:1-7; 65:17-25; 1 Juan 2:17.
[Blurb sa pahina 9]
Karamihan ng mga klerigong Katoliko at Protestante ay ayaw magsalita laban sa Nazismo
[Blurb sa pahina 12]
Ang tunay na Sanlibong Taóng Paghahari ay sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang mga klero ay nagbubo ng dugo sa pagtataguyod kay Hitler
[Mga larawan sa pahina 11]
Libu-libong mga Saksi ni Jehova (kasama na si Johannes Harms, na ang larawan ay nasa itaas) ay ipinadala sa mga kampong piitan dahilan sa hindi pagkompromiso sa Nazismo, at marami ang namatay, gaya ng pinatutunayan ng kaniyang sertipiko ng kamatayan
Chief Attorney ng Hukumang Militar ng Reich
Si Johannes Harms . . . ay nilitis noong 11/7/1940 ng Hukumang Militar ng Reich dahilan sa demoralisasyon ng Hukbong Sandatahan at nahatulan ng kamatayan . . . Ang hatol ay iginawad noong 1/1/1941.
Tatak ng Hukumang Militar ng Reich