Hitler—Patay Na Subalit Hindi Nalilimutan
Hitler—Patay Na Subalit Hindi Nalilimutan
MAINIT at maaraw sa dakong timog ng Alemanya noong Biyernes, Setyembre 26, 1980. Gayunman, nang mga bandang alas-10:15 n.g., malamig ang simoy ng hangin. Napakaraming tao ang naglalabasan sa pagkalalaking mga tolda ng beer sa bantog na Oktoberfest ng Munich at patungo sa mga labasan. Walang anu-ano nagkaroon ng pagkalaki-laking kislap ng liwanag malapit sa isa sa mga pasukán, at isang napakalakas na pagsabog ang umalingawngaw sa himpapawid, nag-iiwan ng mahigit 200 mga tao na nasaktan at 13 ang namatay.
Ipinahihiwatig ng imbestigasyon nang dakong huli na ang taong may pananagutan sa teroristang pagsalakay na ito ay may neo-Nazi na mga kaugnayan. Mga walong linggo lamang ang nakakaraan, isang kahawig na pagsalakay ng konserbatibong pangkat ang kumitil ng mahigit 80 mga buhay sa Bologna, Italya, nang bombahin ang isang istasyon ng tren. At nang panahon ding iyon, ang Pransiya ay dumaranas ng pinakamalaláng daluyong ng anti-Semitikong karahasan mula nang Digmaang Pandaigdig II.
Sa karamihan ng mga tao, ang Nazismo (o neo-Nazismo) at si Hitler ay halos magkasingkahulugan. Kaya ang mga pangyayaring gaya nito ay nagpanatiling buháy kay Hitler sa nilakad-lakad ng mga panahon, sa paanuman sa mga balita. At ang bagong mga kalupitang ito ng Nazi ay nagaganap bago pa man makalimutan ang mga dating kalupitan. Sa katunayan, binabanggit ng pahayagang Aleman na Nürnberger Nachrichten na noong Disyembre 1983, isang pangkat ng 35, kabilang ang 10 mga hukom at mga piskal, ay “abala pa rin sa pagtitipon, paghahambing, pagsusuri at pagsasangguni sa mga hukuman ng lahat ng makukuhang materyal tungkol sa mga kasamaan ng Nazi [na nagawa noong panahon ni Hitler].” Sabi pa nito na “129 na mga kaso ang nakabitin pa ang pasiya, samantalang mahigit 1,700 mga paglilitis ang isinasagawa pa.”
Lahat ng iyan ay maaaring nagaganap na hindi pansin ng publiko. Subalit ang ibang mga pangyayari ay naging lubhang epektibo sa pagbuhay na muli sa mga alaala ng Nazismo na sinikap kalimutan ng angaw-angaw na mga tao. Isaalang-alang, halimbawa, ang Holocaust—isang programa sa telebisyon mga ilang taon na ang nakalipas—o ang kahindik-hindik na report noong 1983 na diumano’y isang popular na magasing Aleman ang mayroon ng mga kopya ng personal na talaarawan ni Hitler. Ang balitang iyon, tinugon ng ilan nang may pagdududa, ay napabantog nang ang mga talaarawan ay nasumpungang mga huwad. Isang Aleman, na totoong suyà at bigô, ay nagtanong: “Hindi ba tayo titigilan ng panloloko ng Hitler na iyan?”
Hindi kataka-taka na banggitin ng Toronto
Star ng Canada: “Tayo ay patuloy na natatakot subalit kasabay nito ay nahahalina at nabibighani pa nga kapuwa ng Fuhrer at ng estado na inakay niya.” Waring ganito nga ang kalagayan sapagkat, sang-ayon sa isang babasahing Aleman, “ang pagdagsa ng inilathalang mga babasahin tungkol sa Third Reich ay waring dumarami habang ang panahon ay bumabalik sa nakalipas. Mahigit 20,000 mga publikasyon ang lumitaw, at kahit na ang mga dalubhasa ay hindi umaasang malalaman ang lahat ng ito.”Bakit ang pangglobong pagkabighaning ito kay Hitler at sa kaniyang Third Reich? Maaari kayang ito, pati na ang mga pangkat ng neo-Nazi na sinasabi ng magasing Der Spiegel na nagiging “lubhang mapanlaban,” ay maging tagapagbalita na ang kasaysayan ay nauulit? Ang ilang mga publikasyon na neo-Nazi ay nagmamalaki: “Kami ay hindi mga tirá-tirahan ng kahapon kundi ang pamunuan ng kinabukasan.” Kaya, makatuwiran at may dahilan na ang ilang tao ay nagtatanong: ‘Nazismo—mangyari kaya itong muli?’